NAKAHINGA ng maluwag si Johairah ng makitang wala pa ang professor niya sa major subject niya na music, na si Mr. Haji. Pumasok na siya sa loob at naupo sa isang silya.
Sa subject niyang iyon ay nineteen lang sila. Pero sabi ni Mr. Haji noong nakaraang Biyernes ay madaragdagan sila ng isang estudyante sa time na iyon. Matapos naman ang subject na iyon ay maaari na siyang umuwi.
"Kuni chua!" Bati pa ni Mr. Haji ng makaupo ito sa may unahan na ginantihan naman nila ng bati rin. Lumibot pa ang tingin nito sa kanilang lahat doon. Tila may hinahanap ang mga mata nito.
"Sorry. I'm late."
Napatingin siya sa may pintuan ng pumasok mula roon si Kienlee. Napatuwid tuloy siya mula sa kanyang pagkakaupo. "Ano namang ginagawa niya rito?" Hindi niya maiwasang ibulong.
"Si Kienlee siguro ang tinutukoy ni Mr. Haji na bago nating classmate sa time niya. Ang suwerte naman natin," kinikilig na bulong sa bandang likuran niya.
"Super."
"Si Kienlee?" anas niya. Napalunok siya. Ibig sabihin ay madalas niya itong makikita?
Lihim pa siyang napaungol ng umupo pa sa katabi niyang silya si Kienlee. Kahit hindi niya tingnan si Kienlee ay ramdam naman na nakatingin ito sa kanya.
"Tingnan mo nga naman. Pati sa subject na ito ay classmate pa kita. Sinusundan mo ako ano?"
Blanko ang anyo na tiningnan niya si Kienlee na bahagyang nakangisi sa kanya. Mukhang kailangan niya ng isang drum na lakas ng loob na sungitan ang binata para hindi mahalata na maski siya ay attracted dito. Ayaw niyang makahalata ito sa nararamdaman niya at baka lumaki pa lalo ang ulo nito. "Last week pa ako dito sa klase ni Mr. Haji. Ikaw itong kakasulpot lang."
"Blah. Blah. Blah. If I know, talagang nagpapapansin ka sa akin."
"Ako, magpapansin sa iyo? Hindi siguro," mariin niyang bulong dito. "At para din sa kaalaman mo. Major ko ang music." Tumayo siya mula sa pagkakaupo para sana lumipat ng ibang silya malayo kay Kienlee. Okay lang naman sa kanya na nakatanaw rito. 'Wag lang ganito kalapit, walang hustisya. Okay ng isipin nito na wala itong dating sa kanya. Kaysa lalong magkaroon ng dahilan para asarin siyang lalo.
"Yes, Miss Avila?" ani Mr. Haji.
"Ah, kasi po—"
"Johairah, dito ka na lang," ani Dilan. Itinuro pa nito ang isang bakanteng silya sa tabi nito.
Mabilis naman siyang nahawakan ni Kienlee sa braso niya at hinigit paupo uli sa inukupang banko. "You're not going anywhere."
Napapantastikuhang hinarap niya si Kienlee. "Problema mo?"
Hindi ito sumagot. Deretso lang ang tingin nito sa unahan. Seryoso na rin ang mukha nito, hindi na katulad kanina na animo handang makipag asaran.
"Okay, class. Lahat ba sa inyo ay marunong mag-piano? Hands up sa marurunong," simula ni Mr. Haji.
Mabilis siyang nagtaas ng kamay. Ganoon din si Kienlee kaya napasulyap siya rito. Sumunod na rin ang mga classmate nila.
"Good. Bawat isa sa inyo ay kailangang tumugtog ng isang pyesa gamit ang piano. Is that clear?"
"Kailan po?"
"I'll give you a week to practice. Kayo na rin ang bahala sa tutugtugin ninyo. Anything you want."
"Hindi po ba kami kakanta?"
"No. For now just play the music. After that, saka pa lang kayo magkakaroon ng group into two. And by that time ay kakanta na rin kayo. Yes, Miss Apresian?" Baling nito sa classmate nila na nagtaas ng kamay.
"Mr. Haji, puwedeng kami na lang ni Kienlee ang partner?" ani Cheer na hindi mapuknat ang malagkit na tingin kay Kienlee. Nginitian lang ito ni Kienlee na halos ikahimatay nito. "He smiled at me. Oh, my God."
Napapailing na lang siya. Kakaunti lang talaga siguro ang matitinong mag-aaral sa lugar na iyon. Pakiramdam niya lahat ay baliw. Baliw sa grupo ng mga ito.
"Para fair sa lahat kaya magkakaroon tayo ng bunutan. Pero hindi pa ngayon."
"Marunong ka ba talagang tumugtog ng piano?"
Hindi niya pinansin si Kienlee. Kunwa'y abala siya sa pagsusulat.
"Nice talking."
Nang balingan niya si kienlee ay kunway nagulat pa siya ng makita ito. "May tao pala diyan."
"Mr. Scott and Miss Avila, mamaya na 'yang bulungan ninyo," ani Mr. Haji na matamang nakatingin sa kanila.
Sinimangutan niya si Kienlee. Pagkuwa'y itinuon ang atensiyon sa unahan ng klase. Napapaisip na rin siya kung ano ang tutugtuging pyesa. Napangiti siya. Anime theme song na lang ang gagamitin niya.
Nang matapos ang klase nila ay mabilis na rin siyang lumabas ng room.
"Johairah."
Nalingunan niya si Dilan. "Bakit?"
"Pauwi ka na?"
Umagapay pa ito sa kanyang paglalakad. Kung sa probinsiya nila, pinagkaguluhan na si Dilan. Pero dahil napakarami ring nagguwa-gwapuhan sa MHU kaya parang ordinaryo na ang pagka-guwapo nito.
Nginitian niya ito. "Oo."
"Okay lang ba na ihatid na kita?"
"H-Ha? Salamat na lang kasi—"
"Bakit ba hindi ka nanghihintay?"
Nagulat na lang si Johairah ng biglang siyang hilahin ni Kienlee palayo sa natulalang si Dilan.
"T-Teka. Bitiwan mo ako." Nilingon niya si Dilan. "Pasensiya na, Dilan," sabi pa niya bago sinubukang hilahin ang kamay mula kay Kienlee na hindi binitiwan hanggang sa makalabas sila ng naturang gusali. Pakiramdam niya ay napapaso siya sa pagkakahawak nito sa kamay niya. "Ano bang problema mo?" Hinampas niya ito ng kanyang bag ng hindi pa rin siya nito bitiwan. In the end ay pinakawalan din siya nito.
"'Wag ka ngang mamitik."
Napamaang siya ng tuluyan silang huminto sa paglalakad. Nang-aasar ba talaga ito? "Baliw ka rin talaga. Bakit mo ba ako nilalapitan? Alam mo bang kinakati ako sa iyo?" Pang-aasar niya rin dito.
Tuluyan na itong humarap sa kanya. Yumuko uli ito upang pagpantayin ang mga mukha nila. "Oh, really?"
"Oo, really. Kaya sa susunod na lapitan mo ako ay makakatikim ka ng mas malakas na pitik." Itinulak niya ito palayo. Mabilis siyang humakbang paatras, wrong move, may nabunggo siya buhat sa kanyang likuran. Nalingunan niya si Keigo Mori na agad dumilim ang anyo. Napalunok siya. "S-Sor—"
"Sorry for what? Kung ang cellphone ko ay nasira na dahil tinatapakan mo?"
Napatingin siya sa paanan niya. Naroon nga ang cellphone ni Keigo na tinatapakan niya. Mabilis siyang napaatras. Akmang dadamputin niya iyon ng tabigin naman nito ang kamay niya.
Napayuko na lang siya. "S-Sorry talaga. Hindi ko sinasadya."
Tumayo na ng tuwid si Keigo ng madampot nito ang cellphone nito. Madilim pa rin ang ekspresyon ng guwapong mukha nito.
"I'm warning you—"
"Spare her, pare," ani Kienlee na lumapit sa kanya. "Hindi naman niya sinasadya."
Tiningnan nito si Kienlee bago siya muling tiningnan. Kung hindi siya nagkakamali ay magkaibigan ang dalawang ito dahil miyembro din ng UHB men si Keigo Mori, ang pamilya nito ang nagmamay-ari ng school na iyon.
"Pasalamat ka at nandiyan si Kienlee," anito na walang lingon-likod na iniwan sila.
Saka lang siya tila nakahinga ng maluwag. Kung hindi siguro siya mabilis na naalalayan ni Kienlee ay baka nalugmok na siya sa semento. Nanlalambot ang mga tuhod niya. Ngayon niya napagtanto na hindi basta-basta ang isang kagaya ni Keigo. Nakakatakot ito. Hindi kagaya ni Kienlee na hindi niya alam kung bakit siya ang pinagti-trip-an.
Ilang ulit siyang huminga ng malalim bago umayos ng tayo. Medyo lumayo na rin siya kay Kienlee. "Hindi ako magpapasalamat dahil iniligtas mo ako mula kay Keigo. Dahil kung tutuusin nga ay ikaw naman ang may kasalanan kung bakit nangyari ito. "
"Wow, huh? Matapos kitang sagipin mula kay Keigo ay ako pa rin ang masama?"
"Sino pa nga ba? Huwag ka na nga ulit lalapit sa akin at minamalas ako."
"Tss. Magpasalamat ka pa nga at kinakausap kita," sumbat pa nito sa kanya ng talikuran niya ito.
Naniningkit ang matang nilingon niyang muli si Kienlee. "Hoy—"
"I have a name if you didn't know. It's Kienlee," putol nito sa sasabihin niya.
"Wala akong paki. At lalong wala akong pakialam sa iyo. At higit sa lahat, hindi ko kailangang magpasalamat sa iyo dahil kinakausap mo ako. Hindi ka naman artista para pasalamatan ko dahil lang pinansin at kinausap ako. Para sa akin ay isa ka lang ordinaryong tao na nag-aaral dito. Wala ng iba. Kaya 'wag kang mayabang. Hindi por que UHB member ka at tinitilian dito sa Mori High ay magkakandarapa na rin ako sa iyo. Ni hindi nga kita kilala kung tutuusin," mahaba niyang litanya. Kung saan man galing ang mga lumabas sa bibig niya ay hindi niya alam. Ganoon naman siya kapag defensive, kung ano-ano ang lumalabas sa bibig.
Imbis na kakitaan ng pagkainis sa kanya ang guwapong mukha ni Kienlee ay amusement pa ang mababakas doon. "Ah," tanging nasabi nito.
Naiimposiblehang tiningnan niya ito. Iyon lang ang sasabihin nito sa mahaba niyang litanya? Kung hindi lang ito si Kienlee Scott ay iisipin niyang may gusto ito sa kanya kaya siya ang pinagti-trip-an.
"Kienlee, nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap."
Napasinghap siya ng tabigin siya ng isang babae na agad ipinulupot ang kamay sa braso ni Kienlee.
Sa isip ay nasabunutan na niya ang atribidang babae. Minabuti na lang niyang umalis.