Malabo ang paningin ko ng imulat ang mga mata. Kailangan pang ilang beses na kumurap nang sa ganun ay luminaw iyon. Ang unang bumungad sa akin ay ang kulay puting kisame ng silid. Tahimik ang paligid. Humahalik sa aking balat ang malamig na ihip ng hangin na galing sa buga ng aircon. Sinubukan kong igalaw ang leeg at napangiwi ako nang maramdaman ang bahagyang pagsakit nito.
Nasaan ako?
Muli kong isinara ang mata dahil nasilaw na ako sa napakatinding liwanag na nagmumula sa ilaw. Hindi ko iyon matagalan na para akong mabubulag kapag pinilit ko. Kinusot ko ang mata na tuluyan nang nanakik, humapdi at parang nagluluha. Nang subukan kong muling igalaw ang katawan ay doon ko nalamang parang may mali. Bukod sa nahihirapan akong gumalaw ay salitan din ang tunog ng machine na naririnig ko. Hindi iyon familiar sa akin pero alam kong may mali.
Kuryusong iginala ko ang paningin at sa bandang baba ng kama ay nasulyapan ko ang isang batang babae. Sa taas niya at hitsura ay parang nasa apat na taong gulang pa lang. Tahimik siyang nakatayo at panay ang hugot ng malalim na paghinga. Nakatayo siya sa gilid ng kama habang magaang hawak ang isang kamay ko. Halatang bored dahil pinaglalaruan niya ang mga daliri ko na parang binibilang niya ang mga iyon isa-isa.
“Kailan ka babalik? Gumising ka na.” mahinang bulong niya habang napapalunok ng laway. Paiyak na ang tunog ng boses niya. “Miss na kita. Balik na, please. Ang tagal mo ng natutulog.”
Napuno na ng lungkot ang cute na pares ng mga mata niya. Nakatingin pa rin siya sa kamay ko. Noon ko lang napansin na may nakatusok pala ditong karayom. Hindi nga ako nagkamali. May mali kung nasaan ako. Maya-maya ay sumulyap siya sa aking mukha nang dahan-dahan kong pisilin ang maliit niyang palad para ipaalam na nakikita ko siya at naririnig ang sinasabi niya.
Nang magtama ang paningin namin ay nanlaki na ang mga mata niya sa gulat. Napaawang pa ang bibig niya, natulala, parang hindi makapaniwala.
“M-Mommy?”
Blangko ko siyang tiningnan. Hindi ko kilala ang batang ito. Bakit niya ako tinatawag na Mommy?
“Gising ka na!”
Humikbi siya bagama't sa pandinig ko ay tuwang tuwa ang tono ng boses niya. Ako naman ang nanlaki ang mata nang nagmamadali niya akong niyakap. Nasagi niya rin ang karayom na nasa kamay ko pero hindi ko iyon ininda. Naka-focus ako sa reaction niya. Hindi siya familiar sa akin. In short, hindi ko siya kilala. Sumampa siya ng kama at naupo sa mga hita ko. Nanigas na ang katawan ko. Shock pa rin sa reaction niya.
Sino ba ang batang ito?
Anak ko?
May anak ako?
Hindi ko matandaan. Wala akong matandaan.
Sandali, sino ba ako? Anong ginagawa ko dito?
Nasa hospital ako. Malamang ay may nangyari sa akin. Iyon ang kailangang malaman ko.
“Ang daya mo Mommy. Bakit ngayon ka lang?”
Sinimulan na ng batang tadtarin ang pisngi ko ng halik. Gaya kanina ay para pa rin akong estatwa. Walang reaction kahit naiinis na ako sa kanya.
“I am so happy, Mommy!”
Tuluyang humikbi na ang bata habang patuloy na niyayakap ako. Hindi ko ito magawang suklian. Bukod sa shocked pa rin ako ay hinahanap ko sa isip ko kung sino ako at bakit ako nasa lugar?
Aaminin ko, habang pinagmamasdan ko siya ay wala akong maramdaman. Hindi ko siya kilala. Ang sabi nila kapag kadugo mo ang isang tao dapat ay may lukso ka ng dugo, pero siya ay wala.
“Kailangang malaman ito ni Daddy!”
Daddy?
So iyon ang asawa ko?
Bago ako makapagtanong ay pumasok na sa kwarto ang matangkad at gwapong lalake. Kahit wala akong makitang emosyon sa mukha niya ay masasabi kong attractive siya. Saglit na nagulat siya nang makita niyang gising na ako, pero agad niyang binawi iyon. Napalitan ng galit ang mukha.
Siya ang asawa ko?
“Tingnan niyo po siya—”
“Tara sa labas, Lilo para tumawag ng doctor.”
Sa lamig ng pagkakabigkas niya ay parang biglang nagyelo ang puso ko. Akala ko ay siya ang asawa ko. Mukhang nagkamali ako. Kung siya iyon ay malamang excited din siyang yakapin ako kagaya ng ginawa noong bata kanina.
“No, wait si Mommy ay—”
Bago pa matapos ang sasabihin ng bata ay mabilis niya na itong binuhat gamit ang isa niyang kamay. Sinubukang pumalag ng bata pero sa higpit ng hawak niya ay wala itong nagawa. Nagmamadali ang mga hakbang niya patungo sa pinto. Ni hindi man lang ako muling nilingon.
May problema ba siya sa akin?
Bagama't nahihirapan ay pinilit kong bumangon. Bago pa ako tuluyang makaupo sa kama biglang may pumasok ng doctor sa kwarto. Malawak na siyang ngumiti nang makitang gising na ako.
“Sabi ko na nga ba, magigising ka!” bulalas nito na kumurap pa ang mga mata, “Kumusta ang pakiramdam mo? May iba bang masakit, Mrs. Monroe? Huwag kang mahiya. Sabihin mo.”
Umiling ako. Mata lang naman ang masakit. Hindi ko na kailangang sabihin pa. Ang gusto ko lang malaman ay kung bakit hindi ko sila kilala.
“Are you sure? Be honest with me. Walang mawawala. Huwag kang mahiya. For your sake.”
Umiling ako ulit. Parang hindi kayang magsalita.
“Sige, let me check your vital signs.”
Inihanda ng doctor ang stethoscope na nasa kanyang leeg at itinapat iyon sa aking likod at dibdib. Masyado akong abala sa pagtitig sa repleksyon ko sa salamin sa gilid para pansinin ang mga sinasabi niya. Hindi ko mapigilang hawakan ang mukha ko habang nakatitig doon. Parang may mali. Parang hindi pamilyar sa akin ang mukhang ito. Feeling ko ay ibang tao ang nakikita ko kaysa sa tunay na nararamdaman ko. Paano ko ba ipapaliwanag iyong pakiramdam na parang nasa ibang katawan ang kaluluwa ko?
“Mukha ngang maayos ka na. At saka walang labis at kulang sa pagkakayari ng iyong mukha. Ang galing talaga ng mga surgeon sa hospital.”
Mukha? Surgeon? Nag-undergo ako ng surgery?
“N-Nag-undergo ako ng surgery? Bakit po doctor? Anong nangyari sa mukha ko?”
Hinawakan ko ang mukha ko habang nakatingin na ulit sa salamin. Sabi ko na eh, mayroong mali.
“Oo, Mrs. Monroe pero wala ka namang dapat na ikabahala dahil magagaling ang mga surgeon ng ospital na ito. As you can see right now, naibalik nila sa maayos at normal na porma ang mukha mo in just a few months.” proud nitong sagot.
Mrs. Monroe?
Teka, mas nagulo ang isipan ko sa sinabi niya.
Anong ginawa ko para maaksidente ako?
Sa lahat ng parte ng katawan bakit ang mukha ko pa ang pipiliin kong masaktan?
“Hindi mo ba matandaan? Naaksidente ka at ang mukha mo ang napuruhan. Pasalamat tayong gising ka na Mrs. Monroe, okay na ang lahat.”
Aksidente? Car accident? Bakit ang mukha ko? Paano ang mga binti ko? Hindi ba sila nabali?
Tiningnan ko ang mga binti ko at mukha naman silang okay. Naigagalaw ko at nararamdaman.
Bago ako ulit makapagsalita ay sumulpot sa pintuan ang dalawang matanda. Malakas silang humahagulhol na ng iyak habang papalapit sa aming banda. Alalang-alala pa rin ang mga mata.
“Diyos ko! Salamat at dininig mo ang paulit-ulit naming panalangin na gisingin na ang anak namin! Gising ka na, Eloise. Nagbalik ka na sa amin!”
Mahigpit na nila akong sinunggaban ng yakap. Napapiksi ako. Naiilang. Kagaya kanina doon sa batabay wala ni katiting akong maramdaman. Hindi rin sila kilala. Iyong mukha nila ay hindi rin pamilyar, maging ang boses nila. Binigyan ko rin sila ng blangkong tingin. Puno ng pagtatanong.
“Eloise? Anak, bakit ganyan ka kung makatingin? May masakit ba ngayon sa'yo? Hindi mo ba kami nakikilala?” puno ng pagtatakang tanong niya na nilingon ang matandang lalake sa tabi niya. “Ako ito, ang mama mo. Ito naman ang papa mo.”
Pilit ko silang inalala pero wala talaga. Hindi ko sila kilala. Ni pangalan ko nga ay hindi ko alam. I felt empty and fumbled, parang first time lang naming magkita. Natahimik sila ng ilang segundo.
“Doctor, anong problema ho sa anak ko? Bakit ganito siya kung makatingin sa amin ng ama?”
Unti-unting nabura ang malawak na ngiti ng doctor kanina sa labi niya. Sinalubong ko ang mga tingin niya. Nang magtama ang aming mga mata ay mukhang alam niya agad ang dahilan.
“Ano ang ibig mong sabihin, Mrs. Monroe? Hindi mo ba kilala ang sarili mong mga magulang?”
Marahan akong tumango.
“Sigurado ka anak? Hindi mo ba talaga kami kilala ng mama mo? Hindi mo kami pinaglalaruan lang?” tanong ng matandang lalake para kumpirmahin.
Bakit ko naman sila paglalaruan? Mukha ba akong nagsisinungaling? Hindi ko nga sila kilala!
“H-Hindi po.”
Pinasadahan ko ulit sila ng tingin at baka mali lang ako, pero gaya kanina wala pa rin talaga. Sigurado akong wala akong kilala ni isa sa kanila. Hindi sila pamilyar. Wala ’ring bahid sa isip at puso ko na nakita ko na sila. Sigurado ako dito.
“Teka lang, doctor huwag mong sabihin sa amin na nagka-amnesia ang aming anak? Iyon ay ng dahil sa aksidente kaya nawalan siya ng—”
Hindi niya na nakumpleto ang pangungusap.
“Imposible. Nasaan na ba ang asawa mo?”
Parang biglang nag-hang ang isip ko sa tanong ng doctor. Bakit ba ako ang tinatanong nila?
“Asawa?”
Tumingin sila sa akin ng may simpatya ng awa.
Oo nga pala, iyong bata kanina.
“Eloise, huwag mo naman na kaming biruin ng ganyan. Hindi pa ba sapat na halos ay atakihin kami ng iyong ama sa puso nang malaman naming naaksidente ka? Tigilan mo na ang kalokohang ito! Please, hindi ko na kayang makatanggap pa ng masamang balita. Sabihin mo na ang totoo!”
Napatda ang mga mata ko ng ilang minuto sa mukha niyang nagmamakaawa. Sana ganun na lang nga. Ayoko rin naman na maging ganito.
Iniisip talaga nilang pinaglalaruan ko sila?
Bakit ko naman gagawin iyon?
Para saan?
“Mrs. Montgomery, please kumalma kayo. Mukhang hindi nga nagbibiro ang anak niyo.”
Hindi ko napigilang mapalunok ng sariling laway nang magsimulang matuyo ang lalamunan ko.
Akala ba nila ay gumagawa lang ako ng kwento?
Eh, bakit naman ako magsisinungaling?
For heaven's sake, hindi ko man lang maalala ang sarili kong pangalan tapos gagawin ko pa iyon?
Hindi naman ako nahihibang! Kakagising ko lang.
“Hindi po ako nagbibiro,” deklara kong diretso silang tiningnan. Gusto kong malaman nila na seryoso ako sa mga sinabi. “Hindi ko kayo kilala at kahit na ang pangalan ko ay hindi ko rin matandaan. Nalilito rin po ako kung sino ako.”
Napatakip na ng bibig ang matandang babae at halos malaglag ang panga ng matandang lalake. Pareho silang malungkot na nakatitig sa akin. Kung hindi nahawakan ang katawan ng mama ko, siguradong bumagsak siya sa sahig, hinimatay.
“Diyos ko po, bakit? Bakit nangyari ang bagay na ito sa ating anak? Ni wala siyang matandaan!”