Amber's Pov
"Excited ka na?" tanong ni Lara sa akin.
Narito ako ngayon sa apartment nito dahil dito ako tumuloy pagkagaling ko sa Tagaytay.
Si Lara kasi ang tumulong sa akin para makahanap ng trabaho dito sa Manila. Dahil malaki naman ang tiwala ko rito kaya't susubukan kong makipagsapalaran.
"Medyo, pero kinakabahan din ako, Lara," pag-amin ko.
Lumapit naman ito sa akin at umupo sa tabi ko. "Huwag kang kabahan, I'm sure yakang-yaka mo ang trabaho mo. Isa pa graduate ka naman ng college eh, at saka may alam ka na rin naman sa magiging trabaho mo."
"Pero siyempre iba't-ibang tao na naman ang makakasalamuha ko. Panibagong pakikisama na naman ako nito."
Natawa naman ito sa sinabi ko. "Siyempre gano'n talaga! Hindi naman puwede na ikulong mo ang sarili mo sa maliit mong mundo, ano? Maraming opportunities para sa 'yo, takot ka lang kumawala sa shell mo."
"Hindi na ako kumportable sa maraming tao, kasi alam kong hindi sila lahat mabuting tao," mapait na sabi ko.
Nagkaroon na kasi ako ng trust issue pagkatapos ng mga nangyari sa akin apat na taon na ang nakakalipas. Yes, apat na taon na iyon, pero pakiramdam ko kahapon lang siya nangyari. At para sa akin ay isang bangungot iyon sa buhay ko. Bangungot na ayo'ko ng maulit kailan man.
Bangungot na nagpabago sa buong pagkatao ko, ang daming nawala sa akin dahil sa pangyayaring iyon.
"Amber, hindi ka pa rin ba nakakawala sa kahapon?" may pag-aalalang usisa nito.
"Hindi na yata ako makakawala ro'n, Lara. Habang buhay na siguro iyong nakaukit sa utak ko," pag-amin ko.
Ginagap naman nito ang kamay kong nakapatong sa mga hita ko.
Marahan nito iyong pinisil. "Sana dumating ang araw na makalimutan mo na iyon, Ambs, para makausad ka na sa nangyari noon. Hindi pa katapusan ng mundo, marami pang magagandang mangyayari sa'yo basta huwag ka lang matakot kumawala sa kahapon. Subukan mong kalimutan ang mga nangyari noon, sinasabi ko sa'yo magagawa mong maibalik iyong tiwala mo sa sarili mo at sa ibang tao," payo pa nito sa akin.
Kiming ngumiti naman ako rito. "Salamat, Lara at sana nga dumating ang araw na iyon para naman magawa ko na ulit magtiwala sa iba."
"Kaya mo iyan, buksan mo lang ang mundo mo para sa mga taong gustong makapasok. Huwag kang matakot, okay?"
"Salamat, Lara," bukal sa loob na pasalamat ko.
Tinapik-tapik naman nito ang hita ko at saka ako nginitian. "Basta ikaw, Ambs. Alam mong narito lang ako kapag kailangan mo ng kausap, ha."
"Alam ko, kaya salamat sa tulong mo."
"Tsk! Wala iyon, makita lang kitang masaya, okay na ako," sagot nito at pagkatapos ay tumayo na ito. "Sandali lang, Ambs, may kukunin lang ako," paalam nito at pumasok ito sa isang pinto.
Hindi naman ito nagtagal at bumalik na rin agad. Muli itong umupo sa tabi ko at saka may iniabot sa akin.
"Susi iyan ng apartment mo. Nakausap ko na ang landlord do'n at binayaran ko na rin ang 1 month deposit at 1 month advance p*****t. Lilipat ka na lang, Ambs."
"Pero---"
"Walang pero-pero! Okay na iyan, at magtatampo ako sa 'yo kapag tumanggi ka," putol ni Lara sa sasabihin ko.
"Wala pa man akong suweldo pero ang dami ko na agad utang sa 'yo," sabi ko.
"Sira! Hindi ko sinabing utang iyon, ano? Para saan pa't naging magkaibigan tayo kung hindi man lang kita matutulungan?"
"Hindi na ako puwedeng humindi?" tanong ko.
"Hindi na! Mamumura tayo ng landlord ng Apartment kung aayaw ka, Ambs," anito.
"Sige, basta kapag nakaluwag ako babayaran kita, ha?"
"Hindi na oy! Basta makita kitang masaya, bayad ka na," anito sabay kindat.
"Loka-loka!" tanging nasabi ko. Hindi ko gusto ang pagkakangisi nito eh. Mukhang may kabaliwan itong naiisip.
"Tutulungan kitang makalimutan ang past mo, my friend," sabi pa nito.
"Baliw! Matagal ko ng nakalimutan iyon, ano?"
"Ows? Bakit hanggang ngayon alone ka pa rin, sige nga?"
"Choice ko iyon," sagot ko sabay irap.
Umirap din naman ito. "Choice mo talaga iyon, choice mong magpaka-alone kasi siya pa rin, hindi ba?" nang-iintriga nitong sabi.
"Hindi, ano!" mabilis na tanggi ko. Mataman itong tumingin sa akin kaya naman mabilis akong nag-iwas ng tingin dito.
"Hindi raw, pero halata naman," ingos nitong sabi.
"Hindi nga! Ang tagal na kaya no'n, baka nga hindi na ako kilala no'n eh." Hindi ko naitago ang pait sa boses ko.
"Ay ba't parang may pait? Sabi na nga ba may feelings ka pa rin sa kaniya, gaga ka talaga!" sabi nito sabay hampas sa hita ko.
"Echosera! Pakainin mo na lang kaya ako, ano? Hindi ako mabubusog sa kaka-intriga mo!"
"Ay, oo nga pala! Sorry naman, na miss kitang kahuntahan eh. Ilang taon din tayong walang chicka! Pero 'di bale, kasi ilang metro lang naman ang layo ng Apartment mo rito sa Apartment ko, so, marami tayong time para magtsismisan," anito at saka tumayo na. "Dito ka muna, maghahain lang ako mabilis lang iyon kaya pahinga ka muna, okay?"
"Sige. Medyo napagod din ako. Walang ka-traffic-traffic dito sa Manila eh. Sobrang kaunti ng mga sasakyan."
Malakas na tawa naman nito ang umalingawngaw sa buong Apartment nito.
"Totoo iyan! Kulang na lang matapos mo ang buong pag-ro-rosary sa sobrang bagal ng usad." Ako naman ang natawa sa sinabi nito.
"Siya, dito ka muna. Para makakain na tayo," anito at tinalikuran na ako.
Sinundan ko naman ito ng tingin. Nang mawala na ito sa paningin ko ay saka ako sumandal sa upuan at saka pumikit.
Napagod kasi talaga ako sa tagal ng binyahe ko. Na kung tutuusin kaya naman ng dalawang oras lang dahil malapit lang naman talaga ang Manila sa Tagaytay. Kaso dahil sa sobrang traffic inabot ng apat na oras ang binyahe ko.
Wala na yatang pagbabago rito sa Manila, parami na kasi nang parami ang mga sasakyan kaya walang magagawa kun'di ang magtiis sa matinding trapiko.
__________
MALALAKI ang hakbang na tumawid ako ng kalsada. Nagmamadali kasi ako dahil medyo late na ako ng ilang minuto sa aking trabaho. Magdadalawang buwan na ako sa aking trabaho sa ZSD Tower, isa akong encoder sa kumpanya.
Sa una, nahirapan ako dahil hindi ko pa mas'yadong gamay ang trabaho, pero sa tulong ng mga kasamahan ko na naging kaibigan ko na rin ay medyo okay na ako. Nakakasabay na ako sa agos at sa trabaho.
Sa loob ng lagpas isang buwan sa ZSD Tower ay sobrang nag-i-enjoy na ako. Hindi ko namamalayan na unti-unti ng bumabalik ang tiwala ko sa sarili ko at sa ibang tao. Nagagawa ko nang makisalamuha sa iba, at sobrang masaya ako dahil do'n.
Malakas na tili ng mga tao ang nagpagulantang sa akin kasabay niyon ang malakas at nakabibinging sagitsit ng gulong.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang kotse sa harap ko na halos isang dangkal na lamang ang lapit sa akin. Hindi matatawaran ang takot na naramdaman ko, muntik na pala akong mamatay dahil sa biglang pagsulpot ng kotse sa harap ko.
Sunod-sunod na lunok ang ginawa ko habang sapo ang dibdib ko. Nanginginig ang buong katawan ko sa takot.
"Get out of my way!" Narinig kong malakas na sigaw mula sa loob ng kotse kasunod ang sunod-sunod na busina.
Bagamat shocked pa rin ako ay nagmamadali akong lumiban sa kabilang ligid.
"Kung gusto mong magpakamatay, huwag dito sa daan, huwag kang mandamay!" Natigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang sigaw ng driver ng kotse. Hindi ko kayang ipaliwanag ang kabang nararamdaman ko, hindi dahil sa sigaw nito kun'di dahil sa tila pamilyar na boses nito.
Dahan-dahan akong lumingon at tila tumigil sa pag-ikot ang mundo ko nang makita ko ang taong nagmamay-ari ng boses na iyon.
Zeus? Piping usal ko.
Hindi ako puwedeng magkamali, si Zeus ang nakikita ko ngayon. Ang lalaking minahal ko.
"Ze...." mahina kong anas habang titig na titig dito. Hindi ko alintana ang masama nitong tingin sa akin.
"Next time, huwag kang maglalakad nang tulala ha? Makakapatay ako ng wala sa oras!" galit na sabi pa nito. Ang mga mata nito ay masama ang tingin sa akin bago nito isara ang bintana ng kotse nito.
"Ze!" tawag ko rito ngunit pinaharurot na nito ang sasakyan. Tanging usok na lamang ang naiwan sa akin.
Wala na ito sa paningin ko pero hindi ko magawang ihakbang ang mga paa ko. Gusto ko siyang habulin, gusto ko siyang kausapin pero bakit parang hindi niya ako nakilala?
Hindi maalis-alis ang tingin ko sa direksyon na pinuntahan ni Ze. Nang tuluyan itong mawala sa paningin ko ay saka lang ako mabagal na naglakad papasok sa ZSD Tower.
Hanggang sa makarating sa opisina ay hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi mawala sa isip ko si Ze, at dala-dala ko ang isipin na iyon hanggang sa aking trabaho.
Nang sumapit ang tanghali ay biglang nagpatawag ng meeting ang Manager.
"Amber, bilisan na natin baka tayo na lang ang hinihintay eh," sabi ni Agnes sa akin, isa sa mga kasamahan ko sa trabaho.
Nagmamadali naman kaming naglakad papunta sa conference room. Nang dumating kami roon ay marami ng tao pero hindi pa naman kami ang huli dahil marami pang bakanteng upuan.
"Agnes, para saan daw ang meeting ngayon?" hindi nakatiis na tanong ko.
Lumingon naman ito sa akin at nagkibit-balikat. "Hindi ko rin alam."
Matapos nitong sabihin iyon ay hindi na ako muling nagsalita pa. Hanggang sa dumating na ang Manager ng ZSD Tower, pumasok na ito sa conference room at may mga kasunod itong tao.
Papasara na sana ang pinto ng conference room nang may mga kamay na pumigil doon. Pumasok ang isa pang tao kasunod ang isa pa na nagpalaki ng mga mata ko nang makilala kung sino ito. Walang iba kun'di ang lalaking kanina pa laman ng isip ko. Si Zeus!
"Ze..." mahina kong anas. Naka-business suit ito habang tila Haring naglalakad papunta sa unahan, sa puwesto ng may pinakamataas na posisyon.
Tumayo ang Manager at nagsalita. "Please join me in welcoming our CEO, Mr. Zeus San Diego. To those who are new, he is the owner of ZSD Tower. And I'd like to inform everyone that from now on, he will be staying to personally oversee the operations of the company."
Malakas na palakpakan ang narinig ko habang ako ay tila tangang nakatulala lamang. Hindi agad naproseso sa utak ko ang sinabi ng aming Manager.
Boss ko s'ya? Piping usal ko.
Isang kurot sa tagiliran ang tila nagpagising sa akin. Ang kunot-noong mukha ni Agnes ang nalingunan ko.
"Ano bang nangyayari sa'yo?" tanong nito. Nagulat pa ako nang makita kong lahat sila ay nakatayo, maliban sa akin na nakatingin lamang sa unahan.
Dali-dali akong napatayo dahil sa pagkapahiya, muli akong tumingin kay Zeus at nakita ko itong masama ang tingin sa akin. Sa una ay nakita kong kumunot ang noo nito, hanggang sa natulala rin ito, matagal na nagtama ang aming mga mata. Ngingitian ko sana ito ngunit nag-iba ang awra nito. Naging mabalasik ang mga tinging ipinupukol nito sa akin.
Galit, iyon ang mababakas sa magandang mga mata nito. Bakit parang galit siya sa akin? Hindi ba niya ako nakilala? Tungkol pa rin ba iyon aa muntikan na niyang pagkakasagasa sa akin kanina?.
Mga katanungan sa isip ko iyon na hanggang sa matapos ang meeting ay dala-dala ko.