PAHINTO-HINTO ang takbo ng bus dahil bawat barangay ay may bumaba na pasahero at mayroon uling sasakay kaya halos siksikan pa rin ang mga tao. Sa sulok ay makikita ang dalagang nakatanaw sa labas ng bintana at bakas ang galak sa maamo nitong mukha. Walang pagsidlan ang ngiti nito sa labi habang pinapanood ang kabundukan sa malayo. Lumakas ang hampas ng hangin at nagkagulo ang hibla ng buhok ng dalaga kaya agad niya itong hinuli ng isang kamay at mabilis na napulupot at napag-isa niya itong lahat.
Kayganda talaga ng Isla Catalina, kasing ganda ng pangalan ko. Napahagikhik ang dalaga sa kakulitan ng isip kaya napatingin sa kaniya ang ibang pasahero. Isa na roon ang ay ang lalaking hindi maipinta ang mukha. Bakas ang pagkainip nito at maya’t maya napapatingin sa mamahalin nitong relo. Nakatayo lang ang lalaki habang sa paanan nito ay isang malaking maleta at maybag din ito sa likod na hindi kalakihan.
Nagtama ang kanilang mga mata at halos mapamaang si Catalina dahil sa kakaibang kulay ng mata ng lalaki. Matangkad, maskulado ang katawan, at matangos ang ilong na kahit nakatagilid sa kaniya ay hindi matatawaran ang ka-guwapo-han nito. Ang kaniyang balat ay kakaiba kumpara sa mga tao dito sa bayan. Halatang napadpad lamang ang binata sa kanilang lugar.
Tumulis ang nguso ng dalaga nang agad na binawi ng lalaki ang tingin nito na para bang hindi manlang nabighani sa kaniya ang ginoo.
Ang suplado naman porket guwapo. Palatak ni Catalina sa isip at muli siyang napatingin sa labas at muli rin sumilay ang ngiti niya sa labi nang matanaw ang Santa Catalina High school kung saan siya nagtapos ng sekondarya. Malapit na siyang bumaba at excited na siyang makita muli ang kaniyang Tiya. Inayos niya ang sarili at muli siyang napatingin sa lalaki na agad niyang nahuli na nakatitig sa kaniya ngunit agad rin nitong iniwas ang mga mata.
“Para po,” saad niya nang lumagpas na siya sa waiting shed kung saan palatandaan ng kaniyang babaan. Huminto naman ang bus at agad siyang tumayo at naglakad ngunit napahinto siya nang hindi manlang tumabi ang guwapong lalaki.
“Paraan ako, Mister?!” pakiusap niya at halos manliit siya sa sarili dahil hanggang dibdib lang siya nito at mas lalo siyang napahanga nang matitigan niya ito nang malapitan.
Kaagad na tumabi ang binata at medyo nainis ang dalaga dahil hindi manlang niya napagsawaan titigan ang kulay asul nitong mga mata.
“Salamat, kuya!”
Wika niya nang makababa ng bus at agad na sinalubong siya ni Tita Delly ng yakap. Halos mag-iyakan silang mag-tiya sa gilid ng kalsada at pinugpog niya ito ng halik.
“Mabuti naman at nakauwi ka na… diyos ko, hindi ako mapakali sa kakaisip saiyong bata ka.”
“Tita, malaki na ho ako kaya ko na ang sarili ko. Wala po kayong dapat na ipag-alala dahil mababait naman po ang amo ko at hindi ko pinapabayaan ang pag-aaral ko,” tugon ng dalaga at mangiyak-ngiyak pa rin si Tiya Delly kaya inakay na lamang ni Catalina ang tiyahin papasok sa kanilang bahay.
“Kumusta naman ho kayo dito, Tita? baka nagpapagod kayo, ang mga bitamina n’yo sinusunod n’yo po ba sa pag-inom?” tanong ng dalaga habang inaayos nito ang mga damit sa aparador.
“Maayos naman ako anak, ikaw nga itong inaalala ko. Kung bakit kasi nagpupumilit ka pang mamasukan, eh. Kaya naman kitang pag-aralin. Kahit papaano ay may sahod naman ako sa barangay at mayro’n naman tayong paupahan at buwan-buwan rin kumikita.”
“Tita napag-usapan na ho natin ‘yan ‘diba? ‘wag na po ikaw magtampo?” paglalambing ng dalaga at isang yakap niya lang ay napawi na ang lungkot ng Ginang.
“Kanina pa tayo nag-iiyakan, mabuti pa at ipagluto na lang kita ng paborito mong biko dahil tiyak, miss na miss mo na ang luto ko.”
“Tama ho kayo, Tita. Walang kasing-sarap ang timpla ninyo.”
Nagtawanan pa ang dalawa bago umalis si Tita Delly at nagpaalam itong bibili lamang ng asukal sa tindahan.
Natapos ang pagliligpit ni Catalina at paglabas niya ng kuwatro ay saka naman dumating ang tiyahin niya at sa hindi niya sukat akalain ay kasama nito ang guwapong lalaki na kasakay niya sa bus kanina at bitbit ang maleta nito. Maging ang binata ay nagulat rin nang makita siya na tiyak na natandaan rin siya nito.
“S-sino ho siya Tita?” takang tanong niya sa tiyahin na hindi maalis ang titig niya sa guwapong lalaki.
“Naku, hindi ko rin kilala anak. Pero kilala siya ni Kapitana at nakisuyo na dito na lang daw muna dahil may isa pang bakanteng kuwarto. Doon na muna siya. Teyka, ano uli ang pangalan mo hijo?”
“I’m Samuel Montenegro bytheway, and don't worry about my expenses here, I will pay.”