CHAPTER 9 - Match
"NICE one, Haelynn."
Lumapad ang ngiting nasa labi ko nang marinig ang sinabing 'yon ni Hunter.
"Ang bilis mong matuto," dagdag niya pa.
Ngumisi ako habang hawak-hawak ko pa rin sa kanang kamay ang tako. "Gusto ko lang talaga matuto nito."
Bahagyang tumaas ang kilay ko nang mapansing bigla siyang nagseryoso.
"But I'll be honest to you. Hindi pa sapat ang kakayahan mo sa gusto mong mangyari."
Unti-unting nawala ang ngisi sa labi ko at bumuntong hininga. Alam ko naman ang bagay na 'yon, ngunit desidido ako sa gusto ko kaya kahit alam kong imposible ay gagawin ko pa rin. Susugal pa rin ako kahit na malaki ang tiyansang sa huli ay matatalo ako.
Ganoon naman ang buhay ng tao, 'di ba? Araw-araw ay sumusugal tayo sa iba't ibang bagay. Araw-araw ay nakikipagsapalaran tayo. May umuuwing luhaan, may umuuwing panalo.
"May tiwala ako kay Haelynn. Sigurado akong hindi siya mabibigo sa plano niya," biglang sabi ni Xia dahilan para bumaling ako sa kinaroroonan niya. Nakaupo siya sa sofa habang abala sa panonood sa amin ni Hunter.
Lumambot ang ekspresiyon ko sa mukha dahil sa sinabi ng kaibigan. Bumalik na ang ngiti sa labi ko at marahan na tumango.
"Isa pa, magaling ang nagturo kay Haelynn. Kaya sigurado akong magaling din siya," she added. Nang ibaling ang tingin kay Hunter ay kinindatan niya pa ito.
Mahina akong natawa sa inakto ng kaibigan. Kanina lang ay pinapalakas niya ang loob ko, pero wala pang ilang segundo ay nakikipaglandian na agad kay Hunter.
"Okay, okay. Sabi ko nga," tanging nasabi ni Hunter. Nilapitan na niya ang kinaroroonan ni Xia at naupo sa tabi nito. Muli, nagkaroon na naman ng sariling mundo ang dalawa.
Napailing na lang ako at inalis na ang atensiyon sa kanila. Sa tuwing kasama ko sila ay palaging may sariling mundo ang dalawa, kaya ngayon ay nasasanay na ako sa kanila.
Muli kong ikinalat ang bola sa lamesa para muling mag-practice. Ipinuwesto ko ang kamay sa lamesa at bahagyang ibinaba ang katawan. Ipinatong ko ang tako sa pagitan ng hinlalaki at index finger ko. Isa lang ito sa iba't ibang porma ng mga kamay at daliri kapag tumitira na.
Nang sa tingin ko ay tama na ang porma ko at ng mga kamay, itinuon ko na ang tingin sa bolang nasa harapan ko. Bahagya itong malayo mula sa akin, at balak ko itong papasukin sa huling butas na nasa dulo.
Huminga ako nang malalim bago tuluyang tinira na ang bola. Umangat ang sulok ng labi ko nang pumasok ito. Walang sablay, pasok na pasok. Tumayo na ako nang tuwid habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa butas na pinasukan ng bola.
Sa nagdaang higit isang linggo ay ito ang pinagkaabalahan ko. Kung tutuusin, tila mas maraming activities ang ginagawa ko para kay Domino kaysa sa pag-aaral ko. Pero kung gusto ko talaga mapagtagumpayan ang plano, kailangan kong gawin ang lahat ng 'to. At sigurado ako, ang lahat ng paghihirap ko ngayon ay magkakaroon ng bunga.
Muli ko pang ipinagpatuloy ang pagpa-practice ko. Nang sabihin lang sa akin ni Xia na pagabi na ay saka lang ako tumigil.
"Salamat sa paghatid," nakangiti kong sambit kay Hunter. Nakasilip ito sa bintana ng kotse niya at sa tabi naman niya ay ang kaibigan ko. Napagpasyahan ng dalawa na una akong ihatid sa bahay ko bago ang kaibigan.
"No problem," tanging usal niya.
Bumakas ang hiya sa mukha ko nang may maalala. Mukhang napansin naman niya 'yon dahil nakita ko ang pagkunot ng noo niya.
"Puwede bang... humingi ulit ako sa 'yo ng isang pabor? Promise, last na 'to," usal ko kahit sobra na ang hiya.
Nakakunot pa rin ang noo, itinango ni Hunter ang ulo.
"Puwede mo bang ayain si Domino sa billiard hall bukas ng gabi?"
Mukhang naintindihan niya ang plano ko kung bakit ko ipinapagawa 'yon sa kanya. Mabilis niyang itinango ang ulo.
"Don't worry. I'll bring him there for you."
Napangiti ako at tumango. "Thank you."
Tanging matipid na tango na lang ang itinugon niya sa akin. Ibinaling ko na ang tingin sa kaibigan para magpaalam sa kanya.
Nang tuluyan nang mawala sa paningin ko ang kotse ni Hunter ay saka pa lang ako pumasok sa loob ng bahay. Pagod kong inupo ang sarili sa sofa at tamad na tamad na tinanggal ang sapatos ko. Dahil kagagaling lang namin ni Xia sa school nang magpunta kami sa billiard hall ay hanggang ngayon nakasuot pa rin ako ng uniform.
Habang nakaupo sa sofa ay napatingin ako sa kamay. Pakiramdam ko ay nagkaroon ng kalyo ang mga daliri ko sa kahahawak ng tako. Kaya naman, bukas ng gabi ay sisiguraduhin kong hindi masasayang ang lahat ng paghihirap ko.
Dala ng pagod, matapos maligo at kumain ay dumeretso na ako sa kama ko para matulog. Nang magising, katulad ng palaging ganap sa bawat araw ko ay naghanda na ako para sa pagpasok.
Habang nasa klase, imbes na sa pinag-aaralan ituon ang atensiyon ay sa iba lumilipad ang utak ko. Tila ba habang papalapit nang papalapit ang oras para sa mamayang gabi ay siya namang patindi nang patindi ang kaba sa akin. Tila ba mamaya ko na makikita ang resulta sa isang bagay na matagal ko nang hinihintay.
NANG tuluyang sumapit na ang gabi, imbes na nasa bahay na ako at namamahinga ay kabaliktaran nito ang ginawa ko. Sa halip na gawin ang mga 'yon, kasama si Xia ay tinungo namin ang billiard hall na pinatatambayan ngayon ng mga kaibigan ni Domino.
Katulad ng inaasahan, nang makapasok sa loob ng billiard hall ay agad kaming nakakuha ng atensiyon ng kaibigan. Kaagad kaming binati ng mga kaibigan ni Domino, hindi na nagulat o nagtataka sa biglang pagsulpot namin ng kaibigan sa tambayan nila. Bukod sa alam nilang may namamagitan na kina Xia at Hunter, alam din nila ang pakay ko sa kaibigan nila.
Nang marahan akong tumango sa kaibigan ay tumango rin siya bilang tugon. Tila ba sa tanguan na 'yon ay nagkaintindihan agad kami. Kaya tinungo na niya ang kinaroroonan ni Hunter at ako naman ay tinungo ang puwesto ni Domino. Abala ito sa paglalaro ng billiard.
"Domino," tawag pansin ko sa kanya nang makalapit. Pasimpleng umikot ang mga mata ko nang hindi niya ako bigyan ng pansin.
"Domino," I called him again. But he still ignored me.
Nang matantong wala siyang balak na pansinin ako, inagaw ko ang hawak niyang tako dahilan para pansinin na niya ako. Ang masungit niyang mukha ang agad na tumambad sa akin.
"Give it back to me," aniya na may diin. Tila ba nagbabanta.
Ngumisi ako. "Gusto mong maglaro?"
Sa pagkakataong ito, kumunot ang noo niya.
Nang hindi makakuha ng tugon sa kanya, itinuon ko ang atensiyon sa bolang titirahin niya sana kanina. Pumorma ako sa table habang hawak ang tako. Sa isang tira, walang kahirap-hirap kong naipasok ang bola sa butas. Nang ibalik ko ang tingin kay Domino ay may nagmamalaki na akong ngiti sa labi.
"What do you think, hmm?"
Nawala ang ngiti ko sa labi nang sunod-sunod siyang umiling. Tila wala pa rin interes kahit na nagpakitang gilas na ako.
Napanganga ako nang bigla na lang umalis si Domino sa harapan ko para kumuha ng bagong tako, hindi na sinubukang kunin ang hawak ko. Matapos noon ay muli na siyang naglaro at tinrato na naman ako na parang isang hangin lang.
Napahawak ako sa noo ko at hindi makapaniwalang pinagmasdan siya. Ngayon ay parang may sariling mundo na naman siya habang mag-isang naglalaro ng billiard. Parang ang paghuhubad lang talaga sa harapan niya ang tanging paraan para makuha ang atensiyon niya!
Mahina akong suminghal at muli na namang nilapitan si Domino. Katulad ng ginawa ko kanina, inagaw ko na naman ang hawak niyang tako dahilan para matigilan siya sa paglalaro. Ngayon ay pinupukol na niya ako ng masamang tingin.
"Ano bang gusto mo? Hindi ako nagrereklamo na tumatambay ka na rin dito sa tambayan namin, pero pwede ba? Tigilan mo ako," masungit niyang sabi. Pero sa halip na bigyan ng pansin 'yon ay binalewala ko lang 'yon.
"Takot ka bang matalo kita?" tanong ko.
Natigilan siya sa kinatatayuan at pinukol ako ng naguguluhang tingin. "What?"
"Ang sabi ko, takot ka bang matalo kita? Kasi inaaya kitang maglaro, pero hindi mo ako pinapansin." Sinadya kong lakasan ang boses nang sabihin iyon upang makakuha ng atensiyon ng mga tao. Nang mapansin kong nasa sa amin na ni Domino ang atensiyon ng mga kaibigan niya ay bahagya akong napangisi.
May nanunuyang ngiti na ako sa labi nang muling itinuon sa kanya ang atensiyon. "Oh, come on. Ang isang Domino Alvarez, takot kalabanin sa billiard ang isang babaeng tulad ko?"
Mahina siyang tumawa, puno ng pagiging sarkastiko.
"You are no match for me."
I laughed sarcastically. "Paano mo nalaman? Nasubukan mo na ba?"
Sa sinabi ko ay nagsukatan kami ng tingin. Nakikita ko sa mata ng bawat isa sa amin na ayaw namin magpatalo sa isa't isa.
"Fine. Let's play," tila napipilitan niyang sabi. Napangisi ako. Nagkaroon naman ng panunukso ang buong paligid dahil sa mga kaibigan ni Domino.
"Pero boring kung simpleng laro lang. Dapat ay may pustahan," biglang sabi ko na ikinakunot na naman ng noo niya pero kinalaunan ay tumango.
"Just say it."
Tinalikuran ko siya at tinungo ang lalagyan ng iba't ibang klase ng tako. Kinuha ko ang pinakamaganda sa mata ko bago muling binalikan ng tingin si Domino. Naabutan ko itong pinagmamasdan pala ako.
"If I win." I stopped for a moment to go back in front of him. Kaagad na sumama ang tingin sa akin ni Domino nang hawakan ko ang baba niya. "You'll be my boyfriend."
Bumakas ang gulat sa mukha niya dahil sa narinig na sinabi ko. Iyon ang planong nabuo ko sa isipan ko nang malamang mahilig siyang maglaro ng billiard.
Alam ko namang tila imposible ang gusto kong mangyari, pero wala naman mawawala kung susubukan ko. Isa pa, kapag natalo ko siya ay matatapos na ang problema ko. Magiging boyfriend ko na siya at siguradong magiging magkalapit na kami. Kapag nangyari 'yon, masisimulan ko na ang totoong plano ko.
"Deal," aniya matapos ng ilang segundong pananahimik. Binitiwan ko na ang baba niya at balak na sana umalis sa harapan niya nang hulihin niya ang siko ko. Napalunok ako nang mapansing humakbang pa siya ng isang beses palapit sa akin.
Titig na titig siya sa akin bago muling nagsalita.
"But if you lose, you have to stay away from me."
Sa pagkakataong ito ay ako naman ang natigilan. Hindi ko inaasahang sasabihin niya 'yon.
Nang makita ni Domino ang naging reaksiyon ko sa sinabi niya, binitiwan na niya ang siko ko habang may ngisi sa labi.
"Hindi puwedeng ikaw lang ang makikinabang sa laro na 'to. Kaya habang maaga pa, umurong ka na kung gusto mo."
Kumuyom ang kamao ko nang mahimigan ang panunuya sa boses niya. Inis akong ngumisi at umiling.
"Maglalaro pa rin tayo," mariing usal ko. Nandito na ako. Wala na akong planong umatras pa. Hindi ko hahayaang masayang ang lahat ng pinaghirapan ko sa mga nagdaang araw.
Nakangisi pa rin siya nang tumango sa sinabi ko. Ang mga kaibigan naman niya, kaagad na inayos ang billiard table na gagamitin namin. Mukhang nae-excite rin sila dahil sa mangyayaring laban sa pagitan namin ni Domino.
Nang maayos na ang paglalaruan naming table ni Domino ay ipinaliwanag ni Hunter ang magiging laro namin. Tila ba siya na ang naging referee at scorer namin.
Ang lalaruin namin ni Domino ay basic lang. Solid or stripe. Ang puntos ay nakabase sa bawat set, hindi sa bawat bola. Kaya ang unang makatatlong puntos o makapanalo ng tatlong set ang siyang panalo.
"Ikaw na ang mauna," ani Domino nang magsisimula na kami sa paglalaro. Kung sa iba ay magtutunog siyang gentleman, ngunit sa akin ay hindi. Ramdam ko ang bawat panunuya niya sa bawat salitang sinasabi niya. Tila ba ay minamaliit niya ang kakayahan ko.
Ngumisi lang ako bilang tugon sa kanya at pumuwesto na, ngunit nang makita kong pinapanood ni Domino ang ginagawa ko ay mas itinuwad ko pa ang puwitan habang sinasalubong ang titig niya sa akin. Napangisi ako nang makitang nagtungo ang mga mata niya sa puwitan ko.
"Wala riyan ang mga bola, Domino," nanunudyo kong usal.
Mahina siyang suminghal at ibinalik na sa billiard table ang atensiyon. Napailing na lang ako at nagseryoso na.
Nang sarguhin ko na ang mga bola ay may dalawang bola agad ang pumasok. Parehong solid. Kaya naman sa sunod na tira ko, ang solid na agad ang tina-target ko.
Umaangat ang sulok ng labi ko sa tuwing nakakapasok ng bola. Sa ngayon, nadagdagan na ng dalawa pang bola ang naipasok ko. Ngunit sa sumunod na tira ay sumablay na ito.
Nang gumilid ako para bigyan na ng daan si Domino ay nakita ko pa ang tingin nito sa akin. Tila ba may laman ang tingin niyang 'yon. Napabuntong hininga na lang ako at hindi na pinatulan ang pang-aasar niya.
Ang una niyang tira ay pasok agad. Ganoon din sa pangalawa at pangatlo. Nagsisimula na akong kabahan nang maging sunod-sunod na ito hanggang sa maubos na niya ang huling stripe.
Humigpit ang hawak ko sa tako nang walang kahirap-hirap ni Domino na napapasok ang itim na bola sa gitnang butas ng billiard table. Ni tila hindi man lang siya pinagpawisan sa ginawa.
"May isang puntos na si Domino," ani Hunter.
Tumango ako at bumuntong hininga. Nang magbaling ako ng tingin kay Domino ay naabutan ko siyang may ngisi sa labi.
Sa sunod na set ng laro, ako na naman ang pinauna ni Domino sa pagtira. Tila ba ay pinagbibigyan ako. Parang gusto niyang ipamukha sa akin na pinapaboran niya pa ako sa laro namin. Pero imbes na magreklamo ay hinayaan ko na lang. Magiging advantage ko naman ito sa kanya.
Nang sarguhin ko ang bola, kamalas-malasan ay wala akong naipasok ni isang bola. Kaya si Domino na agad ang sumunod na titira.
"s**t," mahina at mariin kong bulalas nang matanto ang nangyari. Nang tumira na si Domino ay naging sunod-sunod na ito, at sa isang iglap ay naubos na niya agad ang mga bola niya.
Nakasimangot na ang mukha ko nang sabihin ni Hunter ang score ni Domino, dalawa na. Habang ako ay wala pa rin.
Nang ibaling ko ang tingin sa kaibigan, nakita kong bakas na sa mukha niya ang pamomoblema. Tila ba pareho na naming alam kung ano ang kahahantungan nito.
Humugot ako ng malalim na hininga at ikinalma ang sarili. Mawawala ako sa konsentrasyon kung mag-iisip agad ako ng mga negatibong bagay. May chance pa ako na makabawi.
Nang muling magsimula ang panibagong set ng laro, seryoso na ang mukha ko at halos hindi na pinapansin ang mga tao sa paligid. Dahil ako na naman ang pinauna ni Domino sa pagtira, nang masargo ko ang mga bola ay laking tuwa ko nang may pumasok na isa. Pero agad din natapos ang kasiyahan ko nang sa pang-apat na tira ko ay sumablay na.
Ramdam ko ang namumuong malamig na pawis sa noo ko nang pumuwesto na si Domino para sa magiging pagtira niya. Katulad ng nangyari kanina, walang kahirap-hirap niyang naipapasok ang mga bola niya. Tila ba kontrolado niya ang bawat galaw nito. At nang tirahin na ni Domino ang pinakahuling bola na kailangan niyang ipasok, tuluyan nang bumagsak ang mga balikat ko nang makitang walang kahirap-hirap na dumeretso iyon sa butas.
"Domino, 3 points. Ang score naman ni Haelynn... ay wala." Bakas ang ilang ni Hunter nang sabihin niya 'yon. "Kaya walang duda, si Domino ang panalo sa larong ito."
Naghiyawan ang mga kaibigan niya dahil sa naging anunsyo ni Hunter.
Mabigat akong nagbuga ng hininga at sinalubong ang titig sa akin ni Domino. Hindi katulad kanina, walang bakas ng panunukso ang mukha niya. Seryoso lang siyang pinagmamasdan ako.
"Katulad ng napag-usapan, dahil si Domino ang nanalo ay lalayuan na siya ni Haelynn simula ngayon," dagdag ni Hunter na tuluyang nagpabigat sa dibdib ko. Naging blangko ang mukha ko habang pinagmamasdan pa rin si Domino na nakatingin sa akin.
Nang hindi makayanan ang mga nangyayari, basta ko na lang inilapag ang tako sa lamesa at umalis sa harapan nila. Natahimik silang lahat nang walang paalam akong lumabas ng billiard hall.
Sa labas ng billiard hall na tuluyang nanlambot ang mga tuhod ko. Sa isang gilid ay nanghihina akong napaupo sa sahig. Ibinaon ko ang mukha sa mga tuhod at malalim na bumuntong hininga.
Ano ba ang maling ginawa ko? Ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. Nag-practice ako. Inaral ang billiard. Kahit sa phone ko ay nag-download ako ng laro nito para maging pamilyar. Pero sa kabila ng pagiging desidido ko, wala pa rin. Natalo pa rin ako ni Domino nang walang kahirap-hirap.
"I told you. You are no match for me."
Mabilis na umangat ang ulo ko nang marinig ang pamilyar na boses na 'yon. Bumakas sa mukha ko ang gulat nang makita si Domino sa harapan ko, ngunit unti-unti ay napalitan ng iritasyon ang mukha ko.
"Kung nandito ka para ipamukha sa akin ang pagkatalo ko, please lang. Lumayas ka sa harapan ko," nagbabanta kong sabi. Sa bigat ng dibdib ko ngayon dahil sa nangyari, baka kung ano ang magawa ko sa kanya.
Tumaas ang kilay ko nang pumalantik lang ang dila niya sa sinabi ko. Mabilis namang nagkasalubong ang kilay ko nang makitang iniluhod niya ang isang tuhod sa sahig dahilan para magkapantay kami.
Napalunok ako at napatitig sa itim niyang mga mata. Tila ba napakamisteryoso ng mga mata niya. Nakakaakit tingnan sa ganda, ngunit ramdam mong may nagbabadyang panganib sa bawat titig niya.
"Do you have class tomorrow?"
Mas lalong nangunot ang noo ko sa naging tanong niya.
"Why do you ask?"
"Just answer me."
Napalunok ako, gulong-gulo sa inaakto niya.
"Wala..."
Marahan siyang tumango at tumayo na siya nang tuwid sa harapan ko. Blangko pa rin ang mukha niya at puno ng pagiging misteryoso nang may kunin siyang kung ano sa bulsa niya. Nagkasalubong ang kilay ko nang ibigay niya sa akin ang phone niya.
"Give me your number."
Wala ako sa sarili nang tanggapin ang phone niya at tinipa rito ang sariling numero. Nang ibalik ko 'yon sa kanya, ilang saglit pa siyang may kinalikot doon bago itinuon ang atensiyon sa akin.
"Magkita tayo bukas. Abangan mo ang tawag ko sa 'yo."
After he said those words, he turned his back and left. He went back inside of the billiard hall. And I was left... dumbfounded.
What did just happen? Did he just get my number? At ano? Maghintay ako ng tawag niya dahil magkikita kami bukas?
Naitakip ko ang sariling palad sa bibig ng tuluyan nang magrehistro sa utak ko ang nangyari.
Oh. My. God!