NAPAPITLAG SI KENDRA nang tumunog ang telepono. ’Di pa rin yata siya maka-get over sa bagong boss. Agad na sinagot niya iyon dahil alam niyang sa loob ng opisina ng boss galing ang tawag na ’yon.
Tanging, “Yes, Sir!” lang ang sagot niya sa dating boss, kay Sir Gener. Pinapapasok na siya nito sa conference room. Tatlo lang naman silang mag-uusap tungkol sa mga habilin ng dating amo at siya naman ay magdi-discuss ng ibang detalye tungkol sa pamamalakad sa buong kompanya. Halos lahat kasi ng pasikot-sikot sa kompanya ay alam na niya.
Panay-panay lang ang tango ng bagong amo niya, at panaka-naka’y kinikindatan siya ’pag hindi nakatingin ang ama nito sa kanya na kinapupula ng mukha niya.
Natapos naman agad ang trenta minutos na meeting na ’yon at naghahanda na ang dati niyang amo sa pag-alis.
Narinig pa niyang hinahabilin siya nito sa anak at nagpaalam na.
Hinatid nila ito ng binata sa elevator. Niyuko niya naman ang kanyang ulo bilang respeto rito. Napakalaki ng utang na loob niya sa matanda. Ito mismo ang nag-hire sa kanya bilang sekretarya nito sa tulong na rin ni Tita Anastacia, ang butihing maybahay nito, limang taon na ang nakararaan.
Nakilala niya ang mag-asawa nang magbakasyon ito sa Caramoan. Isang isla sa Camarines Sur, ang pinanggalingan niya, siyempre. Isa siyang staff sa tinutuluyang hotel ng mag-asawa. IT ang tinapos niya pero mas pinili niyang maging staff lang ng hotel na malapit sa bahay nila. Bayad daw ang pagiging sekretarya niya sa pagtulong sa ginang nang atakihin ito sa puso. Kasalukuyang may ka-meeting noon ang matandang lalaki sa Office of the Mayor. Naiwan sa hotel ang ginang, napadaan siya sa room ng mga ito nang marinig niyang humihingi ito ng tulong at dali-dali niyang pinasok ang room at binigyan ito ng first aid. Kaya nang gumaling ang ginang ay nag-offer ito na maging sekretarya ng asawa bilang pagtanaw ng utang na loob.
Pinahid niya ang luha nang nakasakay na si Sir Gener sa Elevator, bago pa man ito sumara ay may sinabi ito. Marahil ay nakita siya nito habang pinupunasan ang luha.
“Dalaw ka lagi sa bahay, hija! Matutuwa ang asawa ko,” nakangiting sabi nito.
Tumango lang siya at nakitang tuluyan nang sumara ang elevator.
Nagulat na lang siya nang may biglang tumikhim.
“Don’t worry, nandito naman ako palagi. I won’t leave you,” pagkuwa’y pabirong sabi nito. Naguguluhan siya sa tinuran nito. “Ano, crush niya rin ako?” aniya sa sarili.
Tinaasan na lang niya ito ng kilay at nagmartsa na pabalik sa table niya. Baka mahulog pa ang panty niya sa harap nito. Pero kinikilig naman siya.
Nagpaka-busy na lang siya para iwasan ang bagong boss niya. Baka mahalata na nitong pinagpapantasyahan niya ito.
Nagpa-deliver lang sila ng pagkain no’ng tanghalian na. Pinipilit din siya nitong doon na kumain sa loob ng opisina nito, pero mas pinili niyang sa pantry nila siya kumain.
Nabanggit kanina nito na hanggang 2 p.m. lang sila. Natuwa naman siya.
Pagpatak ng alas-dos, inayos na niya ang table para magligpit. Pagkatapos ay lumakad siya papuntang opisina ng boss. Kumatok siya nang tatlong beses. Binuksan niya ito at nakitang nakasubsob sa mga papeles na hawak nito ang bagong amo. ’Di yata siya nito narinig.
Magsasalita na sana siya nang nakitang napakagat-labi ang boss niya.
Shit! Ang yummy niya tingnan! At napakaguwapo talaga nito, ang mga matang mapang-akit, at mga labing parang nag-aaya ng kahalikan. Bigla na namang nag-init ang pakiramdam niya. Bago pa man mapansin nitong nakatitig siya rito ay nilakasan niya ang boses at balak nang magpaalam dito.
“Hi, Sir!” malakas na sabi niya. Mukhang nagulat naman ito.
“Hello, babe!” anitong lumapad ang ngiti.
“Babe,” ulit niya sa isip. Sarap naman pakinggan. Parang totoo lang, ah.
“Ah-eh, Sir, 2 p.m. na po.” Kunwari ay ’di niya narinig ang huling sinabi nito.
“Oo nga pala, you’re dismissed, babe.” Nakangiti pa rin ito.
Shit! Parang gusto niyang maihi sa kilig! Ni hindi man lang niya kinontra ito sa paraan ng endearment nito sa kanya.
Tinanguhan muna niya ito bago isinara ang pintuan ng opisina at napangiti na lang.
Nakangiti pa rin siya nang lumabas ng building. ’Di nakaligtas sa guard ang mga ngiti niya na iyon. “Mukhang ang ganda ng ngiti n’yo, Ma’am Kendra!” si Manong guard!
“Ah—ano kasi, may date ako!” aniya rito. Mabilis na tumalima siya papunta sa babaan at sakayan ng bus pauwi.
May sasakyan naman siya, kaso ay mas gusto niyang mag-commute ’pag gantong Linggo. Deretso uwi siya sa unit niya, nagbihis at para kunin na rin ang sasakyan. Balak niyang mag-grocery sa Puregold. Paubos na rin kasi ang stock niyang pagkain.
Pagkauwi galing Puregold ay agad siyang nagluto ng adobong manok para sa dinner. Ini-stock niya lang ang tira sa ref dahil minsan ay wala siyang time magluto pagkagaling ng trabaho. Minsan naman ay isinasama siya ng Don sa bahay nito at doon na nagdi-dinner. May mga ramen, canton, at de-lata naman din siyang stock.
Pagkatapos kumain ng dinner ay mabilis na binuksan niya ang laptop para manood ng “Emily in Paris” na series sa Netflix. Nagagandahan kasi siya sa istorya ni Emily. Pagkatapos naman ng dalawang episode ay inilipat din niya sa “Lucifer” ang panonood. Series din ito at isa rin ito sa paborito niya. Halos natapos na niya kasi ang mga KDrama sa Netflix kaya puro English series naman siya ngayon. Sa KDrama talaga siya mahilig kung tutuusin. Sa katunayan, pinag-iipunan niya ang engrandeng bakasyon niya sa December. Trip to Korea lang naman!
Alas-diyes na yata siya nakatulog sa kapapanood sa Netflix. Eksaktong 4:30 naman siya nagising kinabukasan. Nagmadali siyang mag-almusal at maligo. Usually, 5:30 siya umaalis ng bahay.
Pagdating ng opisina ay nagkape muna siya sa pantry, alas-siete pa lang kasi. Saktong paglabas niya ng pantry nang magsimulang magsidatingan ang mga kasamahan niya. Naupo agad siya sa kanyang upuan at sinimulan nang i-check ang schedule ng bagong boss. 11 a.m. pa ang meeting nito with the auditing team.
“Good morning, Kendra!”
Napalingon siya nang marinig ang boses ni Zyqe, pero Ezekiel talaga ang real name nito. Trip niya lang naman itong tawagin na Zyqe. Anak ito ng VP nila pero naging kaibigan niya. Napaka-down to earth kasi nito kaya mabilis silang nagkasundo. Kaso minsan ay may pagkapilyo talaga.
“Good morning din, Zyqe!” aniyang nakangiti.
Akma siya nitong hahalikan sa pisngi nang takpan niya ang bibig nito. Nang-aasar na naman ito. Ang aga-aga. Pero sanay naman na siya rito.
Tinanggal nito ang kamay niya at malakas na tumawa.
“Sayang, kamay mo lang ang nahalikan ko. Dapat ’yang lips mo, eh. Siguradong makakalimutan mo ang pangalan mo, mylabs!” pilyo nitong sabi.
“Naku, tigil-tigilan mo ako, Ezekiel! Ang aga-aga! ’Di ka siguro naka-score kay Diane kagabi, ’no!” tukoy niya sa nobya nito na pinsan naman niya.
“Grabe, manghuhula ka pala!” natatawang sabi nito at akma na naman siya nitong hahalikan nang biglang may tumikhim na ikinalingon niya at ni Zyqe.
Ang boss niya at nakasimangot ito. Pero pogi pa rin naman.
“Blake! Long time no see! Welcome back, pare!” ani Zyqe.
Bigla namang napunit ang bibig nito nang mapagtanto na si Zyqe ang kausap niya. Halatang nagulat ito pagkakita.
“Thank you, Zek!” anito at tumingin kay Kendra. Zek pala ang tawag nito sa binata.
“So are you two—?” Hindi na nito natuloy ang sasabihin at matamang tiningnan siya at inaabangan kung ano ang isasagot niya.
Minuwestra nito ang kamay niya sa kanilang dalawa. Na-gets naman niya ito. Akala ba nito ay boyfriend niya si Zyqe?
“No way! Ikaw ang gusto ko!” anang isip niya.
“No!” sabay na sabi nila ni Zyqe. Nagkatinginan naman sila at nginitian ang isa’t isa.
Tumango-tango naman ito at napangiti bigla. Pagkuwa’y dumeretso na sa loob ng opisina. Sumunod sila ni Zyqe.
Pagkaupo nito mismo sa swivel chair ay tinungo naman niya ang pantry ng opisina nito. Ipagtitimpla niya ito ng kape, pati si Zyqe. Alam na rin niya kung anong klaseng timpla ng kape ang iniinom ng binatang amo. Tinawagan lang naman niya kanina ang mayordoma ng mga Hernandez. Narinig naman niyang nagtatawanan ang dalawa. Magkaibigan pala talaga ang mga ito. Halata naman kung gaano kasaya ito sa muling pagkikita.
Nilapag niya ang kape ng dalawa at nagpaalam na sa boss niya. Akmang lalabas na siya nang tawagin siya ni Zyqe.
“Mylabs, don’t you like coffee?” nakakalokong tanong ni Zyqe at itinaas pa ang tasang pinagtimplahan niya.
“Nah, and please, tigilan mo nga ’ko Zyqe sa katatawag ng mylabs kung ayaw mong samain kay Diane!” At tuluyan na nga siyang lumabas.
Lakas talaga ng trip ni Zyke sa kanya minsan. Baka mamaya niyan ay maniwala pa si Sir Kent at mawalan pa siya ng pag-asa.
SA KABILANG BANDA . . .
“So, matagal na kayong magkaibigan ng secretary ko?” aniyang tiningnan lang ang nilabasan ni Kendra. Ewan niya ba, parang interesado siya sa cute na sekretarya niya at parang ayaw niya na gano’n sila ka-close ni Zek. Kanina pa siya naiinis. Pinipilit lang niyang ngumiti.
“Hmm, four years? Why? Do you like her?” deretsahang tanong nito.
“No, I’m just curious about the two of you. The way you treated each other a while ago. Buti okay lang kay Diane,” kunwari’y sabi na lamang niya.
“Diane is her cousin. Actually, sanay na ’yon sa pang-aasar ko sa pinsan niya. Pinag-trip-an ko lang siya today kasi hindi na naman niya nasipot ang ka-blind date niya no’ng Sabado! Wala rin akong epekto sa kanya kahit si Keith. Baka sa ’yo meron, tingnan natin,” tawang-tawang sabi nito.
Si Keith? His brother. Nalukot bigla ang mukha niya.
“Nakikipag-blind date ba siya lagi? Nililigawan ba siya ng kapatid ko?” sunod-sunod na tanong niya at ’di na niya mapigilang mapangiti.
Napatigil si Zyqe sa paghigop ng kape at matamang tiningnan siya.
“Seriously, Blake Kent! You like Kendra, do you?” pang-asar na tanong nito. “The way you ask, iisipin kong may gusto ka talaga sa kanya.”
“Lumabas ka na nga lang, Zek!” pag-iwas na lang niya rito.
“I will, pero sasagutin kita pre, first time niya lang sana if ever no’ng Saturday. Satisfied?” anito at tumayo na. Kumindat pa ito sa kanya na ikinainis niya. ’Di pa rin talaga ito nagbabago, lakas pa rin ng sapak sa ulo!
Napangiwi na lang ito nang tumama ang binato niyang ballpen sa ulo nito.
“One more thing, si Kendra ang gustong pakasalan ng kapatid mo. Kaya bilisan mo!” dugtong pa nito.
Napatingin naman siya sa dalaga na nasa labas at halatang busy na busy. Maya’t maya’y iniaangat nito ang telepono. Napangiti siya nang ngumiti ito. Feeling tuloy niya ay siya ang nginingitian nito. Ang cute lang naman kasi niya. Nah, maganda rin siya kung tutuusin. Sexy at hot din.
Napapitlag siya nang mag-ring ang cellphone niya. Si Darlene! s**t, wala pang dalawang araw, nagkakasala na siya sa nobya niya!
Mabilis lang ang pag-uusap nila ng nobya. ’Di ba siya nito na-miss? Tumawag lang ito para ipaalam sa kanya na may bagong project ito. May in-offer daw rito na bagong project na nakabase sa US. Three years contract daw iyon. Ayaw niya sana, pero mukhang desidido ito. Ano pa nga bang magagawa niya? Lalo pa’t wala siya roon sa tabi nito. Nakakalungkot mang isipin pero kailangan niyang tanggapin.
Panay tuloy ang tanong niya sa sarili kung mahal ba siya ng nobya o baka one-sided lang ang nararamdaman niya.
Sinubsob na lang niya ang sarili sa trabaho para malibang.
LUMIPAS ANG MGA araw, lalo yatang gumaguwapo sa paningin niya ang kanyang boss. s**t, iba na ’to. Kaso ay laging seryoso at istrikto ito pagdating sa trabaho. Hindi niya tuloy maintindihan kung bakit parang na-miss niya ang pagkapilyo nito gaya no’ng unang dating nito. Paminsan-minsan naman ay nang-aasar ito sa kanya, mas malala pa kay Zyqe. Natu-turn on siya lagi kapag maharot ito.
Napatigil siya sa pagta-type ng letter na pinapagawa ng boss nang tumunog ang cellphone niya.
Tita Anastasia calling . . .
Mabilis na pinindot niya ang screen para sagutin ang tawag nito.
“Hi, Tita Ann! Kumusta po?” nakangiting bungad niya.
“Hello, hija! I’m always fine. Miss na kitang bata ka, nagtatampo na ako sa iyo, hindi mo na ako dinadalaw rito sa bahay! Hindi mo ba ako nami-miss?” patampong saad nito.
“Tita naman, of course nami-miss na kita. Lalo na ang luto mo po. Medyo busy lang po kasi rito sa opisina,” paliwanag naman niya.
Pero mukhang walang effect.
“Whatever, Kendra! Ang sabihin mo hindi!”
Gets na niya ang gustong iparating nito.
“Fine, d’yan ako magdi-dinner, Tita!” sabi na lang niya. Kilala na niya ang ginang. Ganto ito kapag naglalambing sa kanya. Para na kasi siyang anak nito. Kung papayag nga lang daw siya na magpa-ampon ay aayusin daw agad nito ang mga papeles.
“Buti naman at dadalawin mo na ako. I’ll cook for you, baby! Ano’ng gusto mo?” Bakas sa boses nito ang tuwa sa sinabi niya.
“Pakbet and Chicken Curry na lang, Tita!”
Paborito niya ito, ilang beses nang niluluto ito ng ginang kapag alam nitong dadalaw siya.
“Masusunod, baby! Sumabay ka na lang kay Blake, ha! Siguradong nag-commute ka na naman! Ipapa-junkshop ko na talaga ang kotse mo, ’di mo naman ginagamit!”
Alam na alam talaga ng ginang. Sigurado siyang tumawag na naman ’yan sa guard para i-check.
“Tita, coding po kasi ngayon, eh!” palusot niya.
“Don’t me, hija! I know you! See you later na lang, baby!” sabay pindot ng end button.
Para talagang nanay ang dating ng ginang sa kanya. Gustong-gusto niya iyon siyempre! Maaga kasi siyang naulila sa ina, kaya masayang-masaya siya kapag kasama si Tita Ann. Pero ngayon ay parang ayaw na niyang maging ina ito, dahil kay Kent! Mother-in-law, p’wede. Napangiti siya sa isiping ’yon.
“Pantasya pa more!” aniya sa sarili.