Chapter 3: Luis

3601 Words
Palihim kong sinulyapan si Isly habang inaayos nya ang sofa na hihigaan nya. Ito na ang ikatlong gabi namin dito sa ospital at sa tatlong gabing iyon ay nandito sya upang umasiste sa akin. Ang nanay ko at mga tiyahin ay napilitang kumuha ng hotel suite na tulugan nila tuwing gabi. Matatanda na sila at hindi na pwedeng magpuyat sa pagbabantay sa akin. Kaya naman itinoka nila si Isly na taga-bantay ko. Pumayag ako dahil natural lang na sya ang mapuyat at mapagod ano. Sya kaya ang may kasalanan kung bakit ako nabaril. Tsaka bumabawi naman sya ng tulog sa umaga kapag bumalik na dito sa ospital sina Nanay. Galit pa rin ako sa kanya at sinisisi ko pa rin sya sa nangyari sa akin. Kundi dahil sa kanya baka nakapaggapas na ako ng mga palay ko. Mabuti na lang at hindi pa nanganganak yung baboy ko kundi lalo pang madaragdagan ang galit ko sa Isly na ito. "Psst, hoy!" Pagpapapansin ko sa kanya. Kaagad naman syang lumapit sa kama ko. "Pupunta ako sa cr." Pagpapahiwatig ko sa kanya. Umuklo sya sa akin para alalayan akong makabangon mula sa kama. Nag-iwas ako ng mga mata nang lalo pa syang yumuko para alalayan ako. Mamaya masilip ko pa yung dibdib nya, tubuan pa ng kuliti ang mga mata ko. Gayunpaman, nasamyo ko pa rin ang bango ng hotel soap na gamit nya na nahaluan ng matamis na amoy. Naramdaman ko pa rin ang lambot ng mga kamay nyang nakahawak sa akin lalo na nang hilahin nya ako patayo. Ewan ko ba. Nabubwisit ako sa kanya pero parang naseseduce ako sa kanya. Kitnana! "Ano pa ang hinihintay mo? Isunod mo na sa akin yung dextrose ko!" Masungit kong utos sa kanya. "O-opo..." Napahiya nyang sagot. Sinimangutan ko sya at hindi pinansin ang pangangalabit ng aking konsensya. Deserve nyang masungitan dahil ambagal ng kilos nya. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa banyo habang nakasunod sya sa akin. Nang nasa tapat na ako ng pinto ay hinintay kong buksan nya iyon ngunit hindi nya ginawa. "Ano pa ang hinihintay mo?! Buksan mo na yung pinto!" Singhal ko sa kanya. "Eh di ba last night you told me that you don't want me to open doors for you?" Natatakot ngunit nagtataka nyang tanong. Lihim akong napatampal sa aking noo nang marinig ko ang sinabi nya. Oo nga pala. Napagalitan ko sya kagabi nang makipag-unahan sya sa aking buksan ang pinto ng cr nung naiihi din ako. Pero ihing-ihi na ako kagabi eh. At nakakaabala pa yung pakikipag-agawan nya kaya ko nasabi iyon. "Pwes, dapat mauna ka para mabuksan mo agad! Sino ba ang pasyente dito? Ikaw ba o ako?! Isa pa, wag ka ngang English nang English! Nasa Pilipinas ka kaya mag-Tagalog ka!" Pabulyaw kong sabi para mapagtakpan ang pagpapakahiya ko. "P-pero..." Tumingin sya sa dextrose stand na isinusunod nya sa akin. "Dapat ba lahat ng kilos mo ay kelangan kong idikta? Gamitin mo naman yang utak mo kung meron ka nun. Kunsabagay, itsura mo pa lang halatang tatanga-tanga na eh! Oh di ba? Karamihang maga---." Napatigil ako sa pagsasalita nang mamula ang ilong nya at manubig ang mga mata nya. "So---rry." Sumisinghot nyang sambit. Mangiyak-ngiyak syang sumusulyap-sulyap sa akin. "Ayan. Dyan kayo magagaling ng mga babae eh. Kapag tinuturuan kayo at napapagalitan, iiyak-iyak. Gamitin mo naman kasi minsan ang common sense mo." Hindi na pasigaw ang pagkakasabi ko ng mga salita ngunit may parinig pa rin. Nakayuko syang tumango bago ko tuluyang binuksan ang pinto, kinuha ang stand sa kanya at pumasok na sa loob ng banyo. Habang umihi ay napapailing ako sa aking sarili. Alam ko na sumusobra na talaga ako minsan. Pero nakakainis kasi. Nakakainis yung mukha nya. Nakakainis kasi talaga namang nakakaakit. Talagang maganda kahit hindi sya ngumingiti sa akin. Napakaamo. Nakaaantok kapag tinitigan mo ng matagal. At sa tuwina ay palagi ko iyong ginagawa kapag abala sya at hindi nakatingin sa akin na madalas mangyari dahil nga sa pinagsusungitan ko sya. At yung mukha nya sa tuwing naiiyak sya? Tila sya anghel. Tumataas ang mga balahibo ko at nawawala yung galit ko. Alam ko na isang ngiti lang nya, pipilahan na sya ng mga lalaki para makuha ang buong pansin nya. At nakakagalit. Nakakagalit ang ganda nya lalo na kapag may ibang tao na nakakakita sa kanya. Kasi naman literal na natutulala sila eh. Huu! Bwisit talaga ang mga magagandang babae. Nakakasira ng mood. At isa pa, hindi nya ako dapat makuha sa mga pagpapaawa at paiyak-iyak nya. Dalang-dala na ako sa mga yun. Minsan na akong nagpasailalim sa mga emosyon yun at di na ako uulit pa. Kaya yang Isly na yan, humanda sya sa akin. Hindi porke gustong-gusto sya ng Nanay ko at ng mga tiyahin ko ay magugustuhan ko na rin sya. Napilitan nga lang akong pumayag na makitira sya sa amin eh. Kapag gumaling ako, ako mismo ang maghahatid sa kanya pabalik ng Manila. Ayoko naman syang ipagkatiwala sa iba dahil baka mamaya mapahamak pa ang mga iyon dahil sa kanya. Konsensya ko pa. Gagastusan ko pa. Dahil base sa naranasan ko na, may dalang kamalasan ang Isly na yan. Isa pa, nakatitiyak ako na hindi papayag si Nanay na ibang lalaki o magbus papunta ng Manila yung babaeng yun. Baka daw hindi sa pupuntahan nya itutuloy. Kaya naman pagtitiisan ko na lang sya hanggang sa maibalik ko na sya sa dapat nyang kalagyan. Isang buntong-hininga muna ang pinakawalan ko bago ako lumabas ng banyo. Medyo nagulat pa nga ako nang madatnan ko pa syang naghihintay sa pinto, nag-aabang sa akin. Kahit halatang umiyak sya dahil sa akin, tipid pa rin syang ngumiti nang magkasalubong ang mga mata namin na tila ba hindi ako ang dahilan ng pag-iyak nya. "Tara..." Malambing pa nyang sabi nang kunin nya sa akin ang stand ng dextrose ko. Sa hindi malamang dahilan ay bumilis ang pagtibok ng puso ko dahil sa tingin na ibinibigay nya sa akin. Nag-iwas na lang ako ng tingin at nagpatiuna nang naglakad. Hindi nya mababago ang tingin ko sa kanya dahil sa tinging iyon ano? Dahil alam ko na kapag bumigay ako ay mapapasailalim na naman ako sa kapangyarihan ng maganda ngang babae ngunit may itinatago namang kademonyohan. Never again. ... Nagtagal pa ako ng limang araw sa ospital bago tuluyang pinayagan ng doktor na umuwi. Alam kong napadali ang desisyon ng doktor dahil kinukulit ko sya sa tuwing pinupuntahan nya ako at chinicheck up. Naaabalidbaran na kasi ako sa itsura ng mga nurse, sa amoy ng alkohol at sa lasa ng pagkain dito. Dumating na rin si Rusty na syang kasa-kasama ko sa bukirin. Dala nya ang aming van at tinulungan nya ang mga babae para mailagay ang mga gamit namin doon. Dumating sya noong isang araw para iuwi ang kotse ko at wala pang 24 oras ay pinabalik ko na sya dito para kunin kami. Habang nagbibiyahe kami ay nagtatanong ako sa kanya tungkol sa kalagayan ng bukirin habang nagdadaldalan naman ang matatanda sa likuran ng sasakyan. Tahimik naman si Isly na wala ng ginawa kundi ang panuorin ang mga lugar na aming dinaraanan. At base sa itsura nya, manghang-mangha sya sa tuwing nakakakita sya ng mga kambing, baka at kalabaw. Muntik pa ata syang mapatili nang makakita ng mga pato sa isang maluwang na kanal na nadaanan namin. At dahil mahaba ang biyahe, tumigil kami sa isang fastfood chain para mananghalian. At gaya nga ng inaasahan ko, pinagtitinginan na naman kami nang makapasok na kami sa loob ng Jollibee. May ilan pa nga na tumigil sa pagkain para lang palihim na kumuha ng larawan. Asa naman ako na ako yung pinipicture nila. Natural, si Isly yun. Nakapagtataka nga na ngayong nakasandal lang sya ng mababa, lakad-lalaki sya. Kunsabagay, ngayon ko lang talaga napanuod ng matagal ang paglalakad nya. Karaniwan kasi sa ospital noon, sa likuran ko ang puwesto nya. Hindi ko tuloy maiwasan ang mag-isip ng kalokohan. Kaya siguro nakahigh heels sya noon ay para sumeksi syang maglakad. Style ng mga babaeng sakang yun. Magsasapatos ng mataas ang heels para sumeksi ang paglalakad nila. At nadiskubre kong isa si Isly sa mga babaeng iyon. Tsaka, Haponesang-haponesa din naman talaga ang dating ng babaeng ito. "I said, am gonna have spaghetti and burgers plus coke. And no ice please." Malinaw at mabilis nyang sabi sa service crew na nakanganga sa harap nya. Tsk! Paano sya maiintindihan ng pobreng pinagsasabihan nya ng order nya kung slang na slang ang pagkakasabi nya. At mukhang dalawang beses nya nang nasabi yung order nya dahil hindi gaanong maintindihan iyon. Tss. Ang arte kasing magsalita ng Isly na ito. "Miss, isang spaghetti, isang hamburger at isang coke na walang yelo." Pagsingit ko sa kanila. Saka lang itinikom ng service crew ang bibig nya at inasikaso na ang order ni Isly. Nang mailagay na iyon sa tray ay dalawang lalaking service crew pa ang nag-unahan na magbuhat sa tray nya na para bang hindi iyon kayang buhatin ni Isly. Kesa mamahiya, minabuti ko na lang na hindi sila pansinin. Nang kumakain na kami ay lihim akong napapangiti dahil halatang sarap na sarap si Isly sa kinakain nyang spaghetti. At dahil obvious na gusto pa nya, nagpaorder pa ako kay Rusty ng isa pa. At ang walang hiya kong tauhan, nagkacrush pa ata kay Isly. Nagblush ang hinayupak at muntik pang mabitawan ang plato ng spaghetti nang iabot nya na iyon sa babae. Nagtawanan tuloy sina Nanay at sinimulan na nilang tuksuhin ang dalawa sa isa't isa. "Alam mo ba, Isly, masipag yang si Rusty." "Alam mo ba, Isly, mabait yang si Rusty." "Alam mo ba, Isly, masunurin yang si Rusty." "Oo nga! At alam mo ba, Isly..." "... Tatlo na ang anak nyang si Rusty sa iba't-ibang dalaga." Pang-aagaw ko sa sasabihin pa ng nanay ko kaya napatingin silang lima sa akin. Nakakairita eh. Pinagbibida na si Rusty na kinikilig naman. At si Isly, tila tuwang-tuwa pa! Rusty sila nang Rusty! Paano naman ako?! Uhm, ang ibig kong sabihin, paano naman ako na nabibingi na sa pagdadaldalahan nila?! Nakakabwiset na. "Intayon ta di tayon to ket marabyan! (Tara na para hindi tayo gabihin!)" Nayayamot kong utos sa lahat. At dahil hindi iyon naintindihan ni Isly, kinakailangan pang itranslate iyon sa Tagalog ng Nanay ko. Ang kaso dinagdagan pa nya ang sinabi ko. "Tara na daw at natatae na ang anak ko." Sabay tawa ng malakas. At ang Isly, nakitawa pa. Maging ang mga nasa kalapit naming mesa ay natawa rin sa sinabi ng nanay ko. Nababadtrip tuloy akong nagpatiunang umalis para iwan na sila. ... Hapon na nang makarating kami sa aming baryo dito sa Tagudin, Ilocos Sur. Papasok pa ang kinaroroonan ng baryo namin at malayo sa hi-way. Sumalubong sa amin ang aking mga trabahador at tinulungan kaming magdiskarga ng aming mga dala. Bago tuluyang pumasok sa loob ay nasulyapan ko pa ang Nanay ko na ipinakikilala si Isly sa lahat. Tuwang-tuwa ang mga ito sa kanya. At hindi iyon nakapagtataka. Malayong-malayo kasi ang itsura ni Isly sa aming taga-probinsya. At base sa nakita ko, proud na proud ang nanay ko kay Isly na tila ba artista ang kanyang ipinapakilala. "Uncle Luis!" Tawag sa akin ng matinis na boses. Galing iyon sa mag-aapat na taong gulang na pamangkin kong anak ng kapatid kong si Jerwin. Bunga si Jang-jang ng palpak na pagpikot sa kapatid ko. Nang takbuhan ni Jerwin ang mama ni Jang-jang nang malaman na buntis ito, nagdesisyon itong iwan sa amin ang bata. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin nagkikita ang mag-ama. Magbibirthday na sa isang linggo ang bata at ang regalong hiniling nito ay ang makilala na ang ama. Kaya ako nasa airport nung araw na iyon dahil kauuwi ko lang galing Taiwan. Pinuntahan ko ang magaling kong kapatid para bitbitin sana pauwi ng Pilipinas dahil hindi nya sinasagot ang mga tawag ko. Ngunit mas dumoble pa ang galit ko sa kanya nang madiskubre ko ang mas mabigat na rason ng kapatid ko kung bakit hindi sya makauwi ng Pilipinas. Nalaman kong may kalive in na syang Taiwanese model. At ang masaklap, lalaki ang model na iyon. Nasuntok ko ang kapatid ko at muntik pa akong makipagbugbugan sa boyfriend nya. Mabuti na lang at naawat kami ng mga security guards ng condo na tinitirahan nila dahil kung hindi ay tiyak ko na makukulong ako doon. "Jang." Sagot ko sa kanya. Kahit may kirot pa rin akong nadarama sa may tiyan ko na tinamaan ng bala ay binuhat ko pa rin sya. Humalik sya sa pisngi ko at agad na nagtanong. "Ayan na ngay ni Papak, Uncle? (Asan na po si Papa ko, Uncle?)" Nakadama ako ng sama ng loob sa kapatid ko sa nakikita kong excitement sa mga mata ng anak nya. Nag-umpisa na rin akong makadama ng galit sa mga bakla dahil sa awang nadarama ko para sa pamangkin ko.  Paano ko sasabihin sa kanya na mas importante sa Papa nya ang boyfriend nito kesa sa kanyang anak nito? Akmang magsasalita na ako nang pumasok si Nanay kasama si Isly. "Papa? Apay ngay sabali met rupamon? (Papa? Bakit nag-iba na ang mukha mo?)" Nagulat kaming lahat sa sinabi ng bata. Nagkatawan kami ni Nanay habang nagpapalipat-lipat sa amin ang nagtatakang mga mata nina Jang-jang at Isly. "Jang-jang, hindi sya ang Papa mo. Isa pa, babae itong si Isly at hindi lalaki. Wala si Papa mo." Pagpapaliwanag ni Nanay sa bata para maintindihan ni  Isly. Nakakaintindi naman kasi ng Tagalog si Jang-jang dahil sa araw-araw na panunuod ng TV. "Wala po si Papa ko? Hindi po sya umuwi para sa birthday ko? Three years na syang absent sa birthday ko eh." Malungkot na malungkot na sabi ng bata. Maging kami ay nadama iyon. Pinanikipan na ako ng dibdib nang magsimulang umiyak ang pamangkin ko. "Andaya ni Papa ko. Lagi na lang syang wala tuwing birthday ko. Hindi nya talaga ako love." Ngumunguyngoy na iyak nya. Hinaplos ko naman ang likuran nya para patahanin sya. Ngunit bago pa ako makapagsalita ay nasa harapan ko na si Isly at nakataas ang mga kamay para marahil kunin ang bata sa akin. "Don't cry, baby girl. Um, halik ka. I mean, karga ko ikaw?" Pag-iimbita nya dito. Hindi naman nangimi ang pamangkin ko at lumipat ito sa naghihintay nyang mga kamay. "Love ka ni Papa mo. Kaya lang, may work sya. Doon sa malayo. At sya, ako padala sayo. Ako yung gift nya sayo. Ako, di absent sa birthday mo. Alaga kita, gusto mo?" Dahan-dahan ang pagsasalita ni Isly at halatang hirap sya sa pagbubuhol ng mga pangungusap nya sa Tagalog. Nagtataka man sa pagsisinungaling nito ay kinikimkim ko muna iyon. Mamaya ko na lang sya kakastiguhin kapag kami na lang dalawa. "Talaga po? Pinadala ka nyang gift ko para may mag-alaga sa akin?" Napatigil sa pagngunguyngoy ang bata. Hmm, mukhang epektibo naman ang pagsisinungaling ni Isly dahil  napatahan nya sa pag-iyak si Jang-jang. Long playing pa naman kung umiyak ito. Nang tumango si Isly sa kanya ay tuluyan na itong tumigil sa pag-iyak at ngumiti na. "Sige po, hindi na ako galit jay Papa." Deklara nito na tuluyan ding nagpangiti sa akin at sa Nanay ko. "Ano pong pangalan mo?" Tanong ng pamangkin ko sa kanya. "Ako si Isly." Nakangiting sagot nito sa bata. "Ilang taon ka na?" Nagsimula na sa pagtatanong si Jang-jang at tuluyan nang nakalimutan ang tungkol sa ama nito. "Twenty two na ako." Aba, tignan mo nga naman. Anim na taon lang pala ang tanda ko sa kanya. Kaya pala kung umasta sya ay tila sya bata. At talagang magkakasundo sila ni Jang-jang dahil isip-bata din sya. "Alam mo po, ang ganda-ganda mo po." "Ikaw ay cute. Super cute." Kitam. Nagbobolahan na sila. Pero nawindang na lang ako sa sumunod nilang usapan. "Wala po akong Mama. Pwedeng ikaw na lang ang Mama ko?" Napatingin kami ni Nanay kay Isly. Parehong kinakabahan sa magiging kasagutan nya. At mukhang pinag-iisipan nya iyon dahil hindi sya agad nakasagot. "Ayaw mo po?" Nagdaramdam na tanong ni Jang-jang sa kanya nang waring mainip na rin ito sa magiging kasagutan nya. "Jang, hindi naman kasi sya magtatagal.... Ha...?!" Napatigil ako sa sasabihin ko sana nang marinig ko ang mahinang sagot ni Isly. "I said, 'Opo'. If want nya ako na Mama, opo ang sagot ko." Nahihiya nyang paliwanag. Naningkit ang mga mata ko. Ano yun? Paaasahin nya ang bata? Hindi naman sya magtatagal dito sa amin eh. Aalis din sya. "Talaga po? Yehey! May Mama na ako!" Masayang sabi ng pamangkin ko. Yinakap at hinalikan pa nya si Isly. Sumulyap si Isly kay Nanay para humingi ng permiso at matamis na ngiti ang isinagot ng nanay ko sa kanya. Nang sa akin sya tumingin ay sinimangutan ko sya. Nawala ang masaya nyang ngiti at nakita kong napalitan iyon ng kaba. Tsk, hindi ba nya alam na panibagong problema na naman ang dala nya? .... Hapunan na nang magkaharap-harap kaming muli. Magrereklamo sana ako dahil nagpakatay pa ng baboy si Nanay para sa aming bwisita ngunit pinigilan ko ang sarili kondahil nasa harap kami ng grasya. Sayang yung baboy ko. Wala namang may birthday eh. Kuripot na kung kuripot pero bilang Ilocano naturalesa ko na iyon. Ngunit nang makita ko naman ang saya sa mukha ni Nanay at ng pamangkin ko ay itinikom ko na lang ang bibig ko lalo na at tila excited din si Isly na tikman ang mga nakahandang mga putahe. Sa totoo lang, lihim ko syang pinapanuod habang kumakain. Kahit pino ang kanyang paggalaw, nakikita ko namang nag-eenjoy sya na tila first time nyang makatikim ng lutong-bahay. Sa dami ng nakain nya, nagtataka ako kung saan pa mapupunta ang mga iyon sa payat nyang katawan. Nang matapos ang hapunan ay nagkanya-kanya na kaming pasok sa aming mga kuwarto. Dalawang palapag ang aming sementadong bahay. Dalawang kuwarto sa itaas para sa aming magkapatid at dalawa sa baba para sa aming mga magulang at isang stock room. Simple lang ang pamumuhay namin ngunit isa kami sa matatawag na silent millionaires dito sa Norte. Mahigit singkuwentang hektarya ang aming lupain. 30 hectares ang aming sinasaka. Ang dalawampu ay ipinapasaka namin sa iba. May poultry at piggery business din kami. Nagbabuy and sell din kami ng mga kambing, baka at kalabaw. Balak ko na ring magpasimula ng isang palaisdaan ngunit kinakailangan ko na ang tulong ng kapatid ko. At dahil nga mas pinili nya ang manirahan abroad, hindi ko na muna iyon itutuloy. Kung ikukumpara kami sa ibang may-kaya, aakalain ng iba na hindi kami kabilang sa kanila. Ang nanay ko halimbawa. Tanging yung hikaw lamang na nabili nya sa palengke at wedding ring nya ang suot nya. Yung mga mamahaling alahas nya ay nakatago lamang at nagagamit kapag may espesyal na okasyon. Hindi rin kami magarbong magdamit. Karaniwan nang pambahay lamang ang aming suot. Sa katunayan, kahit hindi na kami magtrabaho at magpabandying-bandying na lang ay mamumuhay pa rin kami ng mariwasa. Ngunit kaming mga Ilocano ay mamamatay yata kapag hindi nagbanat ng buto. Nasa dugo na namin ang pagiging masipag. Ika nga namin, we work hard for our money. Iilang Ilocano lang ang tamad. Graduate ako ng Veterinary Medicine at nakatulong yun ng malaki para mapalago ang aming negosyo. Bukod sa aming poultry at piggery, ang pag-aalaga din at pagbebenta ng mga manok-panabong ang pinagkakaabalahan ng Tatang ko. Matanda na syang nag-asawa kaya naman 26 pa lang ako, 72 na sya. 55 naman ang aking nanay at 23 ang aking kapatid na si Jerwin. Sa aming apat, ito lang ang nahilig sa pag-aabroad. At ginamit nya iyon upang takbuhan ang nanay ni Jang-jang. Anak ito ng nagsasaka sa isang parte ng aming bukirin. Habang abala pala kami nuon ay inaakyat nya si Jerwin at naglalaro sila ng hubaran. At nang sabihin ng babaeng buntis na sya, kinabukasan ay wala ng Jerwin itong naabutan. Ibinigay naman namin sa kanya ang mga dapat ay ang kapatpid ko ang magprovide. Ngunit nang manganak ito ay iniwan na sa amin ang bata at nag-abroad na rin ito. Nang makaramdam ako ng tawag ng kalikasan ay bumangon ako sa aking pagkakahiga at lumabas ng aking kuwarto. Muntik pa akong mapasigaw nang may mabungaran akong nakatapis na babae sa labas ng kuwarto ko. Okitnana! Si Isly lang pala! Maging ito ay muntik na ring mapatalon sa gulat dahil sa bigla nyang paglabas. Hmm, mukhang naligo ito. Nasasamyo ko ang bango ng sabon na ginamit nya. Napatitig kami sa isa't isa at dahil likas na sa mga lalaki ang pasadahan ng tingin ang babaeng kaharap, bumaba ang mga mata ko sa kanyang mga labi na bahagyang nakabuka, sa kanyang may pagkaflat na dibdib (sa payat nya, aasa pa ba akong malaki ang dede nya?), sa kanyang malaporselanang mga hita at binti, at sa kanyang maliliit at cute na mga paa. Lumunok ako dahil natuyo ang lalamunan ko sa masarap na kagandahang nasa aking harapan. "I just... took a shower." Kinakabahan nyang sabi. "O---ahem!" Nakakabadtrip! Pumiyok ba naman ang boses ko?! Kitnana ketdi. "Okay lang."  Pero sana hinintay mo ako para sabay tayong nagshower. Bulong na may pagkamanyak kong anghel dela guwardiya. "Thank you." Ngumiti sya ng matamis sa akin. Nang-aakit. Nanghahalina. Nakaka...manyak nga talaga. "Wag ka ngang pangiti-ngiti pa dyan! Magbihis ka na. Mamaya lamigin ka pa dyan, magkasakit ka pa! Gagastusan pa kita!" Pinairal ko ang kasungitan ko para mapagtakpan ang totoong nararamdaman ko. Dahil kung magpapatuloy sya sa pagngiti-ngiti nyang iyon, baka hindi na ako sa banyo pumasok kundi sa gitna na ng mga hita nya. At dahil sa pagsusungit ko, muli na naman syang tumiklop. Nawala ang kislap sa kanyang mga mata at napalitan iyon ng kalungkutan. Gusto ko tuloy bawiin ang sinabi ngunit nakatalikod na sya. At bago pa sya tuluyang makapasok sa kuwarto nyang katapat ng kuwarto ko, may narinig pa akong ibinulong nya. "Good night. Sleep well." Nang sumara ang pinto ng kuwarto nya ay lalo akong sinurot ng konsensya ko. Sinungitan ko na nga sya at lahat pero hiniling pa rin nya na makatulog ako ng mahimbing. Ngali-ngali ko nang iuntog ang ulo ko sa pader. Bakit ba kasi patuloy ko syang sinusungitan eh nakokonsensya din naman ako pagkatapos? Dahil lang ba iyon sa pagiging maganda nya? Dahil ba iyon sa kapahamakang dinala nya sa akin? O dahil iyon sa unti-unti na nyang pagpasok sa puso ko? Hindi. Hindi ito maaari! ...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD