Part 1

1483 Words
“BELLE! Gumising ka dali!” Naalipungatan si Belle sa marahas na yugyog sa balikat niya at masakit sa ulong pagtawag sa kaniya ng ate Beverly niya. Pupungay-pungay pang iminulat niya ang mga mata. “Ate, tatlong oras pa lang akong nakakatulog,” reklamo niya rito. “Sige, matulog ka pa para maabutan ka ng mga pulis dito!” taranta namang sabi ng ate Shyra niya na inilalagay na ang mga damit nito sa malaking maleta. Tuluyan na siyang nagising at marahas na napabangon. “Teka, bakit anong nangyari?” litong tanong niya sa mga kapatid niya. “Ito kasing si Shyra, mangaakit lang ng lalaki, NBI asset pa! Ta-tanga-tanga,” gigil na sabi ng ate Beverly niya. Napatili ito sa sakit nang batuhin ito ng ate Shyra niya ng hanger. “Gaga ka pala e. Malay ko ba? Sino bang may kasalanan bakit tayo nagkarecord sa NBI hindi ba ikaw? Kasi iyong huling DOM na ginoyo mo natiktikan ka at naireklamo. E may kapit pala iyon. Tapos ngayon ako ang sisisihin mo? Isa pa ang pogi pogi kaya ng lalaking iyon. Nilapitan ko siya hindi lang dahil gusto ko siyang perahan ‘no!” Mukhang magsasabunutan pa ang mga ate niya kaya tumayo na siya at pumagitan. “Tama na. Lalo tayong maabutan ng mga pulis kung mag-aaway kayo. Magempake na lang tayo,” saway niya sa mga ito. Tulad ng inaasahan niya ay natakot ang mga ito sa pagbanggit niya ng pulis kaya nagsipagempake na ang mga ito. Napabuntong hininga siya at mabilis na ring kumilos upang magimpake. Kumpara sa mga ito ay kaunti lang naman ang mga gamit niya kaya mabilis niya iyong nasuksok lahat sa maleta niya. Sanay na siya sa biglang pageempake kaya mas gusto niya na kaunti lang ang gamit niya. Mula pagkabata ay gawain na nila iyon. Mga propesyunal na manggagantso ang mga magulang nila. Noong bata pa siya ay hindi niya maintindihan kung bakit madalas sa gitna ng gabi ay gigisingin sila ng mga ito para lumipat ng bahay. Ngunit nang magkaisip siya ay nalaman niyang dahil iyon tumatakas ang mga ito sa pinagkakautangan at mga nadugas ng mga ito. Ilang beses niyang tinanong sa mga ito noon kung bakit ganoon ang trabaho ng mga ito. Ang palaging sagot ng mga ito sa kaniya ay mas madali raw ang pera doon. Kaya naniwala siya sa mga ito. Lalo pa at maging ang mga ate niya ay unti-unti na ring napapasama sa mga raket ng mga magulang nila. Hanggang sa pati siya ay ganoong buhay na ang natutunan. Hindi nga lang siya kasing galing ng mga kapatid niya. Madalas tumatayo siyang back up ng mga ito kapag nasa trabaho ang mga ito. Kumpara daw kasi sa mga ito ay may konsiyensya siya kaya baka pumalpak pa sila. Hindi raw maganda sa trabaho nila iyon. “Hindi ka tatagal sa mundong ito kung palagi mong pinapairal iyang konsiyensiya mo Belle. Para lang iyan sa mga may pera at lumaki sa matinong pamilya, hindi para sa atin.” Natatandaan niya na palaging sermon sa kaniya ng mga kapatid niya. Hindi naman siya makasagot at lalong hindi niya magagawang awayin ang mga ito dahil ang mga ito ang halos bumuhay sa kaniya. Mas matanda kasi ang ate Shyra niya sa kaniya ng apat na taon at limang taon naman ang tanda ng ate Beverly niya sa kaniya. ini     Nasa elementara pa lamang kasi siya ay napadalas na ang pag-aaway ng mga magulang nila. Tumagal iyon ng dalawang taon bago nagdesisyong maghiwalay ang mga ito. O mas tamang sabihing, bigla na lamang magkahiwalay na umalis ang mga ito na hindi man lang sila kinausap na magkakapatid at hindi na bumalik pa. Kung tutuusin ay pwede rin siyang pabayaan ng mga kapatid niya pero hindi ginawa ng mga ito. Kaya sa totoo lang ay hindi niya magawang magalit sa mga ate niya na naging mga manggagantso rin ang mga ito at tinuturuan na rin siyang sumunod sa yapak ng mga ito. Iyon lang ang alam nilang paraan para mabuhay at nang layasan sila ng mga magulang niya ay kinailangan nilang gawin iyon dahil kung hindi ay magugutom sila. Wala rin naman kasing nakapagkolehiyo sa kanilang tatlo dahil wala sa bokabularyo iyon ng mga magulang nila. Mabuti na lang at namana nilang tatlo ang kagandahan at kaguwapuhan ng mga magulang niya na ginagamit ng mga ito upang makapanloko ng mga tao. Iyon rin ang naging puhunan nilang magkakapatid. “Tapos ka na bang magempake Belle?” tanong sa kaniya ng ate Beverly niya na bahagya pang hinihingal. Nilingon niya ito at tumango siya. “Mabuti. Tara na,” sabi naman ng ate Shyra niya na nauna pa sa pinto. Ngunit kakabukas pa lamang nito niyon ay marahas na itong napamura at muling isinara ang pinto. “Nasa labas siya. May kasama pang isang lalaki na mukha ring pulis. Puñeta!” Lalo na itong nataranta. Kahit siya ay nakaramdam na rin ng kaba at kinipkip ang bag niya. “Huwag ka nga munang mataranta diyan. Dito tayo dumaan,” sabi ng ate Beverly niya na binuksan ang bintana nila na hindi naman nila napapakinabangan dahil may nakadikit ding malaking building sa tapat niyon. Isang dipa lang ang espasyo sa pagitan ng apartment building nila at ng building na iyon.  “Fire escape dati ito bago tinayo iyang katapat na building sabi ng landlady. Kasya tayo dito.” Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong purihin ang ate niya dahil nakarinig na sila ng sunod-sunod na katok sa pinto. Mabilis na lumusot sila isa-isa sa bintana. Lumalagutok ang bakal na hagdan na tila ba masisira iyon anumang oras pero wala na silang pakialam doon. Ang mahalaga ay makatakas sila. “Takbo tara,” muling utos ng ate Beverly niya. Hingal kabayo na sila nang makarating sila sa pinakamalapit na bus station sa apartment nila. “Saan na tayo pupunta?” tanong niya sa mga kapatid niya. “Kahit saan basta malayo sa maynila. Dapat magpalamig muna tayo,” sabi ng ate Shyra niya. “Sandali, magtatanong ako kung ano sa mga bus dito ang pinakamalayo ang biyahe. May pera naman tayo pamasahe no?” tanong niya sa mga kapatid niya. Mahirap na baka nagastos na ng mga ito ang pera nila. May pagkagastadora pa naman ang mga ito. Mahilig mamili at magkunwang mayaman ang mga ito kaya hayun at naglalakihan ang mga maleta ng mga ito. Ang katwiran ng mga ito sa kaniya ay ginagamit ng mga ito iyon para sa trabaho. Kung siya ang tatanungin ay mas gusto niya sanang ipunin na lamang nila ang pera at gamitin iyon upang makapagsimula ng bagong buhay. “Meron pa naman. Kaya pa natin magtago kahit isang buwan,” sagot ni ate Beverly. Tumango siya at mabilis na nagtungo sa ticketing office ng istasyon ng bus. Pagkatapos niyang magtanong doon at bumili ng ticket ay bumalik siya sa mga kapatid niya. “San Bartolome daw ang pinakamalayong lugar na hihintuan ng mga bus dito. May paalis na raw na isang bus kaya sumakay na tayo.” “Mabuti naman. Baka maisipan pa ng mga humahabol sa atin tingnan ang bus station na ito.” Iyon lang at nagpatiuna na ang mga ito pasakay ng bus. Napabuntong hininga na lamang siya at sumunod sa mga ito. Nang makaupo na sila at umusad na ang bus ay noon lang niya naramdamang nakalma na ang mga kapatid niya. Siya naman ay hindi alam kung ano ang mararamdaman. Pupunta na naman sila sa malayong lugar na wala silang kakilala. Magtatago na naman sila sa mga naloko nilang tao na gaya ng dati. Sa loob ng dalawampu’t limang taon ng buhay niya ay palagi na lang silang ganoon. Ni hindi siya nagkaroon ng kaibigan kahit isang beses lang dahil sa dalas nilang maglipat ng bahay. Hindi rin naman kasi siya maaring makipagkaibigan dahil ayon sa mga magulang nila noon ay hindi makakabuti sa kanila kung maraming nakakakilala sa kanila. Mas malaki raw ang posibilidad na mahuli sila. Sa totoo lang ay napapagod na siya sa ganoong buhay. Gusto niyang maranasang tumira sa isang bahay ng permanente, magkaroon ng matinong trabaho o kaya ay munting negosyo, makakilala ng mga taong maaring maging malapit sa kaniya na hindi siya matatakot na magiging dahilan iyon upang bumagsak sila sa kulungan. Ngunit tuwing sinasabi niya iyon sa mga kapatid niya ay tinatawanan lang siya ng mga ito. Imposible raw iyon maliban na lang daw kung makakapag-asawa siya ng isang matinong lalaking tatanggapin siya kahit ganoon kagulo ang pamilya niya. Muli siyang napabuntong hininga at tumitig sa labas ng bintana. Hanggang pangarap na nga lang yata ang bagong buhay para sa kaniya. Dahil walang lalaking gaya niyon ang magkakagusto sa isang gaya niya. Kaya nga gusto niyang magbagong buhay. Kukumbinsihin ko ulit sila ate habang nasa San Bartolome kami. Hindi pwedeng habambuhay kaming ganito. Determinado niyang naisip. Maya-maya pa ay nakatulog na siya sa biyahe.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD