Pagkatapos tumakas nina Leni kasama ng mga nasa pulang kuwarto ay nagulat sila sa kanilang naabutan.
"Leni! Okay ka lang ba?" tanong ni Ella.
Biglang natakot ang tatlo sa mga rebelde habang 'yong dalawa naman ay nagalit.
"Huwag tayong magtiwala riyan. Aswang din 'yan at dugo pa rin ang bumubuhay sa kanya, na sa huli't huli ay hahanap-hanapin niya."
Hindi rin makapagsalita si Ella dahil karamihan ng rebelde ay nakain na niya noon pa, kaya ang mga natira lang ay wala nang tiwala sa kanya.
"Leni! Halika, itatakas ko kayo rito, kayo nina Jerick dahil alam ko kung nasaan sila. Sasamahan ko kayo kung saan ang labasan," nakangiting sabi ni Ella na tila kinukumbinsi siya.
"Ella, hindi lang ako. Kasama ko sila. Kawawa sila kapag naiwan sila rito," pakiusap ni Leni.
Agad tumingin si Ella sa sampung tao at napilitan na lang. "Sige, isama mo sila. Dalian natin. Baka maabutan ni lolo sina Kuya Romulo at Jerick sa laboratory. Ginagawa na kasi nila ang formula."
"Sino 'yon? Akala ko, hinahanap mo lang ang daan palabas? May mga nawawala ka pa palang kasama rito?" ani Borj.
"Ella, paano mo mapapatunayan na dapat ka naming pagkatiwalaan e lolo mo naman ang pinuno ng mga aswang," tanong ni Ryan sabay tinakpan ang bibig nito ng kapatid niya.
Hindi na iyon pinansin pa ni Ella. Habang nagmamadali silang tumakbo papunta kina Jerick at Romulo ay bigla silang napahinto nang may sumalubong sa kanilang isang distorted ang mukha na aswang.
"Akala n'yo, makakatakas kayo rito, Ella? Alalahanin n'yo, may pitong aswang na naglilibot sa clinic na 'to at isa na ako roon!" sigaw nito habang nakangisi at halatang hayok na hayok na makakakain ng laman ng tao.
"Iyon ang akala mo dahil pinatay ko na yung dalawa sa mga sinasabi mong aswang," sabi niya sabay dinukot ni Ella ang puso nito na ikinamatay ng aswang.
"Ella, bakit ang lakas mo sa kanila?" namamanghang tanong ni Leni sa dalaga.
"Kasi apo ako ng pinakamatandang aswang na si Kasyo," sagot ni Ella.
Dahil doon ay nakuha ni Ella ang loob ng sampung taong kasama nila. Agad silang tumakbo ulit at hinanap ang daan kung saan naroon sina Jerick at Edison, pati na ang mga natitira pang kasama nila.
~~~
Habang ginagawa ni Doc. Romulo ang formula sa laboratory ay bigla siyang natuwa dahil maganda ang naging resulta ng ginawa niya.
"Yes, gumana ang formula! Jerick, gumana siya!" tuwang pasigaw na sabi ni Romulo pagkatapos niyang ipainom ito sa guinea pig na nawalan ng malay at nakatulog. Ngunit nagulat siya nang may tumutok na maliit na blade pang-opera sa likod ng leeg niya.
"Jerick?" tanong ni Romulo habang napapalunok ng laway.
Pagkatalikod niya ay nainis siya nang makita niyang nakatali ang mga kamay ni Jerick at ang taong nagtututok ng blade sa leeg niya ay walang iba kundi si Commander Raquel.
"Akala mo, Doc. Romulo, ay magtatagumpay ka? Akin na 'yang formula na 'yan, dali! Sabihin mo rin sa akin kung para saan ito kundi mamamatay kayong dalawa?"
"I-isang formula 'yan para makatulog ang isang aswang," sagot naman ni Romulo.
Kitang-kita ang pagtutol ni Jerick ngunit hindi ito makasigaw dahil may nakatakip na panyo sa bibig nito.
"Alam ko, may baril ka ring itinatago riyan. Saan mo itinago? Sabihin mo sa akin, dali!" pasigaw na sabi nito habang tumatawa.
~~~
Kinakabahan naman sina Edison, Lemuel, at Jena sa mga sunod-sunod na pangyayari.
"Silipin mo nga riyan, Lemuel, kung nakaabang pa rin diyan sa labas ng pinto ang mga aswang," utos ni Edison habang pinapahiga niya si Jena dahil medyo na stress ito sa pangyayari at nawalan ng malay.
"Edison, wala na sila. Puwede na ba tayong lumabas?"
"Huwag, nasilip ko. Dead end na sa labas dahil sinarhan tayo rito sa loob ng clinic. Naka-lock na at hindi ko alam kung saan ang labasan," ani Edison sabay sumilip sa bintana ng kuwarto ngunit may rehas ito na ikinarindi niya. Nagulat na lang siya nang may nakita siyang pusang naglalakad sa harap niya. Dali-dali niyang kinuha ang mga natitirang pagkain para palapitin ito sa kanya. Nang lumapit ito sa rehas na bintana ay agad niya itong hinuli.
"Uy! Ano na namang gagawin mo riyan sa walang kamuwang-muwang na pusa, Edison?" tanong ni Lemuel.
Biglang pinalo ni Edison ng tubo na nahanap niya sa ilalim ng kama ang pusa. Kinuha rin niya nang mabilisan sa labas ang mga basag na salamin at bumalik sa kuwarto.
"Mabuti at wala na ang mga aswang sa labas. Clear ang site," ani Edison.
"Ano'ng gagawin mo riyan? Pinatay mo pa ang pusa. Don't tell me, you're going to lacerate it, dude?" inis na sabi ni Lemuel.
Hindi na ito pinakinggan ni Edison. Nagulat na lang si Lemuel dahil pinugutan nito ng ulo ang pusa kaya muntikan pa siyang masuka.
"Give me the jar you're hiding in your back pack."
"Dude, there's my candy."
"Basta gawin mo na, Lemuel!" galit na sabi ni Edison kaya wala itong ibang nagawa kundi gawin ang sinasabi nito.
Agad niyang kinuha ang pugot na ulo ng pusa at inilagay doon sa transparent na garapon ng kaibigan.
"Damn it! Huwag mong sabihin na idi-display pa natin 'yan?" gigil na sabi ni Lemuel.
"Ang dami mo namang sinasabi, p're. Ibigay mo na lang sa akin ang mineral water mo at ibubuhos ko rito."
"What dude? Wait, ako na ang kukuha sa banyo ng tubig. Not the mineral water. Naubusan na tayo ng pagkain dito, pati ba naman tubig sasayangin mo pa? You're crazy!"
Tumayo si Lemuel at pumasok sa banyo upang kumuha ng tubig sa gripo. Habang nakabukas ang gripo ay medyo nainis siya dahil walang tubig sa clinic.
Pagtalikod na pagtalikod niya ay nagulat siya nang may aswang sa harapan niya at sinakal siya.
"Help, Edison! Ma-may aswang!" sigaw ni Lemuel. Naalala niyang wala palang nakatapon na mga bawang sa banyo kaya malamang dumaan ang aswang sa bintana.
Agad kinuha ni Edison ang mineral water at ibinuhos nang mabilisan sa garapon na kinalalagyan ng pugot na ulo ng pusa at pumunta sa banyo.
Pilit hinahablot at inaalis ni Lemuel ang kamay ng aswang sa pagkakasakal sa kanya dahil nahihirapan na siyang huminga nang sumigaw si Edison. "Ako ang harapin mo, aswang!"
Tumalikod naman ang nakakatakot na pagmumukha ng isang babaeng aswang at binitawan sa pagkakasakal si Lemuel bago ngumisi. Biglang ipinakita ni Edison ang pugot na ulo ng pusang nasa garapon na may tubig kaya't napaluhod ang aswang at nagsuka ito nang nagsuka.
Makalipas ng tatlumpong minuto ay nagtaka na sina Lemuel dahil suka pa rin nang suka ang aswang pagkatapos nitong makita ang garapon na may lamang ulo ng pusa.
Hanggang sa naisuka na nito ang tila isang bilog na hugis dyolen na kulay lupa kaya bumalik ito sa dating normal na anyo. Isang magandang babaeng kaedad ni Doc. Romulo.
Agad itong nilapitan ni Edison para tulungan.
"Dude! Huwag mong lapitan 'yan dahil baka nagpapanggap lang 'yan!" sigaw na sabi ni Lemuel.
"Hindi! Sabi ng lolo ko, kapag naisuka ng isang aswang ang isang bilog na hugis dyolen ay babalik na siya sa pagiging tao," ani Edison.
"Ano'ng pangalan mo? Paano ka naging aswang?" sunod-sunod na tanong ni Edison.
"Ako si Merlinda at isang dayo sa lugar na ito. Ginahasa ako ni Kasyo at ginawang aswang pagkatapos ipalunok sa akin 'yang bilog na 'yan," sagot ng babae.
"Alam kong hindi naalis ang memorya mo pati ang pang-amoy. Buhay pa ba ang mga kasamahan ko? May tao pa bang buhay sa loob ng clinic na 'to?" tanong ni Edison.
"Sa palagay ko ay imposible dahil madami kaming mga aswang na ipinatawag ng pinunong si Kasyo upang lusobin itong lugar. Siya rin ang nagsabing patayin namin ang sinumang mahuhuli naming tao sa clinic kaya malamang, patay na ang mga kasamahan n'yo," ani Merlinda.
"I knew it. That Doctor Quack is one of them. Kung ganoon ay kaya mo pang ituro sa amin ang daan para makalabas tayo sa clinic na ito! " gigil na sabi ni Lemuel.
"Oo. Dalian n'yo bago tayo abutan ng matandang aswang," ani Merlinda.
Binuhat ni Lemuel si Jena habang wala pa itong malay. Sinundan nilang tatlo si Merlinda para ituro ang daan palabas.
Habang tumatakbo sila ay nagulat na lang sila nang makasalubong nila ang matandang aswang. Isang hawi lang ng pakpak nito sa babae ay napugutan na ng ulo si Merlinda.
Tumalsik ang dugo nito kina Edison at Lemuel habang buhat-buhat si Jena na ikinatakot nila habang nanlalaki ang mga mata.
"Ano'ng akala n'yo? Maitatakas n'yo ang buntis na 'yan?" sabi ng isang tinig ng matanda.
Biglang nagpakita si Kasyo ng pagkahumaling at tila gutom na gutom sa tiyan ng buntis na dalaga dahil sa paghaba ng dila nito. Bigla namang may sumigaw na ikinabigla nilang lahat.
"Magkakamatayan muna tayo, Lolo Kasyo, bago mo mahawakan ang mga kaibigan ko!"
Nagulat sina Edison at Lemuel nang makita nilang ito pala ay si Ella. Kasama nito sina Leni na ikinatuwa ng binata dahil buhay pa ito at kasama pa ang sampung iba pa.
"Inubos ko na ang mga aswang na ipinatawag mo. Pinatay ko sila kaya alam kong mapapatay rin kita!" matapang na sigaw ni Ella kay Kasyo.
"Magaling! Magaling. Sa palagay mo ba ay malakas ka na niyan?" natatawang sabi ulit ni Kasyo.
Sa sobrang inis ni Ella ay nag-transform siya agad bilang isang nakakatakot at mabangis na aswang. Ngunit nang sumugod siya at atakihin si Kasyo ay narinig niya ang putok ng isang baril na ikinabahala ng lahat. Napahandusay na lang siya at nawalan ng malay pagkatapos tamaan ng bala ng shotgun.
Si Commander Raquel ang may hawak ng shotgun na bumaril kay Ella. Napangisi ito habang kasama sina Romulo at Jerick na nakatali ang mga kamay at nakatakip ng panyo ang bibig.
"Isang nilalang lang pala ang magpapahina sa 'yo, apo. Sayang ka! Hindi ka kasi nakikinig sa lolo mo," ngising sabi ni Kasyo.
"Sa palagay mo ba ay tatablan ako ng bala ng shotgun?" naghahamong sabi ni Kasyo kay Commander Raquel ngunit nginisian din siya nito.
Nang susugurin na ni Kasyo si Commander Raquel para patayin ito ay inihagis nito ang formula sa bunganga ng matandang aswang na ikinawalang malay nito dahil sa panghihina.
"O! Ano pa ang hinihintay n'yo mga kasama? I-hostage n'yo na 'yang mga dayo!" ani Commander Raquel.
Nanggigil sa inis si Leni nang bumaliktad ang lima pa nilang kasamang mga rebelde at hinuli silang lahat pati sina Edison at Lemuel.
"Puwede ba naming gahasain itong mga menor de edad na mga babae, sir?" ngising tanong ng isang rebelde.
Biglang nagwala si Mariel. "Mga hayop kayo! Sana pala inubos na kayong kainin ni Ella!"