PART 2

4360 Words
Nagulat siya ng makita kaming magkasama ng kanyang anak. Halos hindi ko na rin siya nakikilala pa. May puting mga hibla na ang kanyang buhok at may mga marka na rin ng katandaan ang kanyang mukha. Subalit naroon parin ang mga dating hinangaan ko sa kanya. Singkit na mga mata, tamang tubo ng ilong at ang hustong kapal ng labi. Hindi ko alam kung yayakapin ko ba siya o kakamayan. Naramdaman ko na lamang ang higpit ng kanyang yakap sa akin. Gusto kong yakapin din siya ngunit naaalangan akong baka muli kong magalaw ang sugat na hinilom na ng panahon. Natatakot akong muling madama ang damdaming matagal ko ng inilibing sa limot. Unti- unting tumulo ang aking mga luha. Tama, umiiyak ako. Hindi ko napigilan ang aking mga luha at ganoon din siya. Dama ko iyon sa mainit na luhang pumatak sa aking leeg. Umiiyak siya. Iyak na hanggang ngayon ay hindi ko mawari kung bakit. Pagkatapos ay si Den naman ang niyakap nito at tinapik- tapik sa balikat. Humingi ng tawad si Den sa kanya at buong unawa namang tinanggap. Nagtatanong ang kanyang tingin sa aming dalawa ni Den at dahil doon, sinabi kong huwag siyang mag- alala dahil walang nagyari sa amin. Nagimbal ako sa ipinagtapat niyang nangyari sa buhay nilang mag- asawa. Tatlong taon na daw ang nakakaraan mula ng mamatay ang kanyang asawa. Kitang- kita ko parin sa kanyang mga mata ang sakit na dala nito. Bigo din siya. Mga kabiguang dala ng mapaglarong kapalaran. Nakita ko sa kanyang mga mata ang lungkot na nanahan din sa aking mga mata nang kung ilang taon ng lumipas dahil sa pang- iiwan niya sa akin. Alam kong dama din niya ang nadama ko noong sakit. Hindi na ako naging interesado pa sa nakalipas. Gusto kong buuin ang mag- ama. Gusto kong magkainitindihan sila sa kung anuman ang hindi nila pinagkakasunduan. Ginusto kong malaman subalit ipinagkait sa akin malaman ko ang buong detalye. Dahil dito, para maibsan ang dinadala ni Den, sinabi ko sa harap ng kanyang ama na papag- aralin ko siya. Ako na ang tutustos sa kanyang pag- aaral hangga't matapos siya. Ayaw pumayag ni Jake sa desisyong kong iyon subalit naging mapilit ako hanggang napapayag ko siya. Iyon na lamang ang paraan para mapunan ko kung anuman ang naging pagkukulang sa kanya. Hindi dahil ipinamumukha ko sa kanya na ako parin ang mayroon kundi dahil alam ko kung gaano kadami ang mga nagawa kong kasalanan sa kanya. Muling lumiwanag ang mundo ko. Muling nagkakulay ang dati'y madilim na bahagi nito. Naging malapit muli kami ni Jake sa isa't isa. Ang dating init ng pagkakaibigan ay muling nabuo. Laging may ngiti sa aming mga labi sa tuwing naglalaro kami ng scrabble at chess. Kapag tinatalo niya ako ang laging sinasabi niya ay nagpapatalo daw ako kaya siya nananalo. Sinasabi na niya iyon ng mga bata pa kami, nauulit na naman ngayon. Hanggang ngayon ay linya parin niya iyon. Pakiramdam ko ay muli na naman kaming nagsisimula. Napakasarap niyang kasama sa pagbebeach at iba pang mga pook pasyalan. Halos walang patid ang aming mga tawanan sa lahat ng aming mga lakaran. Para kaming mga nagbibinata sa mga panahong iyon. Nahihinto lamang iyon sa tuwing dinadalaw ako ng hindi ko mapigil na sakit. Araw- araw ay tumitindi ang sakit at alam ko na kung bakit. Iyon ang dahilan kung bakit ako umuwi ng Pilipinas. Pagsasaya at pamamasyal. Sa ganoong paraan ko gustong gugulin ang nalalabing araw ng buhay ko. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata bago matulog ay may masisilayang ngiti sa aking mga labi. May pangarap na muli kong naabot na hindi ko kailanman inaasahang makakamit ko pa. Pangarap na lumikha ng sakit at ibayong pagkabigo sa akin noon . Pangarap na tinapos ko na at hinyaang tangayin ng panahon ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay muli akong hinanap at dinala ako sa kung saan nararapat. Narito ang pangarap na iyon. Mahimbing na natutulog sa aking tabi. Si Jake. Isa siyang pangarap na sa akala ko ay hindi ko na makakamit pa sa buong buhay ko. Madaling araw nang niyakap niya ako ng mahigpit. Nakatalikod ako sa kanya at masuyo niyang hinagkan ang aking buhok. Napaluha ako sa hatid nitong kaibahan. Bakit ngayon din ko lang naramdaman ang kanyang pagmamahal sa akin? May kung anong nabuhay sa aking damdamin subalit kailangan kong magtiis. Hindi na maari pa. Hindi na pupuwede. At iyon ang katotohanang pilit kong tinatakasan ngayon. Iyon ang kinatatakutang kong ipaalam sa kung sino mang malapit sa aking puso. Alam kong nakahalata at nagtataka siya sa mga ikinikilos ko nitong mga nagdaang araw subalit pasasaan at malalaman din niya ang lahat. Sa gabing iyon ay gusto kong magtapat na sa kanya ngunit hindi ko na siguro kakayaning muli siyang mawawala sa akin. Hindi ko na siguro kayang hindi siya makasama sa nalalabing araw pa ng aking buhay. Marami ang mga naririnig kong usap- usapan na kung kailan daw kami tumanda ay saka kami hindi nag- isip ng mabuti sa masama. Nagsasama man kami, hindi namin ginagawa ang mga bagay na iniisip nila. Mahal ko siya. Mahal na mahal at kahit kailan, ayaw kong mahawa siya sa sakit ko. Ayaw kong magkaroon din siya ng sakit na walang lunas. Ipinagtapat ko kay Jake ang lahat. Iyon na siguro ang isa sa pinakamabigat na bahagi sa buhay ko. Ang ipinagtapat ang lahat at humanda sa maaring kahihinatnan ng aking gagawin. Hindi ko mapigilan ang lumuha bago ko sinabi sa kanya na may AIDS ako at hinihintay ko na lamang ang araw na isasauli ko ang hiram kong buhay. Hindi ko inaasahang buong pang- unawa at pagmamahal niya ako niyakap. Noon ko muling napatunayan na mahal din pala ako ni Jake. Nag- uunahan na bumagtas ang mga luha sa kanyang pisngi. Nagsimulang umindayog ang kanyang balikat. Humahagulgol siya. Humagulgol din ako kahit sabihin mang matagal ko ng tanggap ang kapalaran ko. Ito na siguro ang parusa ng Diyos sa amin. Tama lang naman na parusahan niya lahat ang mga nagkasala at hindi ko siya sinisisi. Ginawa ko ang alam kong makapagsasaya sa akin at hindi ako naging ipokrito sa aking sarili sa buong buhay ko. Handa akong humarap sa kanya at tanungin ang lahat ng mga noon ko pa gustong itanong kung bakit kami ay nabiyayaan ng maling damdamin. Iyon ay kung totoo na may langit, e, paano kung ang lahat pala ay tsismis lamang at walang katotohanan. Iyon lagi ang pinagtatalunan namin ni Jake. Sabi niya pantay ang tingin ng Diyos sa lahat ng kanyang nilikha. Kung ganoon, bakit may mga taong nakakariwasa sa buhay at may halos hindi na kumakain, bakit may mga taong nakakulong ngayon na walang kasalanan at ang mga may kasalanan naman ay nasa labas at nagpapakasasa? Tanggap ko na kailangan kong magdusa sa sakit ko ngayon bilang kabayaran ng mga lahat ng ginawa ko pero bakit may mga bata na katulad kong nagkakasakit ngayon ng AIDS, sila ba ay nagbabayad din ng kasalanan? Sa kaninong kasalanan? Sa mga huling araw ng buhay ko, nakita ko kung gaano ako kahalaga kay Jake. Nagsakripisyo siya ng husto para sa ikagagaan ng sakit na siyang nagpapahirap sa akin. Nakaya niyang bumangon para lamang linisin ang dumi ko. Hindi siya nandiring matulog sa tabi ko habang yakap- yakap niya ako. Ang mga iyon ang nagpapadagdag sa akin ng sakit ng loob. Dapat ako ang gumagawa sa kanya ng ganito. Dapat ako ang naninilbi sa kanya ngayon matapos ko siyang iwan noon . Ginusto kong lumayo siya sa akin at hindi na niya dapat inaaksaya pa ang panahon niya sa akin subalit matibay siya sa kanyang paninindigan na alagaan ako. Sa hirap ng pag- aalaga sa akin hindi ko siya nakakitaan o nakaringgan ng reklamo. Bukal sa kanyang kalooban na pagsilbihan ako. Nakahanda na akong mamatay. Tanggap nang buo kong pamilya na ganoon ang sinapit ko. Hinangaan nila si Jake dahil sa mga ginawa niya sa akin. Tuluyang nabura ang pagdadalawang isip nilang ginagamit lang ako. May trabaho na rin si Den pagkatapos niyang magtapos. Kapag sumasahod siya lagi siyang nag- uuwi ng mga prutas para sa akin. Kung wala din siyang ginagawa nagbabasa siya ng mga short stories na ginawa ko noong kabataan ko pa. Natatawa siya kung alam niyang ang ama niya ang pinapatungkulan ko sa ibang mga sinulat ko. Mapalad siya dahil sa panahon niya ay hinahayaang magsama ang parehong kasarian na nagmamahalan. Hindi katulad ng panahon pa namin ng kanyang ama. Masaya na rin ako kahit naghihirap ang pisikal kong katawan. Natupad ang pangarap kong makasama si Jake hanggang sa aking huling hininga. Nadama ko ang pagmamahal niya kung kailan ay palubog na ang aking araw. At sa huling pagpikit ng aking mata, naroon ang ngiti... pagpapatunay ng pagpapasalamat at ang pagtatagumpay. Sa huling pagpisil ko sa palad ni Jake at ang unti- unting pagkabitaw ko ay hindi nagbabadya na sumuko na ako, iyon ay nagsasabing ang lahat ay may hangganan ngunit sa bawat hangganan ay may bagong simula. Ang simulang iyon ang tutuklasin ko ngayon. Dinig na dinig ko pa ang kanilang mga panangis sa aking pagpanaw. Isinisigaw ang pangalan ko... "VINCE!!! VINCE!!! VINCE!!!", hanggang binalot na nga ako ng kawalan. II Nagkaibigan kami ni Vince sa hindi ko alam na kadahilanan. Siguro mabait lang siya noon sa akin at lagi niya akong binibigyan ng pagkain kaya napalapit na rin ang loob ko sa kanya. Siya rin ang nagturo sa akin kung paano maglaro ng chess at scrabble. Kapag tinatalo ko nga siya ang lagi kong sinasabi ay nagpapatalo lang siya kaya ako nananalo. Maraming naging paghihirap si Vince sa akin. Siya ang gumagawa ng aking mga projects noon . Siya ang nagbubuhat sa aking bisikleta sa pilapil. Siya ang lagi kong takbuhan kung nawawalan ako. Siya ang pinagsasabihan ko ng hinakit ko sa aking pamilya. Siya ang hindi sumusukong nagmamahal sa akin kahit pa alam kong nasasaktan ko na ang kanyang damdamin.Masasabi kong minahal niya ako sa buong buhay niya at hindi iyon kailanman maitatanggi. Kaya lang minsan nasosobrahan niya ang pagmamahal na iyon hanggang halos hindi ko na matagpuan kung saan naman ako magiging masaya. Ang laging nasa isipan ko ay makasarili siya at hindi niya kayang magsakripisyo para sa akin ngunit alam kong hindi nga siya ganoon. Malaya niyang ipinapakita kung ano ang gusto at nararamdamana niya. Magkaiba kami ng ugali dahil hindi ko tuwirang masabi sa kanya kung ano ba talaga ang gusto ko. Noong nasa kolehiyo ako, umasa ako na matutulungan niya ako at maibibigay niya ang iba kong pangangailangan ngunit nagkamali ako. Nagtampo ako sa kanya. Hindi lang naman ako ang minahal niya, kundi madami kami at iyon ang ayaw kong ginagawa niya. Subalit naintindihan ko kaya siya na maaring ginawa niya iyon dahil gusto niya akong kalimutan? Dahil gusto niyang takasan ang maling nararamdaman niya sa akin? Iyon ang lagi niyang sinasabi, nagagawa niya ang bagay na iyon dahil nga sinisikap niyang kalimutan ang maling nararamdaman sa akin sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kung sinu- sino na hindi naman niya minahal. Subalit lagi siyang bigo. Ginagamit lang siya ng mga lalaking iyon at iniiwan pagkatapos makuha ang gusto. Subalit hindi niya sila iniyakan. Hindi katulad ng pag iyak niya kapag ako na ang lumalayo sa kanya. Totoong ilang beses nang may nangyari sa amin at hindi ko itinatangging ginusto ko rin iyon. Tuwang- tuwa siya sa tuwing pinagbibigyan ko siya. Hinahalikan niya ako at niyayakap. Hindi naman ako nandiri kaya lang matibay ang pananalig ko sa Panginoon. Bawal ang ginagawa namin. Hindi lang sa mata ng tao kundi pati sa Diyos. Maling- mali . Nang magkagusto ako ng babae ay doon na nabago ang lahat. Gustuhin ko mang ipaliwanag sa kanya na kailangan naming maghiwalay at harapin kung ano talaga ang nararapat subalit alam kong naintindihan man niya ako ngunit hindi niya matanggap. Ginusto kong saktan siya ng saktan para sa kabila ng mga p*******t na iyon ay magigising siya sa katotohanan at tanggapin kung ano talaga ang nararapat. Iyon ang hindi matanggap ng mga tunay na lalaki. Ang sa atin, kaya nagkakaganyan ang mga bakla dahil ginusto din nila. Iyon ang pagkakaalam ko rin noon ngunit sa tagal na pagkakaibigan namin ni Vince, natuklasan ko na hindi nila ginusto magkaroon ng ganoon. Iyon ay damdamin na nasa sistema na nila. Pinadalhan ko siya ng inivitation card ng ikinasal ako. Siya pa ang ginawa kong bestman sa aking kasal ngunit hindi siya sumipot. Hinintay ko siya hanggang natapos ang reception. Napaiyak ako dahil ang kaibigan ko ng halos labinwalong taon na ay hindi ko nakita. Hindi niya alam na mahal ko rin siya at bahagi na rin ng kung sino ako ngayon dahil sa mga sakripisyo niya sa akin. Hindi ko siya gustong saktan sa ginawa ko. Gusto ko lang malaman niya na doon nga ako masaya, na iyon talaga ang gusto ko na nararapat lamang para sa tulad kong lalaki at kailanman ay hindi maaari ang gusto niya. Sinadya kong puntahan siya ngunit hindi niya ako pinagbuksan ng pintuan. Napaluha ako. Hindi ko rin gustong magkakahiwalay kami dahil sa pag- aasawa ko ngunit anong bukas meron ako kung itutuloy lang naming ang maling relasyon? Paano naman ang pangangailangan ko bilang lalaki? Diyaskeng damdamin iyan. Kung sana ay may kapangyarihan lang akong buwagin ang damdamin na iyon ay ginwa ko na. Awa ang naramdaman ko sa kanya at hindi galit. Hindi niya kasalanang nagkaganoon siya. Alam ko kung gaano din niya pinaglalabanan ang damdamin na iyon subalit tao lamang siya. Totoong binigyan siya ng Diyos ng sariling pag- iisip at damdamin ngunit sa kalagayan nila, nagkatugma ang damdamin nila sa naibigay na kasarian. Nang nag- asawa ako, tinuruan ko na rin ang aking sarili na kalimutan siya. Hindi na siya bahagi pa ng aking bukas. May pamilya na ako na kailangan kong buhayin. Pero may mga araw na bumabalik sa aking alaala ang kabaitan niya sa akin. Ang paninilbi niya at ang kakaibang paglalambing at pagmamahal na hindi buong naibibigay ng aking asawa. Ganoon man si Vince, hindi naman matatawaran ang ibayong pagmamahal niya sa akin. Hindi ko inaasahang makita namin siya isang araw na namimili kami ng laruan sa Department Store. Hindi ko pa naipapakilala ang anak ko nang bigla niya itong niyakap at napaiyak. Gusto ko rin sanang ipakilala ng pormal ang aking asawa sa kanya pero pagkaabot niya ng limandaan kay Den ay saka siya nagmamadaling umalis. Nagtaka ang asawa ko sa inasal niya. Tuloy natanong niya sa akin kung galit ba siya sa kanya. Gusto ko man siyang sagutin ng "Oo" at ipaliwanag kung bakit subalit hindi na ako nag- aksaya pa ng panahon. Ang tanging naisagot ko ay, "sinumpong lang, huwag mong pansinin." Alam ko, nasasaktan siya at hindi niya kayang makita kaming mag- asawa. Matagal kong tinitigan ang basa ng luha sa balikat ng aking anak. Alam ko kung gaano kasakit sa kanya iyon. Totoo nga naman, sa larangan ng pag- ibig, imposible yung sinasabi nilang masaya ka kung masaya ang mahal mo, e paano kung iniwan ka at ipinagpalit ka sa iba, masisiyahan ka parin ba? Huli na ng malaman kong lumipad na pala siya papuntang California. Umalis siyang hindi man lang nagsabi. Umalis siyang hindi man lang niya ako kinausap at maayos ang gusot ng aming pagkakaibigan. Hanggang gano'n na lamang ba ang labingwalong taon na pagkakaibigan? Pero kunsakali, para saan pang kausapin niya ako? Para lalo siyang masaktan? At ano naman ang ipapaliwanag ko sa kanya? Ang katotohanan na alam ko namang hindi niya matatanggap. Ang tanging hiling ko no'n ay sana magiging masaya siya kung sang lupalop man siya naroon. Namiss ko siya... miss na miss. May mga gabing tinatanong ko ang aking sarili kung bakit nagkaganoon ang aming pagkakaibigan. Tinatanong ko ang Panginoon kung bakit may mga nilikha ang Diyos na katulad nila? Bakit nga ba? Ano ang intensiyon ng Diyos sa kanila? Para maghasik ba ng kasalanan sa mundo? Kung tutuusin naman, sila nga yung dapat kaawaan dahil karamihan sa kanila ay ginagamit lamang. Kung ganoon, iyon ba ang layunin ng kanilang pagkameron? Ang gamitin at lokohin ng mga tunay na lalaki? Saan nila ilulugar ang kanilang mga sarili? Mabilis na dumaan ang panahon. Binata na si Den, ang kaisa- isa naming anak ng kaisa- isa ko ring misis. Ang hindi ko lang matanggap ay gabi- gabi kung lumabas at hindi ko alam kung saan nagpupupunta. Ang perang ibinibigay ko ay sapat lamang para sa kanya pamasahe at miryenda subalit nakabibili siya ng mga mamahaling gamit. Kinausap ako ng asawa ko tungkol dito. Pinagsabihan ko siya ngunit naging mainit ang aming pag- uusap. Nagtalo kami hanggang parang napakaluwang nang bahay para sa aming dalawa. Halos hindi na kami nagkikita at nag- uusap. Masakit din sa akin iyon ngunit ayaw kong masundan ng isa pa ang aming naunang pagtatalo. May sakit sa puso ang asawa ko at ayaw kong may masamang mangyari sa kanya kung maulit ang pagtatalo namin ni Den. Gusto ko siyang tanungin ngunit nagsawalang kibo na lamang ako dahil alam kong iba na naman ang magiging tungo ng usapan. Nag- isip ako ng paraan kung paano ko mapapatunayan ang aking mga hinala. Isang gabing lumabas ay lihim na sinundan ko siya at doon ko nakita kung gaano kasama ang napasukan niyang trabaho. Nagpapagamit siya sa mga bakla para lamang sa salapi. Nagmadali akong umuwi sa gabing iyon. Binuksan ko ang kanyang kuwarto at mas masakit ang aking napatunayan. Isang bisexual ang anak ko. Iyon ay dahil sa may mga nakarelasyon siyang lalaki na ang patunay ay ang mga naprint na mga e mail nila sa kanya. Binuksan ko ang computer niya at ini- unhide ko ang mga nakahide na files. Tumambad sa akin ang mga litrato ng mga hubad na lalaki. May mga nakasave din sa My Video folder na M to M na bold movie. Sinapo ko ang ulo ko. Kaytagal kong naging tanga. Muli kong inisip kung saan ba ako nagkulang? Kung bakit ako nagkaroon ng anak na katulad ni Vince. Gusto kong umiyak subalit pinigil ko ang aking sarili. Hindi na ako nakapagpigil at kinausap ko siya pagdating niya. Nilabas ko lahat ang galit ko sa kanya. Nang una, nahihiya siyang ipakita ang mukha niya sa akin. Sinigawan ko siya ng sinigawan. Minura ng minura. Hindi ko kasi matanggap na mararanasan din ng anak ko ang hirap na pinagdaanan ni Vince Hindi ko kayang isipin na sa anak ko pa mangyayari ang ganoon. Ang pagtatanong ay nauwi sa pagtatalo, ang pagtatalo ay nauwi sa pagsisigawan at ang pagsisigawan ay bumagsak sa paglalayas at ang pinakamasakit, inatake sa puso ang asawa ko at hindi na umabot pa sa hospital ng buhay. Noon ko naranasan kung paano maiwan ng isang minamahal. Noon ko napagtanto na walang kasingsakit ang mamatayan ka ng asawa at iwan ka ng anak. Gusto kong sisihin si Den sa nangyari ngunit kasalanan ba niyang maging ganoon siya? Ginusto ba niyang mamatay ang kanyang ina? Bilang pagpapakita ng pagtatampo at sakit ng loob, hindi ko siya inimikan. Akala ko, dahil sa pagkamatay ng kanyang ina ay babalik siya sa akin ngunit nagkamali pala ako. Tuluyan na nga siyang nawala sa akin. Gabi- gabi, iniisip ko, ano ba ang naging kasalanan ko sa Diyos at pinarusahan niya ako ng ganito. Kinuha na niya ang asawa ko, lumayo pa ang anak ko sa akin at hanggang ngayon ay hindi ko na nakita pa ang pinakamamahal kong kaibigan. Nawalan na rin ako ng ganang mabuhay. Dalawang taon pa ang nilusaw ng panahon. Hindi ko na inaasahan pang makita si Vince at ang aking anak ngunit anong milagro ng buhay ng isang gabi ay may kumatok sa pintuan. Ang alam ko ay dumating na ang kinatatakutan ko na sasabihan ako ng mga alagad ng pulis na ang anak ko ay nasa kulungan o nasa hospital o natagpuang malamig nang bangkay. Mga aalahaning kinatatakutan ko ng dalawang taon. Nagkukumahog kong tinungo ang pintuan at nagulat ako ng mabungaran ko kung sino ang dumating. Si Vince! Dumating na ang nawawala kong kaibigan. Dumating na nga siya! Niyakap ko siya ng mahigpit. Namiss ko siya. Miss na miss. Pumayat siya at sa tingin ko at lalo siyang pumandak. Nang narinig ko ang katagang "itay" na nagmula sa nawawala kong anak ay biglang parang bula ay nawala ang sakit ng loob ko sa kanya. Niyakap ko rin siya ng mahigpit. Mabuti na lamang at nauna siyang humingi ng tawad dahil kung nagkataon baka ako pa ang humingi ng tawad sa kanya. Napaluha ako sa pagdating nilang dalawa. Nahiwagaan ako kung bakit sabay silang dumating... may nangyari kaya sa kanila? Ang katanungang iyon sa aking mga mata ay sinagot si Vince. Ayaw ko sanang payagan na papag- aralin ni Vince si Den subalit nagpilit siya. Parang insulto kasi sa akin na iba ang magpapaaral sa anak ko e, buhay na buhay pa naman ako. Dahil sa kakulitan parin ni Vince ay napasang- ayon niya ako. Naikuwento ko sa kanya ang trahedyang dumating sa aking asawa subalit hindi ko na binanggit pa na dahil iyon sa natuklasan kong pagkatao ni Den. Alam ko kasing sasakit lang ang loob sa akin ni Den kapag nagkataon. Mula noon , hindi ko na ipinagkait ang sarili kong turuang mahalin si Vince. Mabuti siyang tao at imposibleng hindi ko siya kayang mapakibagayan at matutunang mahalin. Hindi na ako naalangang ipakita iyon sa kanya. Hindi na tulad noon na sinikap kong ilihis kung anuman ang nararamdaman ko para sa kanya. Nagsimula muling nagkakulay ang aming pagkakaibigan. Kasama niya ako sa lahat ng kanyang lakad. Kung nasaan siya ay siguradong naroon din ako. Walang nasayang na sandali sa aming pagsasama. Nang una, pinipilit pa niyang pagsilbihan ako. Pinilit niyang alagaan ako tulad ng pag- aalaga niya sa akin noon subalit naging palagian ang kanyang pananamlay. Lagi siyang nagkakasakit at nahohospital. Naawa ako sa kanya sa tuwing hindi niya malaman kung paanong maibsan ang sakit ng buo niyang katawan. Namimilipit siya sa sakit at halos wala siyang tulog sa magdamag. Tanging yakap at halik sa kanyang buhok ang alam kong makakabawas sa hapdi na kanyang nararamdaman. Gumuhong muli ang mundo ko nang ipinagtapat niyang may AIDS siya. Lalo akong naawa sa kanya. May mga araw na binabato niya ako ng unan at pinapalayas pero hindi ko magawang iwan siya dahil alam kong ngayon niya ako higit na kailangan. Alam kong ayaw niyang pinagsisilbihan ko siya. Ayaw niyang makita na nasasaktan din ako sa paghihirap niya. Kung kailan natutunan ko siyang mahalin dahil nakita ko na ang tunay niyang pagkatao ay saka niya ako tuluyang iniwan. Gabi- gabi ay lagi niyang sinasabi kung gaano niya ako minahal. Gabi- gabi din siyang nagpapasalamat dahil kasama niya ako hanggang sa huli niyang hantungan. Sa madaling araw ay nagigising akong nakatitig siya sa akin at masuyo niyang hinahaplos ang buhok ko. Ganoon ang ginagawa niya noong mga binata pa kami. Ang mga haplos at masuyong halik sa pisngi ang hindi ko makalimutang ginagawa niya sa akin. Matapang siyang tao. Lumalaban sa kawalang pag- asa. Ayaw niyang kaawaan siya kahit awang- awa ka sa hitsura niyang halos buto't balat na lamang. Nawala na ang matipuno niyang katawan at mapupulang mga labi. Nawala na ang lutong ng kanyang tawa at garalgal na boses. Paanas na lamang kung siya'y magsalita. Gabi- gabi ay hinihiling ko sa Panginoon na nawa'y kunin na siya sa kanyang piling at huwag na siyang pahirapan pa ng husto. Halos kalansay na lamang siya at mapulang dugo ang laging lumalabas sa kanyang ilong. Nakakalbo na rin siya at halos hindi na niya kayang uminom ng tubig. Hanggang hindi na rin niya manguya pa ang kanin at ulam. Napakahirap pa siyang painumin dahil masakit daw ang lalamunan niya sa paglunok. Gusto niya ay lagi kong hawak ang kanyang kamay. Tumitigil siya sa pag- ungol kung nararamdaman niyang nasa malapit lang ako at binabantayan siya. Pinipilit niyang ibukas ang kanyang mga mata at titigan ako subalit sadyang hindi na niya ako makita pa dahil kadiliman na ang bumalot sa paningin niya. Nanginginig man at hinang- hina ang kanyang mga butuang palad at hinahayaan ko lang siyang haplusin niya ang aking ilong, bibig at mata. Alam kong hindi na siya tatagal pa sa mundo kaya hindi ko siya kailanman iniwan. Naluluha ako sa kalagayan niya. Kailan kaya nakaramdam si Vince ng tunay na kaligayahan sa buhay niya? Kailan kaya siya nabuhay ng walang pag- aalangan? Ito ba ang plano ng Diyos sa kanya? Ito ba ang kanyang kapalaran? Nang araw na pumanaw siya ay naibulong pa niya ang pangalan ko at mahigpit niyang pinisil ang aking kamay. Sa tuyot niyang labi ay mababanaag ang ngiti. Masaya siya, masayang masaya. Sa tuwing araw ng kamatayan niya ay pumupunta ako sa sa kanyang burol katabi ng mahal kong asawa. Kapwa sila minahal ko sa magkaibang damdamin ngunit iisang adhikain. Pasasaan din at susunod din ako sa kanila. Nauna man sila sa akin, alam kong kapwa nila ako minahal. Pang- unawa at pagtanggap lang ang nais ng mga alanganin sa atin. Huwag sana natin silang gamitin sa pansarili nating pangangailangan dahil sila ay tao din, may puso, may damdamin at nagmamahal din ng totoo. Palapit sina Den at Niko para alayan ng bulaklak ang kanyang mama at tito Vince niya na siyang nagturo sa kanya na magiging totoo sa sarili kung anuman ang nais niyang gawin sa kanyang buhay. Maalala ko pa siya ng sinabihan niya si Den na... "Minsan ka lang mabuhay dito sa mundo, anak. Gawin mo ang alam mong makapagpapaligaya sa iyo ngunit dapat ay wala kang naaapakang tao. Wala kang sinaktan at inalipusta. Kapag pumanaw ka, hindi ka na maaring bumalik pa sa mundo at gawin ang nakaligtaang naibigan mo. Kapag pag- ibig ang siyang dahilan kung bakit mo ginawa iyon na walang halong galit at pag- iimbot, alam kong maiintindihan ka ng Diyos dahil hindi maramot ang ating Panginoon. Tayo ang gumagawa ng ating buhay. Hindi mahalaga kung ano ang sabihin ng ibang tao sa iyo, ang mahalaga ay kung paano mo ginamit ang buhay mo ayon sa alam mong ikaliligaya at pagkamit ng gusto mo bilang tao." Sinalubong ko sila ng ngiti ko. Buo at totoong ngiti saka ko masuyong hinaplos ang lapida ni Vince.                                                                           WAKAS

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD