MEDYO ITINULAK ni Yamie si Johairah paupo sa harapan ng grand piano na nasa isang sulok ng malawak na sala.
"Sige na, Ate Joh, ngayon ka na mag-practice," ani Yamie na humilata na ng higa sa isang sofa malapit sa piano. Binuklat na rin nito ang pocketbook na binabasa nito. Adik kasi ito sa pagbabasa niyon.
"Alam ko naman na ang gusto mo lang ay magkaroon ng backround music habang nagbabasa ka niyan."
Ngumisi lang ito bago itinutok ang mata sa hawak nito. Kapag ganoon na ang gawa nito ay may sarili na naman itong mundo.
Pinagtuunan niya ng pansin ang pagpa-piano. Warm up.
"Ate Joh, request ko 'yung Just Tell Me You Love Me ang una mong tugtugin. May notes diyan."
Tumango siya. "Sige." Inumpisahan na niyang tumipa sa tiklado ng piano ng makita ang piyesang request ng pinsan niya.
"Many times. I wish you were here..." Kanta pa ng ama ni Yamie na biglang sumulpot sa likuran niya. Pinagbuti niya ang pagtugtog.
"Argh! Papa naman," reklamo ni Yamie sa ama. "Panira ka sa pag-i-emote ko dito sa binabasa ko."
"Manahimik ka na lang diyan, Yamie, kung ayaw mong paglanguyin ko sa pool lahat ng mga pocketbook mo."
"Si Papa naman hindi na mabiro. Sige po kanta ka lang Papa," agad na bawi ng pinsan niya bago sumimangot.
Napangiti tuloy siya habang tumutugtog. Ang Tito Rey niya ay ipinagpatuloy ang pagkanta. Nang matapos ay pumalakpak pa ito.
Nagpapasalamat siya at mayroon siyang Tiyuhin na kagaya nito. Hindi na siya nito itinuring pang iba, maging ang buong pamilya nito. Mula ng mamatay ang kanyang ama't ina dahil sa hindi inaasahang paglubog ng bangkang sinasakyan ng mga ito, dahilan ng pagkakalunod ng mga ito, ay ang Tito Rey na niya ang sumuporta sa pag-aaral niya noong nasa probinsiya pa siya. Hanggang ngayon nga ay nakaalalay pa rin ang pamilya nito sa kanya.
Tatlo ang anak ng mag-asawang Roldan. Si Rhea Mie na mas kilalang Yamie ang panganay, sumunod naman si Rheeann Miguel at ang bunso ay si Raine Miel.
Nang magpaalam na aalis muna ang mga magulang ni Yamie ay pinagtuunan naman niya ng pansin ang tutugtugin niya para sa kanyang music class. Napapalatak agad si Yamie ng marinig ang tugtog niya.
"Wakatte-ita hazu, ang song na 'yan 'di ba?" Tinanguan niya ang pinsan. "Good. Maganda nga 'yan lalo na sa pag-i-emote ko rito."
Napangiti siya. Naalala tuloy niya si Miyaka at Tamahomi ng paborito niyang anime na Fushigi Yuugi.
"MR. HAJI", is it okay na magpalipat kami sa time ng music? 'Yung panghapon po. Please?"
"No, Miss Ariz."
"Mr. Haji, naman," nagpapadyak pa si Ariz, one of the Gorgon sisters.
Dahil mabilis na kumalat ang balita na nag-take ng music class si Kienlee kaya dumagsa ang mga nagmamakaawang mag-aaral na gustong magpalipat at magpa-enroll sa afternoon class na iyon ni Mr. Haji.
"I'm sorry. My decision is final. And the fact na twenty na sila sa class ko. Bawal na ang lumipat. Good day, Miss Ariz."
"Grrr. Kainis," ani Ariz sa mga kaibigan nito na mga laglag din ang balikat.
Napapailing na lang si Johairah bago nagpatuloy na uli sa paglalakad papunta sa Library.
"Johairah."
"Dilan," aniya ng umagapay ito sa paglalakad niya. Ginantihan niya ito ng ngiti. "Saan ka pupunta?" Kahit na mayamang pamilya rin ang pinanggalingan ni Dilan, natutuwa siya dahil may taong hindi nagdadalawang isip na lapitan ang katulad niya. Hindi naman lingid sa mga classmate niya na pinapaaral lang siya ng kanyang Tiyuhin.
"Library. How about you?"
"Ah, doon din. May hihiramin lang akong libro."
"Then sabay na tayo," anito na tinanguan niya.
Pasimpleng hinanap ng mga mata niya ang bulto ni Kienlee sa kalawakan ng Mori High University habang binabaybay nila ang daan papunta sa school library. Buong maghapon kasi niya itong hindi nakita. Kapag kasi araw ng Huwebes ay wala silang klase sa music. Nakakapanibago lang na walang nangungulit sa kanya ng araw na iyon. Nasanay na rin siya sa prisensiya ng guwapong kaklase kaya naninibago siya ngayon.
Nang makapasok sila sa Library ay nagpaalam muna siya kay Dilan na hahanapin lang ang pakay niyang libro.
"Ma'am, excuse po," magiliw pa niyang sabi sa matandang babae na nakatalikod ng lapitan niya ito.
"Yes?" Inayos pa nito ang salamin sa mata. Ito ang old maid na librarian.
"Saan po kaya banda ang mga libro na related sa music?"
"Sa dulong bahagi sa kaliwa. Tapos lumiko ka," anito na walang kangiti-ngiting tinalikuran siya.
Itinikom na lang niya ang bibig at hinayaan na lang ito. Pinuntahan niya ang sinabi ng matanda. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakakita sa personal ng ganoong kalawak na library. Tatlong palapag iyon. Nasa ika-third floor ang mga old books.
Paliko na sana siya, katulad ng sabi ng librarian sa kanya, nang makarinig naman ng pag-uusap. Pamilyar sa kanya ang boses ng lalaking nagsasalita. Huminto siya sa paglalakad.
"Hay, kung kasing ganda mo lang din ang palagi kong nakikita dito sa library, mas mapapadalas ako rito."
Tuluyan siyang natigilan. Kung hindi siya nagkakamali ay si Kienlee ang nagsalita.
"'Wag ako ang buwisitin mo," pagtataray ng isang babae.
"I'm just confuse you know. Nakakapagtaka lang na nandito ka sa library at ginagawa ang gawain ng isang student assistant."
"Working student ka na pala ngayon, Paige Eseguel," segunda pa ng isang boses lalaki.
"Hindi ako student what so ever sa library na ito kaya lubayan niyo akong dalawa dahil wala akong oras para sa inyo."
"You know what, pretty Paige?" ani Kienlee na halatang nakikipag-flirt sa babaeng kausap nito.
Nakaramdam ng inis si Johairah sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Siguro dahil si Paige Eseguel ang pini-flirt ni Kienlee. Campus figure ang naturang babae at hindi niya maikakaila na maganda talaga ito.
Napabuntong-hininga siya. Minabuti na lang niya na umalis na. Hindi na niya pinakinggan pa ang iba pang sasabihin ni Paige kina Kienlee.
Kaya pala missing in action ito ay dahil sa mas kilalang babae naman dumidikit. Kapag bored lang yata ito sa buhay saka siya pagti-trip-an. Malungkot siyang napangiti sa isiping iyon. "Napaka-playboy talaga ng unggoy na 'yon."
"Sino?"
Dahil nakatingin siya sa sahig kaya noong mag-angat siya ng mukha ay nagulat pa siya ng makita si Keigo Mori. Mabilis siyang lumingon sa pinanggalingan niya kanina bago muling ibinalik ang tingin kay Keigo. Nakita ba nito na pinakikinggan niya ang pag-uusap nina Kienlee? Lihim niyang pinagalitan ang sarili.
"A-Ah, w-wala," aniya na mabilis na itong nilampasan.
Nang makita ang librong hinahanap ay nakatingala lang siya roon. Hindi pa niya alam kung tatalunin ba niya iyon para makuha o aakyatin. Nang magbaling siya ng tingin sa kaliwa niya ay napabuntong-hininga pa siya ng makitang nasa dulo pa ang hagdanan na naka-built-in sa mataas na book shelves. May gulong iyon kaya puwede niyang hilahin sa kinaroroonan ng librong kailangan niya. Muli niyang tiningala ang libro.
Huminga muna siya ng malalim bago tumingkayad upang abutin iyon. Ngunit may kataasan talaga. Idagdag pang mababa lang siya.
"Hay, bakit ba kasi naimbento pa ang ganito katataas na book shelves? Nasaan ang hustisya para sa kagaya kong five four lang ang taas?" palatak pa niya bago akmang aabutin na lang niya ang libro ng may kamay na kumuha roon.
Muntik pa siyang mapasubsub sa dibdib ng kung sino ng bigla na lang siyang lumingon. Nanuot agad sa kanyang ilong ang pamilyar na pabango. Amoy na dagling naghatid ng kilabot sa pakiramdam niya.