Nang hindi ko na matagalan ang pag-uusap ng dalawa, tumayo ako at lumapit sa kanilang mesa. Tumikhim ulit ako upang makuha ang atensyon ng dalawa at nang mag-angat ng tingin si Karl ay kaagad itong namutla.
“Hon!” Gulat na nagsalita si Karl.
“Tigilan mo na ang pag-arte mo, p’wede ba?” Pagkatapos ay dumukot ako ng pera mula sa aking wallet at kumuha ng isang libo. “Sagot ko na dinner ninyong dalawa para hindi na madagdagan pa ang problema ninyo. By the way, kay Gwen iyong burger steak na tumilapon, tama? Di bale, huwag mo ng sagutin at baka masapak pa kita sa harap ng maraming tao.”
Pagkasabi ay taas-noo akong umalis mula sa Joaquin’s. Kumulo ang aking dugo habang bumaba ng hagdanan kaya galit kong inirapan ang lalaking nakasunod sa akin dahil kanina pa ito tawag ng tawag sa akin.
“Bakit ba?” Sininghalan ko siya at kaagad akong nagsisi nang makilala ko ang staff na nag-serve ng food ko kanina.
“Ang sukli n’yo po,” sabi ng lalaki at kaagad na ibinigay sa akin ang sukli ng isang libong ipinambayad ko kanina.
“Sa ‘yo na ‘yan,” sabi ko sa naiinis na boses. Inakala ko kasi na si Karl ang sumunod sa akin!
“Salamat po. Gusto mo bang balutin natin ang chicken?” tanong ng lalaki habang nakatingin sa aking kamay.
“Yes please,” sabi ko at ibinigay sa kanya ang pecho na hawak-hawak ko.
“Hintayin n’yo na lang po ako rito, Ma’am at babalik ako kaagad,” sabi nito.
Tumango lang ako ngunit nang hindi ko na siya nakita, mabilis akong bumaba ng hagdanan at pagdating ko sa baba ay kaagad na akong pumara ng taxi. Kasalanan iyon ni Karl kung bakit napahiya ako sa staff!