Ilang linggo ang nakaraan…ang araw ng trahedya
METUSELAH
Nakatikhim at mapupula ang matang iyon, nakatutok sa kawalan, sa madilim na langit ngayon ng Meilyr, ang mundo ng mga elves. Ang buong mundo nila ay nagluluksa sa pagkawala ng kaniyang kapatid na si Caleb.
“Paanong nangyari iyon?” hikaos ng isang katiwala sa kaharian. Natabunan ng pula ang himlayan ng prinsipeng si Caleb, nasa gintong himlayan ito at matapos ng tatlumpong araw ay magiging abo na lamang ang kapatid niya. “Bakit kinitil ng prinsipe ang sarili niyang buhay?”
“Shhhh,” matalim niyang sumbat sa katiwala na napa-atras. “Makakabuti kong hindi kayo magpadalos-dalos sa pagsasalita, at saan niyo naman narinig ang teoryang iyan?”
“Paano po ba mamamatay ang prinsipe? Hindi po nakatago sa buong kaharian ang nangyari. Natagpuang walang malay ang ating prinsipe sa sariling silid niya, uminom siya ng lason.”
“Maghunos-dili ka!” halos sigaw niya sa katiwala nila na napatakbo palabas ng kuwarto sa takot.
Halos mapabagsak ang katawan ni Metuselah sa lupa, hindi pa rin siya makapaniwala na ngayong araw, sa pagsikat ng araw ay matatagpuang nakahandusay ang kapatid niya sa sarili nitong higaan. Hawak ng isang kamay nito ang kopita na naglalaman ng lason.
May mga guwardiyang nakahimlay sa bawat sulok ng kaharian nila, at magaling na mandirigma ang kapatid niya, kaya’t napaka-imposibleng pinaslang ito ng ganoon lang na kadali-dali.
Sino ba ang magta-traydor sa kanila kung sa gayon? Ngunit walang kaaway ang kaharian nila…
Naalala niya isang araw ng umuwi mula sa kagubatan ang prinsipe, malungkot ito at nahagip niya ang pagsabi nitong ikakasal na ang matalik nitong kaibigan.
“Ang ibig mo bang sabihin ay ang iyong diwatang kaibigan, si Elle?” himig niya isang hapon ng mapansin ang malungkot nitong mukha.
Ngunit alam niyang may kakaiba sa kapatid, hindi iyon isang ordinaryong kalungkutan dahil ilang araw itong hindi halos lumalabas ng silid nito. Maging ang pagpaalala niya dito ng paghahanap ng mapapangasawa ay ikinagagalit nito.
Matindi ang kutob niya ngunit ayaw niya itong paniwalaan…dahil napaka-imposible at bawal ang naiisip niya. Na magkakagusto ang isang elf sa isang fairy.
Hindi niya lubos na kilala si Elle. At naririnig niya lamang kay Caleb ang mga kwento tungkol sa diwata. Ngunit bakit umabot sa ganito na kayang kitilin ng kapatid niya ang buhay nito?
Isa lang ang dapat niyang gawin upang imbestigahan ang tungkol sa nangyari, at iyon ay ang tumapak siya mismo sa mundo ng Soraiya.
ISANG ORDINARYONG ARAW lamang iyon sa Soraiya, ngunit mas espesyal ang araw na iyon dahil nalalapit na ang sayawan sa kaharian ng Soraiya kung saan ipapakilala na ang magiging katipan habangbuhay ni prinsesa Elle. Ang ibang faeries ay nasa batis, nagliliwaliw at nangongolekta ng mga talutot ng bulaklak na siyang magiging dekorasyon sa palasyo.
Ang mga guro sa kasanayan ay nagtuturo sa mga batang faeries ng isang mahikang sayaw na ipririsinta sa koronasyon. Lahat ay eksayted para sa araw na iyon dahil dala niyon ang kasiglahan, maraming mga regalo at matatamis na pagkain ang pagsasaluhan ng lahat sa kaharian.
“Sino kaya sa mga iskolar o di kaya’y mga prinsipe ang ipapakita sa ‘yo ng reyna?” himig ng kaibigan ni Elle na si Filena.
Napasinghap lang si Elle, nasa batis sila at nasa taluktok ng isang napakalambot na bulaklak na sagana sa kaharian nila. Parang marshmallow ang lambot ng bulaklak na iyon sa mundo ng mga tao. “Hindi ko alam, at ang totoo’y kinalimutan ko na ang tungkol sa bagay na iyon. Lahat ay nagsasaya maliban sa akin.”
Sa Soraiya ay ang inang reyna o ang hari ang magtatalaga ng magiging kabiyak ng anak nilang papalit sa trono. Ang magiging katipan prinsipe man o prinsesa ng mga maliliit na kaharian sa palibot ng Soraiya ay magkakaroon ng mga eksamen o di kaya mga challenge na ipapagawa ng tipon ng kaharian bago mapili ang karapat-dapat.
Ang araw ng koronasyon ay ang pagkikita rin ng prinsesa sa kabiyak nito.
“Huwag ka nang malungkot, ang balita ko ay ang anak ng Heneral Ardis, ang natatanging iskolar na si Jarvis ang magiging kabiyak mo. Siya ang pinakaguwapong elf ngayon sa Soraiya!” ani Filena na nangisay sa kilig. “Tiyak na napakaganda at guwapo ng mga supling ninyo.”
“Hindi ba’t napabalita ring napakayabang ni Jarvis? At malimit itong maligo sa batis kaya’t madumi ang mga pakpak at paa nito?”
Biglang napatawa si Filena. “Kung gayon ay ayaw mo kay Jarvis?”
“Ayoko sa lahat ng mga binata sa Soraiya.” Napasinghap siya uli. “Kinausap ko ang reyna, kung puwede ba ay ipagpaliban ito. Ngunit nagalit lamang siya sa akin. Hindi naman maikakaila na nagiging mas malalim ang kondisyon niya. Gusto niya lamang akong maging handa sa anuman ang mangyayari. Naiintindihan ko naman ang aking ina ngunit-“
Napukaw ang kahimlayan nila ng biglang lumakas ang ihip ng hangin. Naging pusyaw ang kalangitan at rumagasa ang daloy ng tubig sa batis.
“Anong nangyayari?” ani Filena.
“Marahil ay uulan, matagal nang hindi umuulan-“
Sa Soraiya ay malimit lamang ang pag-ulan. Ang ulan ay nagdudulot ng pangangati sa mga pakpak at balat ng fairy kaya’t kelangan nilang magkulong sa kaniya kaniyang tahanan o di kaya magtago sa mga talutot ng bulaklak. Hindi naman sila natatakot sa ulan dahil kailangan iyon paminsan-minsan upang diligan ang lahat ng bulaklak at lahat ng puno sa Soraiya. Ngunit ang ulan ay isang hudyat rin na may ‘cleansing’kumabag na nagaganap sa spiritwal na mundo nila.
“Eto ay hudyat na ng panibagong kaharian, isang kaharian na ikaw ang magiging reyna Elle, isang bagong umaga.” Ani Filena, ngunit hindi kumbinsido si Elle.
“Mabuti at umuwi ka na at dalhin mo ang kapatid mo pauwi,” itinuro ni Elle ang kapatid ni Filena na naglulunoy sa batis. Nagsisilipad na ang mga bata pauwi sa kanilang tahanan dahil sa ulan.
“At ikaw?” ani Filena.
“Ako ay mananatili muna sa bulaklak na ito,” napangiti si Elle. Ang balak niya ay bisitahin ang Meilyr matapos ng ulan, sa panahong iyon ay wala pang mangingiming lumabas mula sa mga tahanan nila at magsisimula na ang mga Pantone ng kaharian na hanapin siya, ang mga mensahero ng Soraiya na ang anyo ay malalaking bulas ng paru-paro.
Matagal na niyang hindi nakikita ang kaibigan niyang elf. Ang huli ay noong sabihin niya ang balita ng pag-iisang dibdib niya at ang koronasyon niya. Hindi niya alam kung bakit nagmamadaling umuwi si Caleb noon, marahil ay may mga gagawin rin ito sa sariling palasyo. Gusto niya sanang tanungin noon kung bakit mukha itong malungkot noong araw na iyon. Nag-aalala siya sa kaibigan niya.
Nag-aalala siya dito keysa sa pag-aalala niya sa sarili niya para sa koronasyon niya. Ang plano niya ay magtago sa talutot ng bulaklak hanggang sa tumila ang ulan, at maglalakbay siya sa tagpuan nila ni Caleb. Sana naroon ang binatang elf upang makausap niya.