"Kahit na maging madre ka pa ay gusto pa rin kita," seryoso kong sabi habang matiim na tumitig sa mga mata ni Therese. Gusto kong iparating sa kanya na walang makapagpapabago sa nararamdaman kong ito. "Kasalanan iyan," sindak niyang bulalas. "Ang kasalanan ay kung magsisinungaling ako sa nararamdaman ko," tugon ko. Awang ang bibig na nakipagsukatan siya ng tingin sa'kin. "B-bakit mo ako gusto?" kapagkuwan ay mahina niyang tanong. Kinuha ko ang dalawa niyang kamay na nakatukod sa balikat ko at ginagap ang mga ito bago dinala sa tapat ng mga labi ko at ginawaran ng magagaang mga halik ang likod ng mga ito. "Gusto kita dahil pinaparamdam mo sa'kin na mabuti akong tao," masuyo kong sabi. Sa pagkakataong ito ay ang mga daliri niya naman ang pinatakan ko ng mumunting mga halik bago sina