IGINALA ni Lauradia ang paningin sa paligid ng pavilion ng isa sa pinakasikat na hotel kung saan gaganapin ang charity auction na inorganisa ni Mrs. Lorena Yulo na asawa ng isang mayamang negosyante. Hindi iyon ang unang beses na dumalo siya sa isang pagtitipong inorganisa ng isang mayamang tao. Pero sa tuwina ay hindi pa rin niya naiiwasang makaramdam ng bahagyang pagkailang tuwing dadalo siya sa mga iyon. Oo nga at nakabihis din siya na gaya ng mga ito at umaakto rin siyang mayaman. Pero alam niyang hindi naman talaga siya kabilang sa mundong iyon.
Natatandaan niya noong una niyang gawin ang trabaho niya ay halos masilaw siya sa ningning ng mga mayayaman. Hindi naiwasan ni Lauradia na makaramdam ng insecurity. Hanggang ngayon, may kaunti pa rin siyang nararamdamang insecurity pero mas kontrolado na niya ang sarili ngayon. Para saan pa ang ilang taong training niya kung hindi niya kakayaning makipagsabayan sa alta-sosyedad?
At nandito ako para sa trabaho, paalala niya sa sarili. Sa isiping iyon ay lalo niyang pinagbuti ang paggala ng tingin sa paligid. Ayon kay Czarina, dadalo raw sa pagtitipong iyon si Raiven Montemayor. Hindi alam ni Lauradia kung paano nalalaman ng ka-grupo niya ang schedule ng mga target nila pero hindi na siya nag-abala pang tanungin ito. Hindi rin naman tinatanong ni Czarina kung ano ang ginagawa niya kapag siya na ang nagtatrabaho.
Bahagyang tumalon ang puso niya sa antisipasyon. Isang linggo na ang lumipas, mula nang tanggapin nila ang trabahong iyon pero ngayon pa lang magpapakita kay Raiven si Lauradia. Siniguro muna kasi nila ni Czarina na pulido ang magiging mga plano nila dahil hindi sila maaaring magkamali. Lalo pa at nalaman nilang hindi basta-bastang tao lang si Raiven Montemayor. Ilang taon mula ngayon ay magiging isa ang binata sa mga pinakamakapangyarihang tao sa bansa dahil sa negosyo ng pamilya nito. Kapag nagkamali sila at mabisto ni Raiven ang mga plano nila ay masisira ang lahat ng pinaghirapan nila para kay Miss Red Butterfly.
Napaigtad si Lauradia nang may maramdaman siyang tumabi sa kanya. Nang lumingon siya ay nakita niya si JM, ang lalaking kumuha sa serbisyo nila. “It’s really you,” sabi ng lalaki na hindi itinago ang katuwaan. Pagkatapos ay walang pakundangang hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. “I say, if you go to him as gorgeous as that, I believe you will really succeed in seducing him,” sabi ni JM na hindi itinago ang paghanga kay Lauradia.
Tinaasan niya ng isang kilay ang lalaki at hindi inabalang tingnan ang sarili. Alam na niya kung ano ang hitsura niya at alam na rin niya ang sinabi nito dahil hindi si JM ang unang lalaking humagod ng tingin sa kanya mula nang dumating siya sa party na iyon. Sa katunayan, hindi rin ito ang unang lalaking lumapit sa kanya. Nadaan lang niya ang lahat sa bola para iwan siya ng mga lalaking iyon dahil hindi naman ang mga ito ang dahilan kung bakit siya naroon.
Lauradia knew she was beautiful. Pulang backless long gown na hapit sa katawan niya at may mababang neckline ang suot niya. Kinse anyos pa lang siya ay madalas nang sabihin ni Miss Red Butterfly na maganda siya. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit siya inampon ng babae. Sabi nito, may kung ano raw sa hugis puso niyang mukha, sa makurba niyang katawan, malulusog na dibdib, at mabibilog na pang-upo na agaw-pansin kahit sa mga babae. She said Lauradia had excessive s*x appeal. Idagdag pa ang mapang-akit niyang tingin sa mga tao na natural na sa kanya. Gamit ang mga natural niyang katangian ay hinubog siya ni Miss Red Butterfly para magawa niya nang maayos ang kanyang trabaho—to be a temptress.
“Bakit mo ako nilapitan? Hindi mo ba naisip na baka maghinala siya kaagad kung makita niyang kasama mo ako?” inis na asik niya kay JM na ang tinutukoy ay si Raiven.
“Hindi siya maghihinala. He’s too self-centered to think that I will do something to get back my woman from him,” mahina pero matigas na sabi ni JM. Wala na ang kislap ng paghanga sa mga mata ng lalaki nang tila maalala ang dahilan kung bakit siya naroon. Hindi naiwasan ni Lauradia na humanga rito. Ibig lang sabihin niyon ay talagang malalim ang nararamdaman ni JM para sa babaeng balak nitong bawiin sa target niya. “Besides, mas mapapadali ang trabaho mo kung kasama mo ako. I can introduce you to some people that will surely introduce you to him,” suhestiyon ng kliyente nila.
Hindi siya nagsalita at pinagmasdan lang ito. May punto naman si JM kaya sa huli ay marahan siyang tumango. “Pero hanggang doon lang iyon. Pagkatapos mo akong ipakilala ay lalayo ka na sa `kin. Ayokong masira ang diskarte ko, okay? Hindi kasama sa plano namin ang involvement mo. That is if you don’t want anyone to know that it was you who hired us,” nagbabantang sabi ni Lauradia rito.
Mukhang umepekto naman iyon dahil tumango-tango ang lalaki. Akmang magsasalita pa sana ito nang biglang nagkaroon ng bulong-bulungan na tila ba may importanteng bisitang dumating. Kumabog ang dibdib ni Lauradia. Hindi pa man ay may hinala na siya kung sino ang dumating. Lumingon siya sa entrada ng pavilion. Hindi niya makita nang maayos ang taong dumating kaya lumapit siya roon. Naramdaman niya ang pagsunod ni JM sa kanya pero hindi na niya tinapunan ng tingin ang lalaki. Hindi na siya makapaghintay na makita ang taong pumukaw sa atensiyon ng mga bisita sa party na iyon.
Napahinto si Lauradia sa isang panig nang sa wakas ay makita niya ang malaking bulto ng lalaking pumasok sa entrada na may kaabriseteng magandang babae. “Julia,” narinig niyang sambit ni JM sa likuran niya.
Hindi niya tinapunan ng tingin ang babae, sa halip ay itinutok ni Lauradia ang tingin sa lalaki. Mas matangkad at mas malapad ang katawan ni Raiven Montemayor kaysa sa inaasahan niya. Mas malakas din ang presensiya ng binata kaysa sa larawan. At kahit na nakatagilid ang lalaki sa puwesto nila ay kitang-kita pa rin niya kung gaano kaperpekto ang mukha nito. Matangos ang ilong ng binata, makurba at mamula-mula ang mga labi, at natural na napakakinis ng mukha nito. Sa isang tingin pa lang ni Lauradia ay alam na niya ang pagkakaiba ng natural na kutis sa kutis na alaga sa derma. The man was breathtakingly gorgeous.
Hindi tuloy niya napigilan ang sarili na magtanong kung mas matindi rin ba ang intensidad ng mga mata ni Raiven Montemayor kung titingnan siya nito nang personal. Wala sa loob na napahawak si Lauradia sa tiyan niya nang tila may hinalukay roon. Ito ang lalaking kailangan niyang akitin. Buo ang tiwala niya sa s*x appeal niya pero ngayon, hindi niya maiwasang magdalawang-isip. This was no ordinary man. This was—
Huminto sa paggana ang isip niya nang tila naramdaman ni Raiven ang pagtitig niya rito. Lumingon sa panig niya ang binata. Nagtama ang mga mata nila at halos manlambot ang mga tuhod ni Lauradia. Hindi rin siya makahinga nang maayos. She was right. His eyes were more intense now that he was really staring straight into her eyes. At gaya noong makita niya ang larawan ni Raiven ay hindi niya magawang alisin ang tingin dito. Para siyang nahipnotismo. Alam ni Lauradia na hindi dapat mangyari iyon sa kanya. Si Raiven dapat ang mahipnotismo sa tingin niya. Pero hindi ba maging ang binata ay hindi rin inaalis ang tingin sa kanya? Ibig bang sabihin niyon ay pareho lang sila ng epekto sa isa’t isa?
Huminga siya nang malalim. Ano ba, Lauradia! Trabaho ito, umayos ka. Huwag mong kalilimutan kung para kanino mo ito ginagawa. Kahit paano ay unti-unting bumalik ang talas ng isip niya nang maalala si Miss Red Butterfly.
Nginitian niya si Raiven habang hindi pa rin inaalis ang tingin dito. Kumislap ang mga mata ng binata. Kaya bumalik na naman ang pakiramdam niya na tila may humalukay sa sikmura niya pero sa pagkakataong iyon ay nagawa na niyang kontrolin ang sarili. Ilang segundo pa niyang tinitigan ang lalaki bago walang anumang tinalikuran ito.
“Hindi ba ipapakilala mo ako sa mga kakilala mo rito, JM?” baling ni Lauradia kay JM na tila tulad niya ay natulala rin nang dumating sina Raiven at Julia. Kumurap ang lalaki, saka tumingin sa kanya. Tumango ito. Ikiniling niya ang kanyang ulo at kumapit sa braso nito. “Do it now.”
Mabilis na tumalima si JM. Naglakad sila palayo. Pero hindi pa rin niya makalimutan ang mga mata ni Raiven Montemayor. Her skin tingled with a sensation she never felt before. Alam ni Lauradia na hindi maganda iyon para sa trabaho niya. Delikado iyon. Dangerous but oh so sweet.