Chapter 9

2242 Words
“What did he do to you, huh?” seryosong tanong ni Damon Marquez pagpasok namin sa loob ng isang itim na van. Hindi pa rin ako makapagsalita hanggang ngayon. Sariwa pa sa isip ko ang mga nangyari… lalo na ang paghawak ng lalaki sa akin. Ganoon na lang ba talaga kababa ang tingin nila sa akin? Na dahil nag ta-trabaho ako sa club, ibig sabihin ang binibenta ko na ang katawan ko? Na dahil ganito ang suot ko, may karapatan na silang hawakan ang katawan ko? Ganyan ba talaga ang mga nakakaangat sa buhay? Aapihan nila ang mga taong mas mababa sa kanila? “He touched you… right? Where?” Wala pa rin akong imik. Naramdaman ko na lang ang pagiging basa ng pisngi ko. Umiiyak na pala ako. Maging iyon ay hindi ko na namalayan dahil sa pamamanhid ng pakiramdam ko. Yumuko ako kaya mas lalong bumugso ang mga luha ko. Hindi ko alam kung napapansin rin ba iyon ni Damon Marquez pero wala na akong pakealam. Iiyak ako hangga’t gusto ko. “Fck…” paulit ulit na mura ni Damon Marquez. Umiyak ako ng umiyak hanggang sa maubos na mismo ang mga luha ko. Doon lang ako nag angat ng tingin sa kanya. Medyo nahimasmasan na ako ng kaonti dahil nailabas ko na ang sama ng loob ko pati na rin ang sakit dahil sa nangyari. “Empleyado mo ang lalaking ‘yon?” hinarap ko si Damon Marquez. Tumango siya. “Kaya pala…” natawa ako. “Kaya pala magkaugali kayo. Parehong bastos…” Hindi siya nagsalita. Seryoso lang ang tingin niya sa akin. “Ang akala ko nakatakas na ‘ko sa ‘yo… pero hindi pala,” iling ko. “May nakasalamuha na naman ako kagaya mo… na maliit ang tingi s-sa akin.” “Tell me… what did he do to you? Anong sinabi niya?” seryoso pa rin ang tono ng boses niya. May pagbabanta ito. Para bang handa ulit siyang manakit ng tao. “Importante pa ba ‘yon ngayon?” matapang kong sabi. Hindi ako natatakot sa kanya, sa madilim na tingin niya sa akin. Isa pa… ba’t ako matatakot sa kanya? Wala naman akong ginawang mali. Ako ang naagrabiyado rito. “I fired him.” “At sa tingin mo ba… makakalimutan ko na ang ginawa niya… at ang mga sinabi niya dahil lang d’yan sa ginawa mo? Papalakpakan na ba kita?” Alam kong hindi ko dapat binubuhos sa kanya ang galit ko dahil hindi naman siya ang bumastos sa akin. Pero gusto ko lang talagang ilabas ang lahat ng nararamdaman ko ngayon. Hindi ko na matandaan kung kalian ko nga ba huling nilabas ng husto ang emosyon ko. Hindi ko ito madalas ipakita, lalo na sa harapan ng mga magulang ko at mga kapatid ko. Sinasarili ko ito dahil ayokong panghinaan sila ng loob kapag nakita nilang emosyonal ako. Pero sa gabing ito, hindi ko na kaya. Iiiyak ko na ang lahad hanggang sa maubos na… hanggang sa mawala na. “Mayaman ka kasi, eh. Kaya hindi mo alam ang pakiramdam ng m-minamaliit.” Pinunasan ko ang basang pisngi ko. “Marami ka kasing pera kaya mabilis mong napapasunod ang mga tao sa gusto mong mangyari. Wala kang pakealam kahit na may mga nasasaktan at natatapakan na sa mga ginagawa at sinasabi mo. Ang importante lang sa ‘yo… ang sarili mo.” Humalikipkip si Damon Marquez. Natawa siya at napasandal sa sinabi ko. “Kung makapagsalita ka, parang kilalang kilala mo ako.” “Bakit? Hindi ba’t ganyan ka rin naman sa akin noong unang beses tayong nagkita?” balik ko. “Hindi ba’t hinusgahan mo ako no’n? Iniisip mo na dahil nagsasayaw ako sa club… bayaran na kaagad ako.” “Hindi nga ba?” aniya sabay tingin sa suot ko. “Baka nga binigyan mo ng motibo ‘yung lalaki kaya ka nilapitan at binastos.” Natawa ako sa sinabi niya. Seryoso ba ‘to? Seryoso ba siya sa mga sinasabi niya? Ako na nga ang biktima rito… tapos kasalanan ko pa?! “Ako pa talaga?” hindi makapaniwalang sabi ko. “Akala ko arogante at bastos ka lang… nagkamali ako. Mas masahol pa pala sa hayop ang ugali mo. Ipinagmamalaki ka kaya ng mga magulang mo… kung ganyan naman ang ugali mo?” Kita ko ang pagdaan ng panandaliang gulat sa mukha niya. Tila ba may nasabi akong tama at natamaan siya roon. Mabilis rin namang Nawala ang gulat na iyon. “You don’t know me,” malamig pa rin ang boses niya. “At hindi mo rin ako kilala kaya huwag na huwag mo akong sasabihan na bayaran ako.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Sana… ito na ang huling beses na makita kita. Ayoko nang makita ang pagmumukha mo kahit kailan. At tandaan mo, hindi ako maaakit ng pera mo!” Iyon lang ang sinabi ko pagkatapos ay bumaba na ako sa van. Pagbalik ko sa loob ng club, parang walang nangyari. Maayos na ang lahat at balik na sa normal ang nangyari. Nilingon ko ang mesa kung saan naka pwesto ang lalaking bumastos sa akin, wala na sila doon. Malamang ay umalis na ang grupo nila. “Celine!” salubong ni Esme pagbalik ko sa loob. Natigilan ako sa paglalakad nang lapitan niya ako. Isang mahigpit na yakap ang natanggap ko mula sa kanya. “Saan ka dinala ni Damon Marquez? Nag-alala ako sa ‘yo. Susundan talaga sana kita pero hinarang ako ng mga bodyguard niya!” “Okay lang ako, Esme. Nag-usap lang kami. Pero wala na ‘yon. Hayaan mo na…” Bumitiw sa yakap ang pinsan ko. Hinawakan niya ako sa braso. “Ba’t parang magkakilala kayo?” “Hindi. Empleyado niya kasi ‘y-yung bumastos sa akin. Tinanong lang niya kung anong ginawa sa ‘kin,” pagsisinungaling ko. Hindi ko pa kayang sabihin kay Esme ang totoo… sa ngayon. “Totoo ba? Wala siyang ginawa na kahit ano sa ‘yo?” pinasadahan niya ng tingin ang buong katawan ko. Marahil ay naghahanap siya ng bakas ng karahasan. “Tsaka… ba’t namamaga ‘yang mga mata mo? Umiyak ka?” Ngumiti lang ako. Alam na niya ang sagot do’n. Napabuntonghininga siya. “Sigurado ka ba talagang wala siyang ginawang masama sa ‘yo?” may pagdududa pa rin ang boses niya. “Wala…” “Hay... walanghiya ‘yung bumastos sa ‘yo! Nalaman ko kung anong ginawa niya. Huwag kang mag-alala, sinipa ko ‘yung ano niya… para mabawasan ang kalibugan!” “Ikaw talaga. Hayaan mo na, nangyari na. Hindi na natin ‘yon maibabalik.” Naging mabilis ang paglipas ng mga araw. Malaki ang pasasalamat ko na nasolusyonan ko na ang problema ko kay Aling Giselle. Ngayon, ang tanging iniisip ko na lang ay ang pagpapagamot kay Nanay. Tuwing day-off ko, sinusubukan kong pumunta sa iba’t ibang organisasyon para makahingi ng tulong. Sa kasamaang palad, kapag ako na ang sasalang, biglang may cut-off na. At kahit na bumalik pa ako sa susunod na araw, gano’n pa rin ang nagyayari. Hindi na ganoon kabuti ang kalagayan ni Nanay. Palagi niyang iginigiit na ayos lang siya at hindi na niya kailangan pang magpa ospital. Pero ang totoo, hindi naman talaga siya ayos. Ilang beses ko na siyang nahuli na umuubo ng dugo. Hindi na maganda ang pakiramdam niya. Sinasabi lang niya na wala siyang nararamdaman na kahit ano para hindi na kami mag alala pa sa kanya. “May babayaran pa rin naman po kayo Ma’am kapag nandito ang pasyente, kagaya ng mga gamot na kakailanganin niya,” anang babaeng front desk sa information center. Nandito ako ngayon sa isang pampublikong ospital. Ito na ang pinakamalapit sa tinitirahan namin. Dalawang sakay ng jeep ang kailangan bago makarating dito. Pumunta ako rito para itanong kung may mga babayaran pa ba kapag dinala ko si Nanay rito. Nagtanong din ako kung may bakante pa bang pwesto sa ward para sana madala na namin si Nanay ngayong araw. Ayon sa nakausap ko, may bakanteng pwesto pa raw at maaari nang dalhin dito si Nanay ngayong araw. Ang tanging gagastusin lang namin ay ang mga gamot niya pati na rin ang pwesto niya sa ward na tatlong daang piso kada araw. Ayos na rin naman iyon dahil babayaran lang kapag aalis na kami rito sa ospital. Ang konsultasyon sa Doktor ay libre rin. Ang tanging iniisip ko lang ngayon ay ang iba pang pand-medikal na pangangailan ni Nanay, katulad na lang ng chemotherapy. Alam kong medyo may kamahalan iyon kaya naman pursigido talaga akong lumapit sa iba’t ibang organisasyon. Hindi na ako nagsayang pa ng oras. Umuwi ako sa amin para sunduin si Nanay at Tatay. Inarkila ko ang tricycle ng kapitbahay namin para makapunta kami sa ospital. Mas mahihirapan kasi kami kung isasakay pa namin sa jeep si Nanay. Baka mas makasagap pa siya ng sakit pagnagkataon. Sa una, ayaw pa ni Nanay na pumunta kami doon. Mabuti na lang talaga at napilit namin siya ni Tatay. Iniisip kasi niya na may gastusin na naman ako kapag nasa ospital siya. Sinigurado ko naman sa kanya na wala na ‘kong masyadong babayaran sa pagkakataong ito. “Bumibisita raw po ang Doktor dito tuwing alas dos ng hapon at alas otso ng gabi,” sabi ko kay Nanay at Tatay. Nandito na kami ngayon sa ward dahil naayos ko na ang lahat ng dapat kong ayusin. “May mga iri-reseta siyang mga gamot, ‘yon ang mga bibilhin ko.” “Sana naman…” umubo ng kaonti si Nanay. “Hindi ganoon kamahal ang mga gamot para hindi ka na masyadong mabigatan, Celine.” “Nay, huwag niyo na pong isipin ang mga gastusin…” inalalayan ko siya sa paghiga. “Ako na po ang bahala do’n.” “Tama,” sang-ayon naman ni Tatay. Nakaupo siya sa may paanan ng kama ni Nanay. “Tapos na ang kontrata ko sa construction bukas. Pero may bagong building na gagawin… magsisimula ang trabaho sa susunod na linggo.” “Maging ikaw, Roger, masyado mo nang pinapagod ang sarili mo,” nilingon ni Nanay si Tatay. “Pasensya na… naging pabigat ako nang dahil sa sakit ko.” “Nay, huwag mong sabihin ‘yan. Mahal na mahal ka namin… kaya naman ginagawa namin ang lahat para sa ‘yo.” “P-pero—” “Tama ang anak natin, Zenaida. Mahal ka namin kaya huwag mong isipin na pabigat ka.” Gusto ko man sanang magtagal sa ospital, kaya lang, kailangan ko nang umalis. Hindi ko naman kasi day-off ngayon kaya hindi ako pwedeng manatili hanggang gabi. Kailangan kong pumasok sa trabaho. Nagpaalam na ako kay Nanay at Tatay. Umuwi ulit ako sa amin para makapag handa na sa trabaho. Pinagluto ko rin muna ng hapunan si Michael at Anna. Naaawa na rin ako sa mga kapatid ko. Sa murang edad, kailangan nilang pagdaanan ang ganitong buhay. Malaki ang pasasalamat ko na malawak ang pang-unawa nilang dalawa. Naiintindihan nila ang sitwasyon namin sa buhay. Pagod na pagod ako pagpasok ko sa trabaho kinagabihan. Sa unang performance namin, medyo lutang ako kaya hindi ko masyadong nasasabayan ang sayaw. Hindi ako makasunod ng maayos sa grupo. Halatang halata pa man din kapag nagkamali ako dahil nasa unahan ako. Mukhang napansin rin ni Ma’am Alvira ang mga pagkakamali ko dahil nilapitan niya ako pagkatapos ng unang sayaw namin. “Ayos ka lang ba, Celine?” iyon ang unang tanong ni Ma’am Alvira pagdating sa backstage. “Mukhang wala ka sa sarili. Hindi ba maganda ang pakiramdam mo?” hinaplos niya ang noo ko. “Ayos lang po ako,” ngiti ko. “Kulang lang po siguro sa tulog.” “Huwag ka na kayang sumali sa susunod na sayaw niyo? Baka hindi mo kayanin.” “Naku, Ma’am…” iling ko. “Kaya ko po. Ayos lang ako.” “Sigurado ka ba?” “Opo…” Kahit na hindi talaga gano’n kaganda ang pakiramdam ko, ayoko naman na hindi na ako makisali sa susunod na mga performance namin. Ayokong isipin ng mga kasamahan ko na palagi na lang akong pinapaboran ni Ma’am Alvira. Pantay-pantay kami rito. Pinilit kong ayusin ang pagsasayaw ko hanggang sa matapos na ang lahat ng performance namin. Wala si Esme ngayong gabi dahil day-off niya. Kaya naman no'ng oras na ng uwian, akong mag-isa lang ang nag-abang ng jeep. Tinapos ko hanggang alas tres ang shift ko kahit na mas lalong sumama ang pakiramdam ko. Ang tanging gusto ko na lang ngayon ay makawui na para makatulog na ‘ko. Hindi ako pwedeng magkasakit kaya kailangan kong ipahinga itong pagod ko. Isang paracetamol lang, mawawala na rin ‘to. Napahawak ako sa gilid ng ulo ko nang makaramdam ako ng biglaang pagkahilo. Naglakad ako patungo sa pinakamalapit na poste para may makapitan. Sa tapat nito ay isang convenience store. Ilang beses akong kumurap dahil nanlalabo ang paningin ko. Kahit na anong pilit ko, bumabagsak na ang talukap ng mga mata ko. Maging ang pandinig ko ay hindi na malinaw. “Are you okay?” tanong ng isang hindi kilalang boses. Tumango ako at hinawi ang kamay niyang nakahawak sa balikat ko. Sinubukan kong maglakad pero ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko, bumagsak na ‘ko. Ang buong akala ko ay babagsak ako sa daan ngunit hindi nangyari iyon. Ang pinakahuling natatandaan ko bago ako mawalan ng malay ay buhat ako ng isang hindi pamilyar na lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD