Chapter 2 - The Fake Alliance

1338 Words
    Ang kahindik-hindik na tanawin ng pugot na ulo ni Mercedes Barcelona ay nagdala ng matinding galit sa kalooban ng binatang Gamma na si Jax. Gustuhin man niyang sakmalin ang leeg ng Capo ng mga Villaroman ay hindi niya ito maaaring gawin. Buong mithi niyang pinanatili kalmadong ekspresyon na naka-ukit sa kanyang mukha.      “Isang regalo para sa inyong hanay,” anang matandang pinuno ng mga Alpha. Gumuhit sa mga labi nito ang makapanintig-balahibong ngiti. “Ito ang magiging simbolo ng ating alyansa, Idriel. Nagustuhan mo ba?”      Luminga si Jax sa direksyon ni Idriel. Walang mababakas na emosyon sa wangis nito ngunit napansin niya ang paglitaw ng mga ugat nito sa leeg. He had known this man since he was born, and never in his life had he seen him this threatened before.     “Maraming salamat sa iyong kakaibang regalo, Capo.” Mahinahong bulalas nito at marahang tinanggap ang pakikipagkamay ng matanda. “Ngunit hindi namin maaaring tanggapin sa kampo ang ulo ng isang Beta kagaya ni Mercedes.”      Kumunot ang noo ng Capo sa naging pahayag ni Idriel. “Anong ibig mong sabihin?”      “Maaaring tinanggap na ng mga Alpha bilang kapanalig ang mga Barcelona,” itiniklop ng puno ng Cohortes Vigilum ang magkabilang braso, “Ngunit hindi mababago nito ang katotohanang sila ang trumaydor sa aming lahi noong nakaraang digmaan.”      Isang malakas na halakhak ang dumagundong sa bulwagan. Ang mga mata ng lahat ay napako sa direksyon ng Capo. “Sigurado ka bang iyan lamang ang dahilan, Idriel?” Humakbang ito papalapit at yumukod upang bumulong sa kanyang tainga. “Hindi mo ba nais makita ang mukha ng babaeng trumaydor sa’yo noon?”      Mahina man ay narinig ni Jax ang mga katagang iyon. Nasaksihan niya ang unti-unting pagdilim ng mukha ni Idriel at ang bahagyang pagtigas ng mga panga nito. Hindi rin makakaila ang namamayaning tensyon sa paligid. Nakahanda na ang kanilang hanay sa lahat ng sulok ng lugar sakaling may gulong biglang maganap.      “Nagbibiro lamang ako, Idriel.” Tumawa muli ang Capo at kaswal na tinapik ang balikat ng Gamma. “Ipagpatawad mo at masyado lamang akong nadala bunga ng galak sa iyong pagpayag sa alyansang ito.” Sumenyas ang matandang pinuno sa kawal na may hawak ng sibat kung saan nakatusok ang pugot na ulo ni Mercedes. Kaagad naman itong tumalima at nagmartsa palabas ng bulwagan.      “Halika’t maupo tayo sa hapag,” paanyaya ni Idriel at ipinihit ang mga paa papunta sa mahabang hapag-kainan sa gitna ng bulwagan. "Sigurado akong mahaba at nakakapagod ang inyong naging paglalakbay."     Nakahilera sa ibabaw ng mesa ang iba’t ibang putahe at ilang bote ng serbesa. Nagsitayuan din mula sa upuan ang mga nakatatandang tagapayo ng Cohortes Vigilum upang magbigay galang sa Alpha at mga kasama nitong kawal. Nang tuluyang makaupo ang mga panauhin ay isa-isa na rin itong nagbalik sa kani-kanilang mga pwesto.      Tahimik na nagmamasid si Jax at lihim na sumusulyap sa direksyon kung nasaan ang lihim na kwartong kinalalagyan ni Alison. Kung ganito na ang muhi na kanyang nadarama, paano pa kaya ang ito? It must be hard for her to stay there and continue with this whole plan.      Natigilan ang malalim na pagiisip ng binata nang mapansin ang paglipat ng tingin ng Capo sa kanyang direksyon. Lumapad ang ngiti nito sa labi nang magtama ang kanilang mga mata.      “Siya ba ang nabanggit mong tagapagmana ng Cohortes Vigilum?” tanong nito at luminga kay Idriel.      “Siya nga,” pagkumpirma nito at pinukulan si Jax ng isang makahulugang tingin. “Ang aking pamangkin at ikaapat na anak ng aking kapatid, si Jax Evangelista.”      Tumango-tango ang pinuno ng mga Alpha at muling bumaling sa kanya. “Iho, hindi ba’t ikaw ang nakatakdang ikasal noon kay Alison Barcelona? Ang pangahas na anak ni Celeste na sumira sa sistema ng lugar na ito.”     Muntik nang mapangiti si Jax sa itinaguri ng Capo kay Alison, mabuti na lamang ay mabilis siyang nakatango bilang pagtugon sa tanong nito. Isang pangahas. That was a perfect nickname for Alison. Ang tanging nilalang sa lugar na ito na hindi niya nakitaan ng takot sa kabila ng kaguluhang sumesentro rito.      “Ngunit hindi kailan man nabigyang katuparan ang kasunduang iyon,” bulalas niya kasabay ng pag salin ng serbesa sa kanyang baso. “Isa na lamang iyong masamang alaala para sa akin.”     “Siyang tunay,” sang-ayon ng Capo at tumango sa kanyang pahayag. “That child doesn’t know her place. Mas nababagay ka sa isang Alpha tulad ni Bettina.”      “Bettina. Hindi ba’t siya ang nakababatang kapatid ni Gael? Ang iyong dineklarang tagapagmana at ourong dugo ng mga Villaroman?” Naghatid ng mas malalim na katahimikan ang komentong iyon ni Idriel.      Umiling ang matanda at lumagok ng alak mula sa kanyang lalagyan. “Kung hindi pa nakakarating sa’yo ang balita, ideneklara na bilang Perfidolo ng aming lahi si Gael. Si Bettina na ang susunod na tagapagmana ng aming hanay.”      “Perfidulo?” Kunot-noong paguulit ni Jax.      “Iyon ang tawag sa mga taksil na tinutugis ng mga Villaroman,” paliwanag ni Idriel at nagbuntong-hininga. “Kung ganoon ay nagagalak akong ipagkakatiwala niyo si Bettina sa aking pamangkin na si Jax.”      “Iho,” pukaw nito sa kanyang atensyon, “Nais mo bang masulyapan ang wangis ng iyong mapapangasawa?”      Napalingon si Jax sa paligid bunga ng sinabi nito. Hinanap ng kanyang mga mata kung may iba pang kasama ang Capo liban sa dalawang kawal na walang imik mula pa kanina. Bahagya siyang natigilan nang mapako ang kanyang paningin sa isa sa mga ito, nakatakip ng pananggalang ang mukha nito ngunit ang maliit na pigura ng pangangatawan at tindig nito’y tulad sa isang babae.      “Kahanga-hanga ang matalas mong mga mata, iho.” bulalas ng Capo at ngumisi. “Bettina, maaari mo nang ilathala ang iyong sarili.”      Tumango ito at dahan-dahan na inalis ang turbanteng pandigma sa ulo. Lumapag sa mga balikat nito ang kulay niyebe nitong buhok. Malalim at makislap ang pares ng mga mata nitong nakapukol sa direksyon ni Jax. Ang misteryosong wangis nito’y maihahalintulad sa kapatid nitong si Gael.      “Ikinagagalak kitang makilala, Jax Evangelista.” Hindi ngumiti ang dilag at nanatili lamang na nakatitig sa kanya.      “Same here, Bettina Villaroman.” Malamig niyang saad.      Natapos ang salo-salong iyon nang mapayapa. Nagpasyang mag-usap ang dalawang pinuno ng sarilihan matapos maipakilala si Bettina sa buong hanay ng Cohortes Vigilum. Makakabuti sa kanilang mga plano ang patuloy na pagpupulong ng Capo at ni Idriel sapagkat magkakaroon ng mas maraming pagkakataon si Alison na pasukin ang mga alaala nito.      Akma na sanang tutunguhin ni Jax ang silid kung nasaan ito ngunit natigilan ang kanyang mga paa nang harangin ng dalagang Alpha na ang kanyang daraanan. Buong akala niya kasi’y naihatid na ito sa kwartong pangpanauhin tulad ng utos niya sa mga kasamahan.      “Maaari ba tayong mag-usap, Gamma?” Malayo sa magalang nitong pananalita kanina, may himig ng panunuligsa ang tono nito. Her eyes were clearly oozing with torment and disgust towards him.      “Ah, paumanhin binibini.” Isang nangungutyang tingin ang tinugon niya rito at marahang humakbang palapit. “Ngunit marami pa ‘kong mahalagang gawain ngayong araw. Kung maari’y magpahinga ka muna sa iyong silid.”      “Hangal,” bulong nito at sinalubong ng masamang tingin ang kanyang paglapit. “Sinong nagbigay sa’yo ng karapatang tanggihan ang lahing nakakataas sa’yo?”      He scoffed at her absurd question. Umangat ang dulo ng kanyang labi at marahang inihaplos ang mga daliri sa mahaba nitong buhok. “May hindi ka yata naiintindihan sa kasunduang ito, Bettina.” Kumurba ang malapad na ngiti sa kanyang mga labi, “Kayo ang may kailangan sa Cohortes Vigilum. At hindi kinikilala rito ang mapagmataas ninyong mga batas. Pantay-pantay ang mga lahing naririto. You ought to know that, since you’d be my wife soon.”      Marahas na hinampas ni Bettina palayo ang kanyang kamay. “Huwag kang mangarap, Gamma. Walang magaganap na kasal sa kasunduang ito. Hinding-hindi ako magpapakasal sa isang kauri mo lamang.”      “Feisty, I see.” Natatawang umiling si Jax. “Ngunit wala ka namang magagawa kung hindi sumunod, hindi ba?”      “I’ll find Gael and that girl. Ano nga bang pangalan niya?” May masidhing galit na puminta sa kaninang maamong mukha ng dalagang Alpha. “Ah, Alison. Alam kong naririto sila. Hindi ninyo ako malilinlang sa pekeng kasunduang ito.”      “Ibang-iba ka sa kapatid mong si Gael.” Naghatid ng kalituhan sa mukha nito ang kanyang pahayag. “Ilang beses ko lamang siya nakadaupang-palad pero he was never this reckless. Hindi ka ba natatakot na maaari kong ibunyag sa kampo ang intensyon mo?”      “Hindi mo magagawa iyan,” isang kumpiyansang ngiti ang umukit sa labi ni Bettina. “Dahil ako ang nagiisa ninyong pag-asa para mapabagsak ang Capo.”      “Anong ibig mong sabihin?”

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD