Tumakbo na silang lahat maliban kay Ella upang lapitan ang nakahandusay na kapatid. Nang maiwan si Ella ay dahan-dahan siyang gumapang malapit sa katawan ng Kuya Romulo niya.
"Kuya Romulo! Kuya . . . please, huwag mo 'kong iwan! Lumaban ka!" sigaw niya at tumulo ang luha.
Biglang napadura ng maraming dugo si Romulo. "Hindi ko kaya, Ella. Malalim na ang tama ng baril at unti-unti na akong nauubusan ng dugo. Ilang minuto na lang at makakapiling ko na ang mga magulang natin pati si lola."
"Huwag, kuya! Huwag mong sabihin 'yan dahil kaya mo pa 'yan!"
"Eto na lang ang ipangako mo sa akin. Itakas mo ang mga natitirang buhay. Kagatin mo ang leeg ko dahil kapag yung dugo ko ang pumasok at dumaloy sa katawan mo ay magiging sinlakas o mas malakas ka pa kay Lolo Kasyo. Iyan ang sinabi sa akin ni Lola noong nabubuhay pa siya."
"Hindi ko kaya, kuya!" hagulgol na sabi ng dalaga.
"Sige na. Kaya mo 'yan. Alang-alang sa kanila, lalo na roon sa buntis. At saka kayo pumunta sa basement. Nandoon ang m . . ."
Agad sumigaw si Ella nang malakas dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Kahit duguan at hubo't hubad pa siya ay napilitan niyang kagatin ang leeg ng kanyang kuya at sinipsip lahat ng dugo nito hanggang sa matuyuan ito. Dahil lang sa namumuong galit sa lolo niya na gustong-gusto niyang patayin.
~~~
Habang tumatakbo sina Leni, Jena, Lemuel, Edison, at mga kasamang grupo nina Sarah ay nagulat silang nagkailaw sabay nakasalubong nila si Jerick na tila bigat na bigat sa dinadalang bag.
"Tol, akala ko, patay ka na!" Sabay niyakap ni Edison si Jerick.
Hanggang sa ibinaba ni Jerick ang dalang bag at binuksan ito, nagulat silang punong-puno ito ng iba't ibang armas.
"Cool, dude! Where did you get that?" ngising sabi ni Lemuel habang pumipili ng mga baril sa bag ni Jerick.
"Dude, bibigyan ba natin ang batang kasama natin?" tanong muli ni Lemuel kay Jerick sabay tumingin sila kay Ryan na kapatid ni Borj.
"Oo!" ani Borj sabay nag-squat siya at humarap sa kapatid saka iniabot ang isang maliit na magnum.
"Naaalala mo pa ba noong nakaraang isang taon. Di ba, sabay sabay tayong nanonood nina Mama at Papa sa sinehan? Marunong ka naman sigurong gumamit ng baril. Just pull this trigger, bro. Naglalaro ka naman siguro ng Resident Evil. I trust you kung may mangyari di maganda," naiiyak na sabi ni Borj.
~~~
Biglang nagising si Commander Raquel pagkatapos ng matinding paghampas sa kanya ng plywood ni Leni.
Nagulat siya at nasilaw sa ilaw. "Tangina! May ilaw na!" sigaw niya. "Nasa hospital pa ba ako?" tanong niya ulit sa sarili.
Nakita niyang katabi na ang patay na katawan ni Doc. Romulo na duguan ang leeg.
Pagbangon niya ay nanginig ang kanyang mga tuhod nang may marinig siyang boses.
"Magaling, magaling! Ako pa ang napili mong traydurin. Pinagbigyan na kitang hindi patayin at kainin dahil sabi mo, may buntis. Pero ano'ng nangyari? May pagtatangka ka pang patayin ako. Kaya mahirap pagkatiwalaan ang mga taong tulad mo."
Pagkatalikod ni Commander Raquel ay si Kasyo ang kanyang nakita.
"So, nandito ka pa pala at buhay! Sa totoo niyan ay hindi kita pinatay. Pampatulog lang yung naipakain ko sa 'yong formula," pagkukunwaring sabi ni Raquel.
"Sinungaling!" sigaw nito saka sinugod at kinain ng matandang aswang ang lider ng mga rebelde. Wala itong itinira ni katiting na laman dahil gutom na gutom na ito.
"Mga tao talaga. Mga traydor talaga kayo. Dapat sa inyo ay walang itinitira lalo na sa mundong ito." Sabay pahid ng matandang aswang sa nagkalat na dugo sa bibig niya.
Sinundan niya ang amoy nina Leni. Makaraan ng pagtatakbo ng mga ito ay bumigay na ang matandang si Sarah.
"Hanggang saan ba tayo tatakbo? Wala nang daan palabas sa clinic na 'to. Mauuwi rin tayong lahat na patay sa kamay ng matandang aswang," sabi nito sabay huminto ito't umupo na nakatungo ang ulo.
Napatigil na lang silang lahat na tila naawa sa matanda.
"Hindi puwede, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Makakalabas tayong lahat dito nang buhay!" sigaw ni Jerick.
"Bakit n'yo ako pinahihirapan? Alam n'yo bang habang ginagawa n'yo 'yan ay mas lalo akong nanggigigil sa inyo! Nasaan ang lintik na buntis na 'yan at papalabasin ko kayo!" Hirit muli ni Kasyo kaya doon naman napunta ang attensyon ng lahat.
"Ayaw namin siyang ibigay sa 'yo, Kasyo! Dadaan ka muna sa amin bago mo makuha ang baby ni Jena!" sigaw ni Edison.
Mas nag-init ang ulo ng matandang aswang. May sinimulan siyang basahing kakaibang ritwal sabay pumikit.
"Sis, ano'ng ginagawa niya? Nakakatakot!" bulong ni Jena kay Leni.
"Di ko nga alam e!" ani Leni nang marinig nilang may bumaril sa matandang aswang at si Borj ito.
Agad tumalikod ang matandang aswang na galit na galit kaya't hinanda ang sarili. Bigla siyang tumakbo na tila sumasabay sa hangin. Napapikit-mata si Borj at akala niya ay huli na ang lahat para sa kanya.
Napatilapon si Kasyo dahil sa pag-atake ng kauri nito.
"Ella?" nanghuhulang sabi ni Jerick. Isang mas nakakakilabot na mukha ng aswang na katulad din ni Kasyo. Parang natutunaw ang balat at punong-puno ng dugo ang humarap sa kanila.
Hindi basta-bastang manananggal ang anyo ni Ella pagkatapos niyang mainom ang dugo ng kapatid niyang si Romulo. Halos naging katulad na niya ang kagimbal-gimbal na anyo ni Kasyo.
"Ako na lang, Lolo Kasyo! Huwag sila!" sigaw ni Ella.
"Magaling! Magaling! Sinunod niyong magkuya ang sekreto kung paano maging isang malakas na aswang!" ngisi ng matandang aswang at pumikit at ipinagpatuloy ang ritwal na binabasa nang mabilisan.
Pagbukas ng mata niya ay humalakhak siya nang malakas. "Katapusan n'yo nang lahat dahil ginawa kong aswang ang lahat ng patay na nakalibing dito sa clinic. Mahigit isandaan ang bubuhayin kong patay na may kapangyarihang kainin kayong lahat!"
Tumakbo ito't dumikit sa kisame saka sila iniwan.
Nagsimula na! Lahat ng mga patay sa loob ng clinic ay bumangon. Ang mga kinain ng aswang, mga namatay na pasyente, at mga nakalibing na ay bumangon sa pagkamatay na tila mga zombie ang mga mukha at tila gutom na gutom sa karne ng tao.