KABANATA 23
BLAKE
Sabi ko, pagmamasdan ko lang siya mula sa malayo pero hindi ko inaasahan na magkikita kami sa resort na napiling kong tuluyan sa dalawang araw na pamamalagi ko rito. Nagkataon pa, na wala ‘yung bagong boyfriend niya kaya hindi ko napigilan na ilapit ‘yung sarili ko sa kanya. Alam kong pinagbibigyan niya ako at pinakikitunguhan nang mabuti dahil sa mabait talaga siya at may pinagsamahan kami.
Sa tuwing napapalapit siya sa ‘kin, gusto ko siyang yakapin, at halikan. Gusto kong sabihin sa kanya na mahal ko siya pero ayoko siyang guluhin lalo. Mali na nga ‘yung ginagawa kong pangungulit at paglapit sa kanya at kung gagawin ko pa sa kanya ‘yung mga naiisip ko mas lalo na.
“Bakit ka nagso-sorry? Blake, hindi mo naman kailangan piliting maalala ‘yung mga nangyari noon. May panibagong buhay ka na ngayon at hindi na ‘ko parte no’n.”
Gusto kong sabihin sa kanya na gusto ko pa rin siyang maging parte ng buhay ko, pero pinigilan ko ang sarili ko. “Yeah. You’re right.” Pinilit kong ngumiti kahit na parang nadudurog ‘yung puso ko sa ilang libong piraso. Gano’n kasakit ang isipin na hindi na talaga siya sa ‘kin. Nanikip ‘yung lalamunan ko dahil parang maiiyak ako nang dahil sa sinabi niya. “Uhm… Maglalakad-lakad na lang muna siguro ako sa labas. Sorry for bothering you,” sabi ko at tumalikod na ako at naglakad paalis.
Nagdadalawang-isip ako kung aalis na ba ako o mananatili pa ‘ko rito para sa hiniling kong dinner kasama si Tina, pero mas nanaig ‘yung kagustuhan ko na makasama siya kaya ang pinili ko ‘yung huli. “Pangako, pagkatapos nito, hindi ko na siya guguluhin. Bumalik man ako rito, hindi na ako magpapakita sa kanya,” bulong ko sa sarili ko habang nakatayo ako sa tabing dagat at pinagmamasdan ang palubog nang araw. Ang ganda ng tanawin pero ang lungkot din. Parang pag-ibig ko kay Tina na kailangan ko nang ibaon sa pinakailalim na parte ng puso ko.
Tulad ng dati, wala pa ring kupas ang kagandahan niya, kahit na simpleng pink na blouse, maong na pantalon at puting sandals lang ang suot niya. Tumayo ako nang makita ko siyang palapit na sa ‘kin. “Sa dati pa rin?” tanong niya sa ‘kin. Kahit saan naman ako kumain, ayos lang sa ‘kin, basta siya ang kasama ko.
“Sa dati pa rin.”
Hindi tulad kahapon na pigil ako sa mga sasabihin ko, ngayon hinayaan ko na ang sarili ko. Huli na naman ‘to. Masaya kaming nagkwentuhan. Kinuwento ko sa kanya ‘yung nangyari sa thesis at defense ko. Kilala niya rin kasi ‘yung mga teachers na kasama sa panel ko.
“Grabe si Mr. Madera. Kilalang nangbabagsak ‘yon. Buti nalusutan mo.”
“Inaral ko talaga ‘yung thesis ko. I don’t wanna fail, kasi baka bumalik sa dati si Dad.”
“Masaya ako na malaman na magkasundo na talaga kayo.”
“Minsan may awkward moments, pero ayos lang.”
“Nai-imagine ko kayo ng Dad mo. Hindi pa naman siya sanay na magpakita ng emosyon niya.”
“Paano mo nalaman?”
“Noong naaksidente ka at hindi ka pa nagkakamalay, dumalaw sa ospital sina Inay at Itay. Hindi niya magawang humarap sa mga magulang ko, pero nag-sorry siya sa ‘kin at pinadaan na lang sa ‘kin ‘yung paghingi niya ng tawad sa mga magulang ko.”
“He’s sorry? Bakit?”
“Matagal na ‘yong nangyari. Gusto mo pa bang malaman?” may pag-aalangan sa boses niya.
“Yeah, tell me.”
“Ayaw sa ‘kin ng Dad mo Blake. Tutol siya sa relasyon natin, kasi si George ang gusto niya para sa ‘yo. Engaged ka na kay George nang maging tayo. Pinaglaban mo naman ako, kaya lang nangyari ‘yung aksidente.” Nakita ko ‘yung pangingilid ng luha niya. Ngayon ko lang nalaman ‘yung tungkol sa engagement namin ni George at mahal na mahal ko pala talaga si Tina dahil siya ang pinili ko at hindi si George. Nagawa ko siyang ipaglaban kay Dad.
Hinawakan ko ‘yung kamay niya. “I’m sorry. Hindi na dapat ako nagtanong.”
“Okay lang. Tapos na naman ‘yon.” Mahina siyang tumawa habang nagpupunas ng luha. “O, bakit hindi na maipinta ‘yang mukha mo? Okay lang ako.” Bakit palagi na lang siyang ganito? Pilit na ngumingiti kahit na nasasaktan. Sigurado akong naalala niya ‘yung tungkol sa baby namin nang mag-kwento siya tungkol sa aksidente pero hindi niya binanggit sa ‘kin.
***
“Huwag mo na ‘kong ihatid Blake. Pauwi ka na ng Manila ‘di ba?” sabi niya sa 'kin nang tapos na kaming kumain at nasa labas na kami ng restaurant.
“Ihahatid pa rin kita. Sandali lang naman ‘yon.”
“Sigurado ka?”
“Oo.” Hinawakan ko siya sa kamay. Hindi ko naman plinano, dahil ako mismo nagulat sa sarili ko. Bibitaw sana ako, pero naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko, kaya magkahawak kaming naglakad hanggang sa makarating kami sa kotse ko.
Tahimik lang kami habang nasa loob ng kotse. Parang pareho kaming nag-aalangan na magsalita. Nasa kalagitnaan na kami pauwi sa kanila nang huminto ‘yung kotse ko. Luma na kasi ‘tong kotse na dala ko dahil dati ‘tong kotse ni Dad. Gusto niya nga akong bilhan ng bagong kotse pero tumanggi ako. I told him, na gusto kong bumili ng kotse na galing na sa sweldo ko kapag nag-umpisa na akong magtrabaho.
Sinubukan kong paandarin ‘yung kotse pero ayaw nitong mag-start. “May malapit bang talyer dito?”
“Wala eh.”
“May kilala ka bang mekaniko?”
“Wala rin.”
“Susubukun ko na lang humingi ng tulong sa baranggay. Sandali lang.” Inilabas niya ‘yung phone niya. “Hala! Ba’t ngayon pa ‘to namatay!” Tumingin siya sa ‘kin. “Pahiram ng phone mo.”
“Wait.” Ipinasok ko ‘yung kanang kamay ko sa loob ng suot kong shorts pero wala ‘yung phone ko. Kinapa ko ‘yung kabila ko pang bulsa pero wala rin at naalala ko na naiwan pala ‘to sa kwarto ko dahil nag-charge ako kanina. “Hindi ko pala dala.”
“Hala! Paano na ‘to? Kapag ganito pa namang oras, wala nang masyadong tao na dumadaan dito."
“Wait. Tingnan ko kung may magagawa ako.” Bumaba ako ng kotse kahit na hindi ako sigurado sa gagawin ko. Wala naman akong alam sa pagmemekaniko. Paminsan-minsan nanonood ako kapag inaayos ‘yung kotse ko, pero hanggang doon lang. Bumaba ako ng kotse at binuksan ko ‘yung hood. Madilim kaya hindi ko masyadong makita kaya bumalik ako sa loob ng kotse para kumuha ng flashlight.
“Kailangan mo ng tulong?”
“Hindi na,” sagot ko at lumabas na uli ako. Tinapatan ko ng ilaw ng flashlight ‘yung makina ng kotse pero kahit isa-isahin ko ‘yung bawat parte nito, hindi ko pa rin alam kung saan ang problema. May naramdaman akong pumatak sa pisngi ko. Una isa lang hanggang sa nagsunod-sunod na. Umuulan. Bakit naman ngayon pa? Nakita kong lumabas ng kotse si Tina na may dalang payong. Pinayungan niya ‘ko, pero sinabihan ko siya na bumalik na sa loob.
“Pero mababasa ka.”
“Basa na ‘ko. Wala na ring saysay ‘yung payong,” sabi ko.
“Hindi. Papayungan pa rin kita.”
Nagtatalo pa kami nang biglang sumarado ‘yung payong na hawak niya. “Hala! Bakit ngayon ka pa nagloko! Kanina 'yung cellphone ngayon naman ito. Ano ba naman 'to?!” Pinilit ni Tina na buksan uli ‘yung payong pero hindi na niya ito mabuksan. Basang-basa na kaming dalawa, kaya hinila ko na lang siya papasok sa likuran ng kotse. “Kainis naman ‘tong payong na ‘to!” sabi niya habang hawak ‘yung payong na parang gusto niyang ihampas sa sandalan ng kotse. Nakakunot kasi ang noo niya, magkasalubong ang mga kilay at ang nguso niya nanunulis.
“Huwag mo nang pag-initan ‘yan.” Natatawa kong sabi at saka ko kinuha ‘yung payong sa kanya at hinagis ko sa harapan ng kotse ko.
“Ang lamig,” sabi niya sabay yakap sa sarili kaya pinatay ko ‘yung aircon.
"Okay na?" Umiling siya.
Nilalamig pa rin siya kaya hinubad ko ‘yung t-shirt ko. “Uy! Blake!” Nanlalaki ang mga mata niyang nakatingin sa 'kin. "A-ano 'yan? B-bakit..."
Niyakap ko siya. “Para mainitan ka.”
Wala na siyang sinabi at hinayaan na lang niya na yakapin ko siya. Ang bilis ng t***k ng puso ko habang nasa mga bisig ko siya. Ang sarap pa rin niyang yakapin. Ang bango pa niya. “Blake…”
“Uhm?”
“Bakit ka nagpunta rito?”
“Para magbakasyon.”
“Nang ikaw lang mag-isa?”
“Oo. Hindi ba pwede?”
“’Yung totoo Blake, bakit ka talaga nandito?” Bahagya siyang lumayo sa akin at tiningnan ako sa mga mata. “Bakit ka nandito Blake? Gusto kong malaman ‘yung totoo.”
Hindi agad ako nakasagot. Nagtatalo pa ‘yung isip ko kung sasabihin ko ba ‘yung totoo o hindi. “Miss na kita. Miss na miss. Gusto kitang makita kaya ako nagpunta rito.”
Hinawakan niya ‘ko sa pisngi at napapikit ako sa haplos niya. “Miss na rin kita,” sabi niya at naramdaman ko ang pagdampi ng labi niya sa ‘kin. Hindi ko na pinigilan ang sarili ko at gumanti ako ng halik. Hinawakan ko siya sa bewang at kumandong siya paharap sa ‘kin. Sa bawat halik na binibigay niya sa ‘kin parang nalalasap ko ang langit. Habang magkalapat pa rin ang aming mga labi, inabot ko ‘yung switch ng ilaw para kahit may dumaan ay hindi kami makita.
Habol hininga ako nang ilayo niya ang labi niya sa ‘kin. “Why?” tanong ko habang binibigyan ko siya nang malilit na halik sa labi.
“Pagkatapos nito, ano nang kasunod?” May lungkot sa boses niya at napatigil ako. “Pagkatapos ba nito, iiwan mo uli ako?” Tumulo na ang luha niya. 'Yung puso kong nabuo uli kanina, nabiyak na naman nang dahil sa pag-iyak niya. Sa dami ng nagawa kong mali sa kanya may karapatan siyang tanuning ako ng ganito at nasasaktan ako hindi dahil tinatanong niya ako ng ganito pero dahil ramdam ko 'yung sakit na pinaranas ko sa kanya sa bawat salita niya.
“No. No.” Umiling ako. “I’m sorry. Tina, I’m sorry.” Niyakap ko siya nang mahigpit. “Mahal na mahal kita. Maniwala ka sa ‘kin, mahal kita.” Naiyak na rin ako habang yakap ko siya. “Wala akong balak na guluhin kayo ni Theo. Gusto ko lang naman na makita ka kahit sa malayo. I'm sorry.”
Marahan niyang akong itinulak sa balikat para tingnan ako sa mukha. “Ano’ng ibig mong sabihin Blake? Kami ni Theo?”
“Kayo na ‘di ba? Masaya ka sa kanya ‘di ba?”
Umiling siya. “Hindi kami.”
“Totoo?” Luhaan pa ako pero napangiti ako sa sinabi niya.
Tumango siya. “Totoo.”
“Kung gano’n may pag-asa pa ‘ko?”
Hindi muna siya sumagot. “Blake natatakot ako. Baka iwan mo uli ako. Ayoko nang masaktan. Hindi ko na kakayanin.”
Hinaplos ko siya sa pisngi. Pinunasan ko 'yung luha niya. “Hindi mo kailangan sumagot ngayon. Liligawan kita at ipaparamdam ko sa ‘yo, kung gaano ako kaseryoso na maging tayo uli. Hindi ko alam kung paano kita niligawan noon, pero gagawin ko lahat para mapasagot ka uli.” Natawa siya sa sinabi ko at nagtaka naman ako. “Bakit?” kunot-noo kong tanong.
“Hindi mo kasi ‘ko niligawan noon. Naisuko ko sa ‘yo lahat nang walang ligaw.” Halatang nahiya siya nang sabihin niya 'yung huli. Napaiwas siya ng tingin.
Nangiti ako sa sinabi niya. Ang bilis ko pa lang naka-homerun noon. Pero iibahin ko ang diskarte ko ngayon. Hinawakan ko siya sa baba para tingnan siya sa mga mata. “Ngayon mo malalaman mo kung paano manligaw ang isang Samuel Blake Garcia. Kung hindi ko naparanas sa ‘yo noon, ngayon ko gagawin.” Nakangiti siyang tumango. “I love you Tina. I love you so much.”
Saglit lang at tumila na rin ‘yung ulan. Wala pa ring dumadaan na tao o sasakyan kaya nagdesisyon kami na maglakad na lang pauwi. Dumaan muna kami sa baranggay para humingi ng tulong. May kilala silang mekaniko pero manggagaling pa raw sa bayan kaya ang binigay nilang solusyon ay hahatakin na lang ‘yung kotse ko hanggang kina Tina at kinabukasan nila papupuntahin ‘yung mekaniko para maayos ‘yung kotse ko. Pumayag ako sa sinabi nila at naglakad na uli kami pauwi ni Tina.
“Pasok ka.” Tahimik na sa loob ng bahay nila. Tulog na ata ang mga magulang niya. “Upo ka muna. Ikukuha lang kita ng damit ni Itay.” Pagbalik ni Tina may dala na siyang damit at tuwalya. Inabot niya sa ‘kin ang mga ‘to. “Halika. Ituturo ko sa ‘yo ‘yung banyo.”
“Mauna ka nang maligo. Kanina ka pa giniginaw.”
“Hindi ikaw na.”
“Tina. Baka magkasakit ka pa, kaya ikaw na,” seryoso kong sabi kaya sumunod naman siya. Saglit lang siyang naligo dahil mukhang nagmadali siya para makaligo na rin ako. Pagkatapos ko naman maligo, nakita ko siyang nag-aabang sa may sala.
“Wala kaming guest room. Doon ka na lang sa kwarto ko matulog, kasi hindi ka naman kasya rito sa upuan at wala rin kaming banig na pwede mong higaan. Tabi na lang tayo sa kama.”
“Okay lang sa ‘yo? Hindi pa naman tayo. Nililigawan pa lang kita.”
Malakas siyang natawa kaya napatakip siya ng bibig. Nangiti naman ako. “Blake ilang beses na nating ginawa ‘yon. Ngayon ka pa ba magtatanong kung okay lang na matulog ka sa tabi ko.”
“I told ‘you liligawan kita. Gagawin ko ‘yung dapat na ginawa ko noon. Hindi ko alam kung bakit o paano ko nagawang makuha agad ‘yon sa ‘yo, pero this time, ‘yung Blake ngayon will be a gentleman.”
She walked closer to me kaya medyo napaurong ako. “Blake, bukas ka na lang magpaka-gentleman. Inaantok na ‘ko. Ayoko nang problemahin pa kung saan ka matutulog. Okay? Kaya tara na sa kwarto ko.” Hinawakan niya ako sa kamay at naglakad siya papunta sa tingin ko’y kwarto niya. Pagpasok namin, nahiga na siya sa kama at pumwesto siya sulok, sa tabi ng pader. “Blake, pakipatay na lang ‘yung ilaw ha? Goodnight.”
I turned off the lights at naglakad na ako papunta sa kama. Humiga ako pero medyo malayo sa kanya. Hindi ko kasi alam kung mapipigilan ko ‘yung sarili ko kapag nagdikit kaming dalawa. Nakahiga na ako at nakapikit pero hindi ako dinadalaw ng antok. Kung ano-ano kasing naiisip ko; mga bagay na hindi ko dapat gawin dahil hindi pa pwede. Ang hirap magpigil lalo na’t abot kamay ko lang siya ngayon. Nakailang baling ako sa kama hanggang sa hawakan ako ni Tina sa tagiliran kaya para akong nanigas at napatingin ako sa kanya. “Blake, may gusto ka bang gawin? Kainin? Bakit paikot-ikot ka d’yan?”
“Meron, pero hindi pwede.”
“H-ha? Bakit? Sabihin mo sa’kin. Baka pwede nating gawan ng paraan.”
“Hindi pwede.”
“Blake…”
“Sa sahig na lang kaya ako?” sabi ko at bumangon ako at tumayo. Kinuha ko ‘yung isang unan. Okay lang sa ‘kin kahit sa simento ako mahiga. Baka sakaling makatulog ako.
Bumangon na rin siya pero nanatili siyang nakaupo sa kama. “Blake, bumalik ka nga rito. Tigilan mo ‘yan.” Nagpipigil siya ng tawa. Mukhang alam na niya kung ano’ng pinoproblema ko. “Alam ko kung ano’ng naiisip mong gawin, pero kahit maging tayo uli ngayon, hindi pa rin natin pwedeng gawin. Hindi safe. Tumigil na ‘ko sa pag-inom ng pills. Kaya please lang, ikalma mo ‘yang sarili mo. Ayokong makabuo uli—.” Bigla siyang natigilan sa sasabihin niya. Umiwas siya ng tingin. “Basta bumalik ka na lang dito,” sabi niya sa mahina nang boses. Nahiga na siya uli, pero patalikod na sa ‘kin.
‘Yung libido ko kanina from 110% naging zero. Nahiga ako sa kama paharap sa kanya. “Tina…”
“Uhm?”
“Alam ko na. Hindi mo kailangang itago sa ‘kin. Alam ko ‘yung tungkol sa baby natin.”
Tahimik lang siya. Hindi umiimik hanggang sa marinig ko ang paghikbi niya. Nakita ko rin ang paggalaw ng balikat niya. Umiiyak siya. “I’m sorry, Blake. I’m sorry… Hindi ko alam. Hindi ko naingatan ‘yung baby natin.” Ayaw niyang humarap sa ‘kin kaya ako na ang lumapit sa kanya at niyakap ko siya.
“It’s no ones fault. Wala kang kasalanan. Walang may gusto sa nangyari. Baka hindi talaga para sa ‘tin si baby.” Tumulo na rin ang luha ko. Masakit para sa ‘kin ang nangyari at alam kong mas lalo na sa kanya. Siya ang ina at siya ang nagdala sa baby namin.
“Ang sakit-sakit. Kasama na pala natin siya, pero hindi natin alam. Masyado pa siyang maliit, kaya ang naitabi ko lang ‘yung mga gamit ko na may dugo. Nilagay ko lang sa isang kahon. Hindi ko man lang siya naipagluksa nang maayos.” Hindi niya nagawa because of me, dahil ang atensyon niya siguro noon ay nasa akin dahil wala akong malay sa ospital ng mga panahon na ‘yon.
“I’m sorry, wala ako sa tabi mo. I’m sorry, for not knowing. I’m sorry for bringing you so much pain.” Mas hinigpitan ko ‘yung yakap ko sa kanya. “I love you so much Tina. Pangako, hinding-hindi na kita sasaktan.” I held her tight hanggang sa tumigil siya sa pag-iyak. Alam ko hindi sapat ang mga ‘to para mawala ‘yung sakit na nararamdaman niya sa pagkawala ng baby namin, pero ito lang ‘yung alam ko. Kung pwede ko lang ayusin ang nakaraan ginawa ko na, pero sa ngayon ang kaya ko lang gawin ay ayusin ang kasalukuyan namin. Simula sa araw na 'to araw-araw kong ipaparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal.