By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-----------------------------------
PARATING NA naman ang December 10, at sa pangalawang pagkakataon na paghihintay ni Damsel ay mas lalo pang dumami ang mga taong nag-abang sa pagdating ni Hero. At hindi naman sila nabigo. Sa eksaktong Disyembre 10 ay muling lumapag si Hero sa pugad ni Damsel. Mas masaya ang mga tao, mas maingay. Tila may piyesta.
Nasa gitna ng kasiyahan ang mga tao at si Abel ay nanuod ng live streaming sa pagdating ni Hero nang biglang may isiningit na balita, "Nakumpirmang pinatay ang mayamang mag-asawang businessman at hindi naaksidente, salungat sa unang naibalita, ilang taon na ang nakaraan."
Ang tinutukoy ng balita na mag-asawang businessman ay ang mga magulang ni Abel.
Biglang napabalikwas si Abel sa kanyang inuupuan sa pagkarinig sa balita. Hindi niya lubos maisalarawan ang kanyang naramdaman. Ang buong akala niya ay purong aksidente lang ang nangyari. Nanumbalik sa kanyang alaala ang sakit na kanyang naramdaman sa pagkawala ng kanyang mga magulang. Naghalo ang matinding awa para sa mga magulang, at poot para sa kung sino man ang gumawa sa karumaldumal na pagpaslang sa kanila.
Ngunit ang labis na ikinagulat ni Abel ay nang banggitin sa balita na nahuli na nila ang suspect at nang ipinakita ang larawan nito ay hindi siya lubos makapaniwala. Si Hector!!!
Mistulang sasabog ang dibdib ni Abel sa tindi ng kanyang galit. Hindi niya lubos akalain na ang taong kinupkop at tinulungan niya ay siya rin palang pumaslang sa kanyang mga magulang. Pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya ni Hector. Labis siyang nasaktan.
Dali-daling tinawagan ni Abel si Ella kung saan ay kimumpirma nga nito ang pagkahuli ni Hector. Kinabukasan ay agad siyang lumuwas ng Maynila.
"PUTANGINA MO!!! ISA KA PALANG DEMONYO! PAPATAYIN KITANG HUDAS KA! PAPATAYIN KITA PUTANGINA MOOOOOO!!!" ang sigaw ni Abel habang inundayan ng suntok si Hector na hindi lumalaban. Nakahandusay siya sa sahig at duguan ang kanyang ilong at bibig.
"Sir... mapapatay nyo po, siya..." ang pag-awat ni Ella.
Naawat lang ang pambubugbog ni Abel nang pumasok ang mga pulis sa kulungan ni Hector. Pinalabas nila si Abel.
Agad na nakipagkita si Abel sa kanyang mga abugado. "Gusto kong mabulok sa bilangguan ang hudas na iyan!" ang galit na sambit ni Abel sa kanyang mga abugado.
Ngunit pinayuhan siya ng kanyang mga abugado na kausapin muna nang masinsinan si Hector upang makakakuha siya ng mga mahalagang impormasyon. Hindi kasi naniniwala ang abugado na nag-iisa lang si Hector. Maaari raw na napagkamalan lang ang mga magulang ni Abel na patayin. Naikuwento kasi ni Abel sa sa kanyang mga abugado na ang mga magulang ni Hector ay pinaslang. Naikuwento rin niya na hindi kaya ng kanyang mga magulang ang pumatay ng tao. "Matitino ang aking mga magulang. Matulungin sa kapwa, maawain sa mga trabahante ng kumpanya namin..." ang paliwanag ni Abel.
Kay sinunod ni Abel ang payo ng kanyang mga abugado. Kinabukasan ay binalikan ni Abel si Hector sa prisinto. Ngunit wala na roon si Hector. May nagtangkang pumatay sa kanya. May naka-motor na bumisita sa kanya. Iyon daw ang hitman. Nang nakita ng hitman na naidlip ang naka-duty na pulis, doon niya tinira si Hector ng baril na may silencer. Mabuti na lang at nagising ang pulis sa pagbagsak at pagsigaw ni Hector kaya binaril din ng pulis ang nasabing hitman. Napatay ang nasabing hitman pati na rin ang driver ng getaway na motor.
Dalawa ang tinamong sugat ni Hector. Ang isa ay sa tiyan at ang isa ay sa dibdib. Agad na inatasan ni Abel ang kanyang mga abugado na hilingin sa mga awtoridad na bigyan ng sapat na security si Hector.
Doon na lalo pang nagduda si Abel sa tunay na pagkatao ni Hector. Inisip niya na maaaaring may mga sindikatong kaanib si Hector at nagalit sa kanya dahil may nagawa siyang kasalanan sa kanila, o isa rin siyang hitman at nakapatay ng iba pang mayayamang tao at ngayon ay ginantihan.
Sa tatlong araw na nasa ICU si Hector ay naroon din si Abel.
"Bakit mo pinatay ang mga magulang ko?" ang tanong ni Abel kay Hector nang pinayagan na siya ng doktor na makausap si Hector.
"H-hindi po ako ang pumatay ng mga magulang niyo, Sir..."
"Hindi ako naniniwala sa iyo, Hector. Nang nandoon ka sa bukid, inilihim mo ang lahat. Kaya pala bigla kayong sumulpot sa bukid. May itinatago ka pala? Tapos ngayon ay ikaila mo na may milagro kang ginagawa? Paano ako maniniwala sa iyo?"
"P-puwede po bang payagan mong magsalita ako nang magsalita, Sir? Pagkatapos kong magkuwento ay saka mo ako husgahan kung kapani-paniwala ba ang sasabihin ko o hindi?"
Natahimik si Abel. Hinayaan niyang magsalita si Hector.
"N-nasaksihan ko po ang lahat sa pagpaslang ng mga magulang mo. Naroon ako sa talampas sa mismong oras ng pagpatay. Nakita ko na tumilapon ang sasakyan ng iyong mga magulang. Naaninag kong buhay pa sila sa loob. Nagpumilit silang makalabas. Lalapitan ko na sana sila ngunit bago pa man ako nakababa sa dalisdis, may sumulpot na limang armadong tao at pinalibutan nila ang sasakyan. At laking gulat ko nang sinindihan nila ang tumatagos na gasolina. Sumiklab ang sasakyan. Narinig ko ang natatarantang pagsisigaw at pagmamakaawa ng mga magulang mo na na-trap sa loob. Habang nagsisigaw sila, binaril pa sila ng lider. Dito lumabas ang isang bulldozer at itinulak sa bangin ang nagliliyab na sasakyan. Sumabog ito nang tuluyang bumagsak. Nang napagtanto ko na plando ang pagpatay, dali-dali akong tumakbo patungo sa itaas ng dalisdis. Ngunit nakita ako ng isa sa mga tauhan. Hinabol niya ako at nang babarilin na sana niya ako, dali-dali kong inihagis ang alaga kong ibon na sa pagkakataong iyon ay dala-dala ko. Eksakto naman na sa mukha mismo ng hitman lumapag ang ibon. Nakalmot ang mga mata ng hitman. Natumba siya na nagsisigaw, nagpagulong-gulong pababa ng dalisdis. Doon ako nagkaroon ng pagkakataon na tumakas. Nang nasa tuktok na ako ng dalisdis, narinig ko ang sigaw at pagmumura ng hitman. Binantaan niya ako na kapag hindi ako nagpakita sa kanila ay papatayin nila ang aking mga magulang. Dahil sa takot ay hindi ko pinansin ang kanilang sinabi. Ngunit sa pag-uwi ko ng bahay kinagabihan..." hindi na naituloy ni Hector ang kanyang sinabi gawa nang humagulgol siya nang humagulgol."
(Itutuloy)