Chapter 1

3237 Words
Bing Fernandez “Wala kang kwentang tao! Salot! Malas!” Halos walang tigil ang tulo ng luha ko habang sinisigawan ng aking Tiya. Nasa sulok lang ako ng kusina at mariin na hawak ang basahan na pinagpunasan ko ng kamay matapos maghugas ng mga pinggan. “Pasensya na po talaga, tiya! Hindi ko naman po sinasadya na mabasag ang plato.” Hagulgol ko pa rin. “Hindi na maibabalik ng pasensya mo ang nabasag na plato! Hala ka! Wala na ngang trabaho ang tiyo mo at hindi na namin alam kung saan kukuha ng pera para sa mga susunod na araw. Palamunin ka na nga, perwisyo ka pa!” “Tiya Carmen,” tanging nasambit ko na lang sa kabila ng masaganang luha na pumapatak sa mata ko. Hindi ko naman sinasadya ang pagkabasag ng plato kanina matapos kong maghugas. Pero bakit ganito magsalita si tiya na sinasabi na wala akong silbi? Napakasakit sa parte ko na halos pagod na ang katawan ko sa pagtatrabaho sa palengke at nagbabantay ng paninda nitong gulay ay sinasabihan lang ako na palamunin lang. Sa loob ng isang linggo ay isang araw lang naman nila ako pinagpapahinga sa pagtitinda. Hindi nga rin pahinga na matatawag dahil naglalaba ako kapag hindi nagtitinda sa palengke. Gumagawa rin ako dito sa bahay ng mga gawaing bahay bago matulog. Lahat iyon ay walang bayad kapalit ng pagtira ko sa mag-asawa na may isang anak na nag-aaral. “Huwag mo akong ma-tiya tiya!” muling singhal sa akin ng babaeng halos lamunin na ako sa galit. Hindi ko na tuloy magawang mangatwiran man lang dahil inuunahan na ako ng galit ni Tiya. “Ano na naman bang sigawan iyan, Carmen!?” bigla naman dagundong ng boses ng asawa ni Tiya Carmen na si Tiyo Boyet. Mas lalo akong natakot. Hindi dahil sa mas malupit ito, kung hindi dahil manyakis si Tiyo at ilang beses na akong hinipuan. Mas natatakot ako sa kung ano pa ang pwede nitong gawin. Kaya nga pinipilit ko na iwasan ito at mabuti na lang at busy ako sa trabaho kaya hindi ako naiiwan na mag-isa dito sa bahay. Dahil halos dalawang linggo na itong walang trabaho. “Eh, itong walang kwenta mo na pamangkin,” dinuro pa ako ni Tiya. “Nakabasag pa ng lintik na plato! Wala na ngang silbi ay magbabasag pa ng plato.” Dagdag pa ni Tiya na lumapit na sa akin. Si Tiyo naman ay tuluyan nang nakapasok dito sa kusina kaya nasilayaan ko ang mukha nito. Agad akong nangilabot. Kagabi lang kasi ay hinipuan ako nito sa bandang legs habang naglalaba ako. “Hayaan mo na! Papalitan na lang. Lintik naman oh, nagising ako sa bunganga mo Carmen!” Singhal ni Tiyo sa asawa nito. “Aba, matindi! Imbes na matulog ka at humilata, bakit hindi ka maghanap ng bagong trabaho? Malapit na ang enrollment ni Christy at kakapusin tayo ng pera pang-matrikula!” mas lalong lumakas ang galit na boses ni Tiya kaya ako na tuloy ang nahihiya sa mga kapit bahay na nakakarinig dito sa barrio namin. Ang aga-aga pa naman. Hindi na rin sumagot pa si Tiyo sa asawa nitong bungangera. Lumapit naman sa akin si Tiya. “At ikaw naman, Bing!” Hinawakan ako ni Tiya nang mariin sa panga. Ang isang kamay naman nito ay dinuro duro ang noo ko. “Tiya, nasasaktan po ako,” reklamo ko dahil masakit ang ginagawa nito sa akin. Nawala na rin sa posisyon ang suot kong makapal na salamin. Mas lalong nanlabo pa ang mata ko dahil patuloy na pagdaloy ng mga luha ko. “Masasaktan ka talaga kapag pumalpak ka pa!” binitawan ako ng marahas ni Tiya at tinalikuran. Pinunasan ko na lang ang mga luha ko sa pisngi habang tiningnan ang babae na papalabas ng kusina. Bigla naman akong natakot nang lumapit sa akin si Tiyo Boyet. “Pagpasensyahan mo na ang bungangera mong tiyahin, Bing.” Hinawakan ako nito sa may balikat dahilan para kilabutan ako. Nanatili akong nakayuko at ayokong tingnan man lang ang lalaki. Mas kinabahan ako ng mas lumapit pa ito sa akin at ang isang kamay naman ay hinaplos ang braso ko. “Itay,” bigla akong napakislot nang narinig ko ang boses ng pinsan ko na biglang sumulpot dito sa kusina. Laking pasalamat ko at dumating ito at baka hipuan na naman ako ni Tiyo. Mabuti na lang at lumingon si Tiyo sa likod at tuluyan na akong tinalikuran. “Oh anak, itong pinsan mo kasi pinagalitan ng inay mo. Pinapatahan ko lang.” sambit ni Tiyo na tuluyan na kaming iniwan sa kusina ng pinsan ko. “Ate Bing, okay ka lang? Pagpasensyahan mo na lang si Inay, ha? Marami lang siguro na iniisip na problema.” Pinilit kong ngumiti sa pinsan ko habang inaayos ang salamin. Laking pasalamat ko at ito ay hindi ako itinuring na iba. Sa bahay na ito ay ito lang ang palagi kong nasasabihan ng problema ko. Isa lang naman ang hindi ko masabi dito ang tungkol sa pang-momolestiya ng ama nito sa akin. Natatakot ako na hindi paniwalaan ng kahit sino. Lalo na sa itsura ko na mukhang hindi pagnanasan ng kahit sinong lalaki. Hindi lang kasi ako mukhang manang sa edad kong twenty-eight. Isa akong nerd sa paningin ng lahat. Mula sa makapal na salamin, makapal na bangs at buhok na laging naka-braid ay wala talaga na mangangahas na manligaw man lang. Napabayaan ko na ang sarili ko simula nang mamatay ang mga umampon sa akin, halos labing tatlong taon na ang nakakaraan. Kaya nga nagtataka ako dito kay Tiyo kung bakit ako ang pinagdidiskitahan? Ngayon ko lang din kasi nakasama nang matagal sa iisang bubong ang tiyuhin dahil ngayon lang nabakante sa bahay simula nang nawalan ng trabaho. Nagtatrabaho si Tiyo matagal na sa isang kumpanya at lingguhan ang uwian kaya hindi ko naman ito nakakahalubilo dati nang madalas. Kapag pasko naman ay nagtatagal silang pamilya na magkasama. Pero dahil others ako sa bahay na ito ay hindi ako nito nabibigyan pansin. Kaya nga labis ang dasal ko na magkaroon na ng trabaho si Tiyo para hindi na ako mapag-isipan ng masamang bagay. Matapos ang magulong eksena sa kusina ay nagsimula na akong maglinis ng bahay. Maya-mayang tanghali at matapos kong kumain ay magpupunta naman ako sa palengke para magtinda ng gulay. Halos pagod na ang katawan ko sa paglilinis pa lang. Matapos ang ilang oras ay nagpahinga na ako at kumain ng tanghalian bago maligo para makapunta na ng palengke. “Christy, ikaw na bahala dito sa bahay, ha? Mga dalawang araw lang naman ako mawawala. Huling lamay na ng pinsan ko,” narinig kong sambit ni Tiya Carmen sa anak nito nang makalabas ako ng kwarto ko. Papunta na ako sa palengke para sa pagtitinda. Tinapunan lang ako ng tingin ni Tiya Carmen matapos ay lumabas na ng bahay. Lumapit ako sa pinsan ko at sinabi nga na hindi matutulog ngayon dito si Tiya Carmen at baka bukas na ng gabi ang uwi. Bigla akong kinabahan na maiiwan lang kasama ni Tiyo at Christy. Magkaiba kami ng kwarto ng pinsan ko at paano na lang kung bigla akong pasukin ni Tiyo Boyet sa loob ng kwarto ko at may gawin na masama sa akin? Balisa akong nagpunta ng palengke at nagsimula na sa pagtitinda ng gulay. “Oh, Bing.” Bigla naman akong napakislot sa tawag ng kaibigan ko na si Gabriel. “Bakit tulala ka? May problema ba?” Hindi naman ako umimik kaya lumapit ito sa akin. Sabado ngayon kaya narito sa palengke si Gabriel. May pwesto kasi ang tiya niya na bigasan dito sa palengke at tumatambay dito kapag day-off nito. “Huwag ka nang malungkot. May sorpresa ako sa’yo. Siguradong matutuwa ka kapag nakita mo ‘yung sorpresa ko. Ano ba kasi ang problema at malay mo makatulong ako?” Ngumiti na lang ako ng mapait. Problema? Kailan ba ako hindi nawalan ng problema? Siguro nga hindi na lang ako dapat nabuhay kung isa lang akong malaking problema. Pati sarili kong ina ay iniwan lang ako sa bahay ampunan. Kahit ito ay hindi ako gusto. Minsan nga ay naiisip ko na baka nga bunga ako ng kasalanan ng mga magulang ko. Baka isang kabit ang ina ko kaya napilitan akong ipa-ampon. O kaya naman ay na-rape ang ina ko at hindi kagustuhan na ipinanganak ako kaya iniwan na lang ako. Lumaki ako sa ampunan. Ang kwento sa akin ng namayapang umampon sa akin ay iniwan daw ako sa labas ng bahay-ampunan na pinamumunuan ng mga madre. Walang kung anong pagkakakilanlan kung hindi ang ang gintong kwintas na may pendant na may engrave na letter B at isang notebook. Sabi nga raw ng madre ay ang notebook na ‘yun ang magiging daan para makilala ko ang tunay kong pagkatao sa takdang panahon. Dahil hindi rin alam ng mga madre ang pangalan ko ay nagpasya na lang silang ‘Bing’ na lang ipangalan sa akin, dahil daw sa letrang natagpuan sa pendant ko. Isa pa para hindi raw ako mahirapan isulat dahil apat na letra lang. Hindi ko na maalala ang mga pangyayari noong nasa bahay ampunan pa lang ako. Magpipitong taon ako ng ampunin ako ng mag-asawa na hindi nabiyayaan ng anak. Laking tuwa ko dahil sa wakas ay nagkaroon na ako ng kumpletong pamilya. Ang babae doon ay kapatid ni Tiya Carmen. Tanging kwintas lang ang nadala ko dahil ang notebook raw ay nawala ko. Hindi ko na rin iyon maalala dahil masyado pa akong bata nang mga panahon na iyon. Binigay raw kasi ng isa sa mga madre sa akin pero nawala ko. Marahil ay napaglaruan ko iyon. Gustohin ko man na balikan ay hindi na pwede dahil isang araw matapos akong kunin ng bago kong magulang ay nasunog ang bahay-ampunan. Naging masaya ang kabataan ko dahil minahal ako ng mga umampon sa akin at naramdaman ko ang pagmamahal ng tunay na magulang. Mahirap ang buhay namin pero masaya ako at busog sa pagmamahal. Okay na sana ang lahat pero isang sunog na naman ang naging dahilan para mawala ang mga kumupkop sa akin. Labis akong nalungkot sa nangyari. Mabuti na lang ay kinupkop ako muli ng isang kapatid ni Tiya Carmen. Pero malas nga yata talaga ako dahil isang gabi ay napatay ito dahil sa pagtatanggol sa akin. May isang lalaki kasi na nagtangka na manghalay sa akin. Ako sana ang sasaksakin pero ang tiyang na nag-ampon sa akin ang nasaksak. Sinugod pa namin sa ospital pero dead on arrival na. Ako ang sinisisi ng mga kamag-anak ng mga umampon sa akin. Malas daw ako. Sana nga ay pinabayaan na lang ako ni Tiya Carmen at nagpakalat-kalat na ako sa kalsada. Pero kinuha pa rin ako ni Tiya Carmen at ginawang katulong. Hindi na rin ako nakapag-aral at hindi na nakatapos ng highschool. Sariling sikap ako nagbabasa ng libro gamit ang lampara tuwing gabi gamit ang mga libro na binibigay ni Gabriel na pinag-aaralan nito sa school. Dahilan para lumabo ng husto ang mata ko. Mahigit sampung taon na ako na naninirahan kina Tiya Carmen pero kahit kailan hindi ko naramdaman na pamilya ako sa kanila. Kadalasan ay masasakit na salita ang binibigay nito sa akin. Isang bagay pa na kinuha nito sa akin ay ang kwintas na suot ko mula pa ng sanggol ako. Dalawang taon na yata ang nakakaraan nang sapilitan na isinangla ni Tiya ang kwintas nang minsan na nagipit ito sa pera. Hindi na natubos at ngayon ay hindi ko na alam kung saan napunta. “Uyy!” Bigla naman akong napakislot sa pagpitik ni Gabriel ng daliri nito at kinuha ang atensyon ko. Nakatulala na pala ako at kanina pa ito nagsasalita. “Wala na pala akong kausap,” muling sabi ni Gabriel na nagpunta na sa tabi ko at tinulungan akong ayusin ang mga paninda na gulay. Bumuntong hininga ako. Pinag-iisipan kung sasabihin ko ba sa kaibigan ko na si Gabriel ang tungkol kay Tiyo Boyet. Matagal ko ng kaibigan si Gabriel na kagaya ko ay ulilang lubos na rin sa magulang. Pero hindi kagaya ko ay maswerte si Gabriel dahil minahal ito ng tiya niya. Pinag-aral at ngayon ay may trabaho na sa munisipyo sa bayan. Hindi ko lang tinuturing na bestfriend si Gabriel, kung hindi parang tunay na kapatid na rin. Isang beses nga na napag-tripan ako dito sa barrio namin at pinagpustahan ng kauna-unahang lalaki na minahal ko, si Gabriel ang naging sandalan ko. Sa huli ay hindi ko na napigilan ang sarili ko at sinabi kay Gabriel ang tungkol kay Tiyo. Mabuti at napigil ko ang sarili na umiyak, dahil matapos magkwento ay biglang may lumapit na tao para bumili ng gulay. Nang maka-alis ang tao ay agad akong bumaling kay Gabriel. “Naniniwala ka naman, ‘di ba?” nag-aalala na tanong ko. Hindi ko kasi alam kung paniniwalaan ako nito sa kwento ko. Imbes na sagutin ay hinawakan ni Gabriel ang kamay ko. “Bing, tutulungan kita.” Humigpit pa ang hawak nito sa akin. “Tumakas ka na sa tiyo mo bago ka pa niya magawan ng masama.” Bigla naman nagliwanag ang mukha ko. Ang akala ko ay hindi ako nito paniniwalaan. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap ang kaibigan ko. “Salamat, Gabriel. Ang akala ko ay hindi mo ako paniniwalaan.” sambit at matapos ay humiwalay ako dito. Tumingin ako sa paligid, sa busy ng paligid ay mukha naman na hindi napansin ng mga tao ang ginawa ko. Mahirap na at baka ma-chismis ako dito at iparating pa sa tiya ko na lumalandi lang ako. Muli kaming nag-usap ni Gabriel. Nag-dadalawang isip ako kung gagawin ko ang sinabi nito na tumakas. Ang sabi ni Gabriel ay tutulungan niya raw ako. Mamayang gabi ay pupunta ang tita nito patungo sa Maynila at doon ay pwede raw akong ipasok bilang katulong sa isang mayamang pamilya. Ipapakiusap niya raw ako na isama. Bahala na raw. Mabait ang Tiya Gracia ni Gabriel sa akin at sigurado naman ako na hindi ako nito pababayaan. Matapos ng maghapon na pagtitinda ay pagod akong umuwi ng bahay. Naabutan ko na tapos na kumain ang tiyo ko at si Christy. As usual, hinihintay ako ng hugasin sa kusina. Kumain muna ako bago naghugas ng pinggan. Nagulat na lang ako nang binabanlawan ko na ang huling plato ay biglang nasa likod ko pala si Tiyo nang hindi ko namalayan. “Bing,” bigla akong kinilabutan dahil humawak ito sa balikat ko. Ayokong lumingon dahil makikita ko ang mukha nito. “Puntahan mo ako mamayang madalaing araw ha? Magpapmasahe lang ako. Pupunta lang ako sa kumpare ko at mamaya ay babalik din ako.” Pagkasabi ay bigla nitong hinagod ang likod ko. Pinagpawisan ako ng malapot sa sinabi at ginawa ni tiyo. Matapos maghugas ay nagmamadali akong nagpunta ng kwarto ko at nilagay sa isang backpack ang mga damit ko. Konti lang ang dadalhin ko. Desidido na ako. Tatakas ako bago pa may gawin na masama si tiyo. Panahon na rin siguro na isipin ko ang sarili ko. Bayad naman na siguro ako sa pagpapatira nila sa akin. Sobra sobra pa sa ginawa nilang pang-aalipin sa akin. Matapos kong mag-empake ay binisita ko muna si Christy na matutulog na pala. “Ate Bing, may kailangan ka ba?” nakangiti na tanong nito sa akin. Gumanti ako ng ngiti. “Wala naman, gusto ko lang magpasalamat sa’yo.” Nakita ko naman ang pagtataka sa mukha nito. Kaya mas malapad akong ngumiti. “Hah? Bakit naman? Para saan, ate?” “W-wala… ang totoo ay chine-check lang kita. Alam mo na, wala ang Inay mo.” Pag-iiba ko. Ayoko naman na makahalata ito na aalis na ako nang tuluyan. Sa totoo lang ay mami-miss ko si Christy kaya kahit sa huli ay gusto kong magpasalamat dito dahil mabait ito sa akin. Muli akong bumalik sa kwarto at kinuha ko ang backpack ko. Hindi ko pa naman na-remit ang pinagbentahan ko ng gulay. Patatawarin naman siguro ako na kukuhanin ko ‘yun at wala pa ngang isang libo ang kita ngayon. Dahan-dahan akong lumabas ng bahay. Mabuti at wala pa si tiyo. Halos lakad takbo ang ginawa ko papunta sa bahay nila Gabriel at pagkarating doon ay nagmamadali akong kumatok. Pinagbuksan ako ni Gabriel at agad na ngumiti sa akin. “Gabriel!” humahangos na sabi ko. Pagod pa ako dahil halos liparin ko na makapunta lang dito. “Natatakot akong malaman ni tiyo na tumakas ako. B-baka nakauwi na ‘yun at hanapin na ako.” “Shhh… ‘wag kang mag-alala, Bing. Tapos nang mag-ayos si tiya Gracia, mabuti at nakahabol ka. Bigla naman na lumabas ang tiya ni Gabriel na ngumiti sa akin. Hindi nagtagal ay nakarating kami sa pampang kung saan kami sasakay ng bangka papunta sa kabilang bayan. Doon kasi kami sasakay ng barko papunta ng Maynila. Chance passenger lang ako at sana ay makasama ako. “Halika na, hija.” Tawag sa akin ni Tiya Gracia, “Magpaalam ka na kay Gabriel. Baka maiwanan tayo ng barko. Sumampa na si Tiya Gracia sa bangka samantalang ako ay hinarap si Gabriel. “Gab,” hindi ko alam na tumulo na ang luha ko. Ang hirap magpaalam sa taong tinuring mo na kapatid. Bigla naman na tinanggal ni Gabriel ang salamin ko at pinahid ang mga luha ko, matapos ay muling ibinalik ang salamin ko. “Oh, ayoko ng iiyak ka, Bing. Baka pumangit ka.” Ngumiti ito sa akin. Bakas naman ang lungkot sa mata nito. Ako naman ay biglang ngumiti sa sinabi nito. Ano pa ang ikapa-pangit ko? Eh, pangit naman talaga ako. Ilang sandalai lang ay may kinuha ito sa bulsa nito na maliit na box kaya nagulat ako na ibinigay sa akin. “Ano ‘to?” takang tanong ko. “Hindi ba sabi ko sa’yo ay may sorpresa ako? Buksan mo na.” sambit ni Gabriel matapos ibigay sa akin ang kahon. Binuksan ko ang maliit na box at biglang tumulo ang masagana kong luha nang makita ang laman no’n. Natakpan ko na lang ang bibig ko sa pagkagulat. “Gabriel,” usal ko, nanlalabo na ang paningin ko sa dami ng luha sa mata ko. “Paano napunta sa’yo ito?” Hindi makapaniwala na tanong ko. Imbes na sagutin ay kinuha ni Gabriel ang box at isinuot sa akin ang kwintas na matagal ko nang hindi nakikita. Ang tanging alaala ng kabataan ko. “Huwag mo nang itanong kung paano ko nahanap ang kwintas, Bing.” Nakangiting sambit sa akin ng kaibigan ko. “Ang importante ay nakita ko. Alam kong napaka-importante sa’yo ng bagay na ‘yan. Basta ipangako mo ay magiging masaya ka, ha? Andito lang ako bilang kaibigan, kapatid. Tandaan mo ‘yan. Huwag mo munang problemahin ang pera, nagbigay ako kay Tiya Gracia ng budget para sa pagkain mo. Kapag may trabaho ka na at magkaroon ng cellphone ay tatawagan mo ako ha?” Mas lalo akong naiyak at niyakap nang mahigpit si Gabriel. “Salamat, Gabriel.” Ang tangi ko na lang nasabi. Bigla naman kaming tinawag ni Tiya Gracia at kailangan na talaga namin na umalis. Wala akong nagawa at sumampa na sa bangka. Ilang sandali lang ay umalis na kami. Hawak ko ang pendant ng kwintas ko habang tanaw si Gabreil na unti-unting nawawala na sa paningin ko. “Lord, please gabayan mo po ako pagkarating ko sa Maynila...” mahinang dasal ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD