CHAPTER 8
BREANA’S POINT OF VIEW
Paglabas ko ay naroon na ang Governor/ Team Manager, Asst. Governor at ang Head Coach na pipili sa amin ni Benji sa tatlong laro namin. Ngayon, ang schedule ng unang laro at kailangan kong magpakitang gilas sa tatlong noon ay nag-uusap at nakadikit sa akin ang kanilang mga paningin.
Nakita ko si Arwin na hawak ang isang bola at nagdi-dribble. Nang itira niya ang bola at swak na swak ito ay mabilis siyang lumingon sa kinauupuan ng girlfriend niya. Kitang-kita ko kung paano niya binigyan ng flying kiss si Anne na halatang kinikilig din.
Bigla akong nakaramdam ng inggit.
Sana pala pumayag na lang ako nang nagpipilit si Carlo na sumama sa akin. Kung hindi ko lang iniisip na baka iyon pa ang dahilan ng pagkakabuking ko, malamang nandito siya ngayon kagaya ng ibang mga laban ko.
Umupo na muna ako sandali sa gilid habang nag-wa-warm-up pa ang iba. Ilan naman ay nag-uumpukan sa gilid at nagtatawanan.
Si Benjie ang kasama ni Arwin sa court na para bang dati nang magkakilala. Yung saya na naramdaman ko kaninang makita ko si Ar-ar ay tuluyan nang naglaho. Iba yung hinabi ng utak kong Ar-ar sa Arwin na nakausap ko kanina.
Di na ako sanay ma-bully. Ayaw ko nang maulit pa iyon. Hinding-hindi na ako papayag pa. Ngunit yung ginawa sa akin ni Arwin kanina, parang bumalik yung lahat ng pinagdaanan ko noong bago pa lang ako sa paglalaro. Naalala ko rin kung paanong i-bully si Brent noong bata pa siya. Ramdam na ramdam ko pa rin kung paano ang buhay ko nong hindi ko pa kayang ipaglaban ang sarili ko noong pumapasok pa ako sa larangan ng pagbabasketball sa High School. Ganoon din si Brent. Alam na alam ko kung anong hirap ang kanyang pinagdaanan.
Pagkatapos ng aksidenteng iyon noon ay di na namin muli pang nakita si Kuya Ar-ar. Sinabi ko kay Brent ang lahat. Kaming dalawa lang ang nakakaalam sa aking ginawa. Mabilis niyang inako ang kasalanan ko. Ipinagtapat niya ang nangyari kina Mommy at Daddy. Hanggang ngayon, akala ng mga magulang namin, si Brent ang nakipagkita kay Kuya Ar-ar. Dinalaw rin naman namin noon ng tatlong beses kasama sina Daddy at Mommy. Nakita kong sa tuwing umaalis kami ay nag-aabot ang mga magulang namin ng pera sa Daddy niya. Para daw iyon kay kuya na nagligtas kay Brent. Lagi lang siyang tulog noon. Kinakausap namin siya ni Brent, umaasang magigising siya kapag nag-ingay kami pero bigo kaming magkambal. Nagdadala pa nga ako noon ng bola pero pinapaiwan sa labas ng kuwarto niya.
Nang huli kaming dumalaw sa kaniya, sinabihan kami nina Daddy at Mommy na magpaalam na sa kaniya at baka matagalan daw bago kami muling magkita. Habang nag-uusap ang mga magulang namin noon ay umupo kami ni Brent sa tabi ng kaniyang kama. Nakatingin kami noon sa nakabendang ulo niya. Lumingon muna ako kina Daddy bago ko dahan-dahang kinurot ang braso niya. Baka sa paraang ganoon ay magising siya. Inilapit ko pa ang bibig ko sa tainga niya saka ako bumulong.
"Kuya, gising na. Antagal mo na pong tulog. Naiinip na akong hintaying kang magising para turuan mo kami ni Brent na magbasketball. Di ba, nangako kang tuturuan mo kami ni Brent?"
“Baka ako lang?” kontra ni Brent.
“Dalawa kaya tayo.”
“Kasi akala niya ako iakw. Akala niya iisa lang ang Brent na kakilala niya. Hindi ka niyan kilala.”
“Kahit na. Kapag magising siya, ipakikilala mo naman ako hindi ba?”
“Kung magising siya. Hindi ka kasi nag-iingat e. Tignan mong nangyari kay Kuya.”
“Magagalit kaya siya kapag malaman niyang hindi ikaw yung dapat tuturuan niya no’n.”
“Hindi ko alam.”
“Kurutin mo rin kaya? Sabay tayo. Baka lang magising na siya.”
“Sige, sabay tayo.”
Kinurot naming dalawa. Buong lakas. Ngunit nanatili siyang siyang nakapikit. Noon ay naglakas loob na akong hawakan ang kaniyang mga kamay. Gagap ng maliit kong palad ang noon ay may kalakihan na niyang palad. Pinisil ko iyon saka maluha-luhang nagsabi ng niloloob ko.
"Sorry kuya ah? Alam kong hindi mo ako kilala. Alam kong si Brent lang ang nakakausap mo. Pero kinausap mo rin naman ako noon. Hindi mo nga lang alam na ako si Breana at hindi si Brent. Sorry Kuya, nagpanggap ako.”
“Namimiss na po kita, kuya.” Si Brent naman ang nagsalita. “Araw-araw, nagdadasal ako na sana magising ka na. Sabi nila Daddy, matagal pa daw bago tayo magkikita pero hihintayin kita sa basketball court sa school. Kahit po gaano katagal, maghihintay ako doon. Ipakikilala na rin kita kay Brean. Gusto rin kasi niyang magpaturo sa’yo. Sana Kuya, maturuan mo kaming dalawa. Paalam kuya."
Hindi ko alam pero bigla na lang akong naluha nang narinig ko ang sinabi ni Brent. Siya man ay lumuluha rin. Sa murang edad ay iyon ang unang pagkakataon na parang may mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ko. Hinding-hindi ko makalimutan yung huling araw na iyon nang hinawakan ni Mommy ang kamay ko at inakay palabas ng kuwarto. Unti-unting nabitiwan ko ang kamay ni Kuya Ar-ar at noon, nangako akong kung magkita kaming muli ay hinding-hindi na ako papayag pang muli kaming magkalayo. Kung magkikita kami, ako naman ang magliligtas sa kaniya. Ako rin ang magbubuwis ng buhay para sa kaniyang kaligtasan.
Mula ng nangyari ang aksidente ay pinagbawalan na kami nina Daddy at Mommy na lumabas pa ng bahay na di sila kasama. Kahit sa school ay naging hatid-sunod na kaming magkapatid hanggang sa aming classroom. Tumagal iyon hanggang sa naging tampulan na kami ng tukso ng mga kaklase namin. Idagdag pa ang pagiging hikain namin. Ngunit mas nabu-bully si Brent noon dahil bansot at payat na payat siya noon. Dahil doon, siya yung madalas makita ng mga bully na pagdiskitahan. Kailangan kong magpakasigang babae para sa kapatid ko. Kailangan niya ng kakampi. Kailangan niya ng tagapagligtas. Ngunit babae lang ako. Kulang ng lakas. Kaya para hindi kami madalas mapaaway ay natutunan naming umiwas na lang dahil takot mapagtulungan. Araw-araw kaming nagpupunta sa court kung saan noon naglalaro ng basketball si Kuya Ar-ar. Umasa kaming isang araw ay naroon siya. Humihiling akong sana naroon siya sa tuwing binubuska si Brent ng mga batang mas malakas at matangkad sa kanya. Hindi na para sa akin ang hinihiling ko, para na lang kay Brent. Kaya ko kasing ipagtanggol ang sarili ko noon hindi kagaya ni Brent na kailangan ng kagaya ni Kuya Ar-ar. Sa tuwing itinutulak nila si Brent at napapaupo, kapag binabangga at pinatatabi saka tinatawanan, nagdadasal akong sana biglang dumating si Kuya Ar-ar at bibigwasan niya sila ng suntok. Ngunit nagbilang kami ng araw, ng ilang Linggo, buwan at taon ngunit walang Kuya Ar-ar ang dumating. Hanggang tinanggap kong pangarap na lang sa akin ang muling pagpapakita ni Kuya Ar-ar. Ang sabi nina Daddy at Mommy ligtas si Kuya Ar-ar mula sa kamatayan ngunit bakit hindi na siya muli pang nagpakita. Anong totoong nangyari sa kaniya?
Hanggang sa naisip kong sarili na lang namin ang aming kakampi. Kami na lang ang kailangang lumaban. Sa akin na lang siya pwedeng kumapit.
Grade 5 na kami nang napansin ko naging mabilis ang pagtangkad ni Brent. Naging magana na rin siya sa pagkain kahit pa madalas pa rin kaming hinihika. Ngunit nang nagkaroon kami ng inhaler at alam na namin ang kahalagahan nito sa amin bago pa man kami matablan ng hika ay sumisinghap na kami no'n. Naging maayos na ang kalusugan naming dalawa. Dahil sa tangkad naming dalawa at pag-iidolo kay Kuya Ar-ar ay nahilig rin akong makipaglaro ng basketball sa mga pinsan ko. Noon ay nagkainteres na rin si Brent sa basketball kagaya ko. Madalas sinasabihan akong tomboy ngunit wala akong pakialam. May mga babae namang naglalaro ng basketball at hindi naman sila tomboy. Gusto ko ang larong ito kaya wala akong pakialam sa iisip nila. Noon ay naging bida na kaming magkakambal noon sa mga pinsan namin at kaklase. Tuluyan nang hindi ko narinig na sinasabihan nila si Brent ng lampa. Ang kapalit naman ay ang sinasabi na tomboy daw ako. Pero okey lang, kilala ko ang sarili ko. Babaeng-babae akko.
Nang minsang bungguin ako ng dating nam-bu-bully sa amin ni Brent ay hindi na ako pumayag pang maapi. Mabilis akong umiwas at sa pag-iwas ko, siya ang nawalan ng panimbang at tuluyang natumba. Galit na galit siyang bumangon at nang ambaan ako ng suntok ay naunahan ko na siya. Isang malakas na bigwas sa kaniyang panga ang pinakawalan ko kasunod ng isa pa sa kaniyang sikmura. Inilabas ko ang lahat ng galit ko sa ilang taong pagtitiis at pag-iwas sa pam-bubully nila sa amin. Biglang dumating si Brent. Naging apat na ang dati’y isa lang na kalaban kanina. Nagtatawanan pa sila. Hanggang sa biglang sumugod si Brent. Sa tangkad at laki ng katawan ni Brent ay madali lang niya silang napatumba. Noon ay nakuha ni Brent ang aking respeto. Hindi pa sana titigilan ni Brent ang mga bully na iyon kung hindi lang kami inawat ng guard. Pinatawag ng Principal namin sina Daddy at Mommy ngunit bale-wala lang sa amin ang lahat. Noon ko lang kasi napatunayan na kaya na namin. Kaya na ni Brent ang kanyang sarili. Hindi na kami muli pang paaapi. Tulad ni Kuya Ar-ar, magiging astig kami. Kami ni Brent ang siga sa buong school.
Madalas nang naging laman ng Principal's office si Brent mula noon. Kahit away ko, siya ang sumasalo. Wala na kaming inaatrasan, walang kinatatakutan. Dumami ang gustong maka-tropa si Brent. Siya ang naging lider-lideran sa school namin noon. Kasama naman niya ako pero mas tinutukan ko kasi ang aking pag-aaral. Ang importante ay okey na si Brent. Ang hindi ko lang gusto ay ang napili ni Brent na tropa. Mga hindi matalino ngunit lupon ng mga siga. Mga akala mo patapon ngunit may koneksiyon. Pumasa dahil sa pangongopya. Numero una sa pambubuska. Iyon na rin noon si Brent. Iyon ang tatak niya. Astig! Siga!
Nang tumuntong kami ng High School ay naging varsity kami ng basketball. Siya sa men’s division at ako naman ay sa women’s division. Ako ang pinakamatangkad sa team namin noon bukod sa ako din ang pinakamagaling sa paglalaro. Sa tuwing naroon ako sa court, si Kuya Ar-ar ang nasa isip ko, ang liksi niya, ang walang mintis niyang pagtira ng bola. Kahit ilang taon ko na siyang hindi nakikita, nanatiling siya ang naging idolo ko.
Hanggang sa basketball na ang naging buhay namin ni Brent. Iba kasi yung pakiramdam kapag hawak ko na ang bola. Wala na akong ibang naiisip pa kundi yung kakaibang pakiramdam na maipapanalo mo ang team, ang palakpakan ng mga fans ko sa campus, ang mga tili at hiyawan ng mga tigapanood, ang taas ng respeto, lahat 'yun hinahanap-hanap ko. Iyon din kaya noon ang mundong ginalawan ni Kuya Ar-ar?
Naisip ko, mabuti na lang pala sa mga panahong sikat siya sa campus namin napansin pa niya ang kagaya ni Brent? Sa edad kong labinlima noon, sa tuwing nakakakita ako ng bata na naglalaro malapit sa court kung saan kami nagbabasketball, hindi kailanman pumasok sa isip kong lumapit ni isa sa kanila at magsayang ng kahit katiting na panahon. Ngunit si Kuya Ar-ar, ginawa niya iyon noon sa kay Brent. Iba nga siya. Lalo akong napahanga sa kaniyang alaala.
Sa basketball ko nakilala si Carlo. Ka-team siya at matalik na kaibigan ni Brent. Kapag sikat ka sa campus dapat may boyfriend kang hot at guwapo. Si Carlo iyon. Isang boyfriend na dapat kinahuhumalingan din ng mga kaedad ko. Noong una, trip lang lahat. Kailangan lang makisabay sa mga ka-tropa kong may mga mga gwapong boyfriend para hindi kami pagkamalang mga tibo. Ako ang star player kaya dapat akin ang pinakagwapo, pinakamatalino at isa sa mga pinakasikat na varsity rin sa campus. Madali lang ako napasagot si Carlo o sabihin na nating walang ligawang nangyari dahil noon pa man, alam ko nang may gusto din siya sa akin. Hindi ako mahilig magpapalit-palit ng biyfriend kaya siguro sobrang napamahal na din sa akin si Carlo. Siya kasi ang sumasalo sa akin pagdating sa mga napapabayaan kong academic. Siya ang nagpapasaya sa tuwing nalulungkot ako. Siya ang laging kasama ko sa tuwing gusto ko namang magpahinga sa kalalaro ng basketball. Lagi siyang nandiyan sa akin, tinatawag ko man o hindi. Mahal ko siya. Hindi ko alam kung anong maging buhay ko kung wala siya sa tabi ko. Kaya nga mula nang 3rd Year High School palang kami hanggang sa nagtapos kami ng kolehiyo, siya lang ang naging boyfriend ko at siya lang ang pinaghahandugan ko ng aking p********e. Kasal na lang ang kulang sa amin para masabing ganap na kaming mag-asawa.