Simula pagkabata ay may lihim nang pagtingin si Isabel sa anak ng amo ng kanyang mga magulang, si Luis Manuel Echiverri. Maliban kasi sa katotohanang mabait ito at sadyang makisig, halos itinuturing na siya ng binata na nakababatang kapatid nito sa kabila ng labindalawang taong agwat nilang dalawa. Ngunit ang kanyang lihim na pagmamahal ay mababasag nang malaman niya na magpapakasal na si Luis, na siyang nagtulak sa kanya na tanggapin ang scholarship ng ama nito at mag-aral sa siyudad.
Makalipas ng halos labindalawang taong pamamalagi sa siyudad ay nalaman ni Isabel na pumanaw na ang ama ni Luis at ito na ang bagong nagpapatakbo ng Echiverri Farms, at nais siya nitong bumalik sa kanilang maliit na bayan upang tulungan ito sa pagpapalago ng negosyong iniwan ng ama nito. Dahil nag-iipon ng pera ay walang nagawa si Isabel kung hindi ang bumalik sa San Esteban, kung saan sila kapwa lumaki. Sa kanyang pagkagulat, kahit na sa edad na kuwarenta ay tila hindi pa rin nagbabago ang kakisigan ni Luis, pati na rin ang kanyang nararamdamang mas lalo pa yatang pinalalim ng panahon.
Makayanan niya kayang pigilan ang mga damdaming nagbabalik, kung alam niya naman na ginagamit lang siya ng lalaki para pagselosin ang dati nitong asawa? Kakalimutan niya ba ang nararamdaman para sa dating hinahangaan, kung may isang lalaking handang sumalo sa kanya kung sakaling siya ay susugal?
Magkatotoo pa kaya ang kanyang matagal nang pantasya, o mananatiling panaginip na lamang ang lahat?