PAGLABAS NG LADIES’ room ay inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa para i-check ang oras. Muntik pa iyong mahulog nang mabangga siya ng lalaking nakasalubong sa hallway. Buti na lang at nasalo niya agad.
Nakalagpas na ito sa kanya.
“Hey, careful!” nagulat siya nang magsalita ito.
Napalingon siya dahil pamilyar ang boses nito, pero nakapasok na ito sa men’s room.
Napailing naman siya. Imposible naman kung ang boss niya ’yon. Siguradong ang sarap na ng tulog no’n kasama ang nobya!
Nainis tuloy siya nang maisip ang lalaking naging dahilan para makalimot siya kahit saglit. Pagdating sa counter ay humingi ulit siya ng maiinom kay Dave.
“Hey, may pasok ka pa bukas. Gusto mo ihatid na kita? Mukhang mamaya pa ’yan uuwi si boss.”
“Naka-duty ka kaya. Tsaka high tolerance ’to pagdating sa alcohol!” natatawang sabi niya kahit nahihilo na siya nang kaunti. Natawa rin ito.
“Hanggang 1 a.m. lang kaya ako. May pasok din ako bukas,” maya-maya ay sabi nito.
“Talaga? Sipag mo naman kung gano’n.”
Kinindatan siya nito at matamis na nginitian.
“Ano pala ang trabaho mo?” pagkuwa’y tanong niya.
“Hmm, hotelier!” anito at matamis na ngumiti.
“Oh, I see!”
“I think we’re close now, are we? Wanna ride with me?” tanong nito.
Napatango naman siya sa unang sinabi nito.
“Hmm, sige. Tawagan ko lang si Zyqe. Ayokong kumatok at baka mabitin sila!” pabirong sabi niya na ikinatawa nito nang malakas. Nakuha naman nito ang ibig niyang sabihin.
Pagkatapos tawagan si Zyqe ay naupo na lang siya sa counter, hindi na rin siya hinayaang uminom ng binata.
Palingon-lingon lang siya sa lahat ng sulok ng bar. Pakiramdam niya kasi ay may nagmamasid sa kanya. Nang wala naman siyang napansing kakaiba ay tumutok na lang siya sa ginagawa ni Dave.
Hinintay niya na lang na matapos ang duty ni Dave. Sabay na silang naglakad mula sa counter. Marami pala ang nagpupuntahan dito.
Habang naglalakad, napalingon siya sa pinakasulok nang ’di sinasadyang may nahagip siya na mga matang nakatitig sa kanila.
Si Kent!
Napaangat siya ng kilay. Kumibot naman ang mapupulang labi nito. So, siya pala talaga ang nakasalubong kanina.
Napapitlag siya nang tapikin ni Dave. Nginitian niya ito at nagpatuloy sa paglakad.
Pagdating sa parking lot ay mabilis na binuksan nito ang pintuan ng sasakyan nito. Inalalayan siya nitong makaupo sa shotgun seat. Sinuotan din siya nito ng seatbelt bago pumasok sa driver seat.
Napaka-gentleman naman.
Tahimik lang siya habang nagmamaneho ito. Sinabi na rin niya ang address ng condo niya. Wala ng oras para umuwi ng Valenzuela kaya sa condo na siya magpapahatid.
Panay ang tingin ni Dave sa kanya habang nasa biyahe.
“Sleepy? Kung gusto mo, matulog ka muna. Gisingin na lang kita ’pag nakarating na tayo.”
“Okay lang ba?” Tiningnan niya ito.
“Yeah!” anito at nginitian siya saka binuksan ang stereo.
Inayos niya ang sarili at pinikit ang mga mata kahit hindi pa inaantok, nahihilo lang siya. Parang gusto lang niyang matahimik kahit saglit.
Pumailanlang ang Wonderful Tonight ni Eric Clapton kaya nakaramdam na siya ng antok.
Maya-maya ay naramdaman na lang niyang may tumatapik sa kanya kaya napamulat siya.
“We’re here,” malumanay na sabi ni Dave.
Napatingin siya sa labas. Nasa tapat na sila ng building na kinaroroonan ng condo niya.
“’Di na kita mayaya sa loob, Dave. Umaga na,” pabirong sabi niya.
“May next time pa naman!” anitong nakangiti at tuluyan nang lumabas at binuksan ang pintuan sa side niya. Inalalayan siya nito.
“Thank you, Dave, for the ride and it’s nice to meet you!” sinserong sabi niya.
“Welcome, likewise! Oh, pasok na! Good night!” taboy naman nito sa kanya.
Natawa tuloy siya sa ginawang pagtaboy nito. Tumalikod na rin siya papasok ng building. Kumaway siya rito bago pumasok, tumugon naman ito.
Pagpasok ng condo ay dumeretso agad siya sa kuwarto at nahiga na. Ngayon lang talaga siya nakaramdam ng pagod.
WALA SA SARILING sinundan ni Kent ang sinasakyan ng dalaga. Bigla kasing tumawag si Zek sa kanya kung may problema raw ba si Kendra sa trabaho. Nanibago daw kasi ito dahil nagyayang mag-bar na hindi naman daw ginagawa ang bar hopping ever since.
Curiosity brings him to ZL Lounge. Iniwan niya muna ang nobya sa condo niya.
Kanina pa nagngingitngit ang kalooban niya habang nakikipagtawanan ito kay Dave. Yes, he knew Dave. Kaibigan niya rin ito. Kaya hindi na siya lumapit sa dalawa at nanatili na lang sa sulok ng bar nila. Isa siya sa may-ari ng bar. Si Zek ang may pasimuno no’n. Ito rin ang nagma-manage nito. Nagpa-part-time naman si Dave sa bar, hindi niya rin pinangangalandakan sa lahat na isa rin siya sa may-ari. Lima silang co-owner ng ZL Lounge. Busy rin sa family business ang ibang kaibigan niya. Gano’n din siya, almost five years niyang pinamahalaan ang nasimulan ng ama na negosyo sa Italy. Minsan lang siya umuwi ng Pilipinas dahil ang mga magulang niya lagi ang bumibisita roon.
Napansin niyang tumigil ang sasakyan ni Dave, pero walang lumabas. Gusto na sana niyang sugurin para tanungin kung bakit hindi pa bumaba si Kendra.
“f**k! I hate this kind of feeling!” aniya sa sarili.
Panay ang suntok niya sa manibela niya. Tumagal pa ito nang twenty minutes bago bumukas ang pinto ng kotse ni Dave at nakangiti pa na lalo namang niyang ikinainis.
Inalalayan nito ang dalaga sa paglabas ng sasakyan. Nakangiti rin ito.
Nakita niyang kumaway pa ito kay Dave.
So this is the feeling of being betrayed?
Wait, ’di naman sila, ah! Porque ba tinugon ni Kendra ang halik niya ay meron nang matatawag na sila? Eh, ’di ba siya nga iyong may nobya?
Napahampas ulit siya sa manibela niya.
He knows the real score between Kendra and his brother. Kaya wala lang sa kanya no’ng binanggit ng ina na ipakakasal ang dalaga sa kapatid. Ayaw niya rin maging in-law ang dalaga.
Ang hindi siya sigurado ay ang score ni Dave at ng dalaga. Mukhang nagkakamabutihan na ito.
Sa sobrang inis ay pinaharurot na niya ang sasakyan pabalik ng condo.
Mahimbing na ang tulog ng nobya pagdating niya. Siya naman ay hindi pa makatulog kaya uminom muna siya ng beer.
Naguguluhan na siya sa sarili niya. Pilit niyang tinitimbang ang dalawang babae. Ngayon lang niya nakilala si Kendra pero bakit gano’n na lang kung makaasta siya. Hindi siya ganito kay Darlene. May tiwala siya rito, ni hindi nga niya naisip na sundan ito ’pag umaalis o may kakatagpuin.
Nakalimang beer yata siya. Sa sobrang pagod ay ’di na niya namalayang nakatulog na pala siya.
NAPADAING SI KENDRA nang maramdaman ang sakit sa ulo niya. s**t! Nagsisi tuloy siya kung bakit uminom. Mabilis na tinungo niya ang banyo at mabilis din na naligo. 6:30 pa lang naman. Magpapa-late lang siya nang kaunti sa opisina.
Alas-siete na siya nang umalis at dumaan muna sa Jollibee saka nag-take-out. Sinamahan niya ng macaroni soup at kape.
Para siyang nakalutang sa ulap noong nasa elevator na siya. Dahil siguro sa galaw ng elevator at sa dami ng kasabay.
Pagdating ng 15th floor ay kumaunti na lang ang sakay. Medyo nakahinga na rin siya nang maluwag. Tatlong floor na lang at makararating na rin siya.
Nagpatiuna siya sa paglabas nang maramdamang parang nasusuka siya. Patakbo niyang tinungo ang desk para ilapag ang tinake-out at dali-daling tinungo ang CR.
Nasusuka talaga siya. Naglingunan ang mga babaeng ka-opisina niya nang makita siyang tumatakbo. Biglang nahawi ang hallway ng CR nang makitang nagmamadali siya papasok. Doon na niya tuluyang nilabas ang sama ng loob. Nah, suka!
Naabutan niya si Kristen na naglalagay ng kolorete sa mukha. Nagulat naman ito sa nangyari sa kanya.
“Anyare, ’te?” tanong nito sabay hagod sa likod niya.
“Naparami ako ng inom, ’di ko pala kaya, girl!” Natawa naman ito sa sinabi niya.
“’Di ka kasi nagyaya kaya gano’n, hmp, sa sunod tawagan mo naman ako! Ayan tuloy!” pangongonsensya naman nito.
Wala na siyang mailabas kaya naharap na niya si Kristen. Friendly ito kaya masasabi niyang isa ito sa mga kaibigan niya sa kompanya.
“Sige ba, si Zyqe lang kasi ang naisipan kong tawagan. ’Di naman uminom ang loko.”
“Nand’yan na ba si boss?” pagkuwa’y tanong niya. Naghilamos siya at nagpunas ng mukha para mabawasan ang pagkapula ng mukha niya.
“Wala pa yata. ’Wag mo na munang isipin ’yun, pahinga ka muna sa pantry, magkape ka para mabawasan ’yang hangover mo kahit hanggang eight, ’te!” sulsol nito sa kanya.
Pero paglabas nila ng CR ay sakto namang dumating ang boss nila. Napangiwi si Kristen.
Seryosong-seryoso kasi ang pagmumukha ng boss niya. Ni hindi nga nag-response sa bati nila.
“Sungit!” bulong ni Kristen sa kanya.
Kasunod pala nito si Zyqe at may dalang food storage.
“What’s that?” tanong niya nang inilapag nito iyon sa table niya.
“Galing kay Dave ’yan, dinaan niya kanina. Para daw sa hangover mo!” Ewan ba kung bakit ang lakas ng pagkakasabi nito. Bigla tuloy napalingon ang boss niya. Nakakunot ang noo. Nginitian naman ito ni Zyqe! Halatang nang-aasar! Sinakyan na lang niya ito.
“Ang sweet naman ni Dave!”
“Hiningi niya rin number mo, binigay ko na, baka tawagan ka no’n maya.” Mas lalo namang nilakasan nito iyon nang papasok na ng opisina si Kent.
Binatukan niya ito nang sumara na ang pinto.
“Boses mo naman! Sabihin na naman n’yan ang aga ko na naman nakikipaglandian!”
Natawa lang ito.
“Mukhang badtrip ’yung future mo, eh!” Sabay halakhak nito.
Napasipol naman si Kristen na ikinalingon niya.
“Kaya pala. LQ kayo, ’te?” pang-aasar din nito.
“Shut up! Bumalik na kayo sa pwesto n’yo,” baling niya kay Kristen.
“Ikaw, bumalik ka na rin sa lungga mo!” Sabay tulak sa kaibigan.
Sumunod naman ito, pero binato niya ito ng lapis nang kindatan siya nito! Napatakbo naman ito habang hindi maalis ang tawa.
Napatingin siya sa pintong pinasukan ng boss. Problema kaya no’n? Mabuti na rin siguro para ’di na siya umasa.
Napatingin siya sa padala ni Dave. Bait naman talaga. Gentleman pa.
Napahawak siya sa tiyan nang tumunog iyon. Nagugutom na siya. Tiningnan niya muna ang oras. 7:45 pa lang naman.
Nagpaalam siya kay Kristen, baka kasi hanapin siya ng boss. Binitbit niya ang pagkain at pumasok sa pantry nila. May naabutan pa siyang nag-aalmusal na ka-department.
Pagkatapos kumain ay nag-toothbrush muna siya saka bumalik sa desk.
Napansin niyang may nakadikit na sticky notes sa monitor niya.
Tiningnan niya si Kristen.
“Si boss nagdikit n’yan. Ano sabi?” usyuso nito.
“’Yong letter daw na pinapagawa niya,” sabi na lang niya.
Binuksan niya ang computer at mabilis na nag-login sa sss. Sinend niya iyon sa email nito, pero wala pang tatlong minuto ay tinawagan siya nito sa linya niya.
“I said dalhin mo rito! Print it!” Iyon lang at binaba na.
“Aw!” Napangiwi siya nang marinig ang malakas na boses sa kabilang linya. Dali-daling pinindot niya ang print command button at kinuha ang papel na lumabas sa Kyocera printer.
Pagpasok niya ay hindi niya ito nakita. Narinig niya ang pag-flush ng inidoro. Napatingin siya nang bumukas ang pintuan. Saglit na nagtama ang kanilang paningin at tinungo ng binata ang pantry na nasa loob nito. Paglabas nito ay may dala-dalang bowl na may lamang umuusok.
Nilapag ng binata ang dala-dalang bowl sa may mesang napagitnaan ng couch. Doon niya lang napagtantong Wonton Mami ito.
Nauna itong umupo.
“Sit,” malumanay na sabi nito.
Napatingala ito sa kanya.
“What?” Umusod ito at tinapik ang gilid na may space pa.
Pinapaupo siya nito?
Ang gulo naman ng lalaking ’to, kanina halos sigawan siya nito, tapos ngayon naman ay okay na.
Muntik na siyang mapasigaw nang hatakin siya nito. Napaupo tuloy siya sa mga hita nito.
He chuckled.
“S-Sir!”
“So you don’t want to sit beside me because you like it here,” anito at nginuso ang kandungan.
“E-eh . . . kayo po kasi, bigla na lang nanghahatak!” depensa niya.
Mabilis na umalis siya sa kandungan nito at umupo sa tabi nito. Umusod siya nang kaunti para may space sa pagitan nila.
“Kainin mo ’yan,” pagkuwa’y sabi nito.
“P-po?”
“Bingi ka ba o gusto mo lang subuan kita?” Akma naman nitong kukunin ang kutsara nang pigilan niya ito.
Nilapag niya sa gilid ang dala-dalang papel at humigop ng sabaw.
“Sa susunod ’wag kang uminom nang gano’n karami. Malakas ang hangover no’n.”
Nabigla pa siya sa sinabi nito. Tiningnan niya ito.
“I know, you saw me last night.”
Tumango siya at kinuha ang tinidor para kumuha ng noodles.
“I’m sorry!” Ang binata ulit.
“Para po saan?” maang-maangang tanong niya.
“About kanina.”
“’Yong kanina lang ba?” gusto niya sanang isatinig.
“Okay lang po. ’Di ko lang po siguro naintindihan ang sulat mo.” Totoo naman, para kasing reseta ng doktor ang sulat nito.
“I’m sorry, ’di ko kasi alam ang sasabihin. ’Di ko masabing pumasok ka rito para kainin ang dala kong soup,” napapakamot sa ulo nitong sabi.
Ang cute naman nito. So, ganito pala mahiya ang isang Blake Kent?
“Salamat po rito, Sir!” aniya at pinagpatuloy ang pagkain. Humigop ulit siya ng sabaw at nagsubo siya ng siomai.
Napatigil siya sa pagnguya ng siomai nang mapansing titig na titig ito sa kanya. Ngumiti pa ito.
“I think, I like you, Kendra.”
Napanganga naman siya sa sinabi nito.
Doon niya lang naalalang may nobya na ito.
“Pero mali po ’yan. May nobya na po kayo. Ayoko pong maging third party, Sir! Ang ganda-ganda po ng nobya n’yo, walang-wala ako sa kalingkingan niya, sikat at mayaman pa.” Binitiwan niya ang tinidor at akmang tatayo nang hawakan nito ang braso niya.
“I know, but I like you. Hindi ba p’wedeng gustuhin mo rin ako kahit may nobya ako?” parang nagmamakaawa nitong sabi.
Mapakla siyang ngumiti at umiling-iling.
“Naririnig n’yo po ba ang sinasabi n’yo, Sir? Sa tingin mo po fair kay Ma’am Darlene ’yan? God, I admit, I am attracted to you. Pero mali ito! Hindi ko pinangarap maging kabit!” Iyon lang at hinawakan na niya ang kamay nito na nakahawak sa braso niya saka piniksi iyon.
Mabilis na lumabas siya mula sa opisina nito.