Katulad ng plano ay hinatid siya ni Nanay Lita sa bayan. Sumakay sila ng traysikel at mabuti na lang naroon si Carlos sa kaharap ng convenient store naghihintay sa kanya. “Paano ba ‘yan hija aalis na ako at nandito na ang kaibigan mo. Kay gandang lalake pala at ang puti.” Ngumiti si Carlos kay Nanay Lita siya naman ay ginagap ang kamay nito at nagpasalamat. “Thank you very much po Nanay Lita. Hindi ko makakalimutan ang kabutihan mo at kahit simple lang ang pamumuhay ninyo ay napakasaya n’yo naman. Sayang lang po at sa maikling panahon lang tayo nagkasama. Mag-iingat po kayo at pakisabi kay Tatay Tacio na maraming salamat sa pagpapatuloy.” Magalang niyang wika. “Walang anuman hija. Sana’y magkikita pa tayo, mag-iingat ka rin at hangad kong maging matagumpay ka sa mithiin mo sa buhay.”