CHAPTER 2 - Strip
MAHIGPIT ang hawak ko sa basong nasa kamay ko. Nag-iigting ang panga kong nilagok ang laman nitong alak na kaagad namang gumuhit sa lalamunan ko. Pero tila wala akong paki sa bagay na ‘yon. Muli akong nagsalin ng alak sa baso at deretso itong nilagok.
“Kalma, Haelynn,” natatawang pigil sa akin ni Xia.
Matalim ang mga mata kong nagbaling ng atensiyon sa kanya. “Paano ako kakalma? Ni-reject kaagad ako ng Domino Alvarez na ‘yon!”
Hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa sa akin ni Domino Alvarez kanina. Nag-iinit ang ulo ko sa kanya! Kaya naman ay inaya ko ang kaibigan na mag-inom ngayong gabi, nagbabaka sakaling lumamig ang ulo ko.
Napangiwi ang kaibigan ko dahil sa sinabi ko. Ngumuso siya at pinagtaasan ako ng kilay.
“Bakit naman kasi parang baliw na baliw ka kay Domino? Okay, I know he’s hot. I could see that. Pero bakit parang ibang level ang pagkabaliw mo sa kanya?” tanong niya na mababakasan ng pagtataka.
Nawalan ako ng imik dahilan para hindi ko masagot ang tanong niya. Nakagat ko ang ibabang labi.
If I have a choice, I won’t do this! Damn, I’m not this kind of girl na naghahabol sa lalaki. Never in my wildest dream na gagawin ko ito sa isang lalaki!
“So, anong plano mong gawin? Ni-reject ka na niya. Don’t tell me, magpapansin ka pa rin sa kanya?” pang-uusisa niya.
Tamad akong pinukol siya ng tingin. “Kung ganoon, sige, hindi ko sasabihin sa ‘yo.”
Namilog ang mga mata ni Xia at umawang ang bibig sa sinabi ko. Inalis ko na ang atensiyon sa kaibigan at muli na lang nagsalin ng alak sa baso ko. Malalim akong napabuntong hininga nang mainom ko na ang laman nito. Inilapag ko sa lamesa ang baso at natulala sa kawalan.
Hindi puwedeng masayang lang ang pagpunta ko rito ngayong gabi. Kailangan kong makalapit sa Domino Alvarez na ‘yon.
“Ano sa tingin mo ang puwede kong gawin para mapansin niya ako?” tanong ko sa kaibigan nang hindi man lang nagbabaling ng atensiyon sa kanya. Narinig ko ang marahas niyang pagbuntong hininga.
“I don’t know. ‘Di ko naman masyadong kilala ang pag-uugali ng Domino Alvarez na ‘yon. Ang alam ko lang ay babaero siya pero mapili sa mga babae,” tugon niya.
Problemado akong napapikit nang wala akong makitang tulong sa sinabi niya. Kahit ako ay ganoon lang din ang alam tungkol kay Domino.
“Haelynn, think. You have to do something,” pagkakausap ko sa sarili. Kulang na lang ay ilabas ko ang utak ko para maghanap ng ideya rito para malaman ko kung ano ang magiging susunod kong hakbang kay Domino.
“Subukan mong maghubad sa harapan niya, panigurado ay papansinin ka ng lalaking ‘yon,” biglang sambit ni Xia dahilan para mapunta sa kanya ang atensiyon ko. Nang makita naman niya ang paninitig ko sa kanya ay inirapan niya ako.
“I’m just telling the truth. Alam mo naman sigurong iyon ang kahinaan ng mga lalaki, ‘di ba? Lalo na ng mga womanizer na kagaya niya.”
Nagsalin siya ng alak sa baso niya at pinaglaruan ito, pinapaikot ang basong hawak.
“Based on those movies I watched, mabisang paraan ang pang-aakit para makuha mo ang atensiyon ng isang lalaki,” seryosong aniya.
Hindi ako makapaniwalang napatitig sa kanya.
“Sinasabi mo bang akitin ko si Domino?”
Halos malaglag ang panga ko nang tumango siya. Ni hindi man lang nagdalawang-isip!
“Kung gusto mo lang naman,” aniya at nagkibit-balikat.
Nananakit ang ulo kong nag-alis ng tingin sa kaibigan. She’s not helping me!
Natigil ang pag-iisip ko nang mapansin ko sa hagdanan patungong second floor ang pagbaba ni Domino. Nag-iisa lang siya hindi gaya kanina na kasama niya ang mga kaibigan niya. At dahil ang table na inuukupa namin ni Xia ay malapit lang sa hagdanan ay kitang-kita ko ang paglalakad niya pababa.
Napatayo ako sa kinauupuan ko.
“Hoy, saan ka pupunta?” naguguluhang tanong ni Xia nang mapansin ang pagtayo ko.
Seryoso ang mukha kong hinarap siya. “Kakausapin ko ulit si Domino.”
Napanganga siya sa sinabi ko. “Nababaliw ka na talaga! Ganyan ba ang epekto sa ‘yo ni Domino?”
Inirapan ko ang kaibigan at dinampot ang maliit kong shoulder bag.
“My god, Haelynn. Hindi ko alam na ganito ka pala. Masyado kang pursigidong makuha ang atensiyon ng lalaking gusto mo,” pagdadaldal ni Xia, tila walang planong tumigil.
“Just shut up,” buntong hiningang sabi ko. “Uuwi na ako.”
“Wow, pagkatapos mo akong sapilitang isinama rito ay iiwan mo ako?”
Hindi ko na pinansin ang namumutawing inis sa mukha ni Xia. Nang maisukbit ko sa isang balikat ang shoulder bag ko ay iniwan ko na siya sa lamesa namin.
Mabuti na lang ay hindi pa nakakalayo si Domino kaya mabilis ko siyang nakita muli. Papalabas pa lang siya ng bar.
Para hindi mapansin ng binata ang pagsunod ko sa kanya ay pinatili ko ang ilang hakbang na distansiya sa pagitan namin. Tuloy-tuloy naman ang lakad niya hanggang sa makarating kami sa parking space sa likod ng bar.
“Domino!” tawag ko sa kanya dahilan para matigilan siya sa paglalakad. Magkasalubong ang kilay niyang pumihit patalikod para harapin ako. Kulang na lang ay magdikit ang kilay niya nang makita ako.
Binalewala ko ang ekspresiyon na ‘yon sa mukha niya. Malapad ang ngiting nasa labi ko nang maglakad ako palapit sa kanya.
“Uuwi ka na?” tanong ko nang nasa harapan na niya ako.
Sa halip na sagutin ako ay tiningnan niya lang ako ng masama. Dahan-dahang naglaho ang ngiti sa labi ko.
“Ikaw ‘yong babae kanina, ‘di ba?” tanong niya na punong-puno ng pagsusungit.
Nahihiyang tumango ako.
“Ano na naman ba ang kailangan mo sa akin?”
Nakanguso akong tinitigan siya. “Gusto ko lang naman makipagkilala sa ‘yo.”
Namilog ang mga mata ko sa pagkabigla nang walang sabi niya akong tinalikuran at nagpatuloy na muli sa paglalakad. Dali-dali ko naman siyang sinundan at pilit na sinasabayan ang lakad niya kahit tila katumbas ng dalawang hakbang ko ang isang hakbang niya.
“Hey, Domino. Saan ka pupunta? Iiwan mo ‘ko?” tanong ko habang patuloy pa rin siyang hinahabol. Bumakas ang iritasyon sa mukha ko nang hindi man lang niya ako sagutin.
Tumigil ako sa paglalakad nang nasa harapan na kami ng kotse niya. Sumakay siya sa sasakyan niya nang hindi man lang nagbabaling ng tingin sa akin.
Akmang imama-obra na niya ang kotse niya nang humarang ako sa mismong dadaanan niya. Dahil sa ginawa ko ay inis siyang bumaba ng kotse at napipilitang hinarap ako.
“Ano ba ang ginagawa mo?” pasigaw niyang tanong. Ramdam ko sa boses niya ang matinding inis sa akin.
“Kausapin mo na lang kasi ako nang maayos kung gusto mong tigilan na kita,” sabi ko, sinusubukang kumbinsihin siya.
Umiling siya sa sinabi ko at hindi makapaniwanag tinitigan ako.
“Ganyan mo ba ako kagusto? Na kahit sinabi ko na sa ‘yong hindi kita type ay ayaw mo pa rin akong tigilan?”
Nawalan ako ng imik sa sinabi niyang ‘yon. Mariin kong kinagat ang ibabang labi nang maapektuhan sa mga salita niya.
“Ano ba kasing mali sa akin? Kahit naman simple ako ay maganda ako,” pagtatanggol ko sa sarili. Pakiramdam ko ay minamaliit niya ako, na hindi ko naman hahayaan.
“Anong mali sa ‘yo? Masyado kang simple. Ayaw ko sa mga ganoong babae. Hindi nila magagawa ang mga gusto ko,” sunod-sunod niyang sabi.
Kumuyom ang kamao ko at matapang siyang tiningnan sa mga mata niya.
“Well, ibahin mo ako sa mga kilala mong babaeng simple lang. Kaya kong gawin ang gusto mo, kahit na ano pa ito.”
Napahawak siya sa baywang habang magkasalubong ang kilay na sinusuri ako ng tingin.
“Okay, fine.” Ngumisi siya sa harapan ko na ikinapagtaka ko. Parang may masama siyang plano sa ngisi niyang ‘yon.
“Patunayan mo sa aking kaya mong gawin ang mga gusto ko, at baka sakaling magustuhan din kita kapag ginawa mo iyon.”
Napalunok ako nang mapansin ang paghakbang niya palapit sa akin. Napigil ko ang hininga nang makarating siya sa harapan ko ay inangat niya sa ere ang kamay. Sekswal na dumapo ang kamay niya sa balikat ko at hinaplos ito, saka dahan-dahang bumaba sa braso ko. Napalunok ako nang ilapit niya ang bibig sa tainga ko. Kaya ngayon ay ramdam ko na ang init ng hininga niya sa pisngi ko.
“Hubad.”
Nabato ako sa kinatatayuan ko at hindi malaman kung pinaglalaruan lang ba ako ng pandinig ko.
“A…ano?” nauutal kong tanong at mababakasan pa rin ng pagkagulo. Binitiwan niya ako at humakbang ng isang beses palayo sa akin.
“Sabi ko, hubad. Strip off your clothes,” pag-uulit niya sa sinabi, pero sa pagkakataong ito ay mas malinaw na kaysa kanina.
Namilog ang mga mata ko at nailagay ang palad sa bibig ko. Tama nga ang narinig ko!
“Dito mismo?”
Without a second thought, he nodded his head.
Napalunok ako nang maramdaman ko ang panunuyot ng lalamunan ko. Nagsisimula na rin maging abnormal ang pagtibok ng puso ko. Mas lalo pa akong nakakaramdam ng kaba dahil sa nakikita kong seryosong ekspresiyon sa mukha niya. Isang patunay lang na hindi siya nagbibiro sa ipinag-uutos niya sa akin ngayon.
Bago ko pa man siya makausap ngayong gabi ay may iilan na akong impormasyon na alam tungkol sa kanya. Gaya na lang ng isa siyang babaero. Kaya nga naisipan ko ang ganitong plano. Pero hindi ko aakalain na ganito pala kagago ang lalaking ito. Walang preno ang bunganga niya! Wala siyang respeto! At higit sa lahat, napakamanyakis niya!
“Gagawin mo o hindi?” tanong niya nang ilang segundo na ang lumilipas ay hindi pa rin ako gumagalaw. Ngayon ay bakas na sa kanya ang pagkainip.
Napatitig lang ako kay Domino at walang naging tugon sa kanya. Napailing siya at dismayadong tiningnan ako.
“You lost your chance. Now, stay away from me. Tulad ng sinabi ko, masyado kang simple. I don’t like simple girls because they can’t do what I want,” tumigil siya sa pagsasalita at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa, “pinatunayan mo lang sa aking tama ako.”
Wala na akong nagawa nang talikuran ako ni Domino at muling sumakay sa kotse niya. Nang mabuhay na ang makina ng kotse niya ay napipilitan akong gumilid para bigyan siya ng daan. Pakiramdam ko kung hindi ko gagawin ‘yon ay walang pagdadalawang-isip niyang sasagasaan ako.
Nanghihina at bagsak ang balikat kong pinagmasdan ang paglayo ng kotse ni Domino. Hindi ko matanggap na bigo ako ngayong gabi. Nag-ayos naman ako at nagpaganda para sa gabing ito, pero anong sinabi ng Domino na ‘yon sa akin? Sinabi niyang masyado akong simple! At sinabi niya rin na ayaw niya sa mga babaeng simple lang dahil hindi nito magagawa ang mga gusto niya!
Gago ba siya? Gusto niya akong maghubad sa harapan niya habang nasa parking space kami. Sa tingin niya ba ay gagawin ko iyon para lang patunayan sa kanya na kahit simple akong babae ay kaya kong gawin ang mga gusto niya?
Naging matalim ang mga mata ko habang pinagmamasdan pa rin ang daan na tinahak ng kotse ni Domino. Ngayon ay tuluyan na itong naglaho sa paningin ko.
Kung ayaw niya sa simpleng babae, e ‘di ibibigay ko ang gusto niya!