KABANATA 25
BLAKE
Umalis ako ng Manila na may puso na handa nang palayain nang tuluyan si Tina, pero heto ako ngayon pabalik na, pero may puso na puno nang pag-asa na magkakabalikan kaming dalawa. I can’t wait to tell mom the good news. Sigurado akong matutuwa siya nang sobra kapag nalaman niyang nagkita at nagkausap kami nang maayos ni Tina. Alam kong nami-miss na rin niya si Tina dahil minsan bigla na lang niya ‘tong nababanggit sa ‘kin, pero dahil alam niyang ayaw kong pag-usapan si Tina noon, hindi na niya ipinipilit pa at iniiba niya agad ang usapan.
Noong pumunta si Tina sa bahay noon para magpaalam nakita ko kung paano umiyak si Mommy. I felt bad, pero nang mga panahon na ‘yon akala ko ginagawa ko ‘yung tama at makakabuti sa aming lahat. I was wrong back then kaya sobrang thankful ako ngayon na nagkaroon ako ng second chance to prove to Tina how much I love her. Hindi ko aaksayahin ang pagkakataon na ‘to. Kung posible lang ipaparamdam at ipapakita ko sa kanya every second, kung gaano ko siya kamahal, gagawin ko.
Nasa kalagitnaan ako ng byahe nang mag-ring ang phone ko na nasa phone holder sa harapan ng kotse ko. Mabilis ko itong sinulyapan at nakita kong tumatawag si Mela. Hinayaan ko lang mag-ring ito. Hindi ko sinagot. Kahit hindi nakikita ni Tina, gagawin ko kung ano’ng gusto niya. Kapag sinabi niyang bawal mag-phone habang nagda-drive, ‘yon ang gagawin ko. Tatawagan ko na lang mamaya si Mela pagdating ko sa bahay.
When I got home, si Mommy ang una kong hinanap. Dumeretso ako sa garden kung saan sigurado akong makikita ko siya kasama ng mga alaga niyang halaman na everyday niyang dinidiligan at kinakausap.
Madilim na pero dahil bukas ang mga ilaw sa garden nakita ko siyang nakatayo sa harap ng mga alaga niyang bulalak. “Mom!” Napaangat ang mga balikat niya sa gulat. Mabuti na lang at wala siyang hawak na gardening tools. Kinakausap lang niya ang favourite plant niya na si Sunny, her sunflower.
“Blake, honey… Don’t do that again ha?” sabi niya nang lingunin niya ‘ko.
“I’m sorry…” Niyakap ko siya at hinalikan sa ibabaw ng ulo niya. “I’m just too excited to tell you the good news!”
“Good news? What good news?” My mom’s face brightens just like her blooming flowers. Hinawakan ko at itinaas ang isang kamay niya habang ang isa ko pang kamay ay hinawak ko sa bewang niya. Sa sobrang saya ko, isinayaw ko siya. “Honey, bakit tayo sumasayaw? Walang music.” Natatawa niyang tanong.
“Mom…”
“Yes, honey?”
“Mom, I don't feel lost, lonely and empty anymore. Nasa tamang direksyon na ‘ko ngayon. ‘Yung puso ko sobrang saya. Kita n’yo naman, sumasayaw tayo kahit walang tugtog.” Mahina akong natawa habang nangingilid ang luha. Tumigil kami sa pagsasayaw at hinawakan ako ni Mommy sa pisngi. Hindi ko pa tapos ‘yung sasabihin ko pero I can see it in her eyes na alam na niya kung bakit ako ganito kasaya. “I saw Tina. We talked, I said sorry and I told her that I love her. Mom, she gave me a second chance!” Si Mommy kahit nakangiti nangingilid na rin ‘yung luha. “Can you believe that? After everything that I’ve done to her, she still gave me a second chance.”
“I'm not surprised. She’s Tina. Malaki ang puso niya na palaging handa na magpatawad.”
“Pero we’re not back together yet. Manliligaw pa ‘ko and I’ll do my best.”
“It’s okay. I know you can win her back.” Tinapik ako ni Mommy sa pisngi bago niya ‘ko niyakap. “Oh, honey, I’m so happy for you!”
“Gusto n’yo po ba siyang makausap? I know you missed her too.”
TINA
Pagod na pagod ako kaya nakahilata agad ako sa kama pagkauwi ko. Hindi pa nga ako nakakapaglinis ng katawan at nakakapaghapunan dahil sa labis na pagod. Papikit na ako nang mag-ring ang phone ko na bigay ni Blake. Narinig ko na naman ‘yung ringtone na nilagay niya. Napangiti ako at parang nawala ‘yung pagod ko.
“Blake! Nakauwi ka na?” Napatingin ako sa likuran niya at mukhang nasa bahay na siya dahil nakita ko, na nasa kusina siya. Mabuti naman at ligtas siyang nakarating. Ang layo rin kasi nitong sa ‘min at ilang oras siyang nagmaneho. Ilang beses ko nga siyang naisip kanina habang nagtratrabaho ako. Tapos ito pang sina Emily at Marjorie panay ang tanong sa akin tungkol kay Blake. Narinig kasi nila nang pagsabihan uli ako ni Madam kanina. Alam ko naman daw ‘yung rule na bawal magpa-cute sa mga guests pero ako raw nakikipag-holding-hands pa. Todo tanggol naman sa ‘kin ‘yung dalawa at sinabi na ex-boyfriend ko si Blake kaya si Madam, pinalampas na rin ‘yung nakita niya kanina.
“Yes and may gustong kumausap sa ‘yo.” Mula sa likuran ni Blake, sumilip si Tita Lorie.
“Tita Lorie!” Napalakas ‘yung boses ko nang makita ko siya. Na-miss ko kasi siya dahil matagal na rin nang huli ko siyang makita at makausap. Naalala ko ‘yung ginawa niyang pag-aalaga at asikaso sa akin noon. Parang naging pangalawang nanay ko na rin siya dahil tinuring niya ako na parang anak. Kahit nagbago ‘yung relasyon namin ni Blake, hindi nagbago ‘yung pakikitungo niya sa ‘kin.
“Tina, I missed you!” Ibinigay na sa kanya ni Blake ‘yung phone kaya siya na lang ang nakikita ko sa screen. Parang gusto kong lumusot sa screen ng cellphone para mayakap ko siya.
“Miss ko na rin po kayo. Kumusta po?”
“I’m good and I’m so happy na nagkaayos na kayo nitong si Blake. Medyo natagalan bago siya natauhan pero at least ‘di ba…”
“Mom…” dinig kong reklamo ni Blake. Bahagya akong natawa sa kanilang mag-ina. Na-imagine ko rin kasi ‘yung itsura ni Blake. Magkasalubong siguro ang mga kilay niya, nakakunot ang noo at baka nagkandahaba ang nguso.
“Hindi naman kita sinisiraan kay Tina. Happy nga ako ‘di ba?” sabi ni Tita Lorie habang nakatingin sa kanan niya. Nandoon siguro si Blake. Pagharap uli ni Tita Lorie sa ‘kin, napahagikgik siya. “Don’t mind him. So how are you? How’s your parents? Your dad? Is he okay now?”
“Medyo ayos na po ang lagay ni Itay. Nagte-theraphy po para makalakad po uli nang maayos. Ang Inay po gano’n pa rin. Okay naman po siya.”
“I’m glad to hear that. If you need my help, don’t hesitate to tell me. Okay? I told you naman before ‘di ba, you’re like a family to me na. If you need me, I’m always here. Magkabalikan man kayo ni Blake o hindi, you can always count on me. Huwag kang mahiyang magsabi. Pero syempre mas gusto ko na magkabalikan kayo.”
“I love you Mom!” sumingit na naman si Blake sa usapan kaya natawa kaming pareho ni Tita Lorie.
“But at the end of the day, ‘yung desisyon at kagustuhan mo pa rin ang masusunod. Hindi mo kailangan sumagot agad. Take your time. What you went through wasn’t easy. May karapatan kang paghintayin ‘tong anak ko sa sagot mo.”
“Thanks Tita Lorie.” Sobrang na-appreciate ko ‘yung sinabi niya. Kahit anak niya si Blake, hindi siya nagsalita na papabor sa anak niya. Mas kinunsidera niya ‘yung nararamdaman ko. Aaminin ko, mahal ko pa rin si Blake, pero hindi ganoon kadali na ibalik lahat sa dati pagkatapos ng lahat ng nangyari. Nasaktan ako at nagkaroon ng takot na maramdaman uli 'yon. Paano kung magbago ‘yung isip niya? Paano kung ma-realized niya na si George pa rin talaga? Paano kung hindi pala niya kaya ‘yung long distance relationship? Bago ako sumagot ng oo, gusto ko munang malaman ang sagot sa mga tanong ko.
Maliban sa maraming tanong sa isip ko, may isang tao rin akong naalala. Si Theo.