KUNOT ang noo ng magandang mukha ng dalaga habang papasok sa kanilang mansyon. Nagkalat kasi ang mga damit at maleta sa labas at mula sa itaas ay ang malakas at nakakarindeng boses ng mommy Gwyn niya.
“Lumayas ka na sa pamamahay ko, Victor! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na maghiwalay na tayo! ayoko ko na sa iyo! nasusuka na ako sa pagmumukha mo!”
“Mom? What are you doing?” malakas ang kanyang boses kaya natigil sa paghagis ng gamit ang mommy niya mula sa itaas ng bintana.
“Adriela? Why are you here?” nagulat rin ang mommy niya nang makita siya sa ibaba. Dali-daling pumasok sa loob si Adriela at nilapag nang padaskol ang kanyang bag at umakyat siya sa ikaapat na palapag. Biglang namilog ang kanyang mata nang maabutan ang daddy niya na hawak ang baril at itinutok sa lalamunan nito. Bago pa iyon pumutok ay mabilis na naagaw ng dalaga ang baril at winaksi niya iyon kaya nalaglag sa hagdan.
“Dad? Dad?” niyakap ni Adriela ang ama at humagolhol ito nang iyak sa balikat niya. Ramdam niya ang paghihirap ng kalooban ng ama niya. Hinahagod-hagod niya ang likod nito at hinayaan na ilabas ng ama niya ang hinanakit nito para sa mommy niya. Ilang sandali pa ay nahimasmasan si Don Victor at inakay ni Adriela sa kuwarto nito umupo sa kama. Nakasandal sa headboard ang Don at hinaplos ang mukha ng anak.
“Dad, ‘wag n’yo na po ulit gawin ‘yon, ah? paano na lang pala kung nahuli ako ng dating ‘di iniwan n’yo na ako?” umiiyak na sambit ng dalaga.
“Anak, hirap na hirap na ang kalooban ko. Walang araw na hindi ako ini-insulto ng mommy mo. Alam kong matanda na ako, anak. Tanggap ko na naman na maghahanap ng ibang lalaki ang mommy mo dahil bata pa siya at active pa ang s*x life niya. Pero ang makipaghiwalay siya sa akin ay hindi ko matanggap, anak. Siya ang buhay ko, anak. Kayo na lang ang dahilan kaya ako nabubuhay.”
Sunod-sunod ang patak ng luha ni Adriela at hindi niya kayang titigan nang matagal ang ama.
“Babalik ako, dad. Kakausapin ko lang si mommy. Sisiguraduhin kong hihingi siya ng tawad sa inyo bago pa sumikat ang araw.” Ngumiti lang nang mapait ang ama niya at binitiwan na nito ang kamay niya.
Lumabas ng kuwarto si Adriela at pumasok sa kuwarto ng mommy niya at agad niya itong kinompronta.
“Ano na naman ‘to, Mom?” untag niya sa nanay niyang naninigarilyo malapit sa bintana. Nilagay nito ang sigarilyo sa ashtray at binalingan siya.
“Ano sa tingin mo, anak? dese-otso ka na, alam mo na ang dahilan. Ayoko ko na sa ama mong batugan!” turan nito sa kanya kaya lumapit siya dito at hinawakan ang robe ng mommy niya.
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? hindi batugan si daddy. Matanda na siya, mom. Pero imbes na alagaan mo siya ano ‘tong ginagawa mo, pinapalayas mo sa sarili niyang—“
“Sarili kong pamamahay, Adriela!” pinutol nito ang sasabihin niya. Napahilamos sa mukha ang mommy niya.
“Mom, kailangan kayo ni dad. Please, mag-isip ka naman! Hindi kasalanan ni daddy kung matanda na siya dapat tanggap mo na ‘yan dahil 30 years ang age gap ninyo at bago ka pa nagpakasal sa kanya tanggap mo na ang kahihinatnan ng lahat! Hindi ‘yong porket matanda na siya ay papalayasin mo na!” Mahaba niyang pangaral sa ina. Pero napailing-iling ito.
“Kailangan ko siyang palayasin dahil magpapakasal na ako. Magkakaroon ka na ng bago mong daddy, anak.”
“A—Ano?”
Nawindang si Adriela sa ipinagtapat sa kanya ng ina. Ngumiti nang matamis ang mommy niya.
“Yes, anak. Isa siyang doctor at tanggap niya na may anak ako. Gusto ka nga niyang makilala, anak. Magiging mabuti siyang ama sa iyo.”
“Mommmmyyyyyy!!!!!”
Umalingaw-ngaw ang malakas na boses ng dalaga sa buong mansyon. Halos sabunutan niya ang sarile sa kanyang nadinig. Sinagad ang pasensya niya. Napakawalang kuwenta at abot hanggang sa dulo ng kaugat-ugatan niya ang galit niya sa mommy niyang tuluyan nang nabaliw.
Maging siya ay pinalabas ng mommy niya sa kuwarto dahil mag-vi-video call daw ito at ang boyfriend nitong doctor. Walang nagawa si Adriela nang kinaladkad siya palabas ng sarile nilang guards dahil iyon ang utos ng mommy niya.
Halos magwala ang dalaga sa loob ng kuwarto nito. Sa mga gamit niya ibinunton ang galit sa mommy niya. Hanggang sa napagod ang dalaga at umiiyak ito sa sahig. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at paano mapigilan sa kalandian ang ina niya.
Tumunog ang phone niya pero hindi niya sinasagot. Patuloy ito sa pagtunog at kinuha niya na lang sa bulsa ng uniform niya, si Adeline ang tumatawag ang bestfriend niya. Nagtataka ito kung bakit siya umiiyak naroon umano ang kaibigan niya sa condo niya. Pero sinabi niyang narito siya sa mansyon ng parents niya. Sinabi niya kay Adeline ang problemang kinakaharap ng pamilya niya at nangako ang kaibigan niyang tutulungan siya nitong malutas ito. At ang una nilang gagawin ay alamin kung sino at saan hospital nagtatrabaho ang doctor na iyon.
******
INIS na kinalampag ni Adriela ang alarm clock nang tumunog na ito at hinila niya ang unan at itinapik sa kanyang teynga.
“Señorita, gising na at maaga pa ang pasok mo.”
Mas lalong nainis si Adriela nang marinig pa ang boses ng yaya niya hanggang sa lumapit ito at kinuha ang unan sa kanya.
“Puwede ba?” napasigaw na ang dalagita pero nang yumuko ang yaya niya ay napahilamos siya sa kanyang mukha at hindi natuloy ang sasabihin.
“I’m sorry, yaya.” Kaagad naman siyang humingi ng pasensya na siyang ikinangiti ng kasambahay. Mabait naman talaga ang kanyang alaga minsan lang talaga ay sinusumpong ito ng pagkamaldita lalo na kapag nabibitin sa tulog.
Walang nagawa si Adriela kundi ang dumiretso sa banyo at naligo. Hindi na siya nagtagal at naglotion at nagsuklay ng buhok. Naglagay lang siya ng kaunting make-up para matabunan ang eyebags niya gawa ng sobrang stress. Nang makapag-suot ng uniporme ay pumasok na siya sa elevator hanggang tumunog na iyon.
“Good morning, señorita?” sabay-sabay na bati sa kanya ng mga kasambahay.
“Morning. Si mommy and daddy?” tanong niya agad at nilapag ang bag sa sofa at umupo na siya sa mahabang lamesa at agad siyang ipinagtimpla ng kape dahil kailangan niya ito para hindi siya antukin maghapon.
“Kakaalis lang ho ni Madame, señorita. Ang daddy n’yo naman po ay naglalakad-lakad lang sa park.”
Hindi na lang kumibo si Adriela at nagsimula na siyang kumain. Pero wala siyang gana kahit pa napakaraming pagkain ang hinaing sa kanya ng mga ito. Tumayo na lang siya at nagsepilyo pagkatapos ay lumabas na siya ng mansyon.
“Good morning, señorita.” Magalang rin na pagbati sa kanya ng driver.
“Bakit nandito ang sasakyan ni mommy?” kunot noong tanong niya.
“Ah, kasi po señorita sinundo po ni doc si Madame kanina kaya hindi na nagdala ng sasakyan si Madame.”
Napatampal sa noo si Adriela sa sinagot ng driver. Binuksan na lang ng driver ang sasakyan at pinapasok na siya. Pagkatapos ay nagmamadali ang driver na makasakay hanggang sa tumakbo na ang sasakyan.
“So, kailan mo pa nakilala ang kabet ni mommy?” diretsong tanong ng dalagita.
Napatingin pa sa rear mirror ang driver. Marahil ay nagulat ito dahil alam na niya. “Alam kong si mommy ang nagpapasweldo sa iyo kaya pinatatakpan mo siya. Puwes, ‘wag kang magkakamaling pagtakpan siya sa akin ngayon!” pagbabanta ni Adriela.
“Dalawang buwan na po ang nakalipas. Dinala po siya ni Madame dito at pinakilala sa amin.” Tugon ng driver.
Dismayadong nabitawan ni Adriela ang hawak na phone. Ibig sabihin ay matagal na pala itong kalokohan ng mommy niya. At walang balak ang mommy niya na ipagtapat sa kanya kundi sinabi ni Minda na barkada niya ay hindi niya malalaman. Hindi kasi siya umuuwi dito sa mansyon nila dahil nag-uupa siya ng condo malapit sa university niya. At mula ngayon ay dito na siya uuwi.