Chapter 7

1498 Words
PRINSESA PRIYA Tinulungan nila akong maka-akyat sa mababaw na bangin. At galit na mukha ni ama ang bumungad sa akin. “Ama…” Akmang lalapit ako sa kanya pero humakbang siya pa-atras mula sa akin. “Palagi mo na lamang akong binibigo Priya, hindi ko na alam ang gagawin ko sa’yo. Kailangan mo na sigurong matutunan kung paano dapat matakot sa akin. Nang dahil sa ginawa mo hindi lang ang mahalarlikang angkan natin ang inilagay mo sa kahihiyan. Pati ang kultura na ating iniingatan kaya nanatiling isang tribo ang Mandan. Nagawa mo pang saktan ang mga bantay ng bihag. Ngunit dahil anak kita at ikaw ang magiging ina ng tribo sa hinaharap ay ako na mismo ang gagawa ng paraan para sa kalokohang ito.” Seryosong wika ni Ama. Napahiya na ako sa kanya dahil alam kong binigyan ko siya ng labis na kahihiyan. At matatangap ko kung ano man ang parusa na ibibigay niya para sa akin. “Ama, patawad…ang gusto ko lang naman bigyan niyo ko ng kalayaan na makapamili ng magiging aking asawa.” Katwiran ko sa kanya. “Sana naisip mo yan bago mo iniligtas ang lalaking yan!” Galit na sigaw ni ama habang dinuduro ang estranghero na ngayon ay nasa tabi ko na. “Alam mo naman kung gaano kahigpit ang ating batas sa tribo at ilang libong taon na natin itong sinusunod ngayon pa lang may nagtangkang sumuway noon Priya! At ikaw pa mismo ang gagawa nito! Ikaw na kaisa-isa kong anak at isang prinsesa!” Napayuko ako sa kanya. Kahit ano pa ang sabihin ko at kahit mangatwiran pa ako hindi niya rin naman ako pakikingan. Dahil siya ang datu ng buong tribo at siya ang masusunod. “Mamili ka Priya, kapag pinili mo si Amir na maging iyong asawa. Bukas na bukas din ay ihahanda na ang magaganap na seremonya sa inyong kasal. At kapag ang pinili mo ay ang strangherong yan. Ibabalik natin siya ng tribo ng buhay at susubukin upang maging iyong kabiyak. Ngunit kapag si Amir ang pinili mo. Dito pa lang ay tatapusin na namin ang buhay ng lalaking yan.” “Ama!” Hindi ko akalain na magiging baluktot na siya sa kanyang mga desisyon. At mas lalong ikinasasama ng loob ko dahil kahit sino pa ang piliin ko sa kanilang dalawa ay hindi ako magiging masaya. Oo magkababata kami ni Amir at mahalaga siya sa akin. Pero hindi ko nakikita ang sarili kong humaharap sa altar na siya ang kasama. Mas nanaisin ko pang maging magkaibigan kaming dalawa habang buhay dahil alam ko doon kami tatagal. At ang estranghero naman sa tabi ko ay tahasang sinabi niyang hindi niya ako gusto. Sa tingin ko ay mahina din siyang nilalang at ayoko ng asawang lampa. At alam kong ayaw din niyang makasal sa akin. “You mean nakasalalay sa Prinsesa ang buhay ko ngayon?” Sabat naman ng estranghero kay Ama. Matalim ang tingin na ipinukol ko sa kanya. Alam ko kasing hindi nagbibiro si Ama at seryoso siyang gagawin talaga niya yun sa kanya kapag hindi siya ang pinili ko pero ayoko din naman na may mamatay ng dahil sa akin at ayoko din namang piliin si Amir. Ano na lamang ang gagawin ko?! “Oo tao! At dahil pumayag kang itakas ng anak ko ay mas binigatan ko pa ang hatol mo. Kaya mag-isip isip ka na rin at wag mo ng subukang lumaban pa. Dahil hindi mo alam ang kakayahan ng mandirigmang Mandan.” Napakamot siya sa kanyang ulo. Dahil sa sinabi ni Ama. Imbis na matakot siya dahil sa banta ng kanyang buhay ay nagawa pa niyang ngumiti at hindi alintana ang mga nangyayari sa amin. “Fine! I’ll marry the princess.” Ang inis na tingin ko ay napalitan ng pagkabigla. “Ano? Anong sinasabi mo diyan?!” Kanina lang ay harap-harapan niya akong nilalapastangan ngayon ay nagbago na ang isip niya? At papayag na siyang pakasalan ako ng ganun kadali? Nasisiraan na ba siyan?! “Hindi pa rin ikaw ang magdedesisyon niyan Tao.” “Fernan, Datu Kiram.” Pagtatama niya kay Ama. Hindi lang siya masakit magsalita kundi napakataas pa ng kumpyansa niya sa sarili. Kung alam ko lamang na masama ang ugali ng lalaking ito ay hindi ko na sana siya niligtas sa ilog at hindi na sana ako nalagay sa ganitong sitwasyon. “Hindi ikaw ang magdedesisyon niyan kundi ang anak ko.” Wika ni Ama na ngayon ay nakatingin na sa akin. Kung pipiliin ko si Amir. Wala na akong magagawa kundi ang maikasal sa kanya bukas. Kung pipiliin ko naman ang arroganteng ito ay may pagkakataon pa para hindi matuloy ang kasal dahil sa sinabi ni Ama na kaylangan niyang dumaan sa isang pagsubok. Kung ang pagtakas nga lang namin ay hindi niya magawa ang mahirap na pagsubok pa kaya ni Ama? “Ama, paano po kung hindi siya makapasa sa pagsubok mo sa kanya? Palalayain mo na ba siya?” Naninigurado kong tanong sa kanya. Kilala ko si Ama mahirap ang pinagdaanan ng mandirigma ng Mandan Tribe bago sila gumaling sa pakikipaglaban kaya lahat sila ay matitikas at batak ang mga katawan. Pero itong isang ito wala naman alam sa pakikipaglaban kaya malabo siyang manalo sa pagsubok at maikasal sa akin. “Oo, kapag hindi siya pumasa sa pagsubok ay palalayain ko na siya. Kaya mamili ka na Priya. Malalim na ang gabi at kailangan ko na rin ang mamahinga.” Mahinahon na wika ni Ama. “Say yes to me.” Sambit ng lalaking kanina ko pa gustong bigwasan. Kahit si Bakru ay nangigil na din habang nakatingin sa lalaking katabi ko dahil sa hindi niya maayos na pagsagot sa aking ama. Humugot ako ng malalim na buntong hininga. Bago ako tumingin kay ama na naghihintay na sa magiging sagot ko. “S-si Fernan ang pinipili ko upang maging aking kabiyak.” Sumusukong sambit ko sa kanya. Nahihiya ako para sa aking sarili. Naturingan prinsesa ng isang tribo pero walang kakayahan na mamili ng kanyang magiging asawa. Ayoko naman talagang mag-asawa dahil gusto kong humalili kay Ama. Gusto kong pamunuan ang aming tribo. Pero dahil wala siyang anak na lalaki ay mas gusgustuhin niyang makapangasawa ako ng lalaking magiging haligi ng tribo sa hinaharap. Ang isa sa ikinapagtataka ko ay bakit niya agad ako ipinagkatiwala sa lalaking ngayon pa lamang namin nakilala. Paano kung masamang tao pala ito? Paano kung nakawin niya lang ang mga nakatagong ginto namin? Paano kung nakatakas pala ito sa bilanguan o nakatakas sa mental? Paano naman ako? Wala pa naman sa mukha niya na mabuti siyang tao dahil bukod sa taglay niyang kabastusan ay hindi pa siya marunong tumanaw ng utang na loob sa akin. “Thank you…” Wika niya sa akin pero inirapan ko lang siya. Akala siguro niya ay gusto ko siya kaya ako pumayag. Ang gusto ko matalo siya sa pagsubok at kusa ko siyang sisipain palabas ng banwa namin nang hindi na mag-krus pa ang landas naming dalawa. “Kung ganun, sumakay ka na sa kabayo para bumalik na tayo sa banwa. At ikaw tao! Ikaw ang pinili ng anak ko at dahil pumayag na kayong dalawa ay mananatili ka sa banwa. Hangang matapos mo ang pagsubok.” Utos sa kanya ni Ama. Tanging tango lang ang sagot niya dito. Bumaling ang tingin niya kay Bakru. “Bigyan niyo ng maayos na matutuluyan ang ating bisita.” Wika ni Ama bago niya kami tinalikuran at sumakay sa kabayo. At agad na hinampas ito para tumakbo paalis. Inilapit ni Bakru ang kulay puting kabayo at iniluhod ang isang tuhod sa lupa upang alalayan akong makasakay. “Salamat Bakru, kaya ko namang sumakay mag-isa.” “Patawad Prinsesa…gustuhin man kitang tulungan nasa Datu ang aking katapatan.” Nakayukong sabi niya sa akin. Ipinatong ko ang aking kamay sa kanan niyang balikat. “Alam ko, kaya salamat kasi tapat ka sa Ama ko.” Nakangiting saad ko sa kanya. “Sabay na ako sa’yo!” Habol sa akin ni Fernan. Marahas ko siyang tinignan. At hinarangan naman siya ng mga ka-tribong mandirigma gamit ang mahabang sibat. “Hindi ka pwedeng dumikit sa Prinsesa.” Wika ni Bakru sa kanya. “Eh paano tayong lahat babalik sa kampo niyo? Dalawa nalang kabayo ang natira?” Tanong niya sa amin. Akong mag-isa ang sakay ng isang kabayo at si Bakru naman sa isa bilang namumuno sa mga mandirigma. “Kung paano ka nakarating dito ay ganun ka din babalik.” Sagot ko sa kanya at sumampa na akong ng walang kahirap-hirap sa kabayo. “Pero malayo na ang tinakbo na—” “Hiyahhh!” Hindi ko na siya pinatapos magsalita at kaagad ko ng pinatakbo ang kabayo pabalik sa banwa. Narinig ko pa ang pagtawag niya sa akin pero hindi na ako nag-abala na lingunin pa siya. Ang kailangan ko na lamang gawin ngayon ay siguraduhin na hindi siya makakapasa sa ihahaing pagsubok ni Ama. Nang sa ganun ay makuha ko na ang kalayaan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD