"Dapa!"
At pagkatapos kong marinig ang malakas na boses ni tatay ay madali akong dumapa sa kung saan ako nakatayo.
Sunod-sunod na pagputok ng baril ang mga narinig ko kaya naman pinakadapa ko talaga ng mabuti habang nakatakip sa aking mga tainga ang dalawa kong magkabilang kamay.
"Joy, anak, kaya mo bang gumapang? Anak, kailangan mong makaalis. Kailangan mong mabuhay," sambit sa akin ni tatay habang nakatingin sila sa akin ni Nanay.
Kagagaling naming mag-anak sa isang peryahan sa malapit at ngayon nga ay pabalik na sana kami sa aming payak na bahay-kubo.
Alam kong gusto ni tatay na makaligtas ako pero hindi ko yata kayang iwan na lang sila ni nanay lalo pa sa ganitong sitwasyon.
Bakit ba bigla na lang may sunod-sunod na pagputok ng baril?
Sino ang mga taong walang habas na namamaril sa gitna ng tahimik na gabi at alam na maraming inosenteng tao sa paligid.
"Makinig ka, Joy. Kailangan mong gumapang patungo sa talahiban at makatakas sa lugar na ito. Tandaan mo na kahit anong mangyari ay huwag na huwag ka ng lilingon at babalik pa hanggang sa makaligtas ka na," bilin ni tatay sa akin.
Umiling ako at hindi ko na napigilan ang umiyak.
"Tay, hindi ko po kaya. Hindi ko kayang iwan kayo ni Nanay. Paano po kung mabaril nila kayo?" pagtutol ko sa nais na ipagawa sa akin ni tatay.
"Joy, napaka delikado, anak. Makinig ka sa amin ng tatay mo. Kailangan mong makaalis at tiyakin na ligtas kang mabubuhay." Ang wika naman ni nanay na umiiyak na rin pero nakangiti.
"Ayoko po, nay, tay. Hindi ko po kayo iiwan. Ayoko po," patuloy ko rin na giit.
"Joy, anak. Hindi tayo pwedeng mamatay pare-pareho dito. Kailangan na mabuhay ka dahil bata ka pa at marami pang naghihintay na magandang bukas para sayo. Kaya anak, umalis ka. Nakikiusap ako na umalis ka na. Parang awa mo na anak." At sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko kung paano umiyak si Tatay.
Lalo akong nakadama ng panghihina sa mga luha na naglandas sa mga pisngi ni tatay.
Madilim man ang paligid ay hindi naging hadlang para masilayan ko ang kislap ng kanyang mga luha
"Anak, mahal na mahal ka namin. Tandaan mo yan, ha." Sabay yakap pa sa akin ni Mama na dahan-dahan din na gumapang patungo kung saan ako nakadapa.
"Mag-iingat ka, anak. At ipangako mo na mabubuhay ka ng matagal kasama ng magiging asawa mo sa hinaharap at magiging mga anak mo na siyang mga apo namin ng nanay mo."
Hindi ko magawang matuwa sa mga sinasabi ni tatay.
Nagbibilin siya na para bang ito na ang huling araw na magkakasama-sama kaming pamilya.
Nag-iisa lang akong anak ng mga magulang ko at masasabi ko naman na sa kabila ng pagiging payak ng aming pamumuhay ay hindi naman nagkulang sa akin sina nanay at tatay.
Isang manlililok si tatay.
Karamihan sa mga ginagawa niya ay mga santo na makikita sa mga simbahan o kaya naman ay ang mga naka display sa mga bahay.
Ang halos din na mga laruan ko ay gawa ni tatay sa mga piraso ng kahoy na galing sa mga ng gawa na order sa kanya ng mga parokyano na napabilib talaga sa kanyang mga gawa.
"Anak, magmadali ka na at mag-iingat ka. Hindi ka dapat madamay sa kaguluhan na ito." Pagtataboy na sa akin ulit ni tatay sabay tulak pa sa katawan ko patungo sa talahiban na malapit lang sa kung nasaan kami.
Ayoko talagang umalis.
Ayoko talagang iwan ang mga magulang ko.
Ngunit napadapa na lang ulit kami ng mabuti ng marinig na naman ang sunod-sunod na putok ng baril.
"Alis na, Joy! Umalis ka na, anak. Nakikiusap kami ng nanay mo." Pagsusumamo ni tatay sa akin.
Tinitigan ko sila ni nanay habang nanlalabo na ang mga mata ko dahil sa mga luha na hindi na ma- ampat-ampat.
Pareho sila ni nanay na sumesenyas na umalis na ako.
"Alis na anak. Bukas din ay magkikita tayo sa bahay. Kaya umalis ka na," sabi pa sa akin ni tatay kaya naman nabuhayan ako ng loob.
Hindi na ako bata dahil fifteen years old na rin naman ako kaya alam ko na nasa delikadong sitwasyon kami Pero ng marinig kay tatay ang mga katagang magkikita rin kami sa bahay ay para ba akong masunurin na bata na naniniwala na sa kanyang pangako.
"Nay, Tay, hihintayin ko po kayo. Mahal na mahal ko rin po kayo," sambit ko pa sa mga magulang ko bago pa ako nagpasya ng iwan sila.
"Mahal na mahal ka namin, Joy. Mag-iingat ka, anak," nagawa pa na tumugon ni tatay sa akin bago muling pumailanlang ang sunod-sunod na pagputok ng mga baril.
Gusto ko man na bumalik ay naaalala ko ang bilin ng mga magulang ko na kahit anong mangyari ay huwag na huwag na akong babalik.
Kahit masakit na ang mga siko ko sa mga tinik ng mga ligaw na damo ay hindi ko na alintana pa sapagkat alam kong hindi biro ang kalagayan namin lalo na ng mga magulang ko na naiwan sa lugar kung saan malapit lang ang mga namamaril.
Hindi ko alam kung bakit ang tahimik naming lugar ay bigla na lang binulabog ng kung sinong masasamang mga tao.
Napansin ko na may konting pagbabago sa aming buhay simula ng magpasyang magtrabaho si tatay sa maynila bilang trabahador ng isang planta.
Noong una ay okay naman dahil stable ang sahod ni tatay na malaki kung ikukumpara sa kinikita niya sa paglililok na madalang pa sa patak ng ulan kong magkaroon si tatay ng galanteng customer.
Naka ilang buwan lang si tatay sa maynila ng magulat na lang kami ni nanay na umuwi siya ng walang pasabi at wala pa sa takdang araw kung saan siya dapat na umuwi.
Balik paglililok ang trabaho ni tatay pero nakapagtataka na kahit isa ay wala siyang natatapos sa mga nais niyang simulan na gawin.
Ibig sabihin lang ay wala sa konsentrasyon si tatay kaya wala siyang matapos na gawain.
Tinatanong naman namin ni nanay kung may problema si tatay pero pag-iling lang ang kanyang nagiging sagot at naninibago lang daw siya dahil ilang buwan din na hindi niya nahawakan ang kanyang mga gamit sa paglililok.
"Nay, Tay, nasaan na po kayo? Kanina pa ako naghihintay sa inyo," bulong ko habang nagtatago pa rin sa mga halamanan na malapit sa aming bahay-kubo.
Hindi ako lumalapit sa bahay dahil hinihintay ko pa na dumating sina nanay at tatay.
Dapat ay tawagin na muna nila ang pangalan ko bago ako lumalabas dito sa tinataguan ko.
Kahit kung anu-anong insekto na ang kumakagat sa balat ko at kung anong mga tinik ng mga halaman ang nakadikit sa akin ay wala na akong pakialam pa.
Ang gusto ko lang ay dumating na sina nanay at tatay.
Pagod na pagod na rin ako kaya gusto ko ng magpahinga. Kaya naman sana ay dumating na ang mga magulang ko.
Kanina pa ako usal ng usal ng pangalangin para sa kaligtasan nina nanay at tatay.
Sana ay mali ako ng hinala na maaaring si tatay mismo ang hinahanap ng mga hindi kilalang mga masasamang tao na basta na lang nagpaputok ng kanilang mga baril.
Bigla na lang may bumukas ang pinto ng aming bahay at kitang-kita ko ang pagpasok ng mga hindi kilalang mga lalaki na may mga dala pang mahahabang mga baril.
Tila naumid ang aking dila.
Hindi ako makapaniwala. Kung ganun ay tama ang aking hinala na si tatay at kaming pamilya niya ang hinahanap ng mga masasamang mga tao.
Yumuko ako at saka ko pa tinakpan ang aking bibig para hindi makalikha ng anuman na ingay lalo pa at umikot na sa likod ng aming bahay ang mga armadong lalaki na malamang na kami ang mga hinahanap.
"Wala, boss! Walang tao dito kaya malamang na naroon din ang anak nila sa lugar kung saan natin natagpuan ang mag-asawang yon!" sigaw ng lalaki sa isa pang lalaki..
Kung ganun ay natagpuan nila sina nanay at tatay?
Anong ginawa nila sa mga magulang ko?
Nasaan sina nanay at tatay?
"Mag-iingat ka, anak. At ipangako mo na mabubuhay ka ng matagal kasama ng magiging asawa mo sa hinaharap at magiging mga anak mo na siyang mga apo namin ng nanay mo," waring bumulon sa akin ang hangin kung saan narinig kong muli ang bilin sa akin ni tatay kanina.
"Tay, Nay," pigil na pigil kong paghikbi habang inaalala ang aking mga magulang.
"Halughugin ang buong bahay. Siguradong naririto lang ang hinahanap natin!"
Narinig ko pang utos ng tinawag na. boss at saka nila ginulo ang lahat ng mga gamit namin sa bahay.
Bahay kubo lang ang bahay namin kaya naman nakikita ko sa maliit naming bintana sa likod bahay na gawa sa sawali kung paano nila halungkatin ang lahat ng aming mga gamit.
"Pumunta kayo sa likod! Malamang na baka umuwi dito sa bahay nila ang anak nila!"
Wari akong natulos sa aking pagkakaupo sa halamanan kung saan ako nagtatago.
Nais ko man na umalis at tumakbo ay para ba akong nawalan lalo ng lakas.
Pero hindi.
Dapat akong makaligtas para kay nanay at tatay.
"Nay! Tay!" sigaw ko.
Hingal na hingal na naman ako na para ba akong galing na naman sa isang mahaba at mabilis na takbuhan gayong nagising na naman ako sa isang masamang panaginip.
Labinglimang taon lamang ako nang mangyari ang huli naming pagsasama ng aking mga magulang.
At ngayon, makalipas nga rin ang labinlimang taon ay para bang kahapon lang nangyari ang lahat.
At kahit nga ganun na katagal ang nakalipas na mga taon ay nanatili pa rin na hungkag na walang kasagutan kung ano ang dahilan ng walang awang pagpatay sa kina nanay at tatay.