SIMULA
“Ina! Aalis na po ako!" paalam ko sa aking ina. Nailing ito at matamis akong nginitian. "Huwag kang mahuhuli mamaya Cereina.
Pagagalitan ka na naman ng iyong ama." Matamis akong ngumiti at tumango.
"Masusunod po!"
Mabilis kong kinuha ang aking baong bote. Depensa ko sa matinding pagkauhaw. Isinukbit ko ito sa aking tagiliran at lumakad na. Pakanta-kanta pa ako habang nilalakad ang masukal na kagubatan. Hindi naman sa mapapagod ako kung tatakbuhin ko ang daan makapunta lamang sa bundok ng Hercules ay mas ginusto kong lakarin lamang ito.
Nakagawian ko na ang magpunta roon tuwing linggo, pagkatapos ng nakabuburyong aralin sa unibersidad. Kung tutuusin ay puwede namang hindi na ako pumasok ngunit hindi ko puwedeng suwayin ang aking ama.
"Cereina!"
Sa gulat ko'y mabilis na tumaas ang aking depensa at nasuntok ito. Agad siyang tumilapon at tumama sa malaking puno ng kahoy. Bigla kong narinig ang pino niyang halakhak habang pinapagpagan ang kanyang sarili.
"Arthyseuos Ynue!? Kabanas! Kay haba ng iyong pangalan Ynue!"
Napatawa siya ng malakas. "Cereina walang buntot!" Naigting ang aking panga.
"Pangil lang ang mayroon ako at kayang- kaya kitang paslangin," seryosong banta ko sa kanya. Napaismid naman ito.
"Hindi ka pa buo Cereina. Hindi mo ako kaya," aniya at ginulo ang aking buhok. Agad ko itong tinabig. Muli na akong lumakad.
"Ano ang iyong sadya Ynue? Pinasunod ka ba ni ama?"
"Hindi. Gusto lamang kitang samahan pinsan. Malay mo at baka makita ko roon si Shairyll."
Tumaas ang aking kanang kilay. "Ang itinakdang Seltzer," utas ko.
"Talaga bang kailangan nating sundin siLuna?"
Pumaling siya sa akin habang nakapamulsa.
"Kailangan upang hindi malagay saalanganin ang lahat. Kilala mo naman ang Bathalang si Luna. Hindi siya nagkakamali sa bawat kapalarang nakaatas sa atin. Bakit Cereina? Balak mo bang sumuway?" Agad akong umiling.
"Hindi naman sa ganoon pero hindi ko kasi nagagawa lahat ng gusto ko." Bumuntong-hininga ako.
"Kailan ba ang ika-limang daan mong kaarawan?" aniya.
"Dalawang taon pa simula ngayon," sagot ko habang nakatitig sa kawalan.
Kinabig naman niya ako at tinapik ang aking balikat.
"Mas matanda ka sa akin pero mas nahuhulika naman sa pagproseso ng iyong sarili Cereina. Lahat ng babae sa angkan natin ay ganoon at hindi na nakapagtataka iyon. Dalawang taon na lang ang hihintayin mo at magiging malaya ka na. Ang tanging mapapayo ko lamang sa iyo ay huwag mong susuwayin ang Tito Steffano. Pangako?" Napanguso ako at napatango na lamang.
"Paligsahan?"
"Alin–"
Hindi pa man ako nakakatapos sa aking sasabihin ay agad na itong tumakbo. Napangiti ako at sinundan ito. Habang nasa kalagitnaan kami ng karera sa pagtakbo ng mabilis ay may umagaw sa aking atensyon. Mabilis kong nai-preno ang aking mga paa at halos mabungkal ko ang lupa dahil sa matinding puwersa. Napasinghot ako at napalinga sa aking paligid. Agad na lumawak ang aking mga nakikita. Nang maamoy ko ang gumambala sa akiay mabilis ko itong pinuntahan at nagkubli sa malaking puno ng Apitong. Bahagya pa akong sumilip.
"Aray! Pare naman! Dahan-dahan lang!" anang lalaki habang nakaupo sa malaking bato.
Nakaluhod naman sa kanyang harapan ang isa pang lalaki at abala ito sa paglalapat ng gamot sa binti ng lalaking nakaupo.
"Pesting buhay naman 'to! Sa laki ng daan Shanty, nahagip ka pa talaga ng matulis na sangang iyon!" talak no'ng lalaking may hawak na bulak.
Naigting ang aking panga nang makita ko ang dugo sa bulak. Nang suminghot ako'y agad na nanuot sa aking ilong ang matinding amoy nito.
Masarap! Namilog ang aking mga mata at agad kong natutop ang aking bibig. Hindi ko kayang kontrolin ito! Hindi! Agad akong napaatras.
"Sino ang nariyan!?" anang no'ng lalaking nagngangalang Shanty.
Namilog ang aking mga mata habang nasa bibig ko pa rin ang aking kanang palad.
"Baka hayop lang Shanty." "Baka naman hindi Jeoffrey."
Humakbang ako pabalik. Hindi ko na kaya! Arthyseuos Ynue! Napaluhod ako at nasapo ang aking lalamunan. Biglang humaba ang aking mga kuko at alam kong nagkukulay pula na naman ang aking mga mata. Hindi ko makontrol ang aking sarili. Tama si Ynue! Hindi ko nga pa talaga kaya.
"Binibini, ayos ka lang ba?" Natigilan ako.
"Binibini–"
"Diyan ka lang!"
Naigting ang aking mga panga at nanginginig na ang aking mga kalamnan. Mas lalong dumoble ang pagnanasa kong matikman siya. Ang lalaking mayroong sugat sa binti ang nakatayo sa aking likuran.
"Pero–"
Biglang dumating ang aking pinsang si Arthyseuos Ynue.
"Sino ka at anong ginawa mo sa aking pinsan!?" bulyaw ni Ynue.
"Wala kaming ginagawang masama. Tinatanong lang ng kaibigan kong si Shanty kung ano ang nangyari sa kanya."
"Ayos lang siya," seryosong wika ni Ynue. Agad akong binuhat ni Ynue.
"Hindi kayo dapat napunta sa lugar na ito. Alam niyo bang bawal ang taga labas dito? Maari ko kayong isuplong sa bayan dahil sa panghihimasok sa pribadong lugar namin," pagpipigil na talak ni Ynue.
Mahigpit akong napakapit sa kanyang braso.
Hindi ko na talaga kaya!
"Teka lang, kasalanan namin. Naligaw kasi kami. Pasensiya na. Mauna na kami. Shanty, tara!" Narinig ko ang mga yapak ng mga paa nito, hudyat na papaalis na nga ito ng tuluyan.
"Ynue, kailangan ko si ina," mahinang bulong ko.
"Tiisin mo muna Cereina," aniya.
Tumango lamang ako. Sa isang kurap ko'y agad naming narating ang aking tahanan.
"Ynue!? Cereina!?" sambit ni ina.
Nagsimula nang magkulay puti ang aking mga buhok.
"Steffano!"
Sa isang tawag lang ng ina ko'y agad na lumitaw si ama sa aming harapan. Mabilis niya akong kinuha kay Ynue at ipinasok sa loob ng bahay. Dinala ako ni ama sa silong ng aming bahay. Ipinasok ako ni ama sa kulungan kung saan hindi ako makalalabas dahil sa solidong bakal na rehas na may ritwal.
"Ah!" hiyaw ko ng malakas.
Tuluyang nang nagbago ang kulay ng aking buhok at mas humaba pa ito kaysa sa dating buhok ko na hanggang baywang lamang.
"Steffano, mahal ko, anong nangyayari sa anak natin?" umiiyak na wika ng ina ko.
Napatayo ako ng tuwid at pinatunog ang aking mga buto sa kamay. Hindi ko mapigilang titigan ang aking ina habang patuloy pa rin sa pag- iyak ni ama.
"Ayoko rito," wika ko.
"Mas lalong ayoko na nasa labas ka," wika
Naigting ang aking panga.
"Anong nangyari Ynue," tanong ni ama saaking pinsan.
"May napadpad sa lugar natin at hindi inaasahan na malanghap ni Cereina ang dugong galing sa sugat ng lalaking iyon," ani Ynue.
"Gawin mo kung ano ang nararapat Catherine. May pag-uusapan lang kami ni Ynue," wika pa ni ama. Muling umigting ang aking panga nang lumapit ang aking ina sa bakal na rehas.
Naiwan kaming dalawa ni ina.
"Anak naman, alam mo namang hindi talaga maganda ang kundisyun mo at napakatigas talaga ng iyong ulo."
Hindi ako kumibo pero ang katawan ko ay kusang gumalaw at lumapit kay ina. Alam kong ditto mismo sa loob ko'y may kakaiba. Hindi ako maayos. May sakit ako, mali, dahil mas tamang sabihin doon ay may halimaw na nakakubli sa aking katauhan. Nanginginig ang mga kamay ko habang lumalapit kay ina.
"Ayaw kong saktan ka ina," naluluha kong wika ngunit ang katawan ko'y nagkukusang humakbang pa palapit sa kanya.
"Kailangan mo pa rin ako anak. Kahit sinong ina ay hindi hahayaang malagay sa panganib ang kanilang mga anak. At iyon ang layunin ko anak."
Humakbang din palapit sa akin si ina. May hinugot siyang punyal sa kanyang tagiliran at sinugatan ang kanyang kanang pulsuhan. Agad na umagos ang dugo sa kanyang sugat. Napaangil akong bigla at agad na sinunggaban ang sugat ni ina. Gigil na gigil kong sinipsip ang dugo niya at halos mapatirik ang aking mga mata dahil sa sobrang sarap nito. Habang patuloy ako sa pagsipsip ng dugo ni ina ay banayad ko ring nararamdaman ang paghaplos niya sa aking buhok at likuran.
"Mahal na mahal kita Cereina," anas ni ina. Mariin akong napapikit. Bahagyang kumalma ang aking sarili at bumalik na sa dati ang aking anyo. Agad akong lumubay sa kamay ni ina at hinabol ang aking hininga. Kumalat sa bibig ko ang kanyang dugo.
Bigla namang bumukas ang pinto at ang galit na mukha agad ni ama ang bumungad sa akin. Bigla niya akong sinugod at binuhat para isalampak sa pader.
"Steffano!" bulalas ni ina.