BIANCA Hindi na kami tuluyang nagkita ni Sheng. Hindi rin natuloy ang kahit isa sa mga plano namin noon dahil nawalan na kami ng pagkakataong gawin ito. Matapos niyang magpa-medical at mag-training, sunod-sunod na ang mga naging appointment ng kaibigan ko. Nawalan na rin siya ng pagkakataon na makapag-bakasyon dito sa amin dahil nagmamadali na raw ang kanyang employer sa Singapore na makuha siya mula dito sa Pilipinas. Sa tawag at text na lang kami nag-uusap. Tulad ng dati, kwentong pamilya at love life namin ni Sheng ang paksa namin. Masaya kami pareho sa naging desisyon namin sa buhay, kahit pa malayo kami ngayon sa isa't isa. Excited na makaalis ng bansa ang kaibigan ko, pero nakakalungkot nga lang na hindi ako makakasama sa kanya. Tulad pa rin ng dati ang routine namin ni Jake.