Beatrice's P. O. V.
Isang kasambahay ang nagdala sa akin ng almusal sa kama. Wala na si Harris paggising ko, mas okay na rin namang wala siya dahil naiilang na ako tuwing nakikita siya.
"Kailangan niyo po ito ubusin lahat, Ma'am."
Napataas ang kilay ko at napatingin sa babaeng katulong na parang ang edad ay nasa 30's pa lang. Napayuko siya nang magtama ang mga mata namin.
"Madami 'tong vegetable salad, hindi naman ako sanay na nag-aalmusal sa umaga," sabi ko at kinuha ang kutsara.
"Ma'am, bilin po kasi sa akin ni Sir Harris 'yon."
"Psh! Hayaan mo na nga 'yong mokong na 'yon," irita kong sambit at nagsimulang kumain.
Pansin ko namang hindi pa rin umaalis ang kasambahay. Nakatayo lamang ito sa gilid ng pinto habang nakamasid sa akin. Tila ba naiilang tuloy akong sumubo ng pagkain kasi may nanonood.
"Okay na ako, kakainin ko 'to. Pwede ka na lumabas at gawin mo na yung mga kailangan mo gawin, salamat," nakangiti kong sabi.
"Ma'am, bilin din po kasi ni Sir na bantayan ko kayo habang wala siya."
Napabuntong hininga ako. Napakadami namang pag-uutos nitong si Harris, daig ko pa ang mamamatay na.
"Ate, hindi naman ako mawawala dito. Kakainin ko ito, at akong bahala kay Harris kapag pinagalitan ka niya. Igaganti kita doon," sabi ko at kinuha ang baso na puno ng gatas.
"Ma'am, kailangan ko po talaga sundin si Sir."
Tinikman ko ang gatas at halos maluwa ko ang kinakain ko sa pangit ng lasa nito. Umasim ang mukha ko sabay patong ng baso sa table in bed.
"Ano bang gatas 'to? Bakit ganoon yung lasa? Fresh milk ba 'to?" tanong ko.
"Gatas po 'yan para sa buntis. Inutusan po kami ni Sir kahapon na mamili ng grocery para sa mga pangangailangan niyo, may iba pa pong brand ng gatas doon sa kusina. Lahat po kasi ng brand binili namin, dahil baka nga po hindi niyo magustuhan ang lasa," aniya at ngumiti sa akin.
Napaawang ang labi ko, sa pagkakaalam ko ay mahal ang mga ganitong gatas lalo na ang ibang brand. Hindi na dapat pa ako magulat, sa sobrang yaman ba naman ni Harris.
"Grabe, ang perfectionist talaga ni Harris. Teka, saan ba kasi siya nagpunta?" tanong ko.
"Dinalaw po ang kapatid niya sa hospital."
"Sinong kapatid?" tanong ko.
"Si Sir Martinez Serafina po, ang kuya niya."
"Si Mr. Martinez?" gulat kong tanong.
Napasandal ako sa headboard ng kama. Napagtanto ko na kaya pala siya ang naging bagong CEO ay dahil kapatid siya ng boss namin na si Mr. Martinez. May kapatid pala siya, at sa dami ng pwede niya maging kapatid—si Harris pa talaga.
"Opo, Ma'am."
Napakunot ang noo ko. Ano namang nangyare kay Mr. Martinez at kailangan palitan ni Harris?
"Sandali lang, alam mo ba kung bakit nasa hospital si Mr. Martinez?" hindi ko na napigilan ang sarili ko magtanong dahil sobrang curious ako.
"Ma'am, hindi po kasi ako sigurado pero sabi-sabi po kasi na..."
"Na ano?" napakagat ako sa ibabang labi ko habang naghihintay ng sagot mula sa kaniya.
Hindi siya mapakali at tila ba nagdadalawang-isip bago magsalita. Napabuntong hininga ako at pinalapit siya sa akin.
"Lapit ka dito, ate. Anong pangalan mo?" tanong ko.
"Wela po," sagot niya at tumayo sa harapan ko.
"Ate Wela, promise ko sa 'yo hinding-hindi ko ipagkakalat na nalaman ko sa 'yo ang lahat. Pakiramdam ko kasi hindi ako makakatulog hangga't hindi ko nalalaman kung bakit," sabi ko.
Napakamot si Wela sa kaniyang batok at napayuko.
"Kasi Ma'am. Balita po na may tumor daw po si Sir Martinez, hindi na siya pwede magtrabaho kaya aakuin ni Sir Harris lahat. Wala na kasi silang magulang kaya—"
"Ha? Wala na silang magulang?" gulat kong tanong.
Napatakip si Wela ng kaniyang bibig.
"Hindi niyo po pala alam?"
Umiling ako.
Hinawakan ko ang braso niya at pilit siyang pinaupo sa gilid ng table in bed ko.
"Magkwento ka, habang kakain ako. Gusto mo saluhan mo na ako para masagana ang chismis," sabi ko at sumubo ng vegetable salad.
Tumango ito at nagsimulang magkwento. Tahimik akong nakikinig sa kaniya.
"Limang taon na po akong nagsisilbi rito, kasi kailangan ko ng pera at mabait talaga ang pamilya nila Sir Harris lalo na si Doña Rita. Sabi nila, sampung taong gulang pa lang si Sir Harris at labing-dalawang taong gulang naman noon si Sir Martinez. Noong namatay ang kanilang magulang. Hindi rin ako sigurado pero sabi ng mga matagal nang katulong rito, sumabog daw ang helicopter na sinasakyan ng magulang nila noon. Papunta raw sa business meeting gamit ang helicopter tapos binawian kaagad ng buhay matapos ang pagsabog. Si Doña Rita ang umako ng mga businesses at nagpalaki rin sa dalawa, kay Sir Harris at Sir Martinez. Close silang dalawa na magkapatid at noon palagi silang nagkikita para maglaro ng golf o hindi kaya mag-horse back riding. Kaso nitong nakaraang taon lang naging busy sila dahil sa trabaho, minsan hindi na kumakain ang dalawa."
Nakaramdam ako ng awa kay Harris. Ganoon pala ang sinapit niyang buhay, kaya pala ganoon na lang siya sumunod kay Doña Rita. Dahil si Lola Rita pala ang nagpalaki sa kaniya.
"Sana gumaling na si Mr. Martinez, for sure masakit para kay Harris na nakikita niyang may sakit ang kapatid niya."
"Tama kayo diyan, Ma'am."
Biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Sa gulat ni Wela ay napatayo ito. Hindi ko natuloy ang pagsubo ko sa vegetable salad nang makita ko si Harris na pumasok ng silid.
"Wela, you can leave now."
"Opo, Sir." Nakayuko ito kasabay ng paglakad niya palabas ng silid.
Napatingin ako kay Harris, nakasuot ito ng polo at itim na pants. Tinanggal niya ang kaniyang sapatos at lumapit sa akin.
"Bakit hindi ka pa rin tapos kumain? Eat your breakfast, finish that milk," utos niya sabay lakad papunta ng banyo.
"Ang pangit ng lasa ng gatas na 'to, ayoko inumin."
Agad siyang napatigil sa paglalakad nang sabihin ko iyon. Binitawan niya ang doorknob at lumapit sa akin. Kinuha niya ang baso ng gatas mula sa table ko.
"WELA!"
Halos mabingi ako sa lakas ng sigaw niya. Lumakad siya patungo sa pintuan. Ilang segundo lang ay bumukas ito.
"Yes, Sir?" hingal na tanong ni Wela.
"Can you please change this milk into other brands. Ipatikim mo lahat kay Beatrice. She needs to drink pregnancy milk for my baby," seryosong sabi ni Harris sabay abot ng baso kay Wela.
"H-Hala..." tanging nasabi ko.
Mabilis na sumunod si Wela kay Harris. Napatingin ako kay Harris at nang lumingon ito sa akin ay tila wala man lang siyang emosyon. Pinanood ko siyang lumakad patungo sa banyo. Napalunok ako ng ilang beses, kasabay ng tunog ng pag-agos ng tubig mula sa banyo.
Napabuntong hininga ako. Ganoon na lang gawin ni Harris lahat para sa batang dinadala ko. Kung tutuusin, ang kailangan ko lang naman ay pera, dahil aaminin kong wala talaga akong sapat na kakayanan para bumuhay ng bata.
Malungkot akong kumain ng vegetable salad hanggang sa bumalik si Wela dala ang isang tray na may limang baso, puno ito ng iba't ibang gatas.
"Ma'am, itry niyo po ito lahat."
Bumagsak ang panga ko. Kung hindi ko iinumin ang lahat ng 'to ay masasayang lang?
"A-Ang dami naman," bulong ko.
"Malalagot ako kay Sir, kapag hindi po kayo uminom."
Tumango ako at kinuha ang unang baso. Nang tikman ko ito ay parang may after taste na hindi kaaya-aya ang lasa. Sinubukan ko ang pangalawa. Okay naman at kakayanin ng tyan ko. Sinubukan ko naman ang pangatlong baso na parang may halong chocolate. Nang tikman ko iyon ay may kakaibang lasa. Napailing ako habang kinukuha ang pang-apat na baso. Tinikman ko iyon at napataas ang kilay ko sa sarap ng lasa.
"Mukhang ito ang bet ko," sabi ko sabay kuha ng pang-apat na baso.
"Baka gusto niyo pa pong tikman itong panglima," aniya.
Umiling ako at tinungga na ang baso ng gatas. Tamang-tama ang lasa, hindi sobrang tamis, hindi sobrang tabang.
"Okay na ako rito, salamat."
Ngumiti siya at lumabas na ng kwarto dala ang tray. Habang iniinom ko ang gatas ay kinuha ko naman ang cellphone ko. Sinubukan kong i-text si Mama para malaman niya ang kalagayan ko ngunit hindi nagse-send ang text ko.
"Putcha, wala na akong load," bulong ko.
Biglang lumabas si Harris ng banyo at laking gulat ko nang makitang nakatapis lamang siya. Napayuko ako at iniiwasang maakit sa maganda nitong katawan. Terno sa kaniyang magandang mukha.
"Harris!" tawag ko bago ito pumasok ng walk in closet.
"What?"
"Pwede makaheram ng cellphone? Wala na kasi akong load, gusto ko sana makausap si Mama," sabi ko habang nakayuko pa rin.
Mahirap nang maakit sa katawan niya, although talagang hindi ko matatanggi na magandang lalake siya. Nakakapagtaka lang at nagawa pa noong Celine na iwan si Harris. Kung hindi siguro siya umalis, baka hindi ako buntis ngayon.
"God, wala kang load?" irita niyang tanong.
"Oo, ubos na."
Naramdaman ko ang paglapit niya sa kama. Dahan-dahan niyang inabot sa akin ang kaniyang cellphone. Naka-unlock na ito.
"Don't you ever stalk my phone. Just call your mother, dahil baka may kung ano ka pang makita diyan," inis niyang sabi.
"Oo na!" sigaw ko at nag-angat ng tingin sa kaniya.
Masama ang tingin nito sa akin habang nakikita ko namang tumutulo ang tubig mula sa kaniyang buhok pababa sa matipuno niyang dibdib. Napalunok ako ng ilang beses at mabilis na tinanggap ang cellphone niya.
"Tell your mother to come in our wedding next week," aniya.
"H-Huh, pwede ba?" tanong ko.
"Of course, she's your mother."
Tumango ako at nag-dial na ng number ni Mama.
**********************