Si Mommy. Alam ko sa sarili ko na mahal na mahal ko siya kung kaya nga ba napakasakit sa akin na malaman na niloloko siya noon ng aking ama. Kailan nga ba unti unting nagkaroon ng latak ang relasyon namin? Noong sinabi niya na mas mabuting sa Hospital na lamang ako dahil sa kalagayan ko o noong inamin niya ang relasyon niya kay Oscar Lee o noong inisip ko na pinabayaan na niya ako? Kailan? Bakit? Paano? Si Daddy, si Mommy, bakit hindi ko man lamang nasabi sa kanila kung ano nga ba sila para sa akin. Bakit palaging wala akong alam na hindi na sila babalik sa akin? Si Daddy na inakala kong nagkaproblema lamang noon at ngayon, si Mommy na kinagalitan ko pa sa mga nagdaang buwan dahil sa wala akong alam sa sinapit niya? Bakit palagi akong ganito? Paulit ulit ko pa man din siyang sinisisi.