Habang hinihintay ko ang kanyang pagbabalik, panay ang pagtingin ko sa aking cellphone kasi mapuputol ang tawag after twelve minutes. Gano’n na kasi ang kalakaran sa mga mga unli calls na promo para sa prepaid subscribers.
Malapit ng maputol ang tawag ngunit hindi pa rin bumalik si Karl sa linya. Inakala ko na tatawag pa siyang muli nang ma-disconnect ang tawag ngunit mukhang kinalimutan na niya ako. Hindi na ito muling tumawag pa at nang sinubukan kong kontakin ang kanyang cellphone number ay hindi ko rin siya makontak. Inisip ko na lang nab aka namatay ang kanyang phone. Low battery na siguro.
Malakas ang aking pagbuntonghininga habang tuluyan nang bumangon at lumabas ng silid. Mag-isa lang ako sa bahay at wala akong katulong kasi kaya ko namang gawin ang lahat mula sa paglilinis, pagluluto at paglalaba ng aking damit.
Nang mapadaan ako sa bakanteng kwarto ay sumagi sa isip ko ang sinabi ng isang kasamahan sa trabaho na p’wede ko iyong paupahan upang may silbi naman at dagdag income pa. Iminungkahi niya sa akin na mag-sign up ako sa AirBNB. Ang totoo niyan ay naka-sign up na ako ngunit hindi pa ako desidido kung itutuloy ko ba. Busy pa kasi ako sa aking trabaho at hindi ko rin naman maasikaso ang mga guest kung mayroon man.
Bumaba ako at nagtungo sa kusina upang ipagtimpla ang sarili ng kape. Nang mapadaan ang aking mga mata sa wall clock na nakasabit sa dingding malapit sa dining ay sumuko na akong tatawag pa ulit si Karl sa akin.
Habang hinihintay na kumulo ang tubig sa heater ay gumawa na rin ako ng grilled cheese sandwich. Simula nang matikman ko ang grilled cheese sa Orange Brutus noon,naging paborito ko na ito.
Eksaktong alas-tres ng madaling araw ay kumakain na ako ng grilled cheese at nagkakape na rin. Alam kong bawal na bumuntonghininga habang kumakain kasi lalayo raw ang grasya ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili.
Habang kumakain ay muling sumagi sa isip ko na mag-resign na lang mula sa aking trabaho. Malaki ang sahod pero sobrang stressful naman kasi ng aking trabaho lalo na kung papalapitang quarterly meeting o di kaya ay ang annual meeting. Sandamakmak na financial reports ang kailangan kong tapusin at sa totoo lang ay nahirapan na akong pagtakpan ang mga anomaly sa opisina.
Alam kong mali pero unfair naman kasi iyong Big Boss namin at gustong kunin ang lahat mula sa branch. Kung hindi lang talaga ako naaawa sa mga taong nagsikap upang kumita ng malaki ang kumpanya, hindi ako papayag sa mga ipinapagawa niya sa akin.
Mag-reresign na ba ako?
Kung itutuloy ko ang pagpaparenta ng bakanteng kwarto ay may kikitain naman ako,pero ang tanong, stable kaya ‘yon? Habang panay ang aking pagbuntonghininga sa harap ng lumalamig na kape ay naisipan kong dalawin ang aking w*****d account. Ilang taon na rin itong nakatengga at ongoing pa rin ang mga kwento kasi wala na akong oras upang tapusin ang mga iyon.
Kaagad na umusok ang aking ilong nang mabasa ko ang mga comments. Wala daw kwenta, tumigil na lang daw ako sa pagsusulat, at mag-araro sa bukid. Ano’ng pakialam nila sa personal kong buhay?
Habang nag-iisip ako ng mga magagandang salita kung paano ko lalampasuhin ang pagmumukha ng babaeng iyon ay biglang sumagi sa isip ko na tama naman siya. Siguro ay kailangan ko na talagang mag-resign upang maka-focus sa pagsusulat kahit na talbos na lang ang kaya kong ilagay sa aking mesa.
Char lang ‘yon kasi may ipon pa naman ako kahit papaano.
“Hayyys, bahala na nga si Batman sa akin,” sabi ko sa sarili habang nagtitipa ng resignation letter para sa immediate head ko.