1 Can you be my husband?

2382 Words
Hindi ako mapakali  habang sakay ng eroplano pabalik sa Pilipinas. Habang papalapit nang papalapit sa Manila, pakiramdam ko nauubusan na ako ng oras. Wala pa kasi ako akong nahahanap na magpapanggap na asawa ko. Iyon kasi ang sinabi ko kay Papa nang huli kaming mag-usap. Ayoko kasing ipagkasundo niya ako sa iba, gaya nang naging tradisyon ng pamilya.  Bunga ako ng isang arranged marriage, at masasabi kong hindi iyon masaya. Maaring ang iba ay nagiging successful at napapabuti sa ganoon, pero hindi ang lahat. Saksi ako sa away-bating relasyon nina Papa at Mama. Sigawan dito, sigawan doon. Bato rito, bato roon. Walang katapusang isyu at sumbatan na iisa lang ang pinag-ugatan, ang arranged marriage nila. Hindi kasi mahal ni Mama si Papa dahil may karelasyon na siya noong mga panahong iyon. Pilit daw pinaghiwalay nina Lolo at Lola si Mama at ang nobyo niya para lang makasal siya kay Papa dahil gustong-gusto siya ni Papa noon. Masama ang loob ni Mama dahil pakiramdam niya, pinambayad utang lang siya. Baon na raw kasi sa utang noon ang pamilya ni Mama sa pamilya ni Papa kaya naman ganoon na lang ang galit ni Mama. Pero sa paglipas ng panahon, hindi natutunang mahalin ni Mama si Papa. Madalas tumatakas siya noon. Sabi ni Papa nakikipagkita raw ito sa lalaki niya. Sa sobrang galit, halos nasasaktan na siya noon ni Papa pero hindi pa rin siya tumitigil. Tandang-tanda ko pa ang huling pag-aaway nila. "Saan ka na naman pupunta, babae ka? Sa tuwing magkakagulo tayo wala kang ginawa kung hindi lumayas at tumakbo sa lalaki mo," mariing sabi ni Papa.  "At ano ang gusto mo? Magtiis ako sa impiyernong bahay na 'to?" sumisigaw na sagot ni Mama habang inilalabas ang mga damit niya sa cabinet. "Kung alam ko lang na ganyan ka, hindi na sana ako pumayag na makasal sa'yo," sigaw ni Papa. "Bakit, sa tingin mo ba gusto kong makasal sa'yo, ha?  Kung hindi lang nabaon sa utang sa inyo ang pamilya ko, hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo," ganting sigaw ni Mama. Nasa likod lang ako noon ng pintuan at nakatakip ang tenga, pero dinig na dinig ko pa rin ang pag-aaway nila. "So, lumabas din ang totoo, pera ko lang ang habol mo," nanggagalaiting  sigaw ni Papa. "Tigilan na natin 'to, Armando, maghiwalay na tayo," narinig kong sabi ni Mama. Doon na ako lumabas sa pinagkukublihan ko. Patakbong sumugod ako sa kanila at niyakap ko ang baywang ni Mama. "Mama, please don't leave us," umiiyak na sabi ko. Pero pilit kinalas ni Mama ang mga kamay ko atsaka nagpatuloy sa paglakad papalabas, bitbit ang malaking maleta. "Kapag lumabas ka ng bahay na 'to. Hindi ka na muling makakabalik pa?" banta ni Papa.  Pero sa halip na matakot, mas lalo pang natuwa si Mama. "Buti naman kung ganoon. Huwag kang mag-aalala, hindi ko kukunin sa'yo ang anak mo dahil ayokong magkaroon ng kahit anong alaala mula sa'yo," sigaw ni Mama.   Tumatak sa puso ko ang mga salitang iyon ni Mama. Isa lang pala akong masamang alaala para sa kanya. Alaala na sigurado akong hindi niya na gustong balikan pa. Kaya naman pala ni minsan hindi ko naramdaman ang pagiging ina niya sa akin. Hindi pala niya ako gusto. Para sa kanya ay isa lang akong bahagi ng mapait na karanasan niya sa buhay.  Pitong taong gulang palang ako noon pero sariwa pa rin sa alaala ko ang lahat. Mas lalo pang  naging miserable ang buhay namin nang umalis si Mama. Dahil lagi na lang umuuwing lasing si Papa. Tanging ang mga kasambahay na lang ang nagmamalasakit sa akin. Mula kasi noon hindi na nagparamdam pa si Mama. Ang huling balita ni Papa, nangibang-bansa na raw si Mama kasama ng lalaki niya.  Sa tindi ng trauma at sakit ng loob na inabot ko, nasabi ko sa sarili ko na hinding-hinding ako tutulad sa kanila. Hindi ako papayag na makasal sa isang lalaking wala ni katiting na pagmamahal sa akin. Kaya ganoon na lang ang takot ko nang sabihin ni Papa na kailangan ko nang mag-asawa, dahil hindi na raw siya bumabata. Kailangan niya na raw ng makakatuwang sa pagpapatakbo ng negosyo. Kaya naman bigla akong na-pressure. Sa sobrang takot ay nasabi kong may asawa na ako. Masama kasi ang kutob ko, lately kasi may nababanggit sa akin na pangalan ng lalaki si Papa, anak daw iyon ng kumpare niya. Kahit hindi niya diretsang sabihin, nababasa ko ang iniisip niya. Nadadalas na rin kasi ang pagbanggit niya sa akin tungkol sa pag-aasawa ko. Sigurado akong may binabalak si Papa, kaya inunahan ko na siya. Hindi naman siya nagalit nang sinabi ko na nag-asawa na ko. Nasa tamang edad naman na raw ako. Iyon nga lang, hiniling niyang umuwi ako at ipakilala sa kanya ang napangasawa ko.  Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagdahilan kay Papa sa tuwing hihilingin niyang makita ang asawa ko kapag nagvi-videocall kame. Kung ano-anong palusot lang ang sinasabi ko. Todo ang pag-iwas ko sa mga tawag niya. Pero na-pressure  ako nang sabihin ni Papa, na kung hindi ako uuwi, siya na lang ang pupunta sa Canada at bibisita sa amin. Mas malaking gulo 'yon kapag nagkataon. Siguradong mabubuking ako ni Papa. Sinubukan kong maghanap sa  Canada ng taong papayag magpanggap bilang asawa ko. Pero wala akong makuha. Lahat kasi halos ng mga kaibigan ko doon, naipakilala ko kay Papa. Isang taon lang naman ang kailangan ko. Siguro naman ako na sa loob ng isang taon na iyon makakakilala ako ng lalaki na mamahalin ko at mamahalin din ako, maganda rin naman kasi ako. At pagkatapos noon, pwede na akong makipaghiwalay sa pekeng asawa ko. Palalabasin ko na lang na kunwari hindi kami nagkasundo. Kailangan ko lang siguraduhin na mabait at mapagkakatiwalaan ang makukuha kong magpapanggap bilang asawa ko. Pero paano ko nga ba gagawin 'yon, kung hanggang ngayon ay wala pa rin akong nakukuhang lalaki.  Nagpalinga-linga ako sa loob ng eroplano, nagbabakasakali na baka may makita ako na pwede kong gawing kasabwat para magpanggap na asawa ko. Nai-imagine ko na kasi noon na nag-aabang na sa airport si Papa kasama ng anak ng kaibigan na sinasabi niya. Malakas kasi ang kutob ko na hindi naniniwala si Papa na nag-asawa ako. Ni wala kasi akong maipakitang picture sa kanya maging sa social media. Halos mawalan na ako ng pag-asa nang mapansin ko ang lalaking katabi ko. Agad kong sinipat ang palasingsingan niya at tila swerte namang wala itong suot. Lihim akong napangiti. Tila pinag-aadya pa ako ng langit dahil nakasilip ako nang kaunting pag-asa. Palihim na sinuri ko ang lalaki mula ulo hanggang paa. Gwapo naman ito: maputi, matangkad at balingkinitan ang pangangatawan. Saktong-sakto sa mga tipo kong lalaki. Siguradong hindi na magtataka ang papa ko kung sakaling ito ang ipakilala ko bilang asawa. Pero ang tanong, pumayag kaya ang lalaki? Sa hitsura kasi nito, mukha rin naman itong may sinasabi sa buhay. Mariin akong napapikit bago ko sinimulan ang pagpapapansin sa lalaki. Nauubusan na kasi ako ng oras. Ilang minuto na lang at lalapag na ang eroplano sa Manila kaya kailangan ko nang kumilos. Sinubukan kong maghulog ng panyo para kunin ang atensiyon ng lalaki pero hindi niya ito napansin dahil abala siya sa kung anong binabasa. Napangiwi ako habang dinadampot ko ang panyo. Nagkunwari naman akong inuubo at sinadya ko pang ilakas para maagaw ang atensiyon ng lalaki. Ibinaba naman nito ang binasa at saka sumulyap sa akin. Ngingitian ko na sana siya pero bigla naman itong nagsuot ng face mask at bahagyang lumayo sa akin. Napapikit na lang ako. Mukha kasing maling tao ang naging target ko. Ang hirap  kasing kuhanin ng atensiyon nito. Paano ko pa kaya ito makukumbinsi kung ngayon palang ay hirap na akong  kuhanin ang atensiyon niya. Napausal ako ng dasal." Lord, please, pagbigyan niyo na po ako." Habang nag-iisip ako ng panibagong approach. Doon ko napansin ang suot niyang relo. Medyo gamit na gamit ang style na 'yon pero wala na akong choice. Bahala na kung ano ang maging reaction niya. Basta ang importante ay masubukan ko. "Excuse me, anong oras na?" lakas-loob na tanong ko. Lumingon naman siya sa akin atsaka sinipat ang suot niyang relo. " 9:00 a.m." sagot niya. Hindi pa nakakabuka ang bibig ko nang muli siyang nagsalita. "Sira ba ang relo mo, Miss?" Nag-init ang pisngi ko, ramdam ko ang pamumula ng mukha ko. Nahuli niya kasi ako dahil agad niyang napansin ang suot kong relo. "Oo, eh. Naubusan yata ng baterya," alanganin ang ngiting sagot ko. "Pulang-pula ka, ah, okay ka lang ba, Miss?" tanong niya. Sinamantala ko ang pagkakataon habang nakikipag-usap siya sa akin. "Okay lang ako. Ako nga pala si Jade, Jade Chua," nakangiting sabi ko sabay abot ng kamay ko sa kanya. "I'm Jared, Jared Dela Vega." sagot niya sabay abot sa kamay ko. Nakahinga ako nang maluwag. Hindi naman pala suplado ang lalaki. Doon ko na sinimulang makipag-usap sa kanya. "Pamilyar ang name mo, pang mayaman," kunwaring sabi ko. "Well, siguro dati. Pero hindi na ngayon. Kaya nga ako bumalik ng Pilipinas, eh. May problema akong kailangang ayusin sa negosyo namin," tipid ang ngiting sagot niya. Nangislap ang mga mata ko sa narinig. Tila umaayon kasi sa akin ang pagkakataon. Masama mang magdiwang sa kasawian ng iba, pero desperada na kasi ako, kailangan ko na kasing  makahanap ng lalaking magpapanggap bilang asawa ko. At gagamitin ko ang kahinaan niyang iyon para mapapayag ko siya. "I hope you don't mind. Pwede bang malaman kung anong nangyari?" alanganing tanong ko. "Nag-failed kasi iyong mga investments ni Dad. Tapos naloko raw siya ng ibang kasosyo niya sa negosyo. Kaya 'eto balik  Pinas ako para tutukan ang kaunting investment na natitira. Titingnan ko kung may magagawa pang paraan para maisalba," malungkot ang mukhang sabi niya. "Ah, parehas pala tayong may problema ngayon," pilit kong pinalungkot ang mukha ko. "Really? Pabagsak din ang negosyo niyo?" naniningkit pa ang mga matang tanong niya. Lihim akong napangiti. Kampante na kasing nakikipagkwentuhan sa akin ang lalaki. "Actually, mas malupit pa doon ang problema ko. Nakasalalay na kasi ang buhay at buong future ko," sagot ko. "Bakit?Ano ba ang problema mo?"  "Kailangan ko ng asawa," seryoso ang mukhang sabi ko. Bigla siyang natawa. "Are you serious?" naniningkit ang mga matang tanong niya sa akin. "Anong nakakatawa sa sinabi ko? Palihasa kasi siguro may asawa ka na, kaya pinagtatawanan mo na lang ang problema ko," nakatulis pa ang ngusong sabi ko. Sinusubukan ko na noong mamingwit ng impormasyon mula sa kanya. Kailangan ko kasing masigurado na wala siyang sabit. Napailing siya. "Wala pa akong asawa. Pero hindi ko 'yon pino-problema gaya mo," nangingiting sagot niya. "Sa ordinaryong tao siguro, oo, pero hindi sa isang katulad ko. Kapag hindi kasi ako nakahanap ng ipapakilala kong asawa sa papa ko, ipapakasal niya ako sa lalaking hindi ko gusto," matamlay na sagot ko. Pero tila hindi naman siya naniniwala sa akin na noo'y nagkibit-balikat pa bago sumagot. " Uso pa ba 'yung ganoon sa ngayon? Parang sa telebisyon ko na lang napapanood ang ganoon," sabi niya. "Baka pwede mo naman akong tulungan?" lakas-loob na tanong ko. "Paano naman?" kunot ang noong tanong niya. "Can you be my husband? Please?" diretsahang tanong ko. Napaawang ang mga labi niya atsaka sunod-sunod na umiling. "No way!" natatawang sabi niya na bahagya nang lumayo sa akin. "Sige na. Magbabayad ako kahit magkano. Isasalba ko ang negosyo mo. Promise tutulungan kita. Pero tulungan mo muna ako. Please!" mabilis at sunod-sunod na sabi ko. "Lumang gimik na 'yan Miss. Huwag ako, okay?" naiiling na sabi niya na noo'y dumistansiya na sa akin nang tuluyan. "Please naman. Magbabayad ako kahit magkano. Tulungan mo lang ako," todo pakiusap ko sa kanya. "No! Ayoko," mariing sabi niya. Tinakpan niya  ang tenga niya ng earpods atsaka ipinagpatuloy ang pagbabasa. Mariin akong napapikit sa pagkadismaya. Ilang minuto na lang kasi at lalapag na ang erplano sa Manila. Pero heto't biglang naglaho ang pagkakataon ko. Mukha kasing mahihirapan akong mapapayag siya. Kung pwede nga lang na basta na lang akong kumapit sa braso ng kung sinong lalaki, ginawa ko na sana. Pero kahit papano naman pinipili ko pa rin 'yung hitsura ng lalaking ipapakilala kong asawa, 'yung mukhang disente at  katanggap-tanggap. Mahirap na kasi baka mamaya mas lalo pa akong mapahamak sa gagawin ko. Perfect na sana itong si Jared na katabi ko dahil mukha namang mabait siya at matinong tao. Katunayan 'yung hindi niya pagpayag sa alok ko. Nangangahulugan lang na disenteng tao nga siya. Kung tutuusin sa sitwasyon niya ngayon, sobra-sobrang tanggapin niya ang alok ko para maisalba ang negosyo niya pero tinanggihan niya ako. Muli kong hiniritan si Jared, pero this time kakaibang approach naman. Susubukan ko ang charm ko. Bigla kong ikinawit ang kamay ko sa braso niya. "Please, tulungan mo naman ako, oh. Tatanawin kong malaking utang na loob 'to sa'yo. Please be my husband, kahit isang taon lang," nangingilid pa ang luhang sabi ko. Naasar na ibinaba niya ang binabasa atsaka siya muling bumaling sa akin. "Miss, kapag hindi ka pa tumigil, ire-report na kita," seryoso ang mukhang sabi niya at napipikong kinalas ang kamay ko na  nakahawak sa braso niya. "Pakiusap, hindi naman ako masamang tao. Kailangan ko lang talaga ang tulong mo ngayon," may himig pagmamakaawang sabi ko. Napailing siya. "Alam mo ba kung ano ang hinihiniling mo sa akin, Miss? Nawawala ka ba sa sarili mo ha?" kunot ang noong tanong niya. Pero hindi ko siya pinansin, sa halip ay ipinagpatuloy ko lang ang pagkunbinsi ko sa kanya. "Diba sabi mo nalulugi na ang mga negosyo niyo? Pwede kitang tulungan doon. Maimpluwensiya ang papa ko. Kaya ka naming tulungan," desperada nang sabi ko. Lalo namang nagdilim ang mukha ni Jared. "Maimpluwensiya ka pala. Bakit hindi ka bumili ng asawa mo sa baba. I'm sure marami doong nag-aabang sa katulad mo," sabi niya atsaka muling tumalikod sa akin. Napabuntong hininga ako. Paliit nang paliit ang mundo ko habang tumatakbo ang oras. Pabilis nang pabilis na rin ang t***k ng puso ko. Tila naghihintay na sa akin ang miserableng buhay ko sa baba. Habang lihim kong pinagmamasdan si Jared nakaisip ako ng plano. Bahala na kung ano ang kalalabasan ng gagawin ko. Ang importante ay hindi ako sumuko hanggang sa huli. Siguradong mas kamumuhian  ako ni Jared sa gagawin ko pero bahala na. Kailangan kong sumugal hanggang sa kahuli-hulihang chance na mayroon ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD