Bing Fernandez
“Ikaw ba si Miss Bing Fernandez?”
“Opo,” tipid akong ngumiti sa guard na may edad na.
Seryoso ang tingin nito sa akin, matapos ay tinignan ang hawak nitong papel. Malamang ay ito ang kopya ng biodata ko na ipinasa ni Tiya Gracia dito sa mansion ng mga Del Fiero. Ang kusinera dito ay kakilala naman ni Tiya Gracia.
Bigla naman nawala ang atensyon nito sa akin. Lumingon ako sa likod ko kung saan nakatingin ang guard ngayon at nakita ko naman ang isang sexy at magandang babae na nakangiti ng matamis kay manong guard. Nakapantalon at tshirt ito na V-neck na hapit sa katawan nito. Muli akong lumingon sa guard na ngayon ay malapad ang ngiti sa babae na nasa likuran ko.
“Tsk! Mga lalaki nga naman. Iba ang treatment sa mga babaeng magaganda.”
Yumuko ako at pinasadahan ng tingin ang damit ko. Mula sa mga lumang suot, blouse na half sleeve na tinerno ko sa palda na hanggang kalahati ng binti ko. Idagdag pa ang itsura ko. Kagaya ng laging tali ng buhok ko na naka-braid. Kaya siguro walang paki sa akin si manong.
“Miss, aplikante ka din?” biglang lingon ko muli kay manong guard. Napansin ko pa ang paghagod nito sa babae sa likod ko. Tumikhim ako para kunin ang atensyon ni manong guard pero hindi naman ako nito napansin.
“Oo, Kuya. May interview po ako kay Donya Aubrey Del Fiero. Ella Valentin ang pangalan ko.” Narinig kong sambit ng babae sa likuran ko. Nakita ko naman si kuya na tinignan ang kasunod na papel na hawak nito sabay ngiti ng matamis.
Bigla naman akong kinabahan na kasabayan ko pala ito sa interview. Huwag naman sana na pareho pa kami ng ina-apply-an na katulong ng anak ng Donya. Sa itsura pa lang ay taob na ako.
Hanggang sa pinapasok na kaming dalawa na aplikante ng guard sa loob ng magarang mansyon. Pinaghintay kami sa sala. Nakahalukipkip lang ako sa bag ko habang ang babae na kasabayan ko ay confident na nakaupo. Tumingin ako dito at nagtama ang paningin namin. Ngumiti naman ako ng matamis sa babaeng ang pangalan ay Ella pero hinagod lang ako nito ng tingin at matapos ay nagtaas ng kilay. Wala akong nagawa kung hindi ang yumuko na lang.
Ilang sandali lang ay bigla naman na may dumating na isang matanda na babae. Pareho kami ni Ella na tumayo mula sa sofa.
“Kamusta, mga hija,” nakangiting wika nito. Ngumiti ako sa matanda.
“Mabuti po Ma’am,” sambit naman nung Ella na matamis na nakangiti sa matanda.
“Ako nga pala si Lea, ang mayordoma dito.”
“Lea,” banggit naman ng isang babae na kadarating lang, dahilan para mawala ang atensyon sa amin ng mayordoma. Napanganga naman ako sa ganda ng bagong dating. May edad na ang babae pero mababakas pa rin ang ganda nito. Hindi lang maganda. Sobrang ganda!
“Aubrey, narito na pala ang mga aplikante para sa bagong mansion ni Lucio,” sambit ni Ma’am Lea na matapos ay iniwan din kami.
Ngumiti naman sa amin si Ma’am Aubrey. Mas lalo akong namangha sa kakaibang ganda nito. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa amin ni Ella.
“Magandang umaga mga hija,” sambit nito. Pati boses nito ay mahinahon. Parang ang bait bait nito. Hindi ko alam pero parang ang gaan na agad ng loob ko dito.
“Magandang umaga po, Donya Aubrey. Totoo po pala ang sabi nila sobrang ganda niyo po,” narinig kong sambit ni Ella,”
Ako naman ay labis ang kaba dahil sa interview. Nahihiya pa akong magsalita at mukhang taob na taob talaga ako dito sa kasabayan ko sa interview. Sa confidence pa lang ay wala na akong sinabi.
“O siya sige, umpisahan ko na ang interview.” Magiliw na wika naman ni Ma’am Aubrey na tumingin sa akin. “Ikaw muna ang mauna, hija. What’s your name?”
Napakislot ako at parang bigla tuloy akong natat@e sa kaba. Hindi ko alam parang hinahalukay ang tiyan ko.
“B-bing po. B-bing F-fernandez.” Nauutal na sabi ko.
Bigla naman kaming napalingon sa tinig ng isang lalaki.
"Good morning, mom!"
Parang nag slow motion naman ang paligid habang papalapit sa pwesto namin ang isang matipunong lalaki. Hindi ko na namalayan na pigil ko na pala ang hininga ko at naka-awang na nang husto ang bibig ko.
Ang lalaki naman ay nakatingin sa katabi ko habang papalapit sa amin. Pero biglang parang lalabas ang puso ko sa ribcage nang tinapunan ako nito ng tingin na bahagya pang kumunot ang noo nito sa akin at matapos ay binaling muli ang pansin sa babaeng katabi ko, matapos ay nakita ko ang pagtaas ng sulok ng labi nito.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatitig sa lalaki at napakislot na lang ako nang ipinapakilala na pala ako ni Ma’am Aubrey sa anak nito.
“Hija, this is Lucio siya ang magiging amo mo in case na ikaw ang mapipili. Lucio, this is Bing.” Nakangiting wika sa akin ni Ma’am Aubrey. Napalunok ako. Paano ko pakikisamahan ang ganitong kagandang lalaki sa araw-araw kung sakali na mapili ako?
Pero parang wala naman na pakialaam sa akin ang lalaki na nakatingin kay Ella. Bigla akong nalungkot. Malamang ang itsura ko ang dahilan kaya hindi ako nito magawang titigan.
“M-magandang umaga po, Sir Lucio,” agaw atensyon ko na lang.
“Lucio!” bahagyang tumaas naman ang boses ni Ma’am Aubrey sa anak nito at mukhang napansin ang malalagkit na tingin kay Ella at hindi man lang pinansin ang pagpapakilala nito sa akin.
“Ohh,” tila naman natauhan si Lucio at binaling na ang tingin nito sa akin. “Hi, Kring.” Ngumiti naman ito sa akin at halos malaglag ang p@nty ko sa simpleng ngiti nito. Parang nanigas na ako dito sa kinatatayuan ko. Gusto ko ngang hawakan ang dibdib ko dahil sa lakas ng kaba noon, pero hindi ko magawa dahil halatado ako.
“Bing, not Kring!” narinig ko na lang na pagtatama ni Ma’am Aubrey sa sinabi ng anak nito. Nagkibit balikat lang si Sir Lucio at muling binaling ang tingin kay Ella. Napayuko na lang ako matapos.
“What’s your name, hija?” narinig kong tanong ni Ma’am Aubrey habang patuloy akong nakayuko.
“Ella po, Donya Aubrey, Ella Valentin,” narinig kong sabi ng katabi ko.
“Nice meeting you, Ella. I’m Lucio.”
Inangat ko na ang tingin ko at sakto naman na nakita ko na nakikipagkamay si Sir Lucio kay Ella. Si Ella naman ay halos mapunit na ang labi at umaabot na hanggang tainga ang ngiti. Hindi pa nga binitiwan agad ni Sir Lucio ang kamay nito. Tinitigan ko iyon at alam kong pinisil pa nito ang kamay ng babae. Agad kong iniiwas ang tingin. Ngayon pa lang ay parang gusto ko ng mag-backout sa pag-a-apply. Obvious naman na hindi ako gusto ng magiging amo, bias agad ito porque maganda at sexy ang isa.
Narinig ko naman ang pagtikhim ni Ma’am Aubrey.
“Lucio, anak, baka ma-late ka na sa trabaho.”
“Yes, Mom. Aalis na po ako.” Paalam naman nito.
Nakita ko pa na kinindatan nito si Ella. Napaawang na lang ang labi ko at parang ako yata ang tinamaan sa kindat na iyon. Napakagwapo ni Sir Lucio at mukhang mahilig ito sa magagandang babae.
Ngayon pa lang ay tanggap ko na hindi na ako ang mapipili. Ilang sandali pa ay inuna na akong interview-hin ni Ma’am Aubrey. Dinala ako nito sa isang kwarto. Nanliliit ako sa sarili ko na ngayon lang nakapasok sa magarang mansion, magarang kwarto na lahat ng tamaan ng paningin ko ay nagsusumigaw ng karangyaan. Kapag nakabasag nga siguro ako ng kasangkapan ay kulang pa ang magiging sahod ko sa bayad.
Pinaupo ako ni Ma’am Aubrey sa upuan sa may tapat nito. Nagsimula na akong tanungin tungkol sa mga personal na bagay, edad ko, pamilya at kung bakit ako na punta dito sa Maynila.
“Talaga ba, hija? Saang ampunan ka ba galing? You know what, bata pa lang ang mga anak ko at lagi ko silang sinasama sa ampunan. Baka isa ang orphanage na kinalakihan mo sa mga beneficiaries ng foundation ko.”
“H-hindi ko na po matandan Ma’am Aubrey. Seven years old pa lang po kasi ako nu’n.”
“Ganoon ba hija, bakit ka ba nagpunta dito sa Maynila?”
Bigla ko naman naalala ang masamang karanasan sa pamilya nina Tiya Carmen. Pinag-isipan ko pa kung sasabihin ang tungkol sa pagtatangka sa akin dahil baka hindi ako paniwalaan ni Ma’am Aubrey pero naisipan ko na lang na sabihin. Tutal ay mukhang hindi naman ako ang matatanggap sa posisyon at walang rason para magsinungaling.
Nag-kwento ako mula sa pagkaka-ampon sa akin hanggang sa pagtakas ko.
“Oww, I feel bad sa lahat ng pinagdaanan mo, hija.” Makikita ang lungkot sa mata si Ma’am Aubrey. Bigla naman nito na hinawakan ang kamay ko dahilan para gumaan ang loob ko. Hindi ko alam pero parang ang gaan talaga ng loob ko sa ginang. Parang nahawakan na nito ang kamay ko nang matagal ng panahon.
“Huwag kang mag-alala, hija. Magiging maayos din ang lahat. Malay mo makita mo ang tunay mong mga magulang in the future. Isasama ko ‘yun sa prayers ko.”
Ngumiti ako kay Ma’am Aubrey. Napakaswerte ni Sir Lucio at mabait ang ina nito. Ilang minuto pa nagtagal ang interview.
Tinanong nito ang skills ko dahil all around maid ang hanap ni Ma’am Aubrey. Kung sakali raw ay akong mag-isa lang ang magtatrabaho sa loob ng mansyon dahil binata pa naman daw si Sir Lucio at hindi nito kailangan ng maraming kasambahay. At isa pa ay madalas naman raw na wala sa bahay si Sir Lucio dahil nagpapatakbo ito ng resort. Sinabi ko naman na marunong ako sa lahat ng gawaing bahay. Ang problema lang ay hindi ako magaling mag-operate ng mga appliances dahil hindi naman uso iyon sa probinsya.
Kung pagluluto naman ang usapan ay marami akong alam na lutong ulam dahil bata pa lang ako naturuan na ako sa pagluluto. At hindi naman sa pagmamalaki ay masarap talaga akong magluto.
Ang magiging sahod naman ay fifteen thousand per month daw na nagpalaki ng mata ko. Sa tanang buhay ko ay hindi pa ako nakakahawak ng ganoong kalaki na pera. Sa susunod na buwan pa naman raw mag-uumpisa kung sakali dahil doon pa lang lilipat si Sir Lucio sa bago nitong patayo na mansion.
Nang matapos ang interview ko ay magalang naman ako na nagpaalam.
“Maraming salamat po, Ma’am Aubrey.”
“Walang anuman, Bing. Huwag ka munang aalis ha. Hintayin mo si Lea at may ibibigay siya sa’yo.”
Sumunod naman ako sa sinabi ni Ma’am Aubrey. Pagkalabas ko naman ay nagsalubong pa kami ni Ella na tinaasan ako ng kilay sabay ngisi na parang nang-iinis. Hindi ko na lang ito pinansin.
Umupo ako sa kaninang inupuan namin ni Ella at ilang sandali lang ay dumating na si Ma’am Lea na may dalang paper bag na may nakasulat na Amare Chocolates.
Napangiti naman ako ng sinilip na mga chocolates ang laman no’n.
“Maraming salamat po, Ma’am Lea.” Ngumiti ako ng matamis sa mayordoma at hinagod naman nito ang likod ko. Nakakatuwa na may mga ganitong tao na nangingitian ako ng totoo. Kadalasan kasi sa mga una kong nakakasalamuha ay hindi ganito ang trato sa akin at parang lagi akong nilalait.
“Walang anuman, hija. Basta hintayin mo na lang ang text namin kung ikaw ang napili ha. Basta sa susunod na lunes ako magte-text. Kapag wala kang natanggap na text mula sa akin ay ibig sabihin ay si Ella ang napili.”
Tumango na lang ako. Ilang sandali lang ay nagpaalam na ako kay Ma’am Lea.
Dumerecho naman ako ng uwi sa tinutuluyan ko ngayon. Naabutan ko pa si Tiya Gracia na nagluluto ng pananghalian.
“Kamusta ang lakad, Bing?”
Bigla naman akong nalungkot sa tanong ni Tiya Gracia.
“Ah, Tiya Gracia, parang malabo po na matanggap ako dun. Maganda po kasi ‘yung kasabayan ko na nag-apply.”
“Oh, eh bakit? Hindi naman pag-momodelo ang in-applyan mo ha. Tsaka ‘wag ka mawalan ng pag-asa. Malay mo naman ay ikaw ang mapili.”
Nagkibit balikat na lang ako. Nag-offer na din ako ang magluluto para sa amin. Nakakahiya naman kasi at pakiramdam ko ay palamunin lang ako dito sa bahay na ito. Simula kasi nang tumakas ako nang nakaraan na linggo ay ngayon lang ako nakapag-apply. Dito kami tumutuloy sa malayong kamag-anak ni Tiya Gracia na si Tiya Lenlen at ipinaki-usap lang din ako nito na dito tumuloy kapalit ng serbisyo kong tumulong sa gawaing bahay at paglalabada.
“Nga pala, hija. Babalik na ako sa probinsya sa makalawa, ha. Huwag kang mag-alala ite-text ko si Ate Lenlen kapag nag-text sa’yo ‘yung in-applyan mo para masabihan ka.”
Ngumiti na lang ako ng tipid kay Tiya Gracia, matapos ay nakaramdam ako ng kakaibang lungkot dahil pakiramdam ko ay nag-iisa na naman ako.
Bakit kaya hindi ako binigyan ng Diyos ng kumpletong pamilya? Nagpakabait naman ako at tinanggap ang kapalaran ko na pagiging ampon. Pero simula pa noon ay pinag-pasahan na ako ng mga kamag anak ng umampon sa akin.
Kinagabihan naman ay kinain ko ang binigay na chocolates sa akin ni Ma’am Aubrey. Halos napapapikit ako sa sarap ng lasa no’n. Habang kinakain ko ay hindi ko naman maiwasan na maisip ang anak nito na si Sir Lucio.
Hindi ko namamalayan na bumibilis ang t***k ng puso ko habang nagbalik tanaw sa isip ko ang gwapo nitong mukha, na sa totoo lang ay kanina ko pa naiisip. Hindi na kasi nawala sa isip ko si Sir Lucio. Napailing na lang tuloy ako. Hindi naman siguro totoo ang love at first sight. Siguro ay nagagwapuhan lang ako sa anak ni Ma’am Aubrey. Isa pa halata naman sa awra nito na babaero ito.
Napangiti naman ako ng mapait ng maalala ang pagkabigo sa una kong pag-ibig. Akala ko rin kasi ay true love ang naramdaman ko. Infatuation lang din siguro ‘yun. Ang masaklap ay pinagpustahan lang pala ako ng unang lalaki na sinagot ko. Simula noon ay mababa na talaga ang self esteem ko. Si Gabriel lang na kaibigan ko ang close kong lalaki.
Nang gabing iyon ay pinilit kong iwaglit sa isip ko si Lucio Del Fiero.
Lumipas ang isang linggo at dumating na ang araw ng lunes na sinabi ni Ma’am Lea na mag-tetext ito.
“Oh, Bing,” napalingon naman ako kay Tiya Lenlen. “Nag-text si Gracia.”
Agad lumiwanag ang mukha ko sa narinig.
“A-ano po ang sabi niya?”
“Wala, hija. Kinakamusta ka daw kasi ni Gabriel. Tapos hinahanap ka nga daw ng Tiya Carmen mo doon kay Gabriel,” saad ni Tiya Lenlen. Bigla naman akong nalungkot at dismayado na hindi mula sa Del Fiero galing ang mensahe. Pero siyempre natutuwa naman ako na kinakamusta ako ni Gabriel. Iyon nga lang ay dinadalangin ko talaga na ma-text ako ni Ma’am Aubrey.
“W-wala na po ba na ibang mensahe raw para sa akin?”
“Wala naman, Bing. Huwag kang mag-alala at kapag meron uli ay magsasabi ako. Ay, siya nga pala, pakilabhan na ang kobrekama mamayang hapon, ha,” utos ni Tiya Lenlen na tumalikod na sa akin dito sa kusina. Hindi ko na nakuhang tumango dahil parang natulala na lang ako.
Buong maghapon akong naghintay na baka may matanggap akong mensahe pero nabigo ako. Nang gabing iyon ay hindi ko maiwasan na maiyak. Umaasa pa rin kasi ako kahit kaunti na kahit papaano ay matatanggap ako dahil magaling naman ako sa gawaing bahay eh. Malamang ay si Ella na nga ang natanggap. Alas otso na ng gabi ay umaasa pa ako sa text message. Nagtanong pa nga ako kay Tiya Lenlen muli at wala talaga na text.
Halos namugto na ang mata ko kakaiyak ng gabing iyon. Lalo ko lang kasing ramdam ang pagiging malas ko sa buhay.
Lumipas ang tatlong araw at tuluyan ko na natanggap na hindi na talaga ako makakapasok sa mansion ng mga Del Fiero. Kasi ay naka-ilang tanong na ako kay Tiya Lenlen at mukhang na-aaburido na nga sa akin kakausisa ko. Ang hirap pala talaga kapag walang sariling cellphone.
***
“OH, BING. PAALIS ka na ba?” tanong naman ni Tiya Lenlen sa akin nang makita akong inaayos ang makapal kong bangs habang nakaharap sa salamin.
“Opo, Tiya Lenlen. Pupuntahan ko na po ‘yung bagong a-apply-an ko.” sambit ko.
Isang linggo na kasi ang nakalipas mula nang malaman kung sino ang napili na magiging maid ni Lucio Del Fiero at hindi naman ako ang na-text. Obviously, si Ella ang napili. Pero hindi naman pwede na magmukmok ako habang-buhay. Sa dami ng rejection na naranasan ko ay hindi na dapat sasama ang loob ko. Kaya mabuti ay may bagong prospect na mansion si Tiya Gracia na ibinigay sa akin para mag-apply. Dating kakilala naman nito ang mayordoma doon.
“O, sige, Bing, mag-ingat ka ha,” nakangiti na sabi sa akin ni Ate Lenlen at matapos ay umalis na.
Muli kong tinignan ang itsura sa salamin. As usual, nerdy pa rin. Hindi ko na rin kayang baguhin ang style ko, na tipong nasanay na akong maging pangit at nilalait. Minsan nga na iniba ko ang ayos ng buhok ko ay ewan ko kung bakit hindi ako kumportable at nakatanggap pa ng panunukso sa mga tao.
Akmang lalabas naman ako ng pinto nang biglang may kumatok kaya binuksan ko ang pinto. Bumungad sa akin ang isang lalaki na may katandaan na.
“Magandang umaga ho, nandito po ba nakatira si Bing Fernandez?”
Kumunot naman ang noo ko. Ilang sandali lang ay nilukob ng kaba ang dibdib ko. Naisip ko tuloy na baka kakilala ito nila tiya Carmen.
“B-bakit po? A-ako po ‘yun.” Nauutal na sagot ko kahit na pinilit kumalma.
“Ah, driver po ako ng mga Del Fiero at napag-utusan na sabihin na tanggap daw po kayo sa trabaho. Mali daw po kasi ang nakasulat na cellphone number sa biodata niyo, nang tumawag si Ate Lea ay iba ang sumagot. Eh, gustong-gusto kayo ni Ma’am Aubrey kaya inutusan ako na hanapin po kayo dito sa address niyo sa biodata.” Mahabang sabi ni manong.
Bigla akong natuod sa kinatatayuan ko. Hindi makapaniwala sa narinig na ako ang pinili para maging all-around maid ng isang Lucio Del Fiero...