"KAMUSTA naman kayo 'Nay sa kabilang resort?" usisa niya sa ina habang naghuhugas siya ng kanilang pinagkainan. May tatlong araw na rin itong nagluluto roon. Naupo ito sa silya na nasa hapagkainan malapit sa kanya. "Ayos naman. Nagustuhan nila 'yung niluto ko. Kanina nagluto ako ng sinigang na hipon. Naparami pa nga ang kain noong dalawa," napangiti ito kapag kuwan. She sigh. Mabuti naman at walang naging problema ang ina niya sa kabilang resort. Dahil kung dumating sa punto na pati luto ng ina niya ay pinulaan ng bisita ng amo ni Inang Carmen ay hinding-hindi na niya pababalikin ang ina sa lugar na iyon. "Sa Lunes nga pala, Yzel. Baka puwedeng ikaw na muna ang magluto sa kabilang resort? Sasamahan ko ang Tatay Eli mo sa doktor niya sa Lucena." Iyon ang monthly check-up ng kanyang ama.