Prologue

1080 Words
“MAY survivor ba?” tanong ng isang pulis. Napatingala ang walong taong gulang na si Luna. Tulala. Nanginginig. Hanggang sa mga sandaling iyon ay nasa state of shock pa siya. “Itong bata lang,” sagot ng isa pa. Narinig ni Luna ang bigat ng buntong-hininga ng pulis na nagtanong. Pagkatapos ay nag-squat sa harap niya at ngumiti. “Hello, anong pangalan mo?” mahinahon ang boses na tanong nito. “Luna po. Luna Katrina Madrigal,” sagot niya. “Kumain ka na ba?” tanong pa nito. Umiling siya saka tumungo pagkatapos. “Nakita mo ba kung sino ang gumawa nito sa pamilya mo?” tanong pa ulit nito. “Opo.” “Ilan sila?” “Lima po.” “Maalala mo ba sila kung sakaling makita mo sila?” Doon siya umiling. “Nakatakip po kasi ang mukha nila ng itim tapos nakasuot ng cap, mata lang po ang nakita ko.” Bumuntong-hininga ulit ito at pilit na ngumiti. Hinaplos pa siya nito sa pisngi. “Sige, dito ka muna at magpahinga ka.” Mayamaya ay may lumapit na isa pang pulis. “Sir, dadalhin na namin ang mga labi ng mga biktima. Paano na ‘yong bata? Ang sabi nila ay wala nang ibang kamag-anak na titingin sa kanya.” “Madali na ‘yon, pero iba ang inaalala ko.” “Ano ‘yon, Sir?” “Natatakot ako sa magiging epekto ng nangyari sa kanya. Nasaksihan niya kung paano patayin ang buong pamilya niya, naabutan siya ng mga kasama natin na nakaupo lang sa baitang ng hagdan, tulala at walang bahid ng luha. Kahit isang patak. Ganyan lang siya, tulala.” “Huwag kang mag-alala, Sir. Ang DSWD na ang bahala sa kanya, tiyak na ia-undergo siya sa therapy.” Walang naiintindihan ang walong taon gulang na si Luna sa pinag-uusapan ng mga pulis. Basta ang malinaw sa kanya ng mga sandaling iyon ay ang nasaksihan niyang pagpatay sa pamilya niya sa mismong araw ng kanyang kaarawan. Kakain na sila ng hapunan ng gabing iyon kasama ang kanyang mga magulang at silang apat na magkakapatid para sa selebrasyon ng kanyang kaarawan. Nagluto ang Mama niya ng mga paborito niyang pagkain, spaghetti, fried chicken, lumpiang shanghai, at may cake at ice cream rin. Si Luna ang bunso at nasa kuwarto lamang siya. Narinig pa niya na tinawag siya ng ina kaya agad na lumabas. Nasa hagdan na siya nang biglang may pumasok na limang lalaki na armado ng mga baril at patalim. Napaupo siya sa baitang ng hagdan sa takot. Doon niya nakita ang nangyari. Pinaulanan ng bala ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Nang subukan lumaban ng ama ay sinaksak pa ito ng paulit-ulit. Nakita siya ng isa sa limang lalaki, natitigan ni Luna ang mga mata ng lalaking iyon, ngunit sa halip na saktan ay umalis na lamang ito. Ilang minuto lamang naganap ang krimen na iyon, para lang isang kisapmata. Sa isang iglap ay namatay ang buong pamilya ni Luna. Parang wala pang limang minuto ay naririnig pa niya ang tawa at pag-uusap ng magulang at mga kapatid, sa loob lamang ng ilang saglit ay nagkalat na ang dugo sa loob ng kanilang tahanan. Sa sahig, sa pader, sa mga upuan, maging sa mga display. Sa sobrang pagkabigla ni Luna sa mga nasaksihan. Tulala na lamang siyang nakaupo at hindi na nakapagsalita. Ni hindi niya magawang umiyak o magwala at hindi niya alam kung bakit. Hanggang sa magdatingan ang mga pulis ay tulala lamang siya. KINABUKASAN. Hindi alam ni Luna ang kinaroroonan sa mga sandaling iyon. Matapos manatili ng matagal na oras sa police station ay inuwi siya ng isa sa mga pulis na nagtanong sa kanya kagabi sa bahay nito. Buong gabi siyang hindi natulog. Ayaw siyang dalawin ng antok. Nang subukan niyang pumikit ay agad bumalik sa kanyang alaala ang nasaksihan pagpatay sa mga magulang. Napalingon si Luna nang bumukas ang silid kung saan siya tumutuloy. Ngumiti sa kanya ang asawa ng pulis. Nagpakilala ito na Nanay Hilda at ang pulis ay si Tatay Delfin. “Ang aga mo naman nagising,” nakangiting sabi nito. Hawak ang Crayola at papel, walang emosyon si Luna na sinundan ng tingin ang babae nang naupo sa kanyang tabi. “Hindi po ako natulog.” “Ha? Bakit naman?” gulat na tanong nito. Hindi siya sumagot at binalik sa papel ang kanyang tingin. Pinagpatuloy ni Luna ang dinadrawing. “Ah… Luna… ano ‘yan dinadrawing mo?” Muli siyang lumingon sa babae at binigay ang papel. Bumakas sa mukha nito ang pagkabahala nang makita ang kanyang ginuhit. “Puwede ko bang mahiram ‘to sandali?” Isang simpleng tango lang ang sinagot niya. Nagmamadali itong lumabas ng silid, sumunod siya dito at mula doon sa pinto ay narinig niya ang pag-uusap ng mag-asawa. “Ano ‘to?” “Drawing ni Luna.” Bumuntong-hininga ang pulis. “Luna,” narinig niyang tawag sa kanya ng pulis. Agad siyang lumapit sa mga ito. “Kumusta ka na?” nakangiting tanong nito. “Okay lang po.” Tumikhim ito at inurong ang upuan palapit sa kanya. “Puwede mo ba sa amin ipaliwanag itong drawing mo?” tanong nito. Wala pa rin emosyon na sinalubong niya ng tingin ang pulis. “Iyan po iyong nangyari kagabi. Ito si Mama, ito po si Papa. At ito naman pong tatlo, sila Ate at ang Kuya ko. Tapos ito pong red sa paligid, iyong dugo sa buong bahay. Ito naman pong limang ‘to, iyong pumatay sa kanila,” sagot niya. Nakita niyang nagtinginan ang mag-asawa at halos sabay huminga ng malalim. “Eh sino itong bata na may hawak na kutsilyo sa likod nitong mga lalaking may hawak na baril?” “Ako po.” Nilapag nito ang papel sa mesa at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Ah, Luna… alam ko… hindi madaling tanggapin ang nangyari sa’yo at sa pamilya mo. Pero… hindi—” “Sir, ‘di ba po pulis kayo?” sa halip ay putol niya sa sinasabi nito. “Oo.” “Gusto ko po maging pulis din paglaki ko tapos hahanapin ko ‘yong mga pumatay kay Mama at Papa tapos papatayin ko rin sila.” Nagulat siya nang biglang takpan ng Misis nito ang kanyang bibig. “Luna… anak… mali…” Hindi nito naituloy ang sasabihin nang bigla na lamang mawalan ng malay si Luna at nilagnat ng mataas. Nang magkamalay, hindi na muling nagsalita pa si Luna.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD