VICTIMS OF LOVE
By PINAGPALA
"Boss, mauna na ako!" pagpapaalam ng barkada at kasama niya sa trabahong si Rocky. Sumakay na lang ito ng Angkas dahil sa tindi ng trapiko sa kahabaan ng Edsa.
"Sige Pareng Rocky. Ingat." matipid niyang sagot.
Hindi kasi niya napaghandaan ang lakad na iyon. Kagabi lang siya tinawagan ng kanyang grupo dahil sa biglaang sikretong mga usapin kaya naman siya napasugod agad sa Makati. Sumakto pang coding siya at ginamit ni Dodong ang kanyang motor kaya wala siyang choice kundi ang sumakay ng bus.
Tagaktak na siya ng pawis ngunit hindi niya iyon alintana. Matiyaga siyang nag-aabang kagaya ng iba pang naroon. Inip na inip na siya. Alam niyang kailangan niyang sumabay sa liksi at kapal ng mukha ng mga iba pang naroong handang makipagbuno para lang makasakay. Ilang bus na kasi ang dumaan at dahil sa kapal ng taong gustong makasakay ay hindi man lang siya pinalad na makasampa. Isa pa, wala sa personalidad niya ang tumakbo at makipagtulakan, laging hanggang sa pintuan lang siya ng bus at mapipilitang gigilid na lang dahil nauunahan ng iba pang pasahero. Muli niyang sinipat ang kaniyang pambisig na orasan, mag-aalas siyete na ng gabi. Napailing siya, kaninang alas-singko y medya pa siya nag-aabang.
"Sa wakas may dumating din." bulong niya sa kaniyang sarili nang matanaw niyang may parating na bus biyaheng Dasmarinas, Cavite. Kailangan na niyang gamitin ang lakas. Hindi na dapat pa siya padadaig. Bahala na kung sino ang masiko o masaktan niya. Sanay siya sa ganoong lakaran ng buhay. Kung mahina ka, talo ka. Kailangan matibay ang loob at sikmura para umangat sa iba.
HIndi niya alam kung anong oras pa dadaan ang susunod na byahe kung hindi siya makikipagbuno para makasakay. Kailangan niyang gamitin ang lakas. Nakipagtulakan. Bahala na. Wala na kasing pakialam ang lahat mapababae, matanda o bata ang mga iba pang mananakay. Ang mahalaga ay makasakay at makauwi na siya para maipahinga ang katawan niyang pagal sa kanilang training kanina.
"Diretso po tayo sa loob sir. Huwag hong humarang para makasakay lahat." sigaw ng kundoktor. Pilit niyang isiniksik ang katawan sa mga nakatayo na sa gitna ng bus. Batid niyang ang mga nagkukumpulan sa bandang gitna ay mga bababa sa kahabaan ng Edsa kung kayat ang kagaya niyang may kalayuan ang destinasyon ay kailangan dumaan at ilapat ang katawan sa mga nakatalikod ding pasahero. Kahit ayaw niyang isiksik ang harapan niya sa puwitan ng iba ay kailangan para marating ang dulong bahagi ng bus.
"Atras pa tayo, sir" muling sigaw ng kundoktor.
"Tang-ina P’re may nakikita ka pa bang aatrasan? Gago ka ah!" sagot niyang ramdam ang pagkainis.
"Kayo diyan sir, baka puweng umatras pa sa likod. Talikuran po 'yan." muling pangungulit ng konduktor ngunit hindi na sa kaniya iyon sinabi kundi sa kabilang bahagi. Hindi siya pinatulan ng kundoktor. Nakita siguro nito ang angas niya at ang palabang pagkatao.
Napailing na lang siya. Bumuntong-hininga. Alam niyang kakailanganin niya ang mahabang pasensiya. Hindi siya sanay sa pagkokomyut kaya madaling uminit ang kanyang ulo. Sa kagaya niyang may sariling sasakyan ang pakikipagbuno at pakikipagsiksikan sa ganitong bus ay bago sa kanya.
Sinipat niya ang sarili sa salamin na bintana ng bus. Kahit pa haggard siya ay alam niyang wala naman talaga sa hitsura niya ang magcommute. Mukha talaga siyang maykaya. Malayong-malayo ang hitsura sa mga naroon. Siya ay may matipunong katawan, pansining katangkaran at mapupulang pisngi at labi dahil sa taglay niyang kaputian. Nasunog man ng bahagya ang kutis dahil sa mga trainings nila sa mga nakaraang araw pero kapag sadyang maputi ka, hindi basta-basta madali ang pangingitim. Matangos ang kaniyang ilong na binagayan ng may kalalimang mga mapupungay na mga mata. Hindi sa pagyayabang alam niyang artistahin ang kaniyang dating. Binuksan niya ang zipper ng kanyang leather jacket dahil ramdam niya ang alinsangan ng bus. Sa dami kasi ng pasahero hindi na nito kayang palamigin ang buong bus na maya't maya ang paghinto para magbaba at magsakay ng pasahero idagdag pa dito ang di na yata masolusyunang trapiko.
Ramdam niyang marami ang nagnanakaw ng tingin at sulyap sa kaniya na mga pasahero lalo na iyong mga nakaupo ngunit sanay na siyang hindi pansinin ang mga tumititig sa kanyang kapogian. Binunot niya ang kaniyang cellphone para sabihin sa girlfriend at live-in partner niya na pauwi na ito at nakasakay na.
"Nakasakay din sa wakas mahal" text niya.
Binuksan niya ang kaniyang data saka siya nagfacebook. Piling-pili lang ang nasa friend list niya at b***l ang ginamit niya bilang profile pic niya. Hitman ang cover photo niya at pati pangalan ay iba. Isa siya sa mga poser na user ng f*******:. Bakit nga ba hindi? Sa kagaya niyang madaming itinatago, kailangan niyang gawin iyon kahit pa noon pa niya gustong itigil na sana ang kanyang ginagawa. Nakakapagod din ngunit may option pa ba siya?
"Nasa'n ka na ba ba? Wala din naman ako sa bahay kaya take your time." nakita niyang reply ni Cess.
Hindi na siya nagreply. May bago pa ba? Noong mga nakaraang linggo pa ito laging may lakad na hindi niya alam. Wala lang siyang panahon na sundan ito pero si Dodong ang uutusan niyang gumawa niyon. Alam niyang may ginagawa ang girlfriend niya na kasama din niya sa trabaho at grupo. Sana lang job related lang ito. Pinagmasdan niya ang profile picture ni Cess. Maganda ang kasintahan niya. Gandang hindi alangan sa taglay niyang kaguwapuhan. Mahal niya si Cess. Hindi sila magsasama sa iisang bubong at hindi niya ito magiging kasintahan ng limang taon na kung hindi siya sigurado sa dalaga. Kasal na lang ang kulang at iyon ay inaayos na nila. Kaya lang nitong mga huling araw, nagkakaroon siya ng agam-agam. Sana mali lang siya sa kanyang hinala.
Huminto ang bus. May mga bumaba at may mga sumakay. Lumuwag ngunit ilang sandali lang ay lalong sumikip.
"Saan ka, sir?"
"MCI lang boss. Magkano?"
"Saan sumakay?"
"Tulay boss," sagot niya.
“26 lang sir.”
Pahirapan siyang bumunot sa bulsa ng singkwenta dahil halos di na siya makagalaw sa sobrang kasikipan. Iniabot niya ang pamasahe.
"Talikuran po, makisuyo na lang po na talikuran tayong mga nakatayo." malakas na sigaw ng kundoktor sa tapat mismo ng mukha niya. Amoy niya ang masansang amoy ng hininga nito.
Naramdaman niyang may pumuwesto sa kaniyang likod ngunit hindi niya iyon pinansin. Binunot niya sa dala niyang bag ang earphone niya. Kailangan niyang mawili para hindi niya ramdam ang traffic at hirap ng nakatayo sa higit dalawang oras na biyahe niya na sana ay 45 minuto lang kung walang mabigat na trapiko.
May naramdaman siyang lumapat na katawan sa likod niya nang nagpreno ang bus. Ngunit para sa kaniya ayos lang iyon. Madalas kasi nangyayari iyon kapag biglang huminto ang bus o kaya ay liliko sa kaliwa o sa kanan. Ni hindi niya tinapunan ng sulyap kung sino man ang bumunggo sa likod niya.
Kaya lang, naramdaman niyang kahit hindi naman nagpreno ang bus ay madalas nang bumubunggo ang may katigasang dibdib ng lalaki sa kaniyang likod. Nilingon niya nang bahagya para lang malaman nang kung sino mang nasa likod niya na hindi niya nagugustuhan ang pagkakalapat ng katawan nito sa kaniyang likod.
Hanggang sa muling naulit pa ng naulit iyon na may bahagya nang paghawak sa tagiliran niya. Hindi kaya naghahanap ang nasa likod niya kung ano ang puwede nitong maisnatch sa kaniya? Sinipat niya ang lahat ng zipper ng kaniyang bag at ipinuwesto niya sa harap niya, malayo sa lalaking nasa likod niya. Mas nagiging malapit na ang katawang ng lalaki. Ramdam niyang may dumadantay nang kakaiba sa kaniyang puwitan. Muli niya itong tinignan. Hindi na bahagyang lingon lang dahil nairita na siya. Nakipagtitigan din ang lalaki sa kaniya.
Moreno ang lalaking iyon. May manipis na bigote at balbas. Brusko ang pangangatawan. Yung tipong parang Ejay Falcon ang angas ng datingan ngunit ang kulay ng kutis ay mala-Jericho Rosales. Kaya lang ay may l***g at asal kalye namang sumisira sa sana ay astig nitong panlabas na anyo. Nakita pa niyang may sumilay na ngiti sa labi ng lalaki ngunit maangas na titig ang isinukli niya.
Habang tumatagal ay hindi huminto ang lalaki sa ginagawang pagdantay-dantay ng pribadong bahaging iyon sa kaniyang puwitan. Pakiramdam nga niya ay lalo pa itong naging agresibo. Ramdam niya ang matigas na bahaging iyon na nagpapakulo sa kanyang dugo.
"P're, talikuran daw, di ba, sabi ng kundoktor?" mahina ngunit may diin niyang tinuran. Ngumiti lang ang manyak na parang nagpa-cute pa sa kaniya. Gusto kasi niyang humarap ang lalaki sa kabila at huwag sa kanya itutok ang nakakabastos nitong matigas na kargada. Pakiramdam niya kasi winawalang’ya na siya. Hindi siya babae, hindi din naman din siya bakla para sana kiligin habang tinututukan ng bagay na meron din naman siya.
"May sira yata ang tuktok nito." naisip niya. Kung puwede lang sana siyang lumipat ng matatayuan ay ginawa na niya ngunit sadyang siksikan na talaga.
“Pwede kang humarap sa kabila brad! Tang-ina naman oh!” singhal niya uli. May ibang pasaherong napalingon nang tinuran niya iyon sa lalaki. Iba yung tingin ng mga tao sa kaniya. Tinging parang hinuhusgahang maarte siya. Tinging akala nila nagrereklamo siya sa pagkakalapat ng mga katawan ng lahat ng mga nakatayo.
Huminga siya ng malalim. Kailangan niyang kontrolin ang galit. Ayaw niyang magtrending. Sa panahon ngayon, madaling kumuha ng video at instant maging sikat siya sa social media. Pagkakaguluhan siya kunsakali at mababash ng mga taong hindi naman talaga alam ang buong pangyayari. Ngunit sadya yatang may kalibugang taglay ang 'tadong ito sa likod niya. May pahimas na din sa kaniyang tagiliran habang binubunggo nito ang may kalakihan at matigas na iyon sa puwitan niya.
Pinagpawisan na siya ng husto. Hindi niya nagugustuhan ang kanyang nararamdaman. May kung anong kakaiba sa kanyang imahinasyon na pilit niyang nilabanan. Pero tang-ina hindi siya gano’n. Ito yung unang pagkakataong tinututukan siya ng gano’n. Gusto na talaga niyag sumapak ng tao. Mahirap ang magcommute pero walang kasinghirap na pigilan ang galit dahil binabastos na siya pero wala siyang magawa. Kung hindi lang sa ganitong sitwasyon, paniguradong wasak ang mukha ng gagong nasa likod niya. Pasalamat siya at nasa masikip silang bus. Kung mag-iingay kasi siya o kaya manununtok bigla, magiging dehado siya.Hindi kasi siya babae para bumagay ang pag-iinarte. Lalaki siya at hitsurang lalaki din ang nasa likod niya. Paano niya sasabihin sa lahat na minamanyak siya. Na ang lalaking nasa likuran niya ay may dakilang kalibugan? Nakikisama din ang pagkakataon sa pang-iinis sa kanya dahil nasa Cavitex na sila ngunit wala pa ding bumababa. Nagtiis siya sa ganoong kalagayan. Kahit anong galit niya ay hindi niya mapakawalan. Tumitigas ang kaniyang kamao ngunit hindi niya alam kung bakit sumasabay ding tinitigasan siya. Anong taglay na l***g ng taong ito sa likuran niya na hindi man lang lumambot kahit bahagya ang bahaging iyon na dumadantay kanina pa sa puwitan niya at siya din ay nadadala sa katigasan niyon.
Malapit na siyang bumaba. Malapit na ding sasabog sana ang kaniyang galit. Gustong-gusto niyang manapak dahil pakiramdam talaga niya ay binababoy na siya.
"Yung mga MCI diyan, lumapit na," sigaw ng kundoktor. Nakaramdam siya ng tuwa. Sa wakas makakababa din siya.
"Paraan po," pakiusap niya sa mga nakaharang.
"Excuse, excuse me..." narinig din niyang tinuran ng lalaki na sumusunod din sa kaniya sa pagpunta sa harap ng bus.
"Aba makapal din talaga ang mukha ne'to," bulong niya sa sarili. Balak pa yata siyang sundan hanggang sa makababa.
Huminto ang bus. Mabilis siyang bumaba at sumunod din ang lalaking iyon sa kaniya. Pagkababa ng lalaki ay hindi na siya nakapagpigil pa. Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa panga nito.
"Tang-ina ka! Piliin mo ang mamanyakin mo, gago!" singhal niya.
Hindi napaghandaan ng lalaki iyon ang pinakawalang niyang suntok. Halatang nagulat ito sa ginawa niya.
"Bro anong kasalanan ko”! Bumigwas din ito ng suntok at huli na nang umiwas din siya. Tumama ang suntok sa kanyang sikmura dahilan para mahirapan siyang huminga. Napayuko siya at sinapo niya ang naninigas na sikmura. Iyon ang lalong nagpagalit sa kanya. Gaganti siya.
"Tang-ina ka! Gumaganti ka pa ah!” inhanda niya ang sariling makipagsapakan.
“Bakit nga? Anong kasalanan ko sa’yo, sir?”
“Hindi mo alam? Tang-ina, binabastos mo ako sa bus sasabihin mong hindi mo alam!” singhal niya. Humahanap siya ng tamang pagkakataon para makalusot ang kanyang suntok. Nakita kasi niyang nakahandang umilag ang kanyang kasapakan. Yung tindiig nito, mukhang sanay din dumipensa sa kalaban.
May b***l man siya sa kanyang tagiliran ngunit hindi niya iyon gagamitin hangga’t hindi magkagipitan. May itinatago siyang trabaho at kapag gamitin niya iyon, magkakaroon ng imbestigasyon lalo pa’t marami na ang tao sa paligid. Hinding-hindi niya gawain ang pumatay ng tao sa gitna ng maraming tao na wala siyang kahit anong magtatago sa kanyang pagkakakilanlan. Lalo pa’t personal na itong away at labas sa kanyang trabaho. Malilintikan siya sa grupo. Tama nakasuntok naman na siya kaya maari na siyang lumayo at umiwas.
“Huwag mo akong susundan ah! Mapapatay kita, manyak!" singhal niya saka siya nagmamadaling tumawid sa kalsada.
"Hoy, paanong nasabi mong minamanyak kita?" Hindi tanong iyon. Isang palabang boses ng nag-alburuto pa rin. Hinahabol siya ng lalaki na noon ay dinadampian nito ng panyo ang pumutok nitong labi.
"Talaga bang hindi mo alam p're? Minamanyak mo akong gago ka!" singhal niya.
"Paano mo nga nasabing minamanyak kita? P're, ang hitsurang ito ang mangmamanyak sa kagaya mo?" sigaw na iyon.
Nang makatawid na at nasa bahaging hindi na matao ay huminto siya.
“Sinabi nang huwag mo na akong sundan ah! Tang ina mo!” Hinarap niya ito ngunit handa na ang kanyang kamao.
“Hindi kita susundan? Pag-aari mo na ba kahit itong daan? Wala kang karapatang murahin ako ng murahin p’re. Kanina ka pa ah!”
Nakita niyang naninigas na din ang kamao ng lalaki.
Kung naghahamon ang lalaking ito ng suntukan ay nakahanda na siya. Siya ang binaboy. Binastos siya nang alam niyang wala siyang magagawa. Sinabi niya sa sariling pipigilan niya ang sarili sa galit kanina pero kung magkagipitan mas magandang siya ang makakapatay kaysa siya ang mamamatay. Ginagap niya ang b***l niya sa kanyang tagiliran. Magagamit niya iyon kung magkagipitan. Ngunit kung makuha ito sa takutan, hindi-hindi siya papatay ng tao na labas sa trabaho.
"Gusto mo ng suntukan? Ano, ibibigay ko gago. Anong tingin mo sa akin tang ina mo! Bakla?" singhal niya.
"Sir, kalma okey? Pag-usapan muna natin ‘to dahil nakakahiya sa mga nakakarinig. May pinag-aralan ka naman din siguro?" maalumanay nang sagot sa kanya ng lalaki.
Medyo may patama sa kanya yung sinabi nitong may pinag-aralan naman siguro siya. Nahiya lalo sa sarili. Lalo pa’t siya pa itong unang nanapak din.
"Ako, kakalma! Ikaw itong manyak na bumubunggo sa puwitan ko! Tang tang-ina mong...". Bumaba ang tingin niya sa bahaging iyon sa harap ng lalaki. May nakita siyang maumbok sa harapan ng lalaki.
“Ah, sorry sir, pero baka ito yung bumubunggo sa puwitan mo?” itinaas ng estrangherong lalaki ang damit at nakita niya ang isang b***l. Napalunok siya. Kita din niya ang abs ng lalaki at magandang hulma ng katawan ne’to.
Natigilan siya. Hindi dahil sa natakot siya sa b***l dahil meron din naman siya no’n kundi ang katotohanang b***l nga ang kanina ay bumubundol na matigas na bagay sa puwitan niya? Natahimik siya. Hindi niya alam kung ipaglalaban pa ba niya ang mali niyang hinala. Ngunit ano 'yong paghawak-hawak nito sa tagiliran niya?
"Nanghahawak ka ng tagiliran p're! Tang-ina minamanyak mo ako!" singhal niya. Hindi na totoo ang galit-galitang litanyang iyon. Ayaw niya lang mapahiya kaya paninindigan niya ang paninidak. Hindi siya sanay mag-sorry. Alam niyang maaring nagkamali siya ng hinala ngunit magkamatayan na, hindi siya magpapakumbaba.
"Sir, kita mo naman siguro kanina kung gaano tayo nagsiksikan.”
Hindi siya sumagot.
“Alam mong walang hawakan ng mga pasaherong nakatayo sa bus. Lahat ng naabutan kong nakatayo sa gitna ay nakahawak na sa mga likod ng upuan. Kung di ako hahawak sa’yo matutumba ako. Nasa gitna ako e. May nakatalikod nang babae sa tabi ko. May babae din sa bahanging kaliwa at kanan ko. Ikaw itong nakita kong lalaki kaya siyempre sa'yo ako haharap kasi naisip ko wala din naman mawawala sa'yo. Pareho tayo lalaki e.”
Napaisip siya. May punto naman din ito.
“Sir, pinag-isipan mo talagang minamanyak kita?”
“Bakit hindi? Hinahawakan mo ang tagiliran ko sabay may kung anong matigas na bagay na bumubunggo sa likuran ko. Anong gusto mong iisipin ko?”
“Sir, mukha ba akong bakla sa'yo?"
Hindi siya nakasagot. Alam niyang maling-mali na siya. Hindi niya alam kung paano siya babawi lalo pa't batid niya na ang kaguwapuhan ng lalaki sa harap niya ay kapantay lang niya o baka higit pa sa kapogian niya. Wala nga sa hitsura nito ang mangmanyak sa kagaya niya. Ngunit paano siya ngayon hihingi ng dispensa?
Inilabas na ng tuluyan ng lalaki ang nakaumbok sa harapan niya na b***l.
Napangiti.
“Huwag kang mag-aalala sir. Pulis po ako kaya lisensyado ang b***l na ‘to. Hinding-hindi ako mangmamanyak sa bus lalo na sa kapwa ko lalaki.”
Bumunot siya ng malalim na hininga. Tang-ina. Paano ba niya lulusutan ito? Lumalabas talaga na siya ang mali.
“Ano sir? Kung gusto mo akong ireklamo, tara sa presinto,” Pagyayaya ng lalaki sa kanya, bagay na hindi niya gustong mangyari.
“Pasensiya na sir. Huwag na sanang lumala pa ‘to,” Pagpapakumbaba na lang niya.
“Dahil sinuntok mo ako, pwede sana kitang arestuhin e. Kaya hindi na lang sorry ang tinatanggap kong kabayaran.”
Kumunot ang noo niya. Kinutuban siya ng hindi maganda. Balak pa yata ng pulis na ito na kotongan siya.
“Anong kabayaran ang gusto mo sir?” seryoso niyang tanong.
“Painom ka kahit isang beer lang.” tumingin siya sa hilera ng inuman sa kahabaan ng street na iyon.
Nakaperwisyo siya sa maling hinala niya. Isa pa, pulis ang nasuntok niya. Mukha naman itong mabait. Mabilis na pumasok sa isip niya ang isang ideya. Bakit nga ba hindi? Kung itong pulis na ‘to maging tropa niya, nangangamoy proteksiyon ito sa sindikatong pinasok niya. Bakit nga hindi niya kakaibiganin? Kunin niya ang loob nito at nang magtagal-tagal ay kukumbinsihin niya itong magiging kasapi na din sa grupo. Lumuwang ang pagkakangiti niya. Hindi mo nga naman talaga alam kung kailan darating ang swerte.
“Sige, tara inuman tayo saglit, pampawala ng pagod,” Yakag niya sa estranghero pa sa kanya.
“Inspector Clint, pare. Pero pwede namang Clint na lang.”
“Errol Pare.”
“Nice meeting you Pareng Errol. Are we good?”
“Oo naman pare. Tara?”
“Sige.”
“Ayos p’re, inuman na ‘to nang makabawi na ako sa maling hinala at panununtok ko sa’yo.”
“Nakabawi naman ako ng suntok din sa’yo kaya pasensiya ka na. Hindi lang kasi ako basta-basta nagpapatalo.”
“Sige lang…” sa isip lang ni Errol. “Tama na isipin mong ikaw ang mas magaling, ikaw ang nasusunod. Makukuha ko din ang loob mo at kapag tropa na tayo, dahan-dahanin kitang dalhin sa mundong ginagalawan ko.”
Sa inuman nilang iyon magsisimula ang hindi nila alam na susubok sa kanilang pagkatao. Lingid sa kaalaman ng bawat isa na may kanya-kanya silang dahilan kung bakit pinili nilang makilala at mapalapit sa isa’t isa. Kasabay ng pagbubukas nila sa kani-kanilang sarili ang pagbubukas ng isang yugtong hahantong sa isang matinding mga kaganapan sa kanilang buhay. Alin ang pipilin trabaho’t serbisyo o maling pagmamahal at pagliligtas ng buhay?