Part 5

1242 Words
HINDI magawang alisin ni Belle ang pagkakatitig niya sa mga matang iyon na para siyang nahihipnotismo. Napakurap lang siya nang dumiin ang hawak nito sa braso niya at nang muli niya itong tingnan ay nakita na niya ang buong mukha nito. Napasinghap siya at nanlaki ang mga mata niya nang makitang bukod sa mga mata nito ay walan ng kaaya-aya pa sa mukha nito. Halos natatabunan ang ibabang mukha nito ng balbas at bigote at ang kalahati ng mukha nito ay may peklat na tila nasunog. Umangat ang gilid ng mga labi nito sa panunuya. “Scared now? You should be. You are tresspassing. Pwede kitang kasuhan at ipakulong sa ginawa mo alam mo ba?” gigil pa ring bulalas nito. “S-sorry,” tanging nasabi niya dahil nararamdaman na niya ang kirot sa kamay niya. Nabitawan niya ang mga rosas at napunta roon ang tingin nito. Nakita niya kung paano nagdilim ang mukha nito – na ni hindi niya naisip na posible pa palang dumilim – at humigpit ang hawak nito sa kaniya na nais na niyang mapahiyaw sa sakit. Ang mga mata nito ay dumilim at nagningas sa galit. “How dare you to come here and pick those flowers. You are going to pay for this,” gigil na sabi nito. Pagkatapos ay bigla siyang hinatak patungo sa direksyon na tila back door ng bahay. Nakaramdam na siya ng labis na takot dahil sa kabila ng paika-ikang paglalakad nito habang hawak ang isang tungkod sa kanang kamay ay napakahigpit pa rin ng hawak nito sa kaniya. “Saan mo ako dadalhin? Hindi ako sasama sa iyo. Sorry na nga eh. Parang tatlong pirasong bulaklak lang naman iyon,” reklamo niya rito. Huminto ito at muli siyang hinarap. “You have no idea what you are talking about. This garden is far more important that your life,” gigil na sagot nito bago siya muling hinatak papasok. Nagmumura ito sa tuwing humahakbang ang isang binti nito, patunay na sa kabila ng lahat ay nasasaktan ito. Siya naman ay naiiyak na sa labis na takot. Bakit ba ito nagkakaganoon dahil lang sa bulaklak? Hindi ba pwedeng humingi ng sorry pagkatapos ay pabayaan na siya nitong umalis? Subalit bigla ay napagtanto niya na ito ang lalaking tinutukoy ng landlady nila. Ito ang lalaking pumatay umano sa asawa nito nang isang gabi ay masiraan ito ng ulo. Papatayin din ba siya nito dahil lang nag tresspassing siya? Napaigik siya nang pagpasok nila sa bahay ay pabalibag siya nitong itinulak paupo sa sofa. Napaubo pa siya dahil sa alikabok na lumabas nang bumagsak siya roon. “Don’t you dare move,” marahas na utos nito sa kaniya. Sa takot ay hindi nga siya kumilos at nanlalaki lang ang mga matang napatingin dito. Lumapit ito sa lamesa at hinablot mula roon ang isang cellphone. “A-anong gagawin mo?” tarantang tanong niya. Tinapunan siya nito ng matalim na tingin bago nito inilagay sa tainga nito ang cellphone. “Tatawag ako ng pulis.” Napatayo siya. “Huwag. Parang awa mo na hindi naman kailangang dumating pa sa ganito. Hindi ko naman sinasadyang –” “Sinadya mong pumasok sa property ko. May bakod ang paligid kaya sigurado akong alam mong private property ang lugar na ito. And the worst thing was you ruined my garden. I will not forgive you for that. Now stay there and shut up o hindi ka na maabutan ng pulis dito. Iyon ba ang gusto mo?” asik nito sa kaniya. Magsasalita pa sana siya ngunit tumalikod na ito sa kaniya. “Adrian. Where are you? May nahuli akong tresspasser sa bahay ko. No, I will not just let it be. She ruined the roses and I will not forgive anyone who does that.” Saglit na tumahimik ito at tila nakikinig sa kausap nito sa kabilang linya. “Good. Gusto kong maparusahan siya para maging aral sa iba pang tao sa lugar na ito at huwag nang ulitin ang ginawa niya.” Mariin na niyang kagat ang mga labi niya sa labis na nerbiyos nang matapos itong makipag-usap sa cellphone nito. At nang humarap ito sa kaniya at masalubong ng tingin niya ang mga mata nito ay nahigit niya ang hininga. “H-hindi mo naman ako kailangang ipapulis,” lakas loob na usal niya. Siguro nga ay dulot ng naging paglaki niya, pero gaya ng mga kapatid niya ay natataranta siya kapag naririnig niya ang tungkol sa pulis. Lalo na at kaya sila nasa bayang iyon ay dahil may tinatakbuhan silang mga pulis. “Wala ka sa lugar para magdesisyon kung ano ang gagawin ko sa iyo,” malamig na sagot nito. Napayuko siya at wala sa loob na napatingin sa mga kamay niya na ang isa ay dumudugo pa rin. Noon lang din niya muling naramdaman ang kirot ng braso niya. Dumiin ang pagkakakagat niya sa mga labi niya at pinunas sa laylayan ng tshirt niya ang kamay niya upang alisin ang dugo roon. Narinig niya ang lagutok ng tungkod nito sa marmol na sahig ngunit hindi siya nag-angat ng tingin. Pagkatapos ay ang pagbukas ng cabinet at paghalukay nito roon. Nag-angat lang siya ng tingin nang may inihagis ito sa tabi niya. “Use that,” utos nito sa kaniya. First aid kit box ang hinagis nito sa tabi niya. Napamaang siya roon bago iyon bantulot na hinawakan. “Salamat,” mahinang usal niya. Mukhang hindi naman pala ito ganoon kasama na gaya ng iniisip niya. “Don’t be. Ayoko lang na magkaroon ka ng pagkakataong sabihin na sinaktan kita dahil hindi ko kasalanan kung bakit ka may sugat ngayon. Kasalanan mo dahil nangingielam ka ng bagay na hindi sa iyo.” Mariin niyang napaglapat ang mga labi sa magaspang na sagot nito. Binabawi na niya ang naisip niya na hindi naman ito kasing sama. Masama talaga ito. Tahimik na ginamot niya ang mga hiwang nakuha niya sa tinik ng rosas at nilagyan ng mga band-aid. Ito naman ay hindi na nagsalita at umupo sa silyang malayo sa kaniya. Wala nang nagsalita pa sa kanila habang naghihintay sila. Nang matapos siyang asikasuhin ang mga sugat niya ay pasimple niya itong sinulyapan. Nakatingin ito sa malaking salaming pinto kung saan kita ang hardin ng mga rosas. Dahil doon ay nagkaroon siya ng pagkakataong matingnan ito ng husto. Malaki itong tao kumpara sa karaniwan. Malaki ang silyang inuupuan nito pero tila masyado pa rin itong malaki para doon. Nakakupas na pantalong maong lamang ito na humahakab sa hita at binti nito, simpleng tshirt at itim na jacket na dahil nakapagkit sa katawan nito ay nakikita niyang wala itong taba sa katawan. Bahagyang mahaba ang buhok nito na hanggang ibaba na ng batok nito at balbas sarado ito. At ang peklat nito sa mukha na tila sinunog iyon, gusto niyang malaman kung ano ang nangyari roon. Subalit alam niyang aangilan lang siya nito kapag nagtanong siya. “Tigilan mo ang pagtitig mo sa akin kung ayaw mong bangungutin ka sa susunod na pagtulog mo. Which will surely be inside a jail,” malamig na basag nito sa katahimikan na hindi inaalis ang tingin sa hardin. Napakurap siya at nanlamig sa sinabi nito. Nag-iwas siya ng tingin at iniwasan na itong tingnan pa. Sa halip ay inisip niya ang mga kapatid niya. Sabi naman kasi niya sa mga ito na huwag na nila pang tangkaing puntahan ang bahay na ito. Wala sana siya sa posisyon niyang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD