Pugad Ng Forever

2396 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m  fb: Michael Juha Full ----- "Iyang kapatid mo ba ay talagang ganyan kamahiyain?" ang tanong ni Abel kay Victoria. "Siguro..." "Napansin ko rin iyong parang may kinatatakutan siya. As in takot na takot talaga! Ano bang kuwento niyang kapatid mo?" "Bakit? Interesado ka sa kanya?" ang may pagkairitang sagot ni Victoria. "Ito naman... Oo. Gusto siyang maging kaibigan. Balak kong irekomenda kay Mang Estong na i-hire siya para makasama natin dito. May malaking utang na loob ako sa kanya." "Huwag na. Takot iyon sa tao. Ayaw noong makihalubilo lalo na sa taong may ganyang mukha na katulad ng sa iyo. Kung utang lang, bayaran mo siya. Tumatanggap iyon ng cash." Tila walang narinig si Abel sa pang-aasar ni Victoria. "May girlfriend na ba iyon?" ang paglihis niya sa usapan. "Hindi ko po alam, Sir. Mas maigi kung siya ang tanungin mo dahil hindi po ako ang tagapagsalita niya. May bibig naman ata iyong tao," ang sagot ni Victoria sabay pagdadabog habang nag-walk out. Isang araw ay ipinasyal nina Abel at Victoria si Damsel sa aplaya. Hinayaan nilang maglakad si Damsel na nakabuntot sa kanila. "Parang mag-asawa lang tayo no? At iyang si Damsel ay anak natin..." ang biro ni Abel kay Victoria. Parang mga magulang na pato kasi sila na may isang sisiw na nakabuntot. "Halos pareho lang sa panaginip ko. Si Damsel kasama ang isang lalaking tagak na partner niya ay naglalakad sa aplaya, nakabuntot sa kanila ang kanilang mga sisiw. Tapos nandoon din tayo, naglalakad sa unahan nila, hawak-hawak natin ang kamay ng ating anak." Natawa lang si Victoria. "Baliw!" Habang nasa ganoon silang paglalakad ay hinid inaasahan ang pagsulpot ng isang ligaw na aso. Nabigla sila nang nag-iingay si Damsel at mabilis na tumakbo habang binuntutan ng aso. Dali-daling hinabol ni Victoria ang aso. Aktong sakmalin na ng aso ang ibon ngunit eksaktong naabutan ito ni Victoria at agad na sinipa. Ngunit hinarap ng aso si Victoria at umatake ito sa kanya. Natumba si Victoria. Kinagat ng aso ang kanyang kaliwang braso at pilit nitong pilasin ang laman. Ngunit mabilis si Victoria. Bago pa man mapilas ang laman ng kanyang braso ay tinusok na nito ang katawan ng aso gamit ang kanyang itak. Bagsak ang aso. Hangang-hanga si Abel sa nasaksihan. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Naalala niya ang liksi ni Hector at ang pagsagip nito sa kanya. "Bat ka nakatunganga riyan!" ang bulyaw ni Victoria habang hawak-hawak ang braso na nakagat ng aso. Tila nagising naman si Abel mula sa isang mahimbing na pagtulog nang marinig ng sigaw ni Victoria. Agad niya itong nilapitan at tiningnan ang sugat ni Victoria. Pagkatapos ay biglang hinablot ang damit ni Victoria at pinilas ito. Gulat na gulat si Victoria sa biglang pagpilas sa kanyang damit. "Putangina! Bat damit ko ang pinilas mo! Kung hindi lang masakit 'tong braso ko ay nasapak na kita!" bulyaw niya kay Abel. Mabuti na lang at may suot siyang undershirt. "Alangan namang ang T-shirt ko ang pipilasin ko. Bago pa ito, branded at mahal!" "Gusto mong tagain kita, kasama ng T-shirt mong mahal, hayop ka?" Tumawa lang si Abel. Sinuyo si Victoria. "Hayaan mo na iyan. Dumudugo ang sugat mo, lagyan muna natin ng bendahe bago mo ako tagain." Natahimik si Victoria at hinayaan niya si Abel na lagyan ng bendahe ang kanyang sugat. Habang kasalukuyang abala si Abel sa pagbebendahe, hindi naman maiwasan ni Victoria ang mapatitig sa mukha ni Abel. Noon lang niya napagmasdang maigi ang mukha ni Abel. Dahil sadyang guwapo naman talaga si Abel, hindi maiwasang hindi mapahanga si Victoria sa angkin nitong kakisigan, sa matangos nitong ilong, sa halos tuwid at makakapal nitong kilay, sa ganda nitong mga labi at mapuputi at pantay ng mga ngipin. Sa makinis nitong mukha. Tila may kung anong kapangyarihang umalipin sa kanya at nakatutok na lang ang mga mata niya sa mukha ni Abel habang tila nasa trance naman ang kanyang isip. "Alam kong tinititigan mo ako. Baka ma in love ka sa akin, magsisi ka, hindi na ako single..." ang pasimpleng sambit ni Abel na hindi lumingon kay Victoria at nanatiling nakafocus sa kanyang ginawang pagbebendahe. Sa sinabing iyon ni Abel ay tila may matigas na bagay namang humataw sa ulo ni Victoria. Agad niyang hinila ang kanyng braso na kasalukuyang hinahwakan pa ni Abel. "Huwag na nga lang!" ang sambit niya habang tumayo at naglakad palayo. "Hoy! Saan ka pupunta!" ang sigaw ni Abel habang hinahabol niya ito. Dali-daling tinawagan niya si Mang Estong upang dalhin nito ang sasakyan. Sinuyo naman niya si Victoria. Ngunit nagpatuloy lang sa paglalakad si Victoria. Binuntutan na lang niya ito. "Halina kayo. Ihahatid ko kayo sa ospital. Malayo-layo rin iyon," ang sambit ni Mang Estong nang dumating na siya. Dahil si Mang Estong ang nag-anyaya, sumakay si Victoria. Sumakay na rin si Abel at umupo sa tabi ni Victoria. Inirapan ni Victoria si Abel. "Gago 'to. Damit ko pa talaga ang pinunit!" "Hayaan mo na. Bibilhan kita ng mas magandang damit at branded. Marami sa ukay-ukay ang ganyan. Kung gusto mo, marami akong lumang damit, bagay na bagay iyon sa iyo." Doon na binatukan ni Victoria si Abel. "Tangna mo! Huwag mo akong kausapin!" Dumating sila sa ospital na tahimik na ang dalawa. Ngunit habang ginagamot ng doktor si Victoria, hindi naman maikaila ni Abel ang naramdamang malalim na paghanga kay Victoria. Hindi lang dahil sa ipinamalas niyang tapang kundi sa ipinakita rin nitong pagmamahal sa ibon na kahit buhay niya ay hanada niyang ibuwis. Nakatitig na lang si Abel kay Victoria habang patuloy ang paggamot sa kanya ng doktor. ----- Natapos ang dalawang linggong bakasyon ni Abel. Nang nasa Maynila na siya ay hindi mabura-bura sa kanyang isip ang bukid, lalo na si Damsel at si... Victoria. Dahil dito ay nabuo sa kanyang isip ang isang malaking desisyon. Magresign siya sa pagiging CEO ng kanilang kumpanya at ibubuhos niya ang buong panahon niya sa bukid at magtatag siya ng animal sanctuary, isang non-stock, non-profit organization. Nagulat ang mga shareholders nang nagpatawag ng emergency meeting si Abel at isiniwalat niya roon ang kanyang desisyon. "Mr. Robert Santillan will be your new CEO. I'm sure that at the helm, he can deliver and bring the company to great heights just like what my father did to this company. Please give him your utmost support, in the same degree that you supported me, and my father before me" ang pag-anounce ni Abel sa harap ng shareholders. Marami sa kanila ang hindi makapaniwala. Marami sa kanila ang nagtatanong kung bakit. Kahit bata pa lang kasi si Abel at napilitan lang na mag-take over sa negosyo ng kanyang mga magulang dahil sa biglang pagkamatay ng kanyang mga magulang, napakagaling nito. Marami siyang nagawang improvement sa kumpanya. Tumaas ang kita nito at dinagdagan din niya ang mga benefits ng mga empleyado na kanyang minahal at mahal na mahal din siya. "Salamat sa iyong tiwala, hijo. Makakaasa kang mamahalin at palalaguin ko ang kumpanyang itinayo ng iyong mga magulang. Kung saan man sila naroroon ngayon ay sigurado akong nakangiting nagmasid sila sa atin, nagpasalamat na ako ang pinagkatiwalaan mo" ang sambit ng kanyang ninong na family friend nila at personal na matalik na kaibigan at pinagkakatiwalaan ng kanyang daddy noong buhay pa ito. "Alam ko po iyan, ninong. Kaya wala po akong second thought na bitawan ang puwesto kong ito dahil nariyan po kayo. Maraming salamat sa walang-sawa po ninyong pagsuporta sa kumpanyang itinatag ng daddy, sa walang-sawa po ninyong pag-ayuda sa kanya. Hindi magiging ganito ka matagumpay ang kumpanyang ito kung wala kayo." "Walang anuman, hijo. Basta ikaw, i-enjoy mo lang ang napagdesisyunan mong gawin. Ako na ang bahala rito. Mamahalin ko ang kumpanyang ito kagaya ng pagmamahal ko sa iyong ama na matalik kong kaibigan at kumpare. At ikaw... kapag may problema ka, huwag mag-atubiling lapitan ako. Sa pagkawala ng iyong mga magulang, hayaan mong ako at ang ninang mo ang pupuno sa papel nila sa iyo." "Maraming-maraming salamat po, ninong. Napakaswerte ko na nagkaroon ang aking mga magulang ng tapat na kaibigan." "All the time, hijo." Dinalaw ni Abel ang bahay ng kasintahang si Katrina sa kanilang bahay upang ipaalam ang kanyang plano. "So nagdesisyon kang mag ermitanyo na hindi mo man lang ako kinunsulta? Is that how you treat your girlfriend??" ang galit na sambit ni Katrina. "Oo na, mali ako roon. Ngunit alam ko rin namang hindi ka sasama dahil bukid iyon eh, at ayaw mo sa bukid, 'di ba?." "Yes, I admint I don't like it there. Pero Abel, naman, I'm your girlfriend! Hindi mo na inisip na dahil d'yan ay magkalayo na tayo? Na hindi na tayo basta-basta makita?" "N-naisip ko rin iyan. Ngunit gusto ko ang bukid eh. Mas masaya ako sa bukid. Puwede mo naman akong bisitahin doon kung gusto mo. O... mas maigi nga, doon na tayo manirahan." "Are you really that stupid? Modelling ang career ko, Abel, M-O-D-E-L-L-I-N-G!" ang pag-emphasize niya sa salitang modelling. "Kanino ako magmo-model sa bukid? Sa mga ahas? Sa mga baboy-ramo? Sa mga unggoy?" "I've made up my mind, Katrina. Sorry... If you can't support me, then just bid me goodbye." Sobrang pagkadismaya ni Katrina sa sinabing iyon ni Abel. "You are so cruel, Abel. So unreasonable! Kung ayaw mong makinig sa akin, then go to hell!" sabay talikod at tinumbok ang hagdanan. Nang nasa second floor na at nakapasok sa kanyang kuwarto, isinara puwersahang isinara ang pinto. Narinig pa ni Abel ang malakas ng tunog nito. Walang nagawa si Abel kundi ang lumabas sa kanilang bahay at bumalik sa kanyang sasakyan. Balak pa sana niyang i-date ang katipan ngunit dahil nag-init na ang kanyang ulo kung kaya ay hindi na niya ito niyaya. Habang nasa harap siya sa manibela ng kanyang kotse, napaisip siya ng malalalim. Tinanong niya sa kanyang sarili kung naroon pa rin ba ang dating pagmamahal niya kay Katrina. Kinabukasan ay agad ding bumalik sa bukid si Abel. Nang nakarating na siya sa kanyang rest house ay agad na inakyat niya ang hagdanang kawayan na nasa labas lang ng rest house upang makaabot siya sa bubong. Naalala pa ni Abel ang pagtulungan nila Victoria at Damsel sa paggawa ng kanyang pugad. Nang malaman kasi ni Abel na babae pala ang ibon na iyon, ang isa sa kanyang inaalala ay kung may posibilidad ba si Damsel na magkaroon ng partner. Ang mga tagak kasi ay monogamous na ibon. Ang ibig sabihin ay kapag nakahanap na sila ng kapartner, habambuhay na nila itong magiging partner. Kumbaga par sa kanila, may forever. Kaya ang nag-alala si Abel kung makahanap pa ba si Damsel ng isang lalaking tagak na "magmahal" sa kanya. Sa mga tagak kasi, ang babaeng ibon ang gagawa ng pugad. Kumbaga kapag handa na siyang magkaroon ng partner, gagawa na siya ng pugad. Sa parte naman ng mga batang lalaking tagak, kapag handa na rin silang magkaroon ng kapareha, maghahanap sila ng babaeng tagak na wala pang partner at may magandang pugad na nagawa na. Kapag dumating na ang season ng pagdayo ng mga tagak, magsimula na ang ritwal nila ng paghahanap ng kapareha, at paggawa ng pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit mahalaga para kay Abel na gawan ng pugad si Damsel. Kaya iyon... Naghanap muna sila ng mahabang kahoy at ang dulo noon ay ipinako sa may bubong habang ang kabilang dulo naman ay sa isang puno na nasa may dalawang talampakan ang lapit mula sa lupa. Ito ay ang nagsilbing tulay para kay Damsel. Dahil sa pinsala ng isa niyang pakpat, hindi na ito makakalipad. Nang natuto na si Damsel sa paggamit ng tulay, nagdadala sila ng mga sanga ng kahoy at kung anu-anong piraso sa bubong ng rest house at inilalagay nila iyon sa pugad upang mabuo ito. At ang ikinatutuwa din nila ay tumutulong si Damsel sa paggawa ng pugad. Either iaabot nila kay Damsel ang dala-dala nilang sanga at ang ibon na ang maglalagay ng mga ito sa pugad, o kapag sila naman ang naglalagay nito sa pugad, aayusin naman ni Damsel ang paglagay ng mga ito kundi man ay ililipat sa parte ng pugad kung saan niya gusto. Tuwang-tuwa sila sa kanilang pagtulong sa ibon. "Kung hindi ka pa makahanap ng forever mo niyan, Damsel, ewan ko na lang," ang biro ni Abel sa ibon. At baling niya kay Victoria, "Mabuti pa ang mga tagak, may forever sa pag-ibig," sabay kindat. "Paano magka-forever ang iba d'yan. Libog lang ang habol hindi naman pag-ibig..." ang sagot naman ni Victoria. Binitiwan ni Abel ang pilyong ngisi. "Gawa ka na ng pugad mo para may lilimliman ka. Iitlogan ko," sabay tawa. "Ewww!" Iyon ang takbo ng kanilang asaran. Nang matapos na, proud na proud sina Abel at Victoria para kay Damsel. bagamat magaganda rin ang nakikita nilang pugad ng ibang mga tagak na nasa tuktok ng kahoy, o poste, kitang-kita naman ito mula sa itaas kapag ang isang tagak ay lumilipad. Malawak kasi ang bubong kung saan ang pugad ni Damsel. Malapad pati ang kanyang pugad na nasa mahigit apat na talampakan ang dyametro. Naputol ang pagbalik-tanaw ni Abel nang nakita niyang tumayo ang ibon. "Damsel! Damsel!" ang pagtawag niya. Lumingon ang ibon kay Abel at sa pagkakita nitong si Abel ang naroon, nag-iingay ito, halatang nasasabik. Itataas nito ang kanyang ulo, ibababa. Tila nagkukuwento. Nang inilingkis ni Abel ang kanyang mga bisig sa katawan ni Damsel, doon na kumalma ang ibon. Inilingkis din ni Damsel ang kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel. Iyon ang kanilang yakapan. Hinaplos-hplos ni Abel ang pakpak ni Damsel. Hinalikan din niya ang tuka nito. "Mang Estong, nasaan po si Victoria?" ang tanong ni Abel nang nakababa na siya mula sa pugad ni Damsel. "Nagpaalam na maghuli raw ng isda. Kanina pa iyon, Sir." Tinungo ni Abel ang ilog. Ngunit nang nadaanan niya ang dampa ni Hector, naisipan niyang sadyain ito, nagbakasakaling naroon si Victoria. Nasa pampang si Hector sa sandaling iyon, namimingwit ng isda. Nang makita niya si Abel ay dali-dali itong tumayo at umalis. Hinabol siya ni Abel. Nang maabutan ay hinawakan ni Abel ang balikat ni Hector. Subalit nadulas si Hector at napayakap kay Abel. Pareho silang natumba at nalublob sa putikan. Mistulang nasa suspended animation silang dalawa sa kanilang postura. Nakatihaya si Hector habang nakadapang nakapatong naman si Abel sa kanya. Tinitigan ni Abel si Hector. Umiiwas naman si Hector sa titig ni Abel. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD