PART ONE

2360 Words
(A short story) Marahil lahat ng sisi ay ibubunton sa akin. Marahil din ay walang maaawa sa akin dahil hindi nila naiintindihan kung ano ang tunay na nararamdaman ng katulad ko. Madali lang naman intindihin kung sino ako ngunit mahirap tanggapin. Napakadali lang naman akong unawain ngunit ang laging sinasabi sa akin ay labag sa mata ng Diyos at tao ang aking pagkasino. Kung sana katulad lang ng pagpapalit ng damit ang pagpapalit ng pagkatao ay hindi ko na hinayaang mangamoy pa ito. Kung sana malaya tayong namili kung ano ang gusto nating kasarian at pagkatao bago tayo ipinanganak ay pinili ko nang maging isang tunay na lalaki o tunay na babae at hindi sa gitna. Kung sana ay lumikha ang Diyos ng para naman sa amin, sana'y hindi kami ngayon kinukutya at ginagamit lamang ng mga taong walang pusong nagsasamantala sa aming kahinaan. Hindi ko alam kung ano ba ang layunin ng aming pagkameron sa mundo. Kung ang babae ay para sa lalaki at ang lalaki naman ay para sa babae, para kanino naman kaming mga alanganin? Mahirap kontrahin kung ano ang nais ng Diyos... ngunit nilalang din kami at kailangan din naming malaman kung ano ba talaga ang layunin ng aming pagkalikha. Sa mga nagsasabing pinili namin magiging ganito, hindi iyon totoo. Katulad din kami ng mga normal na tao na nang ipinanganak na ay may puso at damdamin. Nagkataon lamang na maling damdamin ang napunta sa amin. Aksidenteng maling paghanga ang umusbong sa aming puso't isipan at wala kaming kontrol doon, huli na ng mapatunayan namin na ganoon nga kami. Sinikap din naming baguhin ang damdaming iyon subalit hindi namin kaya. Katulad din nito na ang tunay na lalaki ay hindi kailanman magiging pusong babae at ang tunay na babae ay hindi kailaman magkaroon ng pusong lalaki kahit gustuhin man sanang ganoon ang mararamdaman. Sa makatuwid, ito ay katulad ng kanin na kahit kailan, titikim at titikim parin tayo sa ayaw man o sa gusto natin. Ito ang katotohanang hindi sa akin natanggap ni Jake. Marahil naiintindihan niya ako ngunit hanggang ngayon ay hindi niya ako kayang tanggapin. Matagal na kaming magkaibigan ni Jake. Inaamin ko, kinaibigan ko siya dahil sa mula't sapol pa lamang, kahit nang bata pa siya ay nakaramdam na ako ng kakaibang damdamin para sa kanya. Binatilyo pa lamang ako ay pinaglabanan ko na ang maling nararamdaman ko sa kanya subalit sadyang ang pag- ibig ko sa kanya ay nagiging bahagi na rin ng aking pagkasino. Napagdaanan ko na ang lahat ng sakit, ng pagkapahiya at ng sakripisyo dahil umaasa ako ng balang araw ay magiging akin din siya. Totoong naipaghandog niya sa akin ang kanyang katawan nang paulit- ulit subalit ramdam kong iyon ay libog lamang o kaya ay napipilitan dahil sa pamimilit ko. Sa sampung taon naming pagkakaibigan ay kasama na nito ang tampuhan, batian, tuksuhan, selosan, di matagal na pang iiwan at pahiyaan. Hindi na rin mabilang kung ilang beses kaming nag- usap na kailangan na ngang putulin ang ang aming pagkakaibigan dahil sa lagi naming pinag- aawayan ang tungkol sa mali kong nakahiligan. Ngunit kung bakit nangyayari lang iyon ng ilang buwan at sa tuwing hindi inaasahang magkasalubong kami sa daan o nagkikita ay nagkakabati muli at mabubuo muli ang napag- usapang buwagin na pagkakaibigan. Gusto ko na rin sanang putulin ang lahat dahil pakiramdam ko ako ang laging nahihirapan. Alam ko namang balang araw ay mangyayari ang kinatatakutan ko na makakahanap siya ng babaeng mamahalin niya at tuluyan niya akong iiwan subalit kung bakit hindi ko kayang turuan ang puso ko para kalimutan siya. Kahit anong gawin ko ay lagi ko parin siyang iniisip at natatagpuan ko na lamang ang sarili kong nangangarap na kami parin ang sadyang itinadhana. Dumating nga ang kinatatakutan ko. Nahulog ang damdamin niya sa isang babae. Pakiramdam ko sa mga panahong iyon ay parang may isang napakahalagang bahagi ng aking katawan na tinangggal at hindi na muli pang buuin sapagkat tuluyan na iyong nawala sa akin. Tinawagan ko siya sa celphone. Sinabihan ako na sana ay huwag akong makasarili. Binibigyan daw lamang niya ang sarili ng pagkakataon para lumigaya. Ako daw ang dahilan kung bakit nasira ang kaniyang dignidad. Ang masama daw sa akin ay sarili kong kaligayahan lamang daw ang iniisip ko. Noon din lang niya ako napagsabihan ng tarantado. Mali na kung mali ang ginawa kong paninira sa kanya subalit iyon na lamang ang alam kong paraan para kahit man lang sana sa maikling panahon ay magiging akin parin siya. Alam ko namang sa ayaw ko't sa gusto ay pag- aari siya ng babae ngunit hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ba ipinipilit ko ang talagang hindi puwede. Naiintindihan ko rin siya ngunit hindi nito kayang mapaglabanan ang sakit na aking nararamdaman. Masakit sa akin na ang lalaking bahagi na ng buhay ko at naging kasa- kasama ko sa matagal nang panahon ay mawawala na sa akin ng tuluyan. Hindi naman ako naiinis sa kanya dahil tama lang naman ang ginawa niya. Nainis ako sa sarili ko dahil hindi ko kayang maturuan kung ano nga ba talaga ang dapat. Bakit ba ako nagkaroon ng damdaming ganito? Dumating nga kinatatakutan ko. Nagkaroon siya ng kasintahan at mula no'n unti- unti ng nabawasan ang oras niya sa akin. Masakit kasi yung nakikita mo na masaya siya habang ikaw naman ay nalulungkot. Sabi niya dapat magsaya ako kung saan siya masaya. Kasinungalingan. Hindi ako impokrito. Bakit sino ba naman ang taong masaya kapag iniwan ka ng taong lubos mong minahal. Sinong tanga ang maglululundag sa tuwa kapag ang taong minahal mo ay ipinagpalit ka sa iba! Lalong parang gumuho ang mundo ko ng tuluyan na siyang ikinasal. Kung sana ang pagpunit ko at pagsunog sa ibinigay niyang invitation card ay gano'n din kadali ang tuluyang pagkabura niya sa aking isipan. Kung sana nang pinunit ko ang lahat ng kanyang litrato ay dama din niya ang sakit na nararamdaman ko noon . Subalit nandoon parin ang diyaskeng pag- ibig na ito. Ano ba ang kaibig- ibig sa taong hindi kailanman ako inibig? Walang kasingsakit ang naramdaman ko noon . Lahat ng mga pangarap ko ay bumagsak at kasabay iyon ng pagbagsak ng aking buhay. Sa mga panahong iyon, hindi ko alam kung paano ko ipagpatuloy ang pagtahak tungo sa aking mga hinahangad. Nasanay na kasi akong naroon siya lagi sa tabi ko. Nasanay na akong akin siya. Kahit alam kong hindi ko siya makakasama sa nalalabing mga taon sa buhay ko, pinilit ko paring umasa na maisama ko siya sa aking mga pangarap. Iyon ang isang kamalian ko. Isinama ko sa aking mga pangarap ang taong hindi niya hinangad na makasama ako. Nagmahal ako ng taong kahit kailan ay hindi naman ako minahal. Ipinangako ko noon sa aking sarili na kapag makita ko siya ay hindi ko siya kailanman papansinin at hindi ako na muli pang masasaktan dahil nararapat lamang na hanapin niya ang katapat niya. Sabi nga, ang lalaki ay para sa babae at ako ay para sa wala. Minsang nakita ko sila sa isang Department store at namimili ng laruan ng kanilang unang supling. Dobleng sakit ang naramdaman ko. Bakit ang tuwa sa kanilang mga labi ay nakadaragdag ng umaapoy kong galit. Tinapik niya ako sa balikat at akmang ipakikilala ako sa kanyang asawa at anak ngunit hindi ko na hinintay pa na mangyari iyon. Lumuhod ako at niyakap ng mahigpit ang kanyang anak. Sumungaw ang aking mga luha hindi dahil nagsisisi ako sa maling mga nagawa ko sa kanya kundi dahil iyon na lamang ang natitirang paraan para paglabanan ang sakit na aking sinusupil. Iniluha ko ang sakit ng loob ko sa mismong balikat ng bata at pagtayo ko ay binunot ko ang aking pitaka at inabutan siya ng limandaan. Parang bumalik sa aking alaala ang nakalipas na pagbibigay ng pera sa kanyang ama sa tuwing nangangailangan siya. Hindi na ako nagsayang ng sandali pa para tapunan ng tingin ang mag- asawa. Bakit pa? Para lalo lang akong masaktan? Dahil sa sakit na naramdaman, pinilit kong maging matagumpay sa aking career. Bigo man at mabibigo man muli ako sa pag- ibig at buong pagkatao, hindi ko mahahayaang pati ang buo kong buhay. Hindi na ako naniwala pa sa pag- ibig. Para madali sa akin ang paglimot, isinakatuparan ko na ang matagal ko ng pangarap na magtrabaho sa Amerika. Hindi ako nagpaalam sa kanya. Sa California ako nagkapalad makahanap ng trabaho. Doon ay lalo akong namulat sa kakaibang mundo ng mga nasa gitna. Ang hindi ko masikmura noon ay unti- unti kong nasubukan hanggang lubusan ko na ring nagustuhan. Para sa karamihang mga 'Kano, ang pagniniig ay hindi kasama ng pagmamahal. Iyon ay isang katuwaan lamang at iniiwasang mahulog ang damdamin. One night stand ang uso doon at pagtatawanan ka kapag relasyon ang unang binabanggit mo. Ang one night stand ay mauuwi sa pagkakagustuhan at kung talagang magclick kayong dalawa ay maari na kayong magsama. Hindi ko alam kung bakit hindi na ako muli pang nagmahal pa ng iba. Namanhid na kasi ako. Ano ba ang kaibig- ibig sa pag- ibig kung ni minsan ay hindi mo naranasang inibig? Tumagal ako sa ibang bansa ng dalawampung- taon. Madami ng nabago. Kilos pananalita, ugali, pananaw sa buhay maliban sa pag- ibig dahil hindi na talaga ako umibig pa. Kung noon , ang pagkakaalam ko ay ang lalaki ay para sa babae at ang babae ay para sa lalaki, kami naman ay para sa kapwa bakla at pamilya. Natulungan ko ang buo kong pamilya. Hindi ako naging pabaya sa kanilang mga pangangailangan. Alam kong gusto nilang tanungin sa akin kung bakit hindi pa ako nag- aasawa kaya lang ay hindi na nila binuksan pa ang tungkol doon dahil alam kong alam na nila ang kasagutan. Tulad ng kantang "kaytagal mo mang nawala, babalik ka rin... babalik at babalik ka rin." Bumalik nga ako. Bumalik ang lahat ng mga alaala pero iyon ay parang kurot na lamang sa akin. Sinadya kong hindi makipagkita sa kanya. Alam kong kapag kinalikot ko ang naghilom ko ng sugat ay muling dudugo at dadaan na naman ang maraming taon para ito ay paghilumin. Minsang nangangailangan ako ay sinubukan kong lumabas at maghanap. Tumambay ako sa isang Mall at nakita ko ang isang binata na nagkakaedad na siguro ng dalawampu't tatlo. Nilapitan ko siya at sa tingin palang niya ay nahinuha ko na nagbebenta siya ng aliw. Sa halagang pitong- raan ay napapayag ko siya. Pumasok kami sa malamig na kuwarto ng isang hotel. Pinauna ko siyang naligo at ipinatong ang pantalon sa tokador. Maya't maya ay nahulog ang kanyang pitaka sa suwelo. Pinulot ko iyon at dahil sa curious ako sa kung sino siya, binuklat ko at napangiti ako ng makita kong magkaapelyido sila ni Jake. Naging lahi na pala sila ng kolboy ngayon, naisaloob ko. Binuklat ko pa ang kaloob- looban ng pitaka at nabigla ako nang tumambad sa aking paningin ang litrato ng babaeng umagaw sa akin kay Jake. Hindi ako nakuntento at tinignan ko lahat ang mga litratong naroon. May isang nahulog sa sahig at hindi ko na pinulot pa ng mapagsino ko ang may- ari niyon. Si Jake. Nang lumabas si Den mula sa banyo na wala ni kahit anong saplot sa katawan ay tinanong ko siya. Nagulat siya dahil nakakalat ang mga litrato sa kama pati ang pitaka niya. Nagalit siya. Bakit ko raw pinakialaman ang mga personal niyang gamit. Nawala na ng tuluyan ang gana ko. Pinulot ko ang mga damit niya saka ko sinabihan na magdadamit siya at mag- uusap kami ng masinsinan. Nagmamadali siyang nagbihis at naroon parin ang galit na may kasamang pagmumura ngunit nangingibabaw ang pagtataka. Ayon sa kanya, kailangan daw niya ng pera para makatapos na siya sa pag- aaral. Huling taon na raw niya ng kolehiyo at dala ng pangangailangan kaya pinasok niya ang trabahong iyon. Masakit daw ang loob niya sa Papa niya dahil masyado daw itong maidealismo. Totoong makaDiyos siya pero minsan nakakaligtaan na niya kung ano talaga ang realidad... kung ano ang talagang nangyayari at kung anong buhay mayroon siya. Sa tono ng pananalita niya, alam kong nagrerebelde siya sa sarili niyang ama. Gusto kong ipaliwanag sa kanya kung sino talaga ang ama niya, na nagkakamali siya sa bintang nito ngunit ako mismo ay hindi ko na kilala si Jake. Sa tinagal- tagal ng aming pagkakaibigan ay hindi ko pa siya lubusang nakilala dahil hindi siya nagsasabi kung anong gusto niya. Nagbabago na nga ang panahon. Iba ng panahon ang kailangan kong pakisamahan ngayon. Ipinagtapat ko na matalik kong kaibigan ang kanyang ama para hindi siya magtaka kung bakit ko inaalam lahat ang mga bagay na iyon,. Nang una nagdalawang isip pa siya dahil nga sa aking pagkatao subalit nang sinabi ko na ako ang tutulong sa kanya para matapos ang kanyang pag- aaral ay lumiwanag ang kanyang mukha. Hindi ko na binanggit pa na may nangyari sa amin ng kanyang ama. Na ang ama niya at ako ay naging kami. Nagdesisyon ako na kailangan na sigurong magkita kami at magkausap ni Jake pagkatapos na paghiwalayin kami ng maling pag- ibig. Humilom na siguro ang sugat at hindi ko na kailangan pang galawin sa muli naming pagkikita. Pinilit ko si Den para umuwi kasama siya. Natakot siya ngunit sinabi kong ako ang bahalang magpaliwanag sa ama niya. Kinausap ko siya ng kinausap hangga't napapayag ko rin siya. Nang pumayag at lumabas kami sa kuwartong naging susi ng muli naming pagkikita ng kaibigan ko ay nagpapasalamat ako dahil nailigtas ko ang anak niya sa maaring ikamamatay nito na sana ay manggagaling sa akin. Sa mahigit dalawampung taon ay magkikita kaming muli ng kaisa- isang lalaki na minahal ko. Hindi ko pinangarap na mangyayari ito at wala sa magiging plano ko ang muli naming pagkikita. Magkakahalong mga emosyon ang naramdaman ko sa mga sumandaling iyon. Hindi ko alam kung kailangan kong matuwa o matakot sa hindi inaasahan naming pagkikita. Tama, nawala nang tuluyan ang maling damdaming sumira sa aming pagkakaibigan subalit ang dalisay na pag- ibig para sa isang kaibigan ay naroon parin. May bigla akong naramdaman na pilit kong itinatanggi ko noon . Namimiss ko siya. Tama, miss na miss ko na talaga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD