KABANATA 1

1104 Words
HINANDA ko ang aking gamit. Tapos na ang aking trabaho. Isa akong kahera sa Deca Mall. Dalawang taon na din at regular na sa trabaho. Nakakaraos naman sa araw-araw na pangangailangan namin ni Mama. Nakakaipon din dahil simple lang naman ang buhay naming dalawa. Hindi naman kami magastos.  Dalawa na lang kami ng Mama ko sa buhay. Iniwan kami ni Papa noong maliit pa ko para sa babae nito. Kaya ayun at lumaki akong walang ama. May sarili na kasi itong pamilya. Alam ko ay nasa ibang bansa na din sila. Sinubukan ko noon na kausapin si Papa. Nahanap ko kasi siya sa f******k pero asawa nito ang nakabasa.  Malinaw na ayaw nito ang anumang koneksyon sa amin. Masaya na sila at huwag na daw akong manggulo. Masakit man ay hinayaan ko na din para sa ikatatahimik ng lahat. Ganoon siguro talaga. Kapalaran ko na ang lumaki at tumandang walang ama na magmamahal sa akin. Tinanggap ko na iyon kaya mas binuhos ko ang atensyon ko kay Mama at sa pangangailangan naming dalawa.  “Hindi ka talaga sasama bukas? Kakain lang naman sa samgyup. Marami naman tayo!” bulong ni Macy. Kasamahan kong cashier sa Deca. Maliit lang siya pero napakatinis ng boses. Tinabihan pa talaga ako sa locker.  Sinuot ko ang shoulder bag. Sinarado ang locker at hinarap siya. Umiling ako, “Pagagalitan ako. May lalaking mga kasama.” Sumimangot ito, “Susko, Vera! Ang laki mo na. Mahigpit pa rin magulang mo sa’yo?” Ngumiti lang ako ng tipid. Hindi ako pala-kwento ng buhay ko sa kanila. Pero hilig pa rin nilang lumapit at makipagusap sa akin. Pinipili ko na maging tahimik na lang sa issue tungkol sa pamilya ko at kung bakit ganoon ang Mama ko. Inakbayan siya ni Lovie.  “Paanong hindi? Maganda si Vera. Palibhasa kasi tayo hindi. Gumaganda lang kapag nakaayos. Si Vera kahit walang hilamos. Maganda pa rin!” Humagikgik ito pero tuloy pa rin sa pamimilit si Macy sa akin. “Marami naman tayo. Last na natin makakasama si Mark.” Tinutukoy nito ang kasamahan namin na bagger naman. Nagresign dahil balak ng magtrabaho sa ibang bansa. Kaya magpapakain bukas. Mas lalo akong umiling. Hindi lang naman si Mark ang kasama dahil may ilang lalaki din itong kaibagan sa trabaho na invited din. Ayaw ng Mama ko sa lalaki. Magagalit ito kapag malalaman niyang sumasama ako sa ganitong pakain tapos may mga lalaking kasama. Pinili ko na lang na sundin siya. Dahil noong isang beses akong nagkamali. Pamamahiya at sabunot ang inabot ko sa kanya. Hiyang-hiya at na-trauma ako noon kaya hindi ko na inulit. “Bakit ba? Takot sila mag-boyfriend ka?” tanong ulit ni Macy. Tumango na lang ako, “Sige na at gagabihin ako lalo. Enjoy na lang kayo bukas. Marami din akong gagawin sa day-off ko,” malumanay kong sabi. Ngumiti ako at nagpaalam na sa kanila. Wala ding nagawa si Macy kundi hayaan ako. Hindi niya ako napilit na sumama sa kanila. Minsan na kong sumuway kay Mama. Ayoko ng maulit. Natanaw ko agad si Mama na nagaabang sa akin sa kanto. Tuwing umuuwi ako ay nakaabang na siya doon. Sa tabi ng ihawan. Marami kasing tambay dito sa amin. Natatakot siya na baka anong mangyari sa akin. Kaunti na lang at pwede na kaming lumipat ng bahay sa Cavite. Masyado kasing magulo dito sa Tondo. Nag-iipon ako ng malaki dahil sa oras na lumipat kami ay kailangan kong maghanap ng trabaho. Hindi ko naman alam kung mabilis ba akong matatanggap. Kaya nagiimbak ako ng malaki para sa nalalapit naming paglipat. Naroon na kasi ang mga kapatid nila Mama at may paupahan na daw na malapit sa kanila.  Kahit na p’wede naman kaming makituloy sa mga kapatid ni Mama ay minabuti nitong magipon kami pangrenta. Ayaw ni Mama ng nakakaistorbo sa mga kapatid niya. Naintindihan ko na din naman. Isang buwan na lang at sakto na ang perang naipon namin. “Gutom ka na?” tanong niya at hinaplos ang aking itim at makintab na buhok. Ngumiti siya sa akin. Tumango ako. Tinaas nito ang isang plastic na may lamang dugo, baboy at isaw. Lumapad ang ngiti ko. Kumalam ang aking sikmura. Naglakad kami papasok sa looban. Madilim. Makipot. Minsan may masangsang pa na amoy. Dito na din ako lumaki pero dahil mahigpit si Mama. Hindi ako pinapayagang lumabas. Simula ng nag-aral ako. School at bahay lang ang laging napupuntahan ko. Hatid sundo ako ni Mama kahit na malaki na ko. Hanggang sa nakatapos ako ng Senior High. Ganoon pa din ang set-up. Noong nagtrabaho lang ako ay hindi niya na ko hinahatid pero patuloy pa rin niya akong inaabangan sa kanto. Pumasok kami sa maliit na bahay na yari sa kahoy. Dikit-dikit ang mga bahay dito. May mga nakatira nga din sa taas. Kami ni Mama ay dito lang sa baba.  Tatlong hakbang mo lang mula sa main door bubungad na sayo ang lababo. Wala kaming sariling banyo. Common CR ang mayroon dito. Kaya sa tuwing maliligo ako ay nakabantay si Mama sa labas ng banyo para masigurong walang namboboso sa akin. Alaga ako ni Mama. Pinalaki niya akong mahiyain at ilag sa mga lalaki. Iniisip ko na lang na sa ikabubuti ko iyon at syempre dulot na din ng trauma ni Mama dahil sa Papa ko kaya iniintindi ko na lang. Naghugas ako ng kamay bago dumulong sa lamesa. Ako na ang naglipat ng ihaw sa plato at tinapon ang plastic sa basura. Pinagmasdan ko si Mama habang nagsasandok ng kanin mula sa rice cooker. Maganda ang Mama ko. Kahit na 48 na siya ay taglay pa rin nito ang ganda na animo’y hindi kumukupas kahit ilang taon na ang lumipas. Namana ko sa kanya ang malambot at maitim na buhok. Pareho kaming hindi pa nadadapuan ang buhok ng kahit anong pampaganda, tulad ng rebond or hair spa. Natural na bagsak ang itim at makintab naming buhok. Balingkinitan din si Mama tulad ko. Hindi mo nga a-akalain na anak niya ako. Madalas na napagkakamalan kaming magkapatid. Para siyang dalaga tignan kahit na hindi naman talaga. Pareho kaming maputi at magkasing-tangkad din. Ang kanyang mga mata ay matingkad ang pagka-brown samantalang sa akin ay hindi. Parehong manipis ang aming mga labi. Sumulyap siya sa akin. Ngumiti si Mama kaya tipid din akong ngumiti. Kahit na mahigpit ang Mama ko sa akin. Mahal na mahal ko naman siya. Ginagawa lang niya iyon para sa akin. Masyadong nakakatakot na kasi sa mundo. Maraming masasamang tao. Talamak ang rape kaya isa din iyon sa kinatatakutan ni Mama kaya kuntodo ingat siya sa akin. Bukod doon ay ayaw niya akong maloko ng mga lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD