Mahal tayo ng Diyos

[Panimula]
Kumusta ka? Sana po ay nasa mabuti kang kalagayan. Alam mo ba, iniisip ka ng Panginoong Hesus? Yes, hindi ka nawawala sa isipan Niya at puso. He is everywhere. Sana ay matapos mong basahin ang maikling librong ito at mapuno ka ng pag-asa sa buhay. Lalo na at tayo ay nasa gitna pa ng pandemya. Hindi na nga lang pandemya ang kinakaharap ng mundo ngayon. Mayroon ding Asian hate crimes, War, Political issue, pagsasalita ng hindi maganda, kalamidad at marami pang iba. Puro negatibo na lamang ang mababasa natin online at sa balita.
Nakakalungkot. Pero huwag kang mawalan ng panlasa---este ng pag-asa. Kasi, hindi naman nagbabago ang pag-ibig ng ating Panginoong Diyos sa atin. Kapit lang. Matatapos din ang bagyo sa buhay natin. Ang mahalaga, buong puso, kaluluwa at lakas kang nananalig sa Kanya.
Maikli lamang itong libro na nilagyan ko ng pamagat na "A New Hope". Sana ay makapagbigay sa iyo ito ng kalakasan ng loob at apoy sa pananampalataya.
At kung may specific prayer request kayo, i-comment lang at isasama kita sa prayer ko. Ayun lang at salamat!
-- Gianna
*********
***
I.
MAHAL TAYO NG DIYOS
"Ang sabi ko naman sa inyo, 'Huwag kayong matakot sa kanila. Sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban Niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa Niya sa Egipto at sa ilang. Dinala Niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak. Sa kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya, gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan Niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan." – Deuteronimo 1:29-33
**
NARANASAN mo na ba iyong tila walang ending ang iyong problema? Na tila ba wala nang mahanap na sagot sa iyong mga katanungan? Napapatanong ka ng 'bakit'? Ginawa mo naman ang lahat pero hindi pa rin sapat. Kulang pa? May mali ba? Nasaan ang mali? Bilang tao, madali tayong panghinaan ng loob dahil nakikita natin ang resulta ng ating mga problema. We are really vulnerable, lalo na ang ating naghihingalong spirit.
Pero huwag kang matakot o mawalan ng pag-asa.
Dahil nakikita ka at nalalaman ng Diyos ang iyong puso. Maging ang iyong iniisip. Hindi ba't bilang Niya ang hibla ng ating buhok? Oo, bilang Niya maging ang haba ng ating itatagal sa sanlibutan.
Mayroong pag-asa. Basahin mo ang Deuteronimio 1:29-33; "Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo . . ." Sa tuwing ginugupo ka ng iyong problema; financially, health, family o even sa love—'wag na 'wag kang susuko dahil kay Jesus, may pag-asa.
HOPE – is the anticipation of something good. At ang hope ay na kay Lord Jesus.
Alalahanin mo palagi ang ginawa ni Yahweh sa mga taga-Israelita. Makailang ilang beses siyang naghasik ng salot sa Egipto para mapalaya sila mula sa Faraon. Hindi ba't nagawang Niyang hatiin ang Red Sea para sila'y makatakas. Kaya't ano pa ba ang hindi kayang gawin ng Diyos gayong Siya ang makapangyarihan sa lahat at naglalang sa langit at lupa. Hawak niya ang ngayon at bukas. Ang simula at wakas.
Napakabuti ng Diyos. Mahal na mahal Niya tayo. Ang gusto lamang Niya ay ibigin din natin siya at ibuhos mo, isumbong mo, ibigay mo sa kanya ang iyong suliranin. At ibibigay Niya sa iyo ang kapahingahan.
"Sapagkat ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpapahinga sa kanyang paglikha." – Mga Hebreo 4:10
Palakasin ninyo ang inyong pananampalataya at patuloy na manalangin. Iyan ang pinakamainam na sandata sa kahit na anumang suliranin.
Alam kong hindi madali sa umpisa. Para tayong nangangapa sa dilim. Pero sa pamamagitan ng ating pananampalataya, makikita natin ang tanglaw sa kadiliman.
"Ikaw, O Yahweh, nagbibigay sa akin ng ilaw, inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman." – Mga Awit 18:28 (MBB)
Maaari mong balikan o bilangin ang mga naibigay na sa iyo ng Diyos at ang iyong naging problema. Ano ang mas marami?
Siyasatin mo rin ang iyong sarili at naging pamumuhay sa nakalipas na mga araw, linggo, buwan o taon. Ano ang iyong nagawang mali? Naihingi mo na ba iyon ng kapatawaran sa Kanya? Nakakaramdam ka ba ng pagod sa paulit-ulit mong pamumuhay sa mundo? Na kahit nararamdaman mo iyong kaginhawaan ay para bang hindi pa rin sapat. Para bang may kulang pa rin na hindi mo mawari. Baka naman ang kakulangan na iyon ay . . . ang Panginoong Jesus.
Huwag kang mag-alinlangang lumapit sa Kanya at i-confess ang iyong mga pagkakamali. Narito ang Panginoong Jesus para tayo ay iligtas. Ibinuwis Niya ang kanyang buhay para sa ating mga kasalanan.
Mahal na mahal tayo ng Diyos. To the point na ibinigay Niya ang kanyang bugtong na anak upang tayo ay maligtas at makalapit sa pamamagitan ni Jesus. Siya ang ating mahabanging Diyos. Binibigyan Niya tayo ng maraming pagkakataon para talikuran ang ating mga kasalanan. Nagpapadala Siya ng kanyang mga sugo upang iparating ang kanyang utos at chance na bumalik sa Kanya.
Grabe, 'di ba? Ikaw, kaya mo bang isakripisyo ang iyong anak para sa mga taong makasalanan? Na puro pansarili lamang ang iniisip?
At isa pa, tayo ay iniibig Niya! Mahal ka rin Niya! Buksan lamang natin ang ating mga puso para sa Kanya. Magtiwala tayo sa Kanya.
Purihin ang Panginoong Diyos!
Panalangin:
Panginoon, maraming salamat sapagkat laging Kang nariyan at binabantayan kami sa sanlibutan. At higit sa lahat, maraming salamat at mahal na mahal Mo kami. Tulungan Mo po kami na huwag mawalan ng pag-asa. Huwag Mo pong hayaang malayo kami sa Iyo. In Jesus' name, Amen.