Chapter 3

1492 Words
LAKAD-TAKBO ang ginawa ko upang marating kaagad ang kinaroroonan ng Principal's Office. Ang sabi kasi ng adviser ko na si Mrs. Pingol, ay ipinatatawag daw ako ng principal at gusto raw akong makausap. Nang tanungin ko naman ito ay wala naman itong maibigay na impormasyon sa akin kung bakit. Mas lalo pang lumakas ang sasal ng kaba sa dibdib ko nang matanawan ko na ang pinto na may nakapaskil na 'Principal's Office'. Para akong nasusuka sa kaba, na hindi ko maintindihan. Para kasing alam ko na kung bakit ako nito ipinatatawag. Kahit na anong pakiusap ko ay hindi ko talaga napapayag ang teacher ko na magpasa na lang ng special project para mapunan ang pagiging late ng huling project na ipinasa ko. Ani pa nito nang huli kong makausap, 'Additional project for you, means, additional work for me, too. So, no.' Bulung-bulungan naman talaga sa university na terror daw talaga ang teacher na iyon. Ang sabi pa nga ng iba na naranasan nang ma-under sa subject na hawak nito ay nambabagsak daw talaga iyon, kahit pa graduating ang estudyante. Ang malas ko lang at doon pa natapat na nagka-problema ako. Nagastos ko kasi ang pera na gagamitin ko sana pambili ng materials para sa project sa klase niya nang magkasakit ang kapatid ko noong isang buwan. Kaya't wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang hintayin ang pagdating ng susunod kong allowance na mangagaling sa university, para sa susunod na buwan. Kaya hayun, na-late ako ng pagpasa. Tinanggap niya pa rin naman kahit na lagpas na sa deadline. Iyon nga lang ay hindi na sumapat ang ibinigay niyang grade sa kinakailangan upang mai-maintain ko ang scholarship ko, dahil nga may minus na iyon, komo late ko na nga na naipasa. Nang sapitin ko na ang pinto ng Principal's Office ay hindi muna ako kumatok at ilang sandali muna akong tumayo sa tapat niyon upang kahit na kaunti ay payapain muna ang malakas na t***k ng puso ko. Pakiramdam ko ay nakabara na sa lalamunan ko ang lahat ng emosyon na nararamdaman ko sa mga oras na ito. Parang malapit na akong maiyak sa kaba, kasama pa ang sama ng loob, dahil may posibilidad nga na hindi na ako mabigyan ng scholarship next school year. Makailang ulit akong huminga ng malalim bago ko naipasyang kumatok na sa pintuan at harapin na ang naka-ambang kapalaran ko. Kahit naman tumayo ako rito hanggang bukas ay wala pa rin namang magbabago. So, might as well, finish my misery, now. Marahan akong kumatok ng tatlong beses bilang warning knock, bago ko dahan-dahan na itinulak pabukas ang pintuan. Sumalubong sa akin ang malakas na buga ng airconditioner sa loob ng silid, pati na rin ang mabangong amoy ng citrus sa loob nito. Kaagad na nag-angat ng tingin si Mrs. Medina, ang principal ng senior high school department ng university, at ngumiti ng maliit nang makita ako. "Good afternoon, Miss. Mojica. Come in." Bagaman nakangiti ay naroon pa rin at hindi nawawala ang awtoridad sa anyo nito na siyang dahilan kung bakit halos lahat ng estudyante ay takot dito. Sumilay ang alanganing ngiti sa mga labi ko bago ako yumukod at bumati rin dito. "G-good afternoon po, Ma'am." Inayos nito ang suot nitong antipara. "Maupo ka, Miss. Mojica." Iminuwestra nito ng isang kamay ang visitor's chair sa harapan nito, bago pinagsalikop ang mga palad at ipinatong sa ibabaw ng malapad nitong mahogany table. Maliit akong ngumiti rito bago naupo. "Thank you po." "Bueno," panimula nito na nagpabalik ng dagundong ng kaba sa dibdib ko. "May palagay ako na alam mo na ang dahilan kung bakit ka narito at nais kong makausap. Tama ba ako, Miss Mojica?" Mahinang tango lang ang nakaya kong maging tugon sa tanong nito. May palagay ako na hindi ako makakausal ng kahit na isang salita man lang na hindi mababasag ang tinig ko. "I am so sorry, Miss Mojica, but that is the policy of the scholarship that you are into. I hope you understand. I want to ask you what happened at bumaba ang nakuha mong grado sa isang subject, but, wala naman na ring maitutulong iyon. I called you here to tell you, na ikinalulungkot ko, pero hindi ka na qualified para sa scholarship na kinabibilangan mo, next year." Tuluyan nang bumagsak ang kanina ko pa pinipigilang mga luha. Bagaman inaasahan ko nang iyon nga ang sasabihin sa akin ng principal ay hindi ko pa rin naiwasang maging emosyonal sa harapan nito. "Ma'am, wala na po ba talaga akong magagawa para ma-retain ang scholarship ko?" Wika ko sa basag na basag na tinig. "Grade twelve na po ako next school year. Isang taon na lang po at tapos ng po ako ng senior high school. Sayang naman po kung ngayon pa ako hihinto. Ma'am baka naman po mayroon pang ibang paraan. Kahit ano po... kahit mag-apply po ako bilang janitress, o staff sa canteen. Okay lang po sa akin, basta huwag lang po'ng mawala ang scholarship ko, pati na rin po ang monthly allowance ko." Alam ko na tunog desperada na ako, pero iyon naman talaga iyon, eh. Desperada na talaga ako. At gagawin ko ang lahat makatapos lang ako. Inalis nito ang suot na antipara at ngumiti sa akin. "I really admire students like you, hija. Kung sana lahat ng estudyante katulad mo, na gagawin ang lahat makatapos lang." Kahit na papaano ay nakasilip ako ng kaunting pag-asa sa nakikita kong liwanag sa mga mata ng kaharap ko. Mariin akong lumunok at muling nagsalita. "Kahit ano po, Ma'am. Gagawin ko po kahit ano, ma-retain lang po ang scholarship ko at makatapos ako." Nilangkapan ko ng labis na determinasyon ang tinig ko at baka sakali na mapagbago ko ang isip nito at tulungan akong mapanatili ang scholarship ko. Nakita ko ang pagdaan ng paghanga sa mga mata nito habang nakangiting nakatingin sa akin. "Bueno," iyon pa lang ang sinasabi nito ay nalalasahan ko na ang pag-asa sa dila ko. "Isa pang dahilan kaya kita ipinatawag ay para sabihin sa iyo, na ang nag-iisang anak ng major stockholder ng unibersidad na ito ay nangangailangan daw ng tutor." Kung napansin ko man ang pagdiriin ng salitang, daw, ng aking kaharap ay hindi ko na binigyan pang halaga. Ang importante ay ang sinasabi nito. Parang nahuhulaan ko na ang patutunguhan ng mga salita ng principal namin. "And, he specifically, mentioned your name, to do the job." Pagsasatinig nito sa nasa isip ko na, na sasabihin nito habang matamang nakatingin sa akin. Mabilis at walang pagdadalawang-isip akong tumango sa sinabi nito. Sus, sisiw na sisiw iyon. Kumpara kung magja-janitress ako sa university, o staff sa canteen. Mas kaunti lang ang kakaining oras noon, kumpara sa mga nabanggit kong trabaho. Hindi naman siguro kami magtuturuan ng otso oras maghapon. Malaki pa rin ang matitira kong oras para mag-aral din ng mga leksyon ko. "Pumapayag po ako, Ma'am." "It is settled, then." Hindi ko alam kung ngiti ba, o ngiwi ang gumitaw sa mukha ng aking kaharap. Na mabilis din naman nitong napalis. "You will transfer under Dr. Alejandro Montesilva Foundation," May inabot itong isang folder sa tabi nito at iniabot sa akin. "Read this carefully, and sign, after. Nandito lahat ang mga kailangan mong malaman tungkol sa magiging bagong scholarship program mo." Inabot ko ang folder at pinasadahan ng basa sa mismong harapan nito. At gayon na lamang ang tuwa ko nang makitang mas doble pa ng kasalukuyang allowance na natatanggap ko ang nakalagay doon. Doon pa lang, wala na akong kailangan pang pag-isipan. Kahit pa pagiging yaya ng anak ng stockholder ay papayag ako, sa laki ng halaga na ibibigay nila sa akin. Kaagad kong inilabas ang ballpen mula sa bag ko at pinirmahan ang ilang pahinang mga papel. Pagkatapos ay abot hanggang tainga ang ngiting ibinalik iyon sa principal. "Thank you po talaga, Ma'am." Walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama ko sa mga sandaling ito. Hindi ko naisip man lang, na ang akala ko kaninang katapusan na ng mga pangarap ko ay may naghihintay palang mas magandang oportunidad. "Kailan po ako mag-uumpisa?" Masigla na ang tinig na tanong ko. "You will start on Monday, next week." Luminga ito at mayroon pang inabot na tatlong magkakapatong na folders at saka inilapag sa harapan ko. "Here. Aralin mo iyan at iyan ang ituturo mo sa estudyante mo." Confident na binuklat ko ang nasa ibabaw na folder. Alam ko naman na mamaniin ko na lang ang mga lectures ng elementary dahil napagdaanan ko na iyon at naipasa ko, with flying colors. Ngunit gayon na lamang ang pangungunot ng noo ko nang makita kong hindi pamilyar sa akin ang mga nabasa ko roon. Nagtataka pa ring nag-angat akong muli ng tingin kay Mrs. Mojica. "M-ma'am, namali po yata kayo ng bigay ng folder." Bumuntong-hininga ang aming principal at muling pinagsalikop ang mga kamay sa mesa. "No. Iyan talaga iyon. Grade twelve student ang tuturuan mo." Laglag ang mga panga na napatanga na lamang ako rito, sa narinig kong sinabi niya. "P-po?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD