"ANG sarap mo talagang magluto. Ang dami ng nakain ko. I'm so full," malawak ang ngiting wika ni Damon matapos nilang pagsaluhan ang niluto niyang sinigang na hipon. Hinaplos pa nito ang tiyan na mahinang ikinatawa ni Phoenix. "Salamat..." malawak ang ngiting pasasalamat niya sa binata bago siya tumayo at sinimulang dalhin sa sink ang mga platong ginamit nila. Tumayo rin si Damon para tulungan siya. Hinigop pa nito ang natirang sabaw ng sinigang sa mangkok nang makita nitong may natira pa bago nito ibinigay ang wala ng lamang mangkok sa kanya. "Ang sarap talaga. Puwede ka nang mag-asawa at puwede na rin kitang maging asawa," nakangising wika ni Damon bago siya kinindatan na inikutan lang niya ng mata. "Akala ko nagugutom ka lang kanina kaya kung ano-ano ang sinasabi mo pero busog ka na'