“Iwan ka man ng taong minahal mo nang todo, tiyak na may darating para sa’yo na mas deserving para sa pagmamahal mo.”
Geraldine
ANG TAGAL ko na sigurong nakasalampak sa damuhan. Dinadaanan at tinitingnan lang ako ng mga tao. Pero wala akong pakialam. Ang alam ko lang nasasaktan ako at gusto kong umiyak nang umiyak.
Ang sakit-sakit, eh. Hindi ko matanggap na ganoon lang niya ako kadaling iniwan?
Tinapon niya ng ganoon na lang ang lahat ng pinagsamahan namin ng wala man lang kahit anong eksplenasyon kung bakit?
Hindi na niya ako mahal? Ganoon ba kadaling mawala ang pagmamahal? Eight years, eight years relationship and suddenly he just give up. Paano na ang mga memories namin together, mananatili na lang bang memories?
Ang saya-saya pa namin last week, akala ko okay lang ang lahat. May plano pa kaming sumama sa reunion ng pamilya nila sa Tarlac. Tapos... tapos... tapos...
"Miss." Biglang may narinig akong isang tinig ng lalaki kaya't naputol ang pagmumuni-muni ko.
Paolo?
Sabi ko na nga ba, alam kong babalik siya dahil hindi niya kayang matitiis na makita akong umiiyak.
Nag-abot siya ng kamay para alalayan akong makatayo. Tiningnan ko siya kahit halos hindi ko maaninag ang mukha niya. Nanlalabo kasi ang mga mata ko dahil sa mga luha. Alam kong si Paolo siya kaya agad kong tinanggap ang kanyang kamay at mabilis na tumayo.
"Are you okay?" tanong niya sa akin.
Walang anu-ano'y bigla ko siyang niyakap nang mahigpit.
"Sabi ko na nga ba hindi mo ako matitiis. Babalikan mo ako," sabi ko. Humagulgol pa ako habang yakap-yakap ko siya.
"T-teka, miss." Pilit niyang inaalis ang pagkakayakap ko sa kanya. Hinawakan niya ang magkabilang braso ko at bahagyang nilalayo sa katawan niya. "Nagkakamali ka."
"Nagkakamali? Ano bang pagkakamali ko?" pasigaw na tanong ko sa kanya. Kumalas ako sa pagkakayakap at itinulak ng bahagya ang kanyang dibdib. Nakakainis kasi. "Minahal lang naman kita. Kulang pa ba lahat ng ginawa ko? Sabihin mo!"
"Miss, relax!" aniya. Nakataas ang dalawang kamay niya. He try to make me calm down pero nagpatuloy lang ako sa pagdadrama sa kanyang harapan. I shout at him para malaman niyang sobrang nasasaktan ako at hindi ko kayang mag-relax matapos niya akong iwan ng basta-basta na lang.
"Relax? Pagkatapos mong makipag-break sa akin, gusto mong mag-relax ako!" Patuloy pa rin ako sa paghi-hysterical. Pinagtitinginan na kami ng mga tao. Alam ko dahil naririnig ko rin ang mga bulungan ng ilang mga tao sa paligid.
"L.Q yata sila ng boyfriend niya."
"Oo nga. Mukhang `yong lalaki ang nakipag-break."
"Hindi naman siya `yong lalaking kasama niya kanina. Umalis na kaya iyon at iniwan siya."
"Talaga? Eh, bakit niya inaaaway iyang lalaking iyan?"
"Ewan ko. Baliw na yata."
Ako, baliw? Mga loko ito, ah. Pero ano raw? Hindi itong lalaking ito si Paolo?
"Kalma ka lang, miss," sabi ulit niya. Inalalayan niya ako patungo sa mahabang upuan.
Pinunasan ko naman ang mga luha ko gamit ang mga kamay ko at tinitigan ko siya. Guwapo siya. Matangkad rin, halos parehas sila ni Paolo ng built ng katawan. Matipuno ito, maputi, makinis ang mukha, medyo singkit ang mga mata, medyo makapal ang kilay, at oh my gosh! May dimples siya at pantay-pantay ang mapuputi niyang ngipin. Ngumiti kasi siya habang nakatingin rin sa akin.
Nag-init ang mukha ko sa kahihiyan. Bukod sa epic fail ako dahil napagkamalan ko siyang si Paolo. Para pa akong nagpantasya sa dimples niya. Ang cute naman kasi, napahanga lang ako nang konti. Konti lang talaga, promise.
Kaya pala panay din ang tawag niya ng Miss at magkaiba ang pabango nila nang yakapin ko siya. Hindi pala siya si Paolo. Nakakahiya talaga, nangyakap ako ng lalaking hindi ko kilala. Buti na lang guwapo.
"Sorry," sabi ko nang makaupo na kami. Umiwas ako ng tingin at yumuko.
"Okay lang. Masakit talaga kapag iniwan ka ng taong mahal mo."
Muling dumaloy ang mga luha ko. Naramdaman ko na naman iyong sakit nang maalala ko ang pakikipag-break ni Paolo. Tinakpan ko ang mga mata ko at humagulgol.
Hinagod niya ang likod ko. Lalo akong napaiyak. Bakit kasi kung kailan may nagko-comfort doon laging bumubuhos ang emosyon?
May dinukot siya sa kanyang bulsa. Isang panyo at ibinigay iyon sa akin. Tinanggap ko naman iyon.
Pinunasan ko ang mga luha ko. Suminga pa ako dahil sa tindi ng pag-iyak ko. Nagbarado na kasi ang ilong ko. Natawa naman ang lalaking katabi ko ngayon.
Tiningnan ko siya nang masama. "Anong nakakatawa ha?" pasinghal na sabi ko. Tama bang pagtawanan ang isang taong naiyak? Kainis siya ha?
"You're so disgusting. You are crying like a baby."
Disgusting? Crying like a baby? Wagas makalait nito, ah.
Sinimangutan ko siya. "Ang lakas mong manlait, ah. Umalis ka na nga!" Pagtataboy ko sa kanya.
"Wow, ha?" Nanlalaki ang mga matang bulalas niya. "Okay ka rin, ah. Concern na nga sa’yo galit ka pa."
"Ganyan ka ba magka-concern, nanlalait? Ikaw kaya ang iwan ng girlfriend mo, ewan ko lang kung hindi ka umiyak." Inirapan ko siya. Akala mo kung sinong makapanlait.
Kahit guwapo siya, wala siyang karapatang laitin ako sa pag-iyak ko, `no?
"Pero hindi naman ako iiyak nang ganyan katindi, `no?" natatawa pang sabi niya kaya nakakainis talaga.
Tini-trip yata ako ng mokong na ito, ah. Akala ko pa naman ang bait-bait, laitero pala.
“Yabang mo! `Yan na ang panyo mo! Hindi ko kailangan `yan.” Hinagis ko ang panyo sa mukha niya. Napangiwi naman siya. Tumayo na ako at naglakad palayo ngunit hinabol pa talaga niya ako.
"Hoy, miss!"
Napalingon ako at napatigil sa paglalakad. Hinarap ko siya na nakasalubong ang mga kilay.
"Pagkatapos mong singahan ang panyo ko ibabalik mo pa sa akin? Sa’yo na `yan." Hinawakan niya ang kamay ko at inilagay ang panyo sa palad ko. Pagkuwan ay tinalikuran na niya ako at lumakad na siya palayo.
"Abat... naku!" Gigil na gigil kong nilamukos ang panyong hawak ko. Nakakapag-init ng ulo ang lalaking iyon. "Mr. Yabang!" Aba't bingi pa yata. Hindi man lang ako nilingon. Tuloy- tuloy lang siya sa paglayo.
Kapag minamalas ka nga naman. Iniwan ka na ng boyfriend mo, makaka-encounter ka pa ng mayabang na lalaki sa mundo. Oh, kay saklap naman!
Muli akong humagulgol gamit ang panyong bigay ng estrangherong mayabang.
NAGTAGAL PA ako sa park bago nagpasyang umuwi. Padabog akong pumasok sa loob ng bahay. Naabutan kong nakaupo ang kapatid kong si Grachelle sa dining table. Kumakain na siya ng hapunan.
Si Grachelle ang one and only kikay buddy and sister ko. S'yempre maganda rin siya gaya ko. Twenty-two na siya. Dalawang taon lang ang age gap namin kaya magkasundong-magkasundo kami.
Pabagsak kong hinagis ang kahon at panyo sa lamesa. Napatigil naman siya sa pagsubo. Napatingin siya sa akin na nakakunot ang noo.
"San ka galing? Bakit ganyan ang itsura mo? Para kang ginahasa."
Ginahasa naman? Wala talagang preno ang bibig nito.
Sabagay, hindi ko siya masisisi. Mukha naman talaga akong ginahasa sa itsura ko. Kaya nga sa park pa lang, talk of the town na ako.
Magulo ang buhok ko. Mugto ang mga mata, nanlulupaypay at marumi ang damit. Naputikan kasi dahil sa pagkakasalampak ko sa damuhan. Umulan kasi noong isang araw kaya maputik pa.
Umupo ako sa silyang nasa harapan niya. Isinubsob ko ang mukha ko sa lamesa at muling humagulgol. Nagulat naman siya dahil sa lakas ng iyak ko.
"Hoy, ate. Ano bang nangyari?" nag-aalalang tanong niya sa akin.
Matagal bago ako nakasagot. Pahikbi-hikbi at hindi ako makapagsalita ng maayos.
"I-iniwan... n-na n-nya a-ako," sabi ko sabay hagulgol.
"Ha? Ano?" tanong niya na halatang hindi agad nakuha ang ibig kong sabihin. May pagka-slow din kasi ito minsan.
"S-si Paolo... n-nakipagbreak na siya sa akin." Wala pa rin akong tigil sa kakaiyak. Maalala ko lang iyon, naninikip na ang aking dibdib at hindi ko na mapigilan ang aking mga luha sa pagpatak.
"Anak ng pating!" bulalas nito. Muntik na nitong maibuga ang pagkaing nginunguya. May tumalsik pang ilang butil sa braso ko. "Siya ang nakipag-break sa’yo?"
Tango lang ang naisagot ko.
"Kapal ng mukha ng gagong `yon, ah! Sinasabi ko na nga ba, totoo `yong hinala ko dati na may ibang babae na siya."
Ibang babae? No! Never!
Lalong lumakas ang iyak ko pagkarinig sa sinabi niya. Totoong lagi niyang sinasabi sa akin na naghihinala siya kay Paolo na may iba na ito. Pero hindi ko iyon pinapaniwalaan. Malaki ang tiwala ko kay Paolo. Hindi nito magagawang lokohin ako.
"Hindi p’wede! Hindi niya ako maipagpapalit ng gano’n-gano’n lang."
"Eh, anong dahilan n’ya kung bakit siya nakipag-break sa’yo? Kung hindi sa ibang babae... teka, h'wag mong sabihing na-realize n'yang bakla siya kaya hindi na kayo p’wede." Nakangisi pa ito na waring nang-aasar.
Lakas talaga mag-trip nito! Tama bang magbiro pa?
"Loka-loka! Basta hindi ako papayag. Makikipagbalikan ako sa kanya. Hindi n'ya p’wedeng itapon lang ang eight years naming relationship."
"Ginawa na nga, eh. Kung ako sa’yo tanggapin mo na lang. Baka hindi kayo ang para sa isa't isa." Muli itong sumubo at ngumuya.
Sunod-sunod na iling ang ginawa ko. "Hindi ganoon kadaling tanggapin `yon. Siya na ang lalaking pinangarap ko, eh. Siya ang gusto kong pakasalan at makasama hanggang pagtanda. Sa kanya na umikot ang mundo ko."
"Siya lagi ang nasa tabi ko. Ang sweet pa nga niya kapag magkasama kami. Araw-araw siyang tumatawag at nagte-text. Sinabi pa niyang hindi niya ako iiwan at ipagpapalit kahit kaninong babae. Ako lang ang mahal niya at wala ng iba. Siguro may problema lang siya kaya siya nakipag-break. Pero mapag-uusapan pa namin iyon." Panay pa ang singhot ko habang nagsasalita.
"Ano, maghahabol ka? Hello Ate, wala sa lahi natin ang anak ni Gomburza. Kung ayaw sa’yo, h'wag mong pilitin, `no?"
"Nasasabi mo lang `yan dahil hanggang ngayon wala ka pang lovelife," ganting kantiyaw ko sa kanya sa kabila nang patuloy kong pag-iyak.
Sumimangot naman ito. "Choosy lang ako, `no?" Inirapan niya ako. Paano kasi sapul na naman siya kapag lovelife ang usapan, zero kasi siya. No boyfriend since birth.
Grachelle
ANG LAKI ng problema nito sa lovelife pati lovelife ko dinadamay. Masama bang walang boyfriend? Eh, sa wala akong matipuhan sa mga nanliligaw sa akin. At isa pa, iyong lalaking gusto ko, taken na. Kaya magpakatandang dalaga na lang siguro ako atleast sarili ko lang ang problema ko.
Inirapan ko siya saka binalik ang atensiyon ko sa pagkain. Hindi ko naman mapigilan ang sarili ko na hindi siya tingnan.
Nakatulala na naman siya habang patuloy pa din ang pagdaloy ng luha niya.
Tsss! Bakit ba kasi baliw na baliw siya sa Paolo na `yon? Halata namang manloloko at babaero.
"Gamitin mo kaya `yang panyo kaysa patak nang patak `yang luha mo sa lamesa. Baka tumalsik pa rito sa kinakain ko." Tinuro ko ang panyo na inihagis niya kanina.
Napatingin naman siya sa panyo tapos biglang sumimangot.
“Hay naku, ayoko nga. B'wisit `yang panyo na `yan. Pinalala pa n'yan ang bigat ng dibdib ko."
Napakunot ang noo ko. "Anong kinalaman ng panyo sa bigat ng dibdib mo?"
"Hindi `yong panyo, `yong may-ari n'yan. Napakayabang. Kakainis!" nanggigigil na sabi niya.
"Gwapo?" nakangising tanong ko.
Napaisip naman siya. Iniisip siguro niya `yong itsura ng lalaking iyon. Bigla siyang napasimangot ulit tapos umiling-iling.
"Mukha siyang bakulaw," aniya.
"Ay, kala ko pa naman knight in shining armor na ang peg," dismayadong sabi ko. "Kung gwapo sana iyon, baka iyon na ang destiny mo."
"Baliw. Hindi ang tipong `yon ang magiging knight, `no? At saka destiny? Hay naku, ayoko sa kanya!" nanggagalaiting sabi niya saka marahas na bumuntong-hininga. "Hay! `Wag na nga natin siyang pag-usapan, hindi naman siya ang topic dito, eh."
Nagkibit-balikat na lang ako at pinagpatuloy ang pagkain ko.
Lovelife naman kasi puro problema ang hatid kaya nga ba hindi ako nagbo-boyfriend. Ang sakit sa bangs kahit wala akong bangs.