PROLOGUE

869 Words
CARSON WALANG pagsidlan ang kaligayahan sa aking puso. Ngayon ang araw na makakaisang dibdib ko ang aking pinakamamahal na si Emmet. He was my first boyfriend and now, he's going to be my last. I can't believe that I'm going to marry my childhood sweetheart. Kaya naman wala na akong mahihiling pa sa mga oras na ito. Kasalukuyan akong nasa loob ng aking bridal car habang hinihintay ang hudyat ng aking wedding coordinator na maaari na akong lumabas. Halos tumalon ang aking puso mula sa aking dibdib dahil sa labis na lakas ng t***k noon. Hindi ko rin mapigilan ang panginginig ng aking tuhod dahil sa labis na kaba. Mahigpit ang hawak ko sa bungkos ng bulaklak na nasa aking harapan. Panaka-naka ay nakakagat ko ang aking pang-ibabang labi upang kahit papaano ay maibsan ang kabog ng aking dibdib. Habang naghihintay ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang matandang babaeng may dalang isang bilao ng paninda. Bigla kasi itong natumba sa gilid ng kalsada nang muntik na itong mahagip ng kaskaserong motorsiklo. Hindi ako nagdalawang-isip na bumaba sa aking sasakyan upang tulungan ito. Wala na sa aking isipan kung madumihan man ang aking puting traje-de-boda. Dali-dali akong tumakbo papalapit sa matanda upang tulungan itong tumayo. "Miss Carson!" dinig kong sigaw ng driver nang makita niya akong lumabas ng sasakyan. Hindi ko iyon pinansin at mabilis na tinulungan ang matanda. "Ayos lang po ba kayo, Manang?" tanong ko rito habang inaalalayan itong tumayo. Matapos itong maitayo ay sunod ko namang pinulot isa-isa ang mga paninda nitong kakanin na kumalat sa lupa. "A-Ayos lamang ako, ineng. M-Maraming salamat," nanghihinang tugon nito. Bakas sa kaniyang tinig ang impit nitong igik dulot marahil sa kaniyang pagkakabagsak kanina. "May masakit po ba sa inyo? Kailangan n'yo po bang dalhin sa ospital?" tanong ko rito habang palinga-linga at pilit na hinahabol ng tingin ang lalaking nakabangga sa kaniya upang sana ay panagutin ito. Napabuga na lamang ako nang malakas na hangin nang matanaw kong nakalayo na ang motorsiklo. Hindi ko na lamang iyon pinagtuunan nang pansin at pilit na inalala ang kalagayan ng matanda. "Mula noon, hanggang ngayon, ang puso mo ay nananatiling busilak. Sa paglamon nang karimlan sa araw, dalawang buhay ang magtatagpo. At magaganap ang nakatakda..." turan nang matanda habang nakahawak ito sa aking braso. "P-Po? A-Ano pong ibig n'yong sabihin?" takang tanong ko rito. Ngunit sa halip na sumagot ay tahimik lamang itong tumalikod at nagsimulang maglakad. "Miss Carson!" narinig kong tawag sa aking pangalan. Nang lumingon ako ay natagpuan ko ang isa sa mga coordinator na hinihingal dahil sa pagtakbong ginawa nito papalapit sa akin. "Miss Carson, kanina pa po kayo hinahanap sa loob. Magsisimula na po ang kasal. Kailangan n'yo na pong bumalik sa loob ng kotse upang makuhaan ng videographer ang pagbaba ninyo mula sa sasakyan at ang pagpasok ninyo sa loob ng simbahan," mahabang litanya nito. "Ah, pasensya na. May tinulungan lang kasi akong—" saglit akong natigilan nang biglang mabalot ng kadiliman ang paligid. Kahit ang ibang naroon ay labis ding nagulat sa biglaang pagkalat nang dilim sa gitna nang katirikan ng araw. "Wala naman sa news na may solar eclipse ngayong araw," kumento ni Anna, ang isa sa mga coordinator para sa aking kasal. "Naku, hayaan na lang nga natin at mas importante ang kasal n'yo kaysa riyan," dagdag pa nito. Pagkatapos noon ay agad niya akong pinabalik sa loob ng sasakyan. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang pakiramdam na namamayani sa aking dibdib. Sa aking palagay ay may hindi tama at tila ba may hindi magandang mangyayari sa mga oras na iyon. Mas lalo pang nagtalo ang aking isip nang muling sumagi sa akin ang sinabi ng matandang aking tinulungan kanina. Nang sumilip ako sa bintana ay muli kong nakita ang matanda. Nakatingin ito sa aking gawi habang nakaturo sa araw. Agad na kumunot ang aking noo dahil sa labis na pagtataka. Napapitlag pa ako nang bigla na lamang may kumatok sa aking bintana. "Miss, bili na po kayo ng sampaguita," alok nito. Tila mukhang bata pa ito ngunit kung susumahin ay halos kasing katawan ko lamang ang batang ito. Gustuhin ko mang bigyan ito ngunit wala sa akin ang aking wallet kaya naman isang pilit na ngiti lamang ang aking tinugon dito bago iyon sinundan ng isang marahang iling. Nanatili naman ito sa tabi ng aking sasakyan at hindi agad umalis. Hindi mapanatag ang aking puso na punong-puno ng katanungan. Bagama't alam kong mag-uumpisa na ang aking kasal, tila may kung anong bagay ang nag-udyok sa akin upang muling lapitan ang matanda upang malinawagan. Ngunit ganoon na lamang ang pagkabigla ng lahat nang isang malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa labas ng simbahan. At bago pa man ako tuluyang makalabas ng sasakyan ay naramdaman ko ang pagtilapon ng aking katawan sa hangin. Ramdam ko ang hapdi at kirot na dulot nang nagbabagang apoy na kumalat sa buong paligid. Unti-unting nanlalabo ang aking paningin habang nakaratay ako sa lupa. Ngunit bago tuluyang magdilim ang aking paningin ay may naaninag akong isang imahe. Hindi malinaw sa akin ang mga katagang kaniyang binabanggit. "Sa paglamon ng dilim sa liwanag, dalawang buhay ang magtatagpo..." Iyon ang huling mga katagang aking narinig bago ako tuluyang nawalan ng malay. **************
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD