BOOK TEN OF X SERIES
CONTENT WARNING: This story contains mature scenes that are not suitable for very young ages.
May balat yata si Kathleen sa puwit noong ipinanganak siya dahil puro na lamang kamalasan ang tinatamo niya sa buhay. Nakakulong sa nakakasakal na rutinaryo bilang isang manunulat na hindi man lamang nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang kanyang potensiyal, napagdesisyunan ng dalaga na takasan ang kanyang mga responsibilidad sa lungsod upang sandaling magbakasyon sa maliit at liblib na probinsyang karatig ng X, ang Santa Quiteria.
Ngunit tila sinusundan talaga siya ng malas nang mawalan ng preno ang kanyang sasakyan at itinirik siya niyon sa gitna ng estrangherong daan. Balak na sana niyang bumalik sa pinanggalingan niya nang biglang dumating ang kanyang tagapagligtas, lulan ng isang puting kabayo, ang batang hacienderong nagngangalang Ishmael.
Pinaunlakan niya ang alok nito na patirahin siya sa hacienda nito pansamantala hanggang sa mapagdesisyunan niyang bumalik. Pati na ang alok nitong turuan siya ng mga bagay na hindi niya matututunan sa siyudad. Ngunit sa bawat pagkakataon na nagkakasalubong sila ni Mael ay pahirap nang pahirap para sa kanya na bumalik sa maingay at nakakasakal niyang mundo. Ang mga mata nitong nagbabaga, tinig na tila nililiyo siya, at libong iba pang mga bagay na ginagawa nito sa kanya, ang dahilan kung bakit ito ang laman ng kanyang mga pantasya sa gabi.
Dapat niya kayang ibalik kay Ishmael ang damdamin nito para sa kanya, ganoong may naghihintay na sa kanyang pagbabalik sa buhay na iniwanan niya?